Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit sa Araw ng Kapistahan
Katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[a]
81 Masiglang awitan ang Tagapagligtas, itong Diyos ni Jacob, awitang may galak.
10 Ako ay si Yahweh, ako ang Diyos mo,
ako ang tumubos sa iyo sa Egipto;
pagkaing gustuhin ibibigay ko sa iyo.
11 “Ngunit ang bayan ko'y hindi ako pansin,
di ako sinunod ng bayang Israel,
12 sa tigas ng puso, aking hinayaang
ang sarili nilang gusto'y siyang sundan.
13 Ang tangi kong hangad, sana ako'y sundin,
sundin ang utos ko ng bayang Israel;
14 ang kaaway nila'y aking lulupigin,
lahat ng kaaway agad lilipulin.
15 Silang namumuhi't sa aki'y napopoot, ay magsisiyuko sa laki ng takot,
ang parusa nila'y walang pagkatapos.
16 Ngunit ang mabuting bunga nitong trigo, ang siyang sa inyo'y ipapakain ko;
at ang gusto ninyong masarap na pulot, ang siyang sa inyo'y aking idudulot.”
Ang Pag-iingat ng Diyos sa Israel
2 Sinabi sa akin ni Yahweh 2 na pumunta ako sa Jerusalem at ipahayag ito sa lahat ng naroroon:
“Natatandaan ko ang iyong katapatan noong bata ka pa,
ang iyong pagmamahal nang tayo'y ikasal;
sinundan mo ako sa gitna ng disyerto,
sa gitna ng lupaing walang tanim na anuman.
3 Ikaw, Israel, ay para kay Yahweh,
ang pinakamainam na bahagi ng kanyang ani;
pahihirapan ang sinumang mananakit sa iyo;
darating sa kanila ang mga kaguluhan.
Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.”
Ang Ibinunga ng Pagtataksil ng Israel
14 “Hindi alipin ang Israel nang siya'y isilang.
Ngunit bakit siya pinaghahanap ng kanyang mga kaaway?
15 Sila'y parang mga leong umaatungal
habang winawasak ang lupain;
giniba ang kanyang mga lunsod kaya't wala nang naninirahan doon.
16 Binasag ng mga taga-Memfis at taga-Tafnes ang kanyang bungo.
17 Ikaw na rin, Israel, ang dapat sisihin sa nangyari sa iyo!
Tinalikdan mo ako na iyong Diyos,
akong si Yahweh na umakay sa iyong mga paglalakbay.
18 Ano ang mapapala mo sa pagpunta sa Egipto?
Ang makainom ng tubig sa Ilog Nilo?
Ano ang inaasahan mong makukuha sa Asiria?
Ang makainom ng tubig sa Ilog Eufrates?
19 Paparusahan ka ng sarili mong kasamaan.
Ipapahamak ka ng iyong pagtalikod sa akin.
Mararanasan mo kung gaano kapait at kahirap
ang mawalan ng takot at tumalikod kay Yahweh na iyong Diyos.
Ako, ang Panginoong Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat,
ang nagsasabi nito.
Ayaw Sambahin ng Israel si Yahweh
20 “Matagal mo nang itinakwil ang kapangyarihan ko, Israel,
at ako'y ayaw mong sundin
sapagkat ang sabi mo, ‘Hindi ako maglilingkod.’
Ngunit sa ibabaw ng bawat mataas na burol,
at sa lilim ng bawat mayabong na punongkahoy,
ikaw ay sumamba sa mga diyus-diyosan, gaya ng babaing nagbebenta ng sarili.
21 Maganda ka noon nang aking itanim,
mula sa pinakamalusog na binhi ng ubas.
Tingnan mo ngayon ang naging buhay mo!
Para kang ubas na ligaw, nabubulok ang bunga at walang pakinabang!
22 Kahit maghugas ka pa, at gumamit ng pinakamatapang na sabon,
mananatili pa rin ang mantsa ng iyong kasalanan;
hindi mo iyan maitatago sa akin,
ang Panginoong Yahweh ang nagsasalita.
Ang Kahilingan ng Ina nina Santiago at Juan(A)
20 Lumapit kay Jesus ang asawa ni Zebedeo, kasama ang dalawa niyang anak na lalaki. Lumuhod siya sa harapan ni Jesus upang sabihin ang kanyang kahilingan.
21 “Ano ang gusto mo?” tanong ni Jesus.
Sumagot siya, “Kapag naghahari na po kayo, paupuin ninyo sa inyong tabi ang dalawa kong anak, isa sa kanan at isa sa kaliwa.”
22 “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi,” sabi ni Jesus sa kanila. “Kaya ba ninyong tiisin ang hirap na malapit ko nang danasin?”
“Opo,” tugon nila.
23 At sinabi ni Jesus, “Daranasin nga ninyo ang hirap na titiisin ko. Ngunit wala sa akin ang pagpapasya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga upuang iyo'y para sa pinaglalaanan ng aking Ama.”
24 Nang marinig ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. 25 Dahil(B) dito, pinalapit ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Alam ninyo na ang mga pinuno ng mga Hentil ay itinataas ang kanilang sarili bilang mga panginoon sa kanila, at ang kagustuhan ng mga nasa kapangyarihan ang siyang nasusunod. 26 Hindi(C) ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, kung nais ninyong maging dakila, dapat kayong maging lingkod sa iba, 27 at kung sinuman sa inyo ang nagnanais maging una, ay dapat maging alipin ninyo. 28 Sapagkat maging ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ialay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng marami.”
by