Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Ingatan ng Diyos
Katha(A) ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Huwag Mong Sirain”. Isang Miktam,[a] nang pamanmanan ni Saul ang kanyang bahay upang siya'y mapatay.
59 Sa aking kaaway,
iligtas mo ako, O aking Diyos;
ingatan mo ako kapag sila'y lumusob.
2 Sa masamang tao,
ako ay iligtas, at sa pumapatay
agawin mo ako at iyong ingatan.
3 Sila'y nag-aabang,
pagmasdan mo yaong taong mababagsik;
nagtipo't ang layon ako ay iligpit.
Ang dahilan nito,
di dahil sa ako'y may pagkakamali,
4 o may pagkukulang na ako ang sanhi;
O Diyos, masdan sila at nagdudumali.
5 Tulungan mo ako,
Yahweh, Makapangyarihang Diyos.
Ikaw ang magmasid, O Diyos ng Israel!
Ikaw ay gumising,
at ang mga bansa'y iyong parusahan;
yaong mga taksil, huwag mong kahabagan. (Selah)[b]
6 Pagdating ng gabi,
sila'y nagbabalik sa loob ng lunsod;
asong kumakahol ang nakakatulad
habang naglilibot.
7 Dinggin ang salita't
parang mga tabak ang dila ng bibig!
Ngunit nagtatanong:
“Sa amin ay sino ang makikinig?”
8 Ngunit ikaw, Yahweh,
tinatawanan mo't iyong kinukutya;
gayon ang gawa mo sa may salang bansa.
9 Ikaw, Panginoon,
ang aking Diyos, aking kalakasan;
ikaw ang muog ko at aking kanlungan.
10 Ako'y minamahal,
mahal ako ng Diyos, ako'y lalapitan
upang ipamalas ang kanyang paglupig sa mga kaaway.
11 Huwag mong papatayin,
nang di malimutan ng iyong mga lingkod.
Sa taglay mong lakas pangalatin sila at iyong isabog;
ikaw ang sanggalang, Yahweh, aming Diyos.
12 Sa kanilang labi'y
pawang kasamaan ang namumutawi;
sa pagmamataas, ang aking dalangin, sila ay mahuli,
pagkat sinungaling at sa pangungutya, sila'y nawiwili.
13 Wasakin mong lubos,
dahil sa iyong galit, ganap mong wasakin;
dito malalaman
ng lahat, na ika'y hari ng Israel,
at sa sansinukob ikaw ang hari din. (Selah)[c]
14 Pagdating ng gabi,
sila'y nagbabalik sa loob ng lunsod;
asong kumakahol ang nakakatulad
habang naglilibot.
15 Animo'y lagalag,
lakad lang nang lakad, pagkain ang hanap;
hindi masiyahan, kapag ang nakuha nila'y hindi sapat.
16 Ngunit aawit ako,
pagkat ang taglay mo'y pambihirang lakas,
sa tuwing umaga ang aawitin ko'y pag-ibig mong wagas;
pagkat ika'y muog, sa buhay kong ito,
at aking kanlungan kapag lugmok ako.
17 Pupurihin kita,
tagapagtanggol ko at aking kanlungan,
Diyos kong mapagmahal.
Ginawang Hari ng Israel si Jehu
9 Samantala, tinawag ni Propeta Eliseo ang isa sa mga propeta at inutusan, “Magbihis ka. Pumunta ka sa Ramot-gilead at dalhin mo ang langis na ito. 2 Pagdating doon, hanapin mo si Jehu na anak ni Jehoshafat at apo ni Nimshi. Sabihin mong iwan muna niya ang kanyang mga kasamahan at isama mo siya sa isang silid. 3 Doo'y ibuhos mo ang langis na ito sa kanyang ulo. Sabihin mong pinili siya ni Yahweh upang maging hari ng Israel. Pagkatapos, umalis ka na agad.”
4 Pumunta nga sa Ramot-gilead ang kabataang propeta. 5 Nadatnan niyang nagpupulong ang mga opisyal ng hukbo. Sinabi niya, “Napag-utusan po ako, mahal na pinuno.”
Si Jehu ang sumagot, “Sino sa amin ang kailangan mo?”
“Kayo po,” sagot ng propeta. 6 Tumindig(A) si Jehu at sumama sa propeta sa loob ng bahay.
