Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Muling Ibalik ang Israel
Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo ng Kasunduan”.
80 Pastol(A) ng Israel,
ikaw na nanguna't umakay kay Jose, na tulad sa kawan,
ikiling sa amin ang iyong pandinig, kami ay pakinggan;
mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.
2 Ang iyong pag-ibig iyong ipadama sa angkan ni Efraim, Manases at Benjamin,
sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, sa hirap ay tubusin!
8 Mula sa Egipto ikaw ay naglabas ng puno ng ubas, saka itinanim
sa lupang dayuhan, matapos ang tao roo'y palayasin.
9 Ngunit nilinis mo muna't pinagyaman ang piniling lugar na pagtataniman,
doon ay nag-ugat, ang buong lupain ay nalaganapan.
10 Nagsanga ang puno, lumagong mabuti at ang kabunduka'y kanyang naliliman,
mga punong sedar, naliliman pati ng sangang malabay.
11 Hanggang sa ibayo, sa ibayong dagat, ang sangang malabay nito'y nakaabot,
pati mga ugat humabang mabuti't umabot sa Ilog.
12 Bakit mo sinira? Sinira ang pader, kung kaya napasok nitong dumaraan,
pinipitas tuloy yaong bunga nitong tanim na naturan.
13 Mga baboy damong nagmula sa gubat, niluluray itong walang pakundangan,
kinakain ito ng lahat ng hayop na nasa sa parang.
14 Ika'y manumbalik, O Diyos na Dakila!
Pagmasdan mo kami mula sa itaas,
at ang punong ito'y muling pagyamanin, at iyong iligtas.
15 Lumapit ka sana, ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas,
yaong punong iyon na pinalago mo't iyong pinalakas!
16 Ito ay sinunog, sinunog pa nila ang nasabing puno matapos maputol,
sa galit mo't poot ay iyong harapin nang sila'y malipol.
17 Ang mga lingkod mo ay iyong ingatan, yamang hinirang mo ay ipagsanggalang,
iyong palakasin bilang isang bansang makapangyarihan!
18 At kung magkagayon, magbabalik kami't di na magtataksil sa iyo kailanman,
kami'y pasiglahi't aming pupurihin ang iyong pangalan.
19 Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!
5 Halina kayo, sambahayan ni Jacob,
lumakad tayo sa liwanag ni Yahweh.
Wawakasan ang Kapalaluan
6 Itinakwil mo ang lahi ni Jacob na iyong bayan,
sapagkat ang lupain ay punô ng mga salamangkero[a] mula sa silangan
at ng mga manghuhula gaya ng mga Filisteo;
nakikibagay sila sa kaugalian ng mga dayuhan.
7 Sagana ang kanilang lupain sa ginto at pilak,
at walang pagkaubos ang kanilang kayamanan.
Sa buong lupai'y maraming kabayo,
at hindi mabilang ang kanilang mga karwahe.
8 Punô ng diyus-diyosan ang kanilang bayan;
mga rebultong gawa lamang, kanilang niyuyukuran,
mga bagay na inanyuan at nililok lamang.
9 Kaya ang mga tao ay hahamakin at mapapahiya;
huwag mo silang patatawarin!
10 Magtatago(A) sila sa mga yungib na bato at sa mga hukay
upang makaiwas sa poot ni Yahweh, at sa kaluwalhatian ng kanyang karangalan.
11 Pagdating ng araw ni Yahweh,
ang mga palalo ay kanyang wawakasan,
itong mga mayayabang, kanya ring paparusahan;
pagkat si Yahweh lamang ang bibigyang kadakilaan.
26 Matapos nating malaman at tanggapin ang katotohanan at sadyain pa rin nating magkasala, wala nang handog na maiaalay pa para sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan. 27 Ang(A) naghihintay na lamang sa atin ay ang kakila-kilabot na paghuhukom at ang naglalagablab na apoy na tutupok sa mga kaaway ng Diyos! 28 Ang(B) mapatunayang lumabag sa Kautusan ni Moises batay sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi ay walang awang pinapatay. 29 Gaano(C) kabigat, sa akala ninyo, ang parusang nararapat sa taong humamak sa Anak ng Diyos, lumapastangan sa dugong nagpatibay sa tipan at nagpabanal sa kanya, at lumait sa mapagpalang Espiritu? 30 Sapagkat(D) kilala natin ang nagsabi, “Akin ang paghihiganti; ako ang magpaparusa.” At siya rin ang nagsabi, “Hahatulan ng Panginoon ang kanyang bayan.” 31 Kakila-kilabot ang mahulog sa kamay ng Diyos na buháy!
by