Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Pagpapasalamat
Katha ni David; isang Awit para sa pagtatalaga ng Templo.
30 Pinupuri kita, Yahweh, pagkat ako'y iyong iniligtas,
mga kaaway ko'y di mo hinayaang magmataas.
2 Sa iyo, Yahweh, aking Diyos, ako'y dumaing,
at ako nama'y iyong pinagaling.
3 Hinango mo ako mula sa libingan,
at mula sa hukay, ako'y muli mong binuhay.
4 Purihin si Yahweh, siya'y inyong awitan,
ninyong bayang hinirang, siya ay pasalamatan,
pasalamatan ninyo ang banal niyang pangalan!
5 Ang kanyang galit, ito'y panandalian,
ngunit panghabang-buhay ang kanyang kabutihan.
Sa buong magdamag, luha ma'y pumatak,
pagsapit ng umaga, kapalit ay galak.
6 Sinabi ko sa sarili pagkat ako'y panatag,
“Kailanma'y hindi ako matitinag.”
7 Kay buti mo, Yahweh, ako'y iyong iningatan,
tulad sa isang muog sa kabundukan.
Ngunit natakot ako, nang ako'y iyong iwan.
8 Sa iyo, Yahweh, ako'y nanawagan,
nagsumamo na ako ay tulungan:
9 “Anong halaga pa kung ako'y mamamatay?
Anong pakinabang kung malibing sa hukay?
Makakapagpuri ba ang mga walang buhay?
Maipapahayag ba nila ang iyong katapatan?
10 Pakinggan mo ako, Yahweh, at kahabagan,
O Yahweh, ako po sana'y tulungan!”
11 Pinawi mo itong aking kalungkutan, pinalitan mo ng sayaw ng kagalakan!
Pagluluksa ko ay iyong inalis,
kaligayahan ang iyong ipinalit.
12 Aawit sa iyo ng papuri at hindi ako tatahimik,
O Yahweh, aking Diyos, pasasalamat ko'y walang patid.
32 Nagtuloy si Eliseo sa kanyang silid at nakita niya ang bangkay sa kanyang higaan. 33 Isinara niya ang pinto at nanalangin kay Yahweh. 34 Dinapaan(A) niya ang bangkay at hinawakan ang mga kamay nito. Pagkatapos, itinapat niya sa bibig at mata ng bangkay ang kanyang bibig at mata. At unti-unting uminit ang bangkay. 35 Tumayo si Eliseo at nagpabalik-balik sa loob ng silid. Muli niyang dinapaan ang bangkay. At ang bata'y bumahin nang pitong beses, saka idinilat ang mga mata. 36 Ipinatawag niya kay Gehazi ang Sunamita at nang pumasok ito, sinabi niya, “Kunin mo na ang iyong anak.” 37 Ang babae'y nagpatirapa sa paanan ni Eliseo. Pagkatapos, kinuha ang kanyang anak at dinala sa kanyang silid.
Isinugo ang Labindalawa(A)
9 Tinipon ni Jesus ang Labindalawa at binigyan sila ng kapangyarihan at karapatang magpalayas ng mga demonyo at magpagaling ng mga may sakit. 2 Isinugo sila ni Jesus upang mangaral tungkol sa kaharian ng Diyos at upang magpagaling ng mga maysakit. 3 Sila'y(B) pinagbilinan niya, “Huwag kayong magbabaon ng anuman sa inyong paglalakbay, kahit tungkod, balutan, tinapay, salapi, o bihisan man. 4 Makituloy kayo sa sinumang tumanggap sa inyo, at manatili kayo sa bahay nito hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. 5 Kung(C) hindi naman kayo tanggapin ng mga tao sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa bilang babala laban sa kanila.”
6 Kaya't humayo ang mga alagad at pumunta sa mga nayon. Ipinangaral nila ang Magandang Balita at pinagaling ang mga maysakit sa lahat ng dako.
by