Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Magtamo ng Katarungan
10 O Yahweh, bakit masyado kang malayo?
Sa panahon ng gulo, bakit ka nagtatago?
2 Inaapi ang mga dukha ng palalo't walang-awa;
nawa'y sila ang mahuli sa patibong nilang gawa.
3 Ipinagyayabang ng masasama ang kanilang mga hangarin;
si Yahweh ay nilalait at sinusumpa ng mga sakim.
4 Ang sabi ng masasamang tao, “Diyos ay walang pakialam,”
sabi nila'y “walang Diyos,” dahil sa kanilang kahambugan.
5 Ang masasama'y palaging nagtatagumpay;
ang hatol ng Diyos ay di nila nauunawaan,
palagi nilang tinutuya ang kanilang mga kaaway.
6 Sinasabi nila sa sarili, “Hindi kami mabibigo;
kaguluhan sa buhay, hindi namin matatamo.”
7 Namumutawi(A) sa bibig nila'y sumpa, banta at pandaraya,
dila nila'y laging handa sa marumi't masamang pananalita.
8 Sa mga nayon sila'y nag-aabang,
upang paslangin ang walang kamalay-malay.
9 Para silang leon na nasa taguan,
mga kawawang dukha'y inaabangan,
hinuhuli ang mga ito sa kanilang bitag,
at pagkatapos ay kinakaladkad.
10 Dahan-dahan silang gumagapang,
upang biktimahin ang mga mahihina.
11 Ganito ang sabi ng masasama, “Ang Diyos ay walang pakialam!
Mata niya'y nakapikit, di niya ako mapagmamasdan.”
12 Gumising ka, O Yahweh, at ang masasama'y parusahan,
silang mga naghihirap ay huwag mong kalimutan!
13 Bakit hinahayaan ng Diyos na hamakin siya ng masasama,
na nagsasabing ang parusahan sila'y di raw niya magagawa?
14 Subalit nakikita mo ang hirap at kaapihan,
at ikaw ay palaging handang dumamay.
Ang mga kapus-palad ay sa iyo lang umaasa,
sa tuwina'y sumasaklolo ka sa mga ulila.
15 Mga braso ng masasama'y iyong baliin,
parusahan mo sila't kasamaa'y sugpuin.
16 Naghahari si Yahweh magpakailanpaman,
mga bansang may ibang Diyos, sa lupa'y mapaparam.
17 Papakinggan mo, Yahweh, ang dalangin ng mga hamak,
patatatagin mo ang loob ng mga kapus-palad.
18 Ipagtatanggol mo ang mga api at mga ulila,
upang wala nang taong mananakot ng kapwa.
Si Jeremias ay Nangaral sa Templo
7 1-2 Pinapunta ni Yahweh si Jeremias sa pintuan ng Templo, at ipinasabi ang ganito: “Makinig kayo, mga taga-Juda na nagkakatipon dito upang sumamba kay Yahweh. 3 Pakinggan ninyo ang mensahe ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel! Baguhin ninyo ang inyong pamumuhay at ang inyong ginagawa at kayo'y papayagan kong manatili rito.” 4 Huwag ninyong dayain ang inyong sarili sa paulit-ulit na pagsasabing: ‘Ito ang Templo ni Yahweh, ang Templo ni Yahweh, ang Templo ni Yahweh!’ Hindi kayo maililigtas ng mga salitang iyan.
5 “Magbagong-buhay na kayo at iwan na ang dati ninyong ginagawa. Maging makatarungan kayo sa isa't isa. 6 Huwag ninyong aapihin ang mga dayuhan, mga ulila, at mga balo. Tigilan na ninyo ang pagpatay sa mga walang kasalanan sa lugar na ito. Talikdan na ninyo ang pagsamba sa mga diyus-diyosan, sapagkat ito ang magiging dahilan ng inyong kapahamakan. 7 Kapag sinunod ninyo ito, pahihintulutan ko kayong manatili sa lupaing ito na ibinigay ko sa inyong mga magulang upang maging tirahan ninyo magpakailanman.
8 “Bakit kayo nagtitiwala sa mga salitang walang kabuluhan? 9 Nagnanakaw kayo, pumapatay, nangangalunya, nanunumpa sa hindi katotohanan, naghahandog kay Baal, at sumasamba sa mga diyus-diyosang hindi ninyo nakikilala. 10 Ginawa ninyo ang aking kinamumuhian at pagkatapos, haharap kayo sa akin, sa aking Templo at sasabihin ninyo, ‘Ligtas kami rito!’ 11 Bakit?(A) Ang tahanan bang ito'y mukhang lungga ng mga magnanakaw? Nakikita ko ang ginagawa ninyo. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito. 12 Pumunta(B) kayo sa Shilo, ang lugar na una kong pinili upang ako'y sambahin ninyo. Tingnan ninyo ang ginawa ko sa lugar na iyon dahil sa mga kasalanan ng aking bayang Israel. 13 At ngayon, ginawa rin ninyo ang mga kasalanang iyon. Paulit-ulit ko kayong pinaalalahanan, ngunit ayaw ninyong makinig. Hindi ninyo pinansin ang aking panawagan. 14 Kaya naman, ang ginawa ko sa Shilo ay gagawin ko rin sa Templong ito na labis ninyong pinagtiwalaan. Wawasakin ko ang lugar na ito na ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga magulang, gaya ng ginawa ko sa Shilo. 15 Palalayasin ko kayo sa harap ko, tulad ng ginawa ko sa inyong mga kapatid, sa angkan ni Efraim.”
