Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 85

Panalangin Upang Ibangong Muli ang Israel

Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.

85 Ikaw po, O Yahweh, naging mapagbigay sa iyong lupain,
    pinasagana mo't muling pinaunlad ang bansang Israel.
Yaong kasamaan ng mga anak mo'y nilimot mong tunay,
    pinatawad sila sa nagawa nilang mga kasalanan. (Selah)[a]

Ang taglay mong poot sa ginawa nila'y iyo nang inalis,
    tinalikdan mo na at iyong nilimot ang matinding galit.

Panumbalikin mo kami, Diyos ng aming kaligtasan,
    ang pagkamuhi sa amin ay iyo nang wakasan.
Ang pagkagalit mo at poot sa ami'y wala bang hangganan?
    Di na ba lulubag, di ba matatapos ang galit mong iyan?
Ibangon mo kami, sana'y ibalik mo ang nawalang lakas,
    at kaming lingkod mo ay pupurihin ka na taglay ang galak.
Kaya ngayon, Yahweh, ipakita mo na ang pag-ibig mong wagas.
    Kami ay lingapin at sa kahirapan ay iyong iligtas.
Aking naririnig mga pahayag na kay Yahweh nagmula;
    sinasabi niyang ang mga lingkod niya'y magiging payapa,
    kung magsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Ang nagpaparangal sa pangalan niya'y kanyang ililigtas,
    sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.

10 Ang katapatan at pag-ibig ay magdadaup-palad,
    ang kapayapaan at ang katuwira'y magsasamang ganap.
11 Sa balat ng lupa'y sadyang maghahari itong katapatan,
    mula sa itaas, maghahari naman itong katarungan.
12 Gagawing maunlad ng Diyos na si Yahweh itong ating buhay,
    ang mga halaman sa ating lupai'y bubungang mainam;
13 ang katarunga'y mauuna sa kanyang daraanan,
    kanyang mga yapak, magiging bakas na kanilang susundan.

Hosea 4

Ang Paratang ni Yahweh Laban sa Israel

Dinggin ninyo, mga taga-Israel, ang pahayag ni Yahweh,
    sapagkat may bintang siya laban sa inyo.
“Sa lupaing ito ay walang katapatan,
    walang pagmamahalan at walang pagkilala sa Diyos.
Sa halip ay laganap ang pagtutungayaw at pagsisinungaling,
    pagpatay, pagnanakaw at pangangalunya.
Nilalabag nila ang lahat ng batas
    at sunud-sunod ang mga pamamaslang.
Kaya't nagdadalamhati ang lupain,
    nalulumbay ang lahat ng naninirahan dito.
Halos malipol ang mga hayop sa parang,
    ang mga ibon sa papawirin,
    at ang mga isda sa dagat.

Ang Paratang ni Yahweh Laban sa mga Pari

“Gayunma'y huwag magbintang ang sinuman,
    at huwag usigin ang iba,
    sapagkat ang hinanakit ko'y laban sa inyo, mga pari.
Araw at gabi'y lagi kayong nabibigo,
    at ang propeta'y kasama ninyong bigo.
    Kaya't lilipulin ko ang Israel na inyong ina.
Nalipol ang aking bayan dahil sa kamangmangan;
    sapagkat itinakwil ninyo ang karunungan,
    itinatakwil ko rin kayo bilang pari.
At dahil kinalimutan ninyo ang kautusan ng inyong Diyos,
    kalilimutan ko rin ang inyong mga anak.

“Habang dumarami ang mga pari,
    lalo naman silang nagkakasala
    sa akin;
    kaya gagawin kong kahihiyan ang kanilang kadakilaan.
Yumayaman sila dahil sa kasalanan ng mga tao;
    nabubusog sila sa kasamaan ng aking bayan.
At gayon nga ang nangyayari, kung ano ang pari, gayundin ang bayan.
    Kaya't paparusahan ko sila at pagbabayarin,
    dahil sa kanilang kasamaan.
10 Sila'y kakain, ngunit hindi mabubusog;
    makikipagtalik sila sa mga babae sa templo, ngunit hindi sila magkakaanak;
sapagkat itinakwil nila si Yahweh
    at sila'y bumaling sa ibang mga diyos.”

Isinumpa ni Yahweh ang Pagsamba sa mga Diyus-diyosan

11 “Ang alak, luma man o bago,
    ay nakakasira ng pang-unawa.
12 Sumasangguni ang aking bayan sa diyus-diyosang kahoy; itinatanong nila sa haliging kahoy kung ano ang dapat gawin.
    Sinasagot sila sa pamamagitan ng tungkod.
Sila'y iniligaw ng masamang pamumuhay,
    at ipinagpalit nila sa kahalayan ang kanilang Diyos.
13 Nag-aalay sila ng mga handog na susunugin sa mga sagradong bundok,
    at nagsusunog ng mga handog sa ibabaw ng mga burol,
sumasamba sila sa ilalim ng mga ensina, alamo at roble,
    sapagkat mayabong ang mga ito at malawak ang lilim.
Kaya't nakikipagtalik kahit kanino ang iyong mga anak na dalaga,
    at nangangalunya naman ang mga manugang mong babae.
14 Gayunman, hindi ko paparusahan ang iyong mga anak na dalaga kahit sila'y magpakasama.
    Gayundin ang iyong mga manugang kahit na sila'y mangalunya;
sapagkat ang mga lalaki ay nakikipagtalik din sa mga babae sa templo,
    at kasama nilang naghahandog sa mga diyus-diyosan.
Ganyan winawasak ng mga taong hangal ang kanilang sarili.

15 “Bagaman ikaw ay nangalunya, O Israel,
    hindi naman kailangang papanagutin din ang Juda.
Huwag kang pumasok sa Gilgal,
    ni umakyat sa Beth-aven;[a]
    at huwag kang sumumpa ng, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy.’[b]
16 Matigas ang ulo ng Israel,
    tulad ng dumalagang baka.
Kaya't pakakainin pa ba sila ni Yahweh
    tulad ng mga tupang dinadala niya sa maluwang na pastulan?
17 Nakiisa sa mga diyus-diyosan ang Efraim;
    pabayaan mo na siya.
18 Bagaman ubos na ang kanilang alak, patuloy pa rin sila sa pangangalunya;
    higit nilang nais ang kahihiyan kaysa karangalan.
19 Tatangayin sila ng malakas na hangin,
    at mapapahiya sila nang labis dahil sa kanilang handog sa mga diyus-diyosan.

Mga Gawa 1:15-20

15 Makalipas ang ilang araw, nang nagkakatipon ang may isandaan at dalawampung mga kapatid, tumayo sa harap nila si Pedro at nagsalita, 16 “Mga kapatid, kailangang matupad ang sinasabi sa Kasulatan na ipinahayag ng Espiritu Santo sa pamamagitan ni David tungkol kay Judas na nanguna sa mga dumakip kay Jesus. 17 Si Judas ay kabilang sa amin at naging kasama namin sa paglilingkod.”

18 Ang(A) kabayaran sa kanyang pagtataksil ay ibinili niya ng lupa. Doon siya nahulog nang patiwarik at sumabog ang kanyang tiyan at lumabas ang kanyang bituka. 19 Nabalita iyon sa buong Jerusalem, kaya nga't ang lupang iyon ay tinawag na Akeldama sa kanilang wika, na ang kahulugan ay Bukid ng Dugo.

20 Sinabi(B) pa ni Pedro,

“Nasusulat sa Aklat ng mga Awit,
‘Ang tirahan niya'y tuluyang layuan,
    at huwag nang tirhan ninuman.’

Nasusulat din,

‘Gampanan ng iba ang kanyang
    tungkulin.’