Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Tunay na Pagsamba
Awit ni Asaf.
50 Ang Makapangyarihang Diyos, si Yahweh ay nagsasaysay,
ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran.
2 Magmula sa dakong Zion, ang lunsod ng kagandahan,
makikita siyang nagniningning sa kaluwalhatian.
3 Ang Diyos natin ay darating, ngunit hindi matahimik;
sa unaha'y nangunguna ang apoy na nagngangalit,
bumabagyong ubod-lakas, humahangin sa paligid.
4 Ginagawa niyang saksi ang lupa at kalangitan,
upang masdan ang ganitong paghatol sa mga hirang:
5 “Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin,
silang tapat sa kasunduan at nag-aalay ng handog.”
6 Ang buong kalangita'y naghahayag na ang Diyos,
isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos. (Selah)[a]
7 “Kayong aking mga lingkod, makinig sa sasabihin;
ako ay Diyos, ang inyong Diyos, salita ko'y unawain;
ako'y mayroong patotoo't saksi laban sa Israel.
8 Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,
ni sa inyong mga haing sa dambana'y sinusunog,
22 “Kaya ngayo'y dinggin ito, kayong sa aki'y di pumapansin,
kapag ako'y di dininig, kayo'y aking wawasakin;
walang sinumang sa inyo'y makakaligtas sa akin.
23 Ang parangal na nais ko na sa aki'y ihahain,
ay handog ng pasalamat, pagpupuring walang maliw;
akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.”
Sumbat sa Bayan ng Diyos
2 Makinig ang kalangitan gayundin ang kalupaan,
sapagkat si Yahweh ay nagsasalita,
“Pinalaki ko't inalagaan ang aking mga anak,
ngunit naghimagsik sila laban sa akin.
3 Nakikilala ng baka ang kanyang panginoon,
at ng asno kung saan siya pinapakain ng kanyang amo;
ngunit hindi ako nakikilala ng Israel,
hindi ako nauunawaan ng aking bayan.”
4 Bansang makasalanan,
mga taong puno ng kasamaan,
mga anak ng masasamang tao,
mga anak ng katiwalian!
Itinakwil ninyo si Yahweh,
nilait ang Banal na Diyos ng Israel
at pagkatapos ay tinalikuran ninyo siya.
5 Bakit patuloy kayong naghihimagsik?
Nais ba ninyong laging pinaparusahan?
Ang isip ninyo'y gulung-gulo,
ang damdamin ninyo'y nanlulumo.
6 Kayo'y punô ng karamdaman mula ulo hanggang paa;
katawan ninyo'y tadtad ng pasa, latay, at dumudugong sugat.
Ang mga ito'y nagnanaknak na at wala pang benda,
at wala man lamang gamot na mailagay.
7 Sinalanta