Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 85

Panalangin Upang Ibangong Muli ang Israel

Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.

85 Ikaw po, O Yahweh, naging mapagbigay sa iyong lupain,
    pinasagana mo't muling pinaunlad ang bansang Israel.
Yaong kasamaan ng mga anak mo'y nilimot mong tunay,
    pinatawad sila sa nagawa nilang mga kasalanan. (Selah)[a]

Ang taglay mong poot sa ginawa nila'y iyo nang inalis,
    tinalikdan mo na at iyong nilimot ang matinding galit.

Panumbalikin mo kami, Diyos ng aming kaligtasan,
    ang pagkamuhi sa amin ay iyo nang wakasan.
Ang pagkagalit mo at poot sa ami'y wala bang hangganan?
    Di na ba lulubag, di ba matatapos ang galit mong iyan?
Ibangon mo kami, sana'y ibalik mo ang nawalang lakas,
    at kaming lingkod mo ay pupurihin ka na taglay ang galak.
Kaya ngayon, Yahweh, ipakita mo na ang pag-ibig mong wagas.
    Kami ay lingapin at sa kahirapan ay iyong iligtas.
Aking naririnig mga pahayag na kay Yahweh nagmula;
    sinasabi niyang ang mga lingkod niya'y magiging payapa,
    kung magsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Ang nagpaparangal sa pangalan niya'y kanyang ililigtas,
    sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.

10 Ang katapatan at pag-ibig ay magdadaup-palad,
    ang kapayapaan at ang katuwira'y magsasamang ganap.
11 Sa balat ng lupa'y sadyang maghahari itong katapatan,
    mula sa itaas, maghahari naman itong katarungan.
12 Gagawing maunlad ng Diyos na si Yahweh itong ating buhay,
    ang mga halaman sa ating lupai'y bubungang mainam;
13 ang katarunga'y mauuna sa kanyang daraanan,
    kanyang mga yapak, magiging bakas na kanilang susundan.

Hosea 1:11-2:15

11 Muling magkakasama ang mga taga-Juda at mga taga-Israel; itatalaga nila ang isang pinuno, at muli silang uunlad at magiging sagana sa kanilang lupain. Ang araw na iyon ay magiging isang dakilang araw sa Jezreel.

Kaya't tatawagin ninyo ang inyong mga kapwa Israelita na “Ammi”[a] at “Ruhama”.[b]

Ang Taksil na si Gomer—ang Taksil na Israel

Pakiusapan mo ang iyong ina, pakiusapan mo siya,
    sapagkat hindi ko na siya itinuturing na asawa,
    at wala na akong kaugnayan sa kanya.
Pakiusapan mo siyang itigil ang pangangalunya,
    at tigilan na ang kanyang kataksilan.
Kung hindi'y huhubaran ko siya
    tulad ng isang sanggol na bagong silang;
gagawin ko siyang tulad ng disyerto,
    tulad ng isang tigang na lupa,
    at hahayaan ko siyang mamatay sa uhaw.
Hindi ko kakahabagan ang kanyang mga anak,
    sapagkat sila ay mga anak sa pagkakasala.
Ang kanilang ina ay naging taksil na asawa;
    at siyang sa kanila'y naglihi ay naging kahiya-hiya.
Sinabi pa nga niya, “Susundan ko ang aking mga mangingibig,
    na nagbibigay ng aking pagkain at inumin,
    ng aking damit at balabal, langis at alak.”
Dahil dito, haharangan ko ng mga tinik ang kanyang mga landas;
    paliligiran ko siya ng pader,
    upang hindi niya matagpuan ang kanyang mga landas.
Hahabulin niya ang kanyang mga mangingibig,
    ngunit sila'y hindi niya maaabutan.
Sila'y kanyang hahanapin,
    ngunit hindi niya matatagpuan.
Kung magkagayon, sasabihin niya,
    “Babalik ako sa aking unang asawa,
    sapagkat higit na mabuti ang buhay ko sa piling niya noon kaysa kalagayan ko ngayon.”
Hindi niya kinilalang
    ako ang nagbigay sa kanya
    ng pagkaing butil, ng alak at ng langis.
Sa akin nanggaling ang pilak
    at ginto na ginagamit niya sa pagsamba kay Baal.
Kaya't babawiin ko
    ang pagkaing butil na aking ibinigay
    maging ang bagong alak sa kapanahunan nito.
Babawiin ko rin ang mga damit at balabal,
    na itinakip ko sa kanyang kahubaran.
10 Ngayo'y ilalantad ko ang kanyang kahubaran
    sa harapan ng kanyang mga mangingibig,
    walang makakapagligtas sa kanya mula sa aking mga kamay.
11 Wawakasan ko na ang lahat ng kanyang pagdiriwang,
    ang mga kasayahan at mga araw ng pangilin,
    gayundin ang lahat ng itinakda niyang kapistahan.
12 Sasalantain ko ang kanyang mga ubasan at mga punong igos,
    na sinasabi niyang upa sa kanya ng kanyang mga mangingibig.
Lahat ng iyan ay kakainin ng mga hayop,
    at masukal na gubat ang kauuwian.
13 Paparusahan ko siya dahil sa mga kapistahan, na kanyang ipinagdiwang sa karangalan ni Baal;
    nagsunog siya ng insenso sa mga diyus-diyosan,
nagsuot din siya ng mga singsing at alahas,
    pagkatapos ay humabol sa kanyang mga mangingibig,
    at ako'y kanyang nilimot, sabi ni Yahweh.

Ang Pag-ibig ni Yahweh sa Kanyang Bayan

14 “Ngunit masdan mo, siya'y muli kong susuyuin,
    dadalhin ko sa ilang,
    kakausapin nang buong giliw.
15 Doon(A) ay ibabalik ko sa kanya ang kanyang mga ubasan,
    at gagawin kong pinto ng pag-asa ang Libis ng Kaguluhan.
Tutugon naman siya tulad noong panahon ng kanyang kabataan,
    nang siya'y ilabas ko sa lupain ng Egipto.”

Lucas 8:22-25

Pinatigil ang Bagyo(A)

22 Isang araw, sumakay sa isang bangka si Jesus at ang kanyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa ibayo.” At ganoon nga ang ginawa nila. 23 Nang sila ay naglalayag na, nakatulog si Jesus. Bumugso ang isang malakas na unos at ang bangka ay pinasok ng tubig, kaya't sila'y nanganib na lumubog. 24 Nilapitan siya ng mga alagad at ginising. “Panginoon, Panginoon, mamamatay tayo!” sabi nila.

Bumangon si Jesus at sinaway ang hangin at ang malalaking alon. Tumahimik ang mga ito at bumuti ang panahon. 25 Pagkatapos, sinabi niya, “Nasaan ang inyong pananampalataya?”

Ngunit sila'y natakot at namangha. Sinabi nila sa isa't isa, “Sino kaya ito? Inuutusan niya pati ang hangin at ang tubig, at sinusunod naman siya ng mga ito!”