Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Iligtas
Upang(A) Awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng Shushan Eduth.[a] Isang Miktam ni David, upang magamit sa pagtuturo, nang siya'y nakikipagdigma laban sa mga Arameong mula sa Naharaim at Zoba, at nang mapatay ni Joab sa kanyang pagbabalik ang 12,000 Edomita sa Libis ng Asin.
60 Kami'y iyong itinakwil, O Diyos, kami ay nilupig,
kami sana'y balikan mo kung ikaw man ay nagalit.
2 Yaong lupang sinaktan mo'y nanginginig na lupain,
bago lubos na mawasak, gamutin mo't pagalingin.
3 Labis na ang paghihirap nitong iyong mga lingkod,
lasing kami't langung-lango sa alak na iyong dulot.
4 Silang mga sumasamba, O Diyos, iyong hinudyatan,
upang sila'y makatakas sa kamay nitong kalaban. (Selah)[b]
5 Ang dalangin nami'y dinggin, sa lakas mo ay iligtas,
upang sila na mahal mo'y mahango sa paghihirap.
6 Sinabi nga nitong Diyos mula sa dako niyang banal,
“Hahatiin ko ang Shekem tanda ng pagtatagumpay;
ibibigay ko ang Sucot sa lingkod ko't mga hirang.
7 Ang Gilead at Manases, ang lugar na yao'y akin;
ang helmet na gagawin ko ay ang dako ng Efraim;
samantalang itong Juda ay setrong dadakilain.
8 Yaong bansa nitong Moab ay gagawin kong hugasan,
samantalang itong Edom ay lupa kong tatapakan;
at sa Filistia, tagumpay ko'y ipagsisigawan.”
9 Sa lunsod na kinutaan, sino'ng kasama, Panginoon?
Sino kayang magdadala sa akin sa lupang Edom?
10 Itinakwil mo ba kami, kami ba ay iniwan na?
Paano ang hukbo namin, sino ngayon ang sasama?
11 O Diyos, kami'y tulungan mo, laban sa aming kaaway,
pagkat ang tulong ng tao ay wala nang kabuluhan;
12 Kung ang Diyos ang kasama, kasama sa panig namin,
matatamo ang tagumpay, ang kaaway tatalunin.
Ang Pakiusap ni Hosea sa Israel
14 Manumbalik ka Israel kay Yahweh na iyong Diyos.
Ang pagbagsak mo ay bunga ng iyong kasamaan.
2 Dalhin ninyo ang inyong kahilingan,
lumapit kayo kay Yahweh;
sabihin ninyo sa kanya,
“Patawarin po ninyo kami.
Kami'y iyong kahabagan, kami'y iyong tanggapin.
Maghahandog kami sa iyo ng pagpupuri.
3 Hindi kami kayang iligtas ng hukbo ng Asiria,
hindi kami sasakay sa mga kabayo nila.
Hindi na namin tatawaging diyos
ang mga ginawa ng aming kamay.
Sa iyo lamang nakakasumpong ng awa ang mga ulila.”
4 Sabi ni Yahweh,
“Pagagalingin ko na sila sa kanilang kataksilan,
mamahalin ko na sila nang walang katapusan,
sapagkat napawi na ang galit ko sa kanila.
5 Ako'y matutulad sa hamog na magpapasariwa sa Israel.
Mamumulaklak siyang gaya ng liryo,
at mag-uugat din siyang tulad ng sedar.
6 Kanyang mga sanga ay darami,
gaganda siyang tulad ng puno ng olibo,
at hahalimuyak gaya ng kagubatan ng Lebanon.
7 Magbabalik sila at maninirahan sa ilalim ng aking kanlungan.
Sila'y yayabong na gaya ng isang halamanan,
mamumulaklak na parang puno ng ubas,
at ang bango'y tulad ng alak mula sa Lebanon.
8 Efraim, lumayo ka na sa mga diyus-diyosan!
Ako lamang ang tumutugon at nagbabantay sa iyo.
Ako'y katulad ng sipres na laging luntian,
at mula sa akin ang iyong mga bunga.”
9 Unawain ng matalino ang mga bagay na ito,
at dapat mabatid ng mga marunong.
Matuwid ang mga kaparaanan ni Yahweh,
at ang mabubuti'y doon lumalakad,
ngunit nadarapa ang mga masuwayin.
Pananalig sa Diyos(A)
22 Sinabi pa ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kaya't sinasabi ko sa inyo: huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong buhay, sa inyong kakainin, o tungkol sa damit na kailangan ng inyong katawan. 23 Sapagkat ang buhay ay higit pa kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit. 24 Tingnan ninyo ang mga uwak, hindi sila nagtatanim ni umaani man; wala rin silang imbakan o kamalig; ngunit pinapakain sila ng Diyos. Higit kayong mahalaga kaysa mga ibon! 25 Sino sa inyo ang makakapagdagdag sa kanyang buhay[a] ng kahit isang oras dahil sa pagkabalisa? 26 Kung hindi ninyo magawâ ang ganoong kaliit na bagay, bakit kayo nababalisa tungkol sa ibang mga bagay? 27 Tingnan(B) ninyo ang mga bulaklak sa parang kung paano sila lumalago. Hindi sila nagtatrabaho ni humahabi man. Ngunit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa kanyang karangyaan ay hindi nakapagdamit ng singganda ng isa sa mga bulaklak na ito. 28 Kung dinadamitan ng Diyos ang mga damo sa parang na buháy ngayon at kinabukasa'y iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya! 29 Kaya't huwag kayong labis na mag-isip kung saan kayo kukuha ng kakainin at iinumin. Huwag na kayong mangamba. 30 Ang mga bagay na ito ang pinagkakaabalahan ng mga taong di nananalig sa Diyos. Alam ng inyong Ama na kailangan ninyo ang lahat ng iyan. 31 Subalit, bigyang halaga ninyo nang higit sa lahat ang kaharian ng Diyos, at ibibigay niya sa inyo ang mga bagay na ito.”
by