Pagdating doon, ibinuhos niya sa ulo ni Jehu ang langis sabay sabi, “Ganito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: binubuhusan kita ngayon ng langis upang maging hari ng Israel na kanyang bayan. 7 Papatayin mo ang iyong hari na anak ni Ahab upang maipaghiganti ko kay Jezebel ang aking mga propeta at ang lahat ng lingkod ni Yahweh na kanyang pinatay. 8 Mauubos ang angkan ni Ahab at papatayin ko ang mga anak niyang lalaki sa Israel, maging alipin o malaya. 9 Gagawin ko sa pamilya niya ang ginawa ko sa pamilya ni Jeroboam na anak ni Nebat, at ni Baasa na anak ni Ahias. 10 Si(B) Jezebel ay lalapain ng mga aso sa kaparangan ng Jezreel at walang maglilibing sa kanya.” Pagkasabi nito, dali-daling umalis ang kabataang propeta.
11 Nang bumalik si Jehu sa kanyang mga kasamahan, tinanong siya ng mga ito, “Ano ang nangyari? Anong kailangan sa iyo ng luku-lukong iyon?”
Sinabi niya, “Alam na ninyo kung anong gusto ng luku-lukong iyon.”
12 “Ano nga ang sinabi niya?” tanong nila.
At sinabi niya, “Ganito ang sabi niya: ‘Inutusan ako ni Yahweh na buhusan kita ng langis upang ika'y maging hari ng Israel.’”
13 Pagkarinig nito'y dali-dali nilang inalis ang kanilang mga balabal at inilatag sa paanan ni Jehu. Hinipan nila ang trumpeta at saka sumigaw: “Mabuhay si Jehu! Mabuhay ang hari!”
Si Cristo ang Kapangyarihan at Karunungan ng Diyos
18 Ang mensahe tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus ay kahangalan para sa mga taong napapahamak, ngunit ito'y kapangyarihan ng Diyos para sa ating mga naliligtas. 19 Sapagkat(A) nasusulat,
“Sisirain ko ang karunungan ng marurunong
at gagawin kong walang saysay ang katalinuhan ng matatalino.”
20 Ano(B) ngayon ang kabuluhan ng marurunong, ng mga tagapagturo ng Kautusan, ng mahuhusay na debatista sa kapanahunang ito? Ipinapakita ng Diyos na ang karunungan ng sanlibutang ito ay pawang kahangalan lamang. 21 Sapagkat(C) ayon sa karunungan ng Diyos, hindi niya pinahintulutang siya'y makilala ng tao sa pamamagitan ng kanilang karunungan. Sa halip, minarapat niyang iligtas ang mga nagpapasakop sa kanya sa pamamagitan ng Magandang Balita na aming ipinapangaral, na sa tingin ng iba'y isang kahangalan. 22 Ang mga Judio'y humihingi ng himala bilang katunayan. Karunungan naman ang hinahanap ng mga Griego. 23 Ngunit ang ipinapangaral namin ay si Cristo na ipinako sa krus, na para sa mga Judio ay isang katitisuran at para sa mga Hentil ay isang kahangalan. 24 Subalit sa mga tinawag ng Diyos, maging Judio o maging Griego, si Cristo ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos. 25 Sapagkat ang inaakala nilang kahangalan ng Diyos ay karunungang higit pa sa karunungan ng tao, at ang inaakala nilang kahinaan ng Diyos ay kalakasang higit pa sa kalakasan ng tao.
26 Mga kapatid, alalahanin ninyo ang inyong katayuan noong kayo'y tawagin ng Diyos. Ayon sa pamantayan ng tao ay iilan lamang sa inyo ang matatawag na marunong, makapangyarihan at maharlika. 27 Subalit pinili ng Diyos ang mga naturingang hangal sa sanlibutan upang hiyain ang marurunong, at pinili niya ang mga naturingang mahihina upang hiyain ang malalakas. 28 Pinili niya ang mga pangkaraniwang tao, mga hinahamak, at mga mahihina sa sanlibutang ito upang ipawalang saysay ang mga kinikilala ng sanlibutan. 29 Kaya't walang sinumang makakapagmalaki sa harap ng Diyos. 30 Sa kanya nagmula ang buhay na taglay ninyo dahil sa pakikipag-isa ninyo kay Cristo Jesus na siyang ginawang karunungan natin. Sa pamamagitan din niya, tayo'y itinuring na matuwid, ginawang banal at iniligtas ng Diyos. 31 Kaya(D) nga, tulad ng nasusulat, “Ang sinumang nais magmalaki, ang ginawa ng Panginoon ang kanyang ipagmalaki.”
by