Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 77:1-2

Kaaliwan sa Panahon ng Bagabag

Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Mang-aawit na si Jeduthun.

77 Sa Diyos ako ay tumawag, at dumaing nang malakas,
    ganoon ang aking daing upang ako'y dinggin agad.
Hinanap ko'y Panginoon sa panahong may bagabag,
    hindi ako napagod, dumalangin na magdamag,
    ngunit di ko nasumpungan ang aliw kong hinahangad.

Mga Awit 77:11-20

11 Kaya aking babalikang gunitain ang ginawa,
    ang maraming ginawa mong tunay na kahanga-hanga.
12 Sa lahat ng ginawa mo, ako'y magbubulay-bulay,
    magbubulay-bulay ako, sa diwa ko at isipan.

13 Ang daan mo, Panginoon, ay tunay na daang banal,
    at wala nang ibang diyos na sa iyo'y ipapantay.
14 Ikaw ang Diyos na ang gawa'y tunay na kahanga-hanga,
    iyang kadakilaan mo'y nahayag na sa nilikha.
15 Dahilan sa iyong lakas, mga hirang mo'y natubos,
    ang lahat ng mga angkan ni Jose at ni Jacob. (Selah)[a]

16 Noong ikaw ay makita ng maraming mga tubig,
    pati yaong kalaliman ay natakot at nanginig.
17 Magmula sa mga ulap mga ulan
ay bumuhos,
    at mula sa papawirin, nanggaling ang mga kulog
    na katulad ay palasong sumisibat sa palibot.

18 Dagundong na gumugulong ang ingay na idinulot,
    ang guhit ng mga kidlat ay tanglaw sa sansinukob;
    pati mundo ay nayanig na para bang natatakot.
19 Ang landas mong dinaraana'y malawak na karagatan,
    ang daan mong tinatahak ay dagat na kalawakan;
    ngunit walang makakita ng bakas mong iniiwan.
20 Ikaw, O Diyos, ang nanguna sa bayan mong parang kawan,
    si Moises at si Aaron yaong iyong naging kamay!

2 Mga Hari 1:1-12

Si Elias at si Haring Ahazias ng Israel

Nang mamatay si Ahab, naghimagsik ang Moab laban sa Israel. Si Ahazias ay nahulog noon mula sa balkonahe sa bubungan ng palasyo niya sa Samaria at naging malubha ang kalagayan. Kaya nagpadala siya ng mga sugo sa Ekron upang isangguni sa diyos ng mga Filisteo na si Baalzebub kung gagaling pa siya o hindi.

Ngunit sinabi ng anghel ni Yahweh kay Elias na taga-Tisbe, “Salubungin mo ang mga sugo ng hari ng Samaria at itanong mo kung wala nang Diyos ang Israel at kay Baalzebub na diyos ng Ekron na siya sasangguni. Sabihin mong hindi na siya gagaling sa kanyang sakit. Iyon na ang ikamamatay niya.” At lumakad nga si Elias.

Nang magbalik ang mga inutusan ng hari, sila'y tinanong nito, “Bakit kayo bumalik?”

Sinabi nila, “May nasalubong po kaming tao. Pinabalik niya kami at ipinapatanong sa inyo kung wala nang Diyos ang Israel kaya kay Baalzebub na diyos ng Ekron na kayo sasangguni? Hindi na raw kayo gagaling. Mamamatay na raw kayo sa sakit ninyong iyan.”

“Ano ang hitsura ng taong nagsabi nito sa inyo?” tanong ng hari.

“Mabalahibo(A) po ang kanyang kasuotan at nakasinturon ng balat,” sagot nila.

“Si Elias iyon na taga-Tisbe,” sabi ng hari.

Ipinatawag ni Haring Ahazias ang isa niyang opisyal at ang limampung kawal nito upang dakpin si Elias. Natagpuan siya ng opisyal na nakaupo sa burol at sinabi nito, “Lingkod ng Diyos, ipinapatawag kayo ng hari.”

10 Sumagot(B) si Elias, “Kung ako nga'y lingkod ng Diyos, umulan sana ng apoy at sunugin ka, pati ang iyong limampung kawal.” Umulan nga ng apoy at nasunog ang opisyal at ang mga kawal nito.

11 Nagsugo muli si Haring Ahazias ng ibang opisyal na may kasama ring limampung kawal. Ipinasabi niya kay Elias, “Lingkod ng Diyos, magmadali kayo, ipinapatawag kayo ng hari.”

12 Ngunit sinabi ni Elias, “Kung ako nga'y lingkod ng Diyos, umulan sana ng apoy at sunugin ka, pati iyong limampung kawal.” Ang Diyos ay nagpaulan uli ng apoy at sinunog ang opisyal at ang mga kawal nito.

Galacia 4:8-20

Ang Pagmamalasakit ni Pablo sa mga Taga-Galacia

Noong hindi pa ninyo nakikilala ang Diyos, kayo'y alipin ng mga bagay na hindi totoong mga diyos. Ngunit ngayong nakikilala na ninyo ang Diyos, o mas tamang sabihin, ngayong nakikilala na kayo ng Diyos, bakit kayo bumabalik sa mga tuntuning walang bisa at walang halaga? Bakit gusto na naman ninyong paalipin sa mga iyon? 10 May itinatangi kayong mga araw, mga buwan, mga panahon at mga taon! 11 Nangangamba akong baka nasayang lamang ang pagpapagal ko para sa inyo.

12 Nakikiusap ako sa inyo mga kapatid, tularan ninyo ako, sapagkat ako'y naging katulad na ninyo. Wala kayong ginawang masama sa akin. 13 Alam naman ninyong ang pagkakasakit ko noon ang naging dahilan kaya ko ipinangaral sa inyo ang Magandang Balita. 14 Gayunman, hindi ninyo ako itinakwil o hinamak, kahit na naging pagsubok sa inyo ang aking karamdaman. Sa halip, tinanggap ninyo ako na parang anghel ng Diyos, at para pa ngang si Cristo Jesus! 15 Nasaan na ngayon ang kasiyahang iyon? Ako mismo ang makakapagpatotoo na kung maaari nga lamang pati ang inyong mga mata'y dudukitin ninyo at ibibigay sa akin noon. 16 Ngayon, ituturing ba ninyo akong kaaway dahil sa sinasabi ko sa inyo ang katotohanan?

17 Pinapahalagahan nga kayo ng mga taong iyan, ngunit hindi mabuti ang kanilang layunin. Nais lamang nila kayong ilayo sa akin upang sila ang inyong pahalagahan. 18 Hindi masama ang magpahalaga, kung mabuti ang layunin at hindi kung kaharap lamang ninyo ako! 19 Mga anak ko, dahil sa inyo'y minsan pa akong nagdaranas ng hirap tulad ng babaing nanganganak, hanggang sa ganap na mabuo si Cristo sa inyo. 20 Sana'y kasama ko kayo ngayon upang maiba ang tono ng aking pagsasalita sapagkat gulung-gulo ang isip ko tungkol sa inyo.