Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 11

Pagtitiwala kay Yahweh

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

11 Kay Yahweh ko isinalig ang aking kaligtasan,
    kaya't ang ganito'y huwag sabihin ninuman:
“Lumipad kang tulad ng ibon patungo sa kabundukan,
    sapagkat ang pana ng masasama ay laging nakaumang,
    upang tudlain ang taong matuwid mula sa kadiliman.
Ang mabuting tao'y mayroon bang magagawa,
    kapag ang mga pundasyon ng buhay ay nasira?”

Si Yahweh ay naroon sa kanyang banal na Templo,
    doon sa kalangitan, nakaupo sa kanyang trono,
at buhat doo'y pinagmamasdan ang lahat ng tao,
    walang maitatagong anuman sa gawa ng mga ito.
Ang mabuti at masama ay kanyang sinusuri;
    sa taong suwail siya'y lubos na namumuhi.
Pinauulanan niya ng apoy at asupre ang masasamang tao;
    at sa mainit na hangin sila'y kanyang pinapaso.
Si Yahweh ay matuwid at sa gawang mabuti'y nalulugod;
    sa piling niya'y mabubuhay ang sa kanya'y sumusunod.

Isaias 24:14-23

14 Silang nakaligtas ay aawit dahil sa kagalakan,
    mula sa kanluran ay kanilang dadakilain si Yahweh.
15 Pupurihin siya doon sa silangan,
    at ipagbubunyi ang pangalan ni Yahweh,
    ang Diyos ng Israel, sa baybayin ng dagat.
16 May awit ng pagpupuring maririnig, maging sa pinakamalalayong dulo ng daigdig,
    bilang papuri sa Diyos na Matuwid.
Ngunit ang sabi ko naman, “Nalulungkot ako.
    Nasasayang lamang ang panahon. Wala na akong pag-asa.
Patuloy ang panlilinlang ng mga taksil.
    Palala nang palala ang kanilang pagtataksil.”

17 Mga tao sa daigdig, naghihintay sa inyo
    ang matinding takot, malalim na hukay, at nakaumang na bitag.
18 Sinumang tumakas dahil sa takot,
    sa balong malalim, doon mahuhulog.
Pag-ahon sa balon na kinahulugan,
    bitag ang siyang kasasadlakan.
Sapagkat mabubuksan ang durungawan ng langit,
    at mauuga ang pundasyon ng daigdig.
19 Ang daigdig ay tuluyang mawawasak,
    sa lakas ng uga ito'y mabibiyak.
20 Ang lupa'y tulad ng lasenggong pasuray-suray
    at kubong maliit na hahapay-hapay,
sa bigat ng kasalanang kanyang tinataglay,
    tiyak na babagsak ang sandaigdigan at hindi na babangon magpakailanman.

21 Darating ang araw na paparusahan ni Yahweh
    ang hukbo ng kasamaan sa himpapawid,
    gayundin ang mga hari dito sa daigdig.
22 Tulad ng mga bilanggo,
    ihuhulog silang sama-sama sa isang malalim na balon;
ikukulong sila sa piitang bakal,
    at paparusahan pagkaraan ng maraming araw.
23 Mawawala ang liwanag ng araw at buwan,
at maghahari si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat,
    sa Bundok ng Zion, at sa Jerusalem.
Doo'y mahahayag ang kanyang kaluwalhatian, sa harap ng mga pinuno ng bayan.

Lucas 12:41-48

Ang Tapat at Di Tapat na Alipin(A)

41 Nagtanong si Pedro, “Panginoon, sinasabi po ba ninyo ang talinghagang ito para sa amin o para sa lahat?”

42 Sumagot ang Panginoon, “Sino nga ba ang tapat at matalinong katiwala? Sino ang katiwalang pamamahalain ng kanyang panginoon sa kanyang sambahayan upang magbigay sa ibang mga alipin ng kanilang pagkain sa takdang oras? 43 Pinagpala ang aliping madaratnang gumaganap ng tungkulin pag-uwi ng kanyang panginoon. 44 Sinasabi ko sa inyo, pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng ari-arian nito. 45 Ngunit kung sasabihin ng aliping iyon sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang pag-uwi ng aking panginoon,’ bubugbugin niya ang mga kapwa niya aliping lalaki at babae, at siya'y kakain, iinom at maglalasing, 46 darating ang kanyang panginoon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Buong lupit siyang paparusahan[a] ng kanyang panginoon, at isasama sa mga suwail.

47 “Ang aliping nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon ngunit nagpapabaya, o ayaw tumupad sa ipinapagawa nito ay paparusahan nang mabigat. 48 Ngunit ang aliping hindi nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon, magkulang man siya sa kanyang tungkulin, ay paparusahan lamang nang magaan. Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng marami; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin ng lalong marami.”