Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Magtamo ng Katarungan
10 O Yahweh, bakit masyado kang malayo?
Sa panahon ng gulo, bakit ka nagtatago?
2 Inaapi ang mga dukha ng palalo't walang-awa;
nawa'y sila ang mahuli sa patibong nilang gawa.
3 Ipinagyayabang ng masasama ang kanilang mga hangarin;
si Yahweh ay nilalait at sinusumpa ng mga sakim.
4 Ang sabi ng masasamang tao, “Diyos ay walang pakialam,”
sabi nila'y “walang Diyos,” dahil sa kanilang kahambugan.
5 Ang masasama'y palaging nagtatagumpay;
ang hatol ng Diyos ay di nila nauunawaan,
palagi nilang tinutuya ang kanilang mga kaaway.
6 Sinasabi nila sa sarili, “Hindi kami mabibigo;
kaguluhan sa buhay, hindi namin matatamo.”
7 Namumutawi(A) sa bibig nila'y sumpa, banta at pandaraya,
dila nila'y laging handa sa marumi't masamang pananalita.
8 Sa mga nayon sila'y nag-aabang,
upang paslangin ang walang kamalay-malay.
9 Para silang leon na nasa taguan,
mga kawawang dukha'y inaabangan,
hinuhuli ang mga ito sa kanilang bitag,
at pagkatapos ay kinakaladkad.
10 Dahan-dahan silang gumagapang,
upang biktimahin ang mga mahihina.
11 Ganito ang sabi ng masasama, “Ang Diyos ay walang pakialam!
Mata niya'y nakapikit, di niya ako mapagmamasdan.”
12 Gumising ka, O Yahweh, at ang masasama'y parusahan,
silang mga naghihirap ay huwag mong kalimutan!
13 Bakit hinahayaan ng Diyos na hamakin siya ng masasama,
na nagsasabing ang parusahan sila'y di raw niya magagawa?
14 Subalit nakikita mo ang hirap at kaapihan,
at ikaw ay palaging handang dumamay.
Ang mga kapus-palad ay sa iyo lang umaasa,
sa tuwina'y sumasaklolo ka sa mga ulila.
15 Mga braso ng masasama'y iyong baliin,
parusahan mo sila't kasamaa'y sugpuin.
16 Naghahari si Yahweh magpakailanpaman,
mga bansang may ibang Diyos, sa lupa'y mapaparam.
17 Papakinggan mo, Yahweh, ang dalangin ng mga hamak,
patatatagin mo ang loob ng mga kapus-palad.
18 Ipagtatanggol mo ang mga api at mga ulila,
upang wala nang taong mananakot ng kapwa.
Ang Pagsuway ng mga Tao
16 Sinabi ni Yahweh, “Huwag mong ipapanalangin ang mga taong ito, Jeremias. Huwag kang mananangis para sa kanila o magmamakaawa sapagkat hindi kita papakinggan. 17 Tingnan mo ang kanilang ginagawa sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem. 18 Nangunguha(A) ng panggatong ang kanilang mga anak, nagpaparikit ng apoy ang kalalakihan, at nagluluto ng tinapay ang kababaihan upang ihandog sa diyus-diyosang tinatawag nilang reyna ng kalangitan. Naghahandog din sila ng mga inumin sa ibang diyos, upang saktan ang aking kalooban. 19 Subalit ako bang talaga ang kanilang sinasaktan? Hindi, manapa'y ang kanilang sarili ang sinasaktan nila at inilalagay sa kahihiyan. 20 Kaya nga, ibubuhos ko sa lugar na ito ang aking galit at poot. Madadamay sa ipapataw kong parusa ang mga tao, mga hayop, at pati mga punongkahoy at mga halaman. Ang aking poot ay gaya ng apoy na walang sinumang makakapatay.
21 “Mabuti pa'y kainin na lamang ninyong lahat ang inyong mga handog na susunugin, kasama ng mga handog na pinagsasaluhan. Ako, si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi nito. 22 Nang ilabas ko sa Egipto ang inyong mga magulang, hindi ko iniutos sa kanila ang tungkol sa mga handog na susunugin o iba pang handog. 23 Subalit inutusan ko silang sumunod sa akin upang sila'y maging aking bayan at ako naman ang kanilang magiging Diyos. Sinabi kong mamuhay sila ayon sa ipinag-uutos ko, at magiging maayos ang kanilang buhay. 24 Ngunit hindi sila sumunod; ayaw nilang makinig sa akin. Sa halip, ginawa nila ang bawat maibigan at lalo pa silang nagpakasama, sa halip na magpakabuti. 25 Mula nang umalis sa Egipto ang inyong mga magulang hanggang sa araw na ito, patuloy akong nagpapadala ng aking mga lingkod, ang mga propeta. 26 Subalit hindi ninyo sila pinakinggan ni pinahalagahan. Nagmatigas kayo at masahol pa ang ginawa ninyo kaysa ginawa ng inyong mga magulang.
Ang Mensahe para sa Iglesya sa Filadelfia
7 “Isulat(A) mo sa anghel ng iglesya sa Filadelfia:
“Ito ang sinasabi ng banal at mapagkakatiwalaan, ang may hawak ng susi ni David. Walang makakapagsara ng anumang binubuksan niya, at walang makakapagbukas ng anumang sinasarhan niya. 8 Alam ko ang mga ginagawa mo. Alam kong kaunti lamang ang iyong kakayahan ngunit sinunod mo ang aking salita, at naging tapat ka sa akin. Kaya't binuksan ko para sa iyo ang isang pinto na hindi maisasara ninuman. 9 Tingnan(B) mo! Palalapitin ko sa iyo at paluluhurin ang mga kampon ni Satanas na nagpapanggap na mga Judio ngunit hindi naman, at sa halip ay nagsisinungaling. Malalaman nilang minamahal kita. 10 Sapagkat tinupad mo ang aking utos na magtiis, iingatan naman kita sa panahon ng pagsubok na darating sa lahat ng tao sa buong daigdig! 11 Darating ako sa lalong madaling panahon. Kaya't ingatan mo kung ano ang nasa iyo upang hindi maagaw ninuman ang iyong gantimpala. 12 Ang(C) magtatagumpay ay gagawin kong isang haligi sa templo ng aking Diyos, at hinding-hindi na siya lalabas doon. Isusulat ko sa kanya ang pangalan ng aking Diyos, at ang pangalan ng kanyang lungsod. Ito ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit buhat sa aking Diyos. Isusulat ko rin sa kanya ang aking bagong pangalan.
13 “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!”
by