Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Hosea 11:1-11

Ang Pag-ibig ng Diyos sa Rebelde Niyang Bayan

11 “Nang(A) bata pa ang Israel, siya'y aking minahal,
    at tinawag ko ang aking anak mula sa Egipto.
Ngunit habang siya'y tinatawag ko,
    lalo naman siyang lumalayo.
Lagi na lamang siyang naghahandog sa mga Baal,
    at nagsusunog ng insenso sa mga diyus-diyosan.
Ako ang nagturo kay Efraim na lumakad,
    inakay ko siya sa kanyang paghakbang;
    ngunit hindi niya kinilala ang pag-aalaga ko sa kanya.
Pinatnubayan ko siya nang buong pagmamalasakit
    at nang buong pagmamahal.
Ang katulad ko'y isang nag-aalis ng busal sa kanilang bibig,
    at yumuko ako upang sila'y mapakain.

“Magbabalik sila sa Egipto,
    at paghaharian ng Asiria,
    sapagkat ayaw nilang magbalik sa akin.
Lulusubin ng kaaway ang kanilang mga lunsod,
    wawasakin ang pampinid sa kanilang mga pinto,
    at lilipulin sila sa loob ng kanilang mga kuta.
Ang bayan ko'y nagpasya nang tumalikod sa akin;
    kaya't sa pamatok sila'y itinakda,
    at walang sinumang makakapag-alis nito.

“Pababayaan(B) ba kita, Efraim?
    Ikaw ba'y ibibigay ko sa kaaway, Israel?
Maitutulad ba kita sa Adma?
    Magagawa ko ba sa iyo ang aking ginawa sa Zeboim?
Hindi ito kayang gawin ng puso ko;
    kahabagan ko'y nananaig.
Hindi ko ipadarama ang bigat ng aking poot;
    Hindi ko na muling sisirain ang Efraim.
Sapagkat ako'y Diyos at hindi tao,
    ang Banal na Diyos na nasa kalagitnaan ninyo,
    at hindi ako naparito upang kayo'y wasakin.

10 “Susundin nila si Yahweh;
    siya'y uungal na parang leon,
at mula sa kanlura'y nanginginig na darating
    ang kanyang mga anak na lalaki.
11 Nagmamadali silang darating na parang mga ibong mula sa Egipto,
    at mga kalapating mula sa Asiria.
    Sa kanilang tahana'y ibabalik ko sila,” sabi ni Yahweh.

Mga Awit 107:1-9

IKALIMANG AKLAT

Awit ng Pagpapasalamat sa Kabutihan ng Diyos

107 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Lahat ng niligtas,
tinubos ni Yahweh, bayaang magpuri,
mga tinulungan,
upang sa problema, sila ay magwagi.
Sa sariling bayan,
sila ay tinipo't pinagsama-sama,
silanga't kanluran
timog at hilaga, ay doon kinuha.

Mayro'ng naglumagak
sa ilang na dako, at doon nanahan,
sapagkat sa lunsod
ay wala nang lugar silang matirahan.
Wala nang makain
kaya't sila'y nagutom, nauhaw na lubha,
ang katawan nila
ay naging lupaypay, labis na nanghina.
Nang sila'y magipit,
kay Yahweh, sila ay tumawag,
at dininig naman
sa gipit na lagay, sila'y iniligtas.
Inialis sila
sa lugar na iyon at pinatnubayan,
tuwirang dinala
sa payapang lunsod at doon tumahan.
Kaya dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
Mga nauuhaw
ay pinapainom upang masiyahan,
mga nagugutom
ay pawang binubusog sa mabuting bagay.

Mga Awit 107:43

43 Kayong matalino,
ang bagay na ito'y inyong unawain,
pag-ibig ni Yahweh
na di kumukupas ay inyong tanggapin.

Colosas 3:1-11

Yamang binuhay(A) kayong muli na kasama ni Cristo, ituon ninyo ang inyong pag-iisip sa mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Diyos. Ang mga bagay na panlangit ang isaisip ninyo, hindi ang mga bagay na panlupa, sapagkat namatay na kayo at ang inyong buhay ay nakatago sa Diyos, kasama ni Cristo. Si Cristo ang inyong buhay, at kapag siya'y nahayag na, mahahayag din kayong kasama niya at makakahati sa kanyang kaluwalhatian.

Ang Dati at Bagong Buhay

Kaya't patayin na ninyo ang mga pagnanasang makamundo: ang pakikiapid, karumihan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masamang pagnanasa, at ang kasakiman na isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan. Dahil sa mga ito, tatanggap ng parusa ng Diyos [ang mga taong ayaw pasakop sa kanya].[a] Kayo man ay namuhay din ayon sa mga pagnanasang iyon nang kayo ay pinaghaharian pa ng mga ito.

Ngunit ngayon, itakwil na ninyo ang lahat ng galit, poot, at sama ng loob. Iwasan na ninyo ang panlalait at malaswang pananalita. Huwag(B) kayong magsisinungaling sa isa't isa, sapagkat hinubad na ninyo ang dati ninyong pagkatao, pati ang mga gawa nito. 10 Isinuot(C) ninyo ang bagong pagkatao na patuloy na nababago at nagiging kalarawan ng Diyos na lumikha sa inyo, upang lalo ninyo siyang makilala. 11 Kaya't sa kalagayang ito, wala nang pagkakaiba ang Griego at ang Judio, ang tuli at ang di-tuli, ang dayuhan at ang hindi sibilisado, ang alipin at ang malaya. Ngunit si Cristo ang pinakamahalaga sa lahat, at siya'y nasa inyong lahat.

Lucas 12:13-21

Maling Pag-iipon ng Kayamanan

13 Sinabi kay Jesus ng isa sa mga naroroon, “Guro, iutos nga po ninyo sa kapatid ko na paghatian namin ang aming mana.”

14 Sumagot siya, “Sino ang naglagay sa akin bilang hukom o tagapaghati ng mana ninyo?” 15 At sinabi niya sa kanilang lahat, “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa dami ng kanyang kayamanan.”

16 Pagkatapos, isinalaysay ni Jesus ang isang talinghaga. “Isang mayaman ang umani nang sagana sa kanyang bukirin. 17 Kaya't nasabi niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko ngayon? Wala na akong paglagyan ng aking mga ani! 18 Alam ko na! Ipagigiba ko ang aking mga kamalig at magpapatayo ako ng mas malalaki. Doon ko ilalagay ang aking ani at ibang ari-arian. 19 Pagkatapos,(A) ay sasabihin ko sa aking sarili, marami ka nang naipon para sa mahabang panahon. Kaya't magpahinga ka na lamang, kumain, uminom, at magpakasaya!’

20 “Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabi ring ito'y babawian ka na ng buhay. Kanino ngayon mapupunta ang mga inilaan mo para sa iyong sarili?’ 21 Ganyan ang sasapitin ng sinumang nag-iipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.”