Kapahingahan para sa Sambahayan ng Diyos
7 Kaya't(A) tulad ng sinabi ng Espiritu Santo,
“Kapag ngayon ang tinig ng Diyos ay narinig ninyo,
8 huwag patigasin ang inyong mga puso,
tulad noong maghimagsik ang inyong mga ninuno, doon sa ilang nang subukin nila ako.
9 Ako ay tinukso't doon ay sinubok ng inyong mga magulang,
bagama't nakita nila ang mga ginawa ko sa loob ng apatnapung taon.
10 Kaya't napoot ako sa kanila at sinabi ko,
‘Lagi silang lumalayo sa akin,
ang mga utos ko'y ayaw nilang sundin.’
11 At sa galit ko,
‘Ako ay sumumpang hindi nila kakamtin ang kapahingahan sa aking ipinangakong lupain.’”
12 Mga kapatid, ingatan ninyong huwag magkaroon ang sinuman sa inyo ng pusong masama at walang pananampalataya, na siyang maglalayo sa inyo sa Diyos na buháy. 13 Sa halip, magpaalalahanan kayo araw-araw, habang ang panahon ay matatawag pang “Ngayon” upang walang sinumang madaya sa inyo ng kasalanan at sa gayo'y maging matigas ang puso. 14 Sapagkat tayong lahat ay kasama ni Cristo sa gawain, kung mananatiling matatag hanggang sa wakas ang ating pananalig na ating ipinakita noong tayo'y unang sumampalataya.
15 Ito(B) nga ang sinasabi sa kasulatan,
“Kapag narinig ninyo ngayon ang tinig ng Diyos,
huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso,
tulad noong kayo'y maghimagsik sa Diyos.”
16 Sino(C) ang naghimagsik laban sa Diyos kahit na narinig nila ang kanyang tinig? Hindi ba't ang lahat ng inilabas ni Moises mula sa Egipto? 17 At kanino nagalit ang Diyos sa loob ng apatnapung taon? Hindi ba't sa mga nagkasala at patay na nabuwal sa ilang? 18 At sino ang tinutukoy niya nang kanyang sabihin, “Hinding-hindi sila makakapagpahinga sa piling ko”? Hindi ba't ang mga taong ayaw sumunod? 19 Maliwanag kung ganoon na hindi sila nakapasok sa lupang pangako dahil sa kawalan ng pananampalataya.
4 Kaya nga habang nananatili ang pangako ng Diyos, na tayo'y makakapasok sa kapahingahang sinabi niya, mag-ingat kayo at baka mayroon sa inyong hindi makatanggap ng pangakong ito. 2 Sapagkat tulad nila'y napakinggan din natin ang Magandang Balita, ngunit hindi nila pinakinabangan ang balitang kanilang narinig dahil hindi nila ito tinanggap nang may pananampalataya. 3 Tayong(D) mga sumampalataya ay tumatanggap ng kapahingahang ipinangako. Ito'y ayon sa kanyang sinabi,
“Sa galit ko'y aking isinumpa,
‘Hindi sila makakapasok sa lupain ng kapahingahang aking ipinangako.’”
Sinabi niya ito kahit tapos na niya ang kanyang mga gagawin mula nang likhain ang sanlibutan. 4 Sapagkat(E) sinasabi sa isang bahagi ng kasulatan ang ganito tungkol sa ikapitong araw, “At sa ikapitong araw, nagpahinga ang Diyos sa kanyang paglikha.” 5 At(F) muli pang sinabi, “Hindi sila makakapasok sa lupain ng kapahingahang aking ipinangako.” 6 Ang mga unang nakarinig ng Magandang Balita ay hindi nakapasok sa lupain ng kapahingahan dahil hindi sila sumampalataya. Ngunit may mga inaanyayahan pa ring pumasok sa lupaing iyon ng kapahingahan. 7 Kaya't(G) muling nagtakda ang Diyos ng isa pang araw na tinawag niyang “Ngayon”. Pagkalipas ng mahabang panahon, sinabi sa pamamagitan ni David sa kasulatang nabanggit,
“Ngayon, kapag narinig ninyo ang tinig ng Diyos,
huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso.”
8 Kung(H) ang mga tao noon ay nabigyan ni Josue ng lubos na kapahingahan, hindi na sana ipinangako pa ng Diyos ang tungkol sa isa pang araw ng kapahingahan. 9 Kung paanong nagpahinga ang Diyos sa ikapitong araw, mayroon ding kapahingahang nakalaan sa mga taong sumasampalataya sa Diyos, 10 sapagkat(I) ang sinumang makapasok sa lupain ng kapahingahang ipinangako ng Diyos ay magpapahinga rin sa kanyang pagpapagal, tulad ng Diyos na nagpahinga sa kanyang paglikha. 11 Kaya't sikapin nating makamtan ang kapahingahang iyon at huwag mabigong tulad ng mga hindi sumasampalataya.
by