Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pangitain tungkol sa Isang Basket ng Prutas
8 Ipinakita naman sa akin ng Panginoong Yahweh ang isang basket ng prutas. 2 Sinabi niya, “Amos, ano ang nakikita mo?” “Isa pong basket ng prutas,” sagot ko. At sinabi sa akin ni Yahweh,
“Dumating na ang wakas[a] ng Israel.
Ang pagpaparusa sa kanila'y di ko na maipagpapaliban pa.
3 At sa araw na iyon, malulungkot na awitin ang maririnig sa palasyo.[b]
May mga bangkay na naghambalang sa labas
at maghahari ang katahimikan.”
Ang Kapahamakan ng Israel
4 Pakinggan ninyo ito, kayong sumisikil sa mga nangangailangan,
at kayong umaapi sa mga dukha.
5 Ang sabi ninyo sa inyong sarili,
“Inip na inip na kaming matapos ang mga araw ng pagdiriwang.
Hindi tuloy namin maipagbili ang aming mga inani.
Kailan ba matatapos ang Sabbath,
para maipagbili namin ang mga trigo?
Tataasan namin ang halaga, gagamit kami ng madayang takalan,
at dadayain namin sa timbang ang mga mamimili.
6 Bibilhin namin upang maging alipin ang mga mahihirap sa halagang isang pilak,
at ang mga nangangailangan ay sa halagang katumbas ng isang pares na sandalyas.
At ipagbibili namin ang ipa ng trigo.”
7 Sumumpa si Yahweh, ang Diyos ng Israel,
“Hindi ko na mapapatawad ang masasama nilang gawa.
8 Magkakaroon ng lindol sa lupa at mananangis ang bawat isa.
Mayayanig ang buong bayan; tataas-bababâ ito na tulad ng Ilog Nilo.”
9 Sa araw na iyon, sabi ng Panginoong Yahweh,
“Lulubog ang araw sa katanghaliang-tapat,
at magdidilim sa buong maghapon.
10 Ang iyong kapistahan ay gagawin kong araw ng kapighatian;
at ang masasayang awitin ninyo'y magiging panaghoy.
Pipilitin ko kayong magsuot ng panluksa,
at mapipilitan kayong mag-ahit ng ulo.
Matutulad kayo sa magulang na nagdadalamhati, dahil sa pagkamatay ng kaisa-isang anak.
Ang araw na iyon ay magiging mapait hanggang sa wakas.”
11 Sinabi ng Panginoong Yahweh,
“Darating din ang araw na papairalin ko sa lupain ang taggutom.
Magugutom sila ngunit hindi sa pagkain; mauuhaw sila ngunit hindi sa tubig,
kundi sa pakikinig ng aking mga salita.
12 Mula sa hilaga papuntang timog,
mula sa silangan hanggang sa kanluran,
hahanapin nila ang salita ni Yahweh,
subalit iyon ay hindi nila matatagpuan.
Ang Hatol at Habag ng Diyos
Maskil[a] (A) ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang si Doeg na isang Edomita ay nagpunta at magsumbong kay Saul na, “Si David ay nagpunta sa bahay ni Ahimelec”.
52 O taong malakas, bakit ka nagyabang
sa gawa mong mali?
Pag-ibig ng Diyos ang mamamalagi.
2 Balak mo'y wasakin
ang iba, ng iyong matalim na dila
ng pagsisinungaling.
3 Higit na matindi
ang iyong pag-ibig sa gawang masama,
higit na nais mo'y
kasinungalingan kaysa gawang tama. (Selah)[b]
4 Taong sinungaling
ang iba'y gusto mong saktan sa salita.
5 Kaya't wawasaki't
aal'sin ka ng Diyos sa loob ng tolda,
sa mundo ng buháy aalisin ka niya. (Selah)[c]
6 Ito'y makikita
ng mga matuwid, matatakot sila,
at ang sasabihing pawang nagtatawa:
7 “Masdan mo ang taong
sa Diyos di sumampalataya,
sa taglay niyang yaman nanangan
at nagpakalakas sa kanyang kasamaan.”
8 Kahoy na olibo
sa tabi ng templo, ang aking katulad;
nagtiwala ako
sa pag-ibig ng Diyos na di kumukupas.
9 Di ako titigil
ng pasasalamat sa iyong ginawa,
ang kabutihan mo'y
ipahahayag ko, kasama ng madla.
Ang Likas at Gawain ni Cristo
15 Si(A) Cristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita. Siya ang panganay na anak at pangunahin sa lahat ng mga nilikha. 16 Sapagkat sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi, pati ang mga espirituwal na kapangyarihan, paghahari, pamamahala, at pamumuno. Ang lahat ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya. 17 Siya ang una sa lahat, at ang buong sansinukob ay nananatiling nasa kaayusan sa pamamagitan niya. 18 Siya(B) ang ulo ng iglesya na kanyang katawan. Siya ang pasimula, siya ang panganay na binuhay mula sa kamatayan, upang siya'y maging pangunahin sa lahat. 19 Sapagkat minarapat ng Diyos na ang buo niyang kalikasan ay manatili sa Anak, 20 at(C) sa pamamagitan ng Anak, niloob ng Diyos na ang lahat ng bagay, maging sa langit o sa lupa ay ipagkasundo sa kanya. Nakamtan ang kapayapaan sa pamamagitan ng dugo ng kanyang Anak na inialay sa krus.[a]
21 Dati, kayo'y malayo sa Diyos at naging kaaway niya dahil sa inyong paggawa at pag-iisip ng masasama. 22 Ngunit naging tao ang Anak ng Diyos at sa pamamagitan ng kanyang pagkamatay ay ipinagkasundo kayo sa Diyos. Nang sa gayon ay maiharap niya kayong banal, walang kapintasan at walang dungis. 23 Subalit kailangan ninyong manatiling tapat at matatag sa inyong pananampalataya at huwag pabayaang mawala ang pag-asang dulot ng Magandang Balita na inyong narinig. Niloob ng Diyos na akong si Pablo ay maging lingkod para sa Magandang Balitang ito na ipinangaral sa lahat ng tao sa buong daigdig.
Si Pablo'y Naglingkod sa Iglesya
24 Nagagalak ako sa aking paghihirap alang-alang sa inyo, sapagkat sa pamamagitan nito'y naipagpapatuloy ko ang paghihirap na kailangan pang gawin ni Cristo para sa iglesya na kanyang katawan. 25 Ako'y naging lingkod nito nang piliin ako ng Diyos upang ipahayag sa inyo ang kanyang salita, 26 ang hiwaga na sa mahabang panahon ay inilihim sa maraming sali't saling lahi, ngunit ngayo'y inihayag na sa kanyang mga hinirang. 27 Niloob ng Diyos na ihayag sa kanila kung gaano kadakila ang kamangha-manghang hiwagang ito para sa mga Hentil na walang iba kundi si Cristo na nasa inyo. Siya ang ating pag-asa na tayo'y makakabahagi sa kaluwalhatian ng Diyos. 28 Iyan ang dahilan kung bakit ipinapangaral namin si Cristo. Ang lahat ay aming binabalaan at tinuturuan nang may buong kaalaman upang maiharap namin sa Diyos ang bawat isa nang ganap at walang kapintasan dahil sa kanilang pakikipag-isa kay Cristo.
Dumalaw si Jesus kina Martha at Maria
38 Si(A) Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpatuloy sa kanilang paglalakbay, at pumasok sa isang nayon. Malugod silang tinanggap sa tahanan ni Martha. 39 May kapatid siyang si Maria na naupo sa may paanan ng Panginoon upang makinig sa kanyang itinuturo. 40 Si Martha naman ay abalang-abala sa paghahanda, kaya't lumapit siya kay Jesus at nagsabi, “Panginoon, balewala po ba sa inyo na pinababayaan ako ng kapatid kong maghanda nang nag-iisa? Sabihan nga po ninyo siyang tulungan naman ako.”
41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay, 42 ngunit iisa lamang ang kailangan.[a] Pinili ni Maria ang mabuti at ito'y hindi aalisin sa kanya.”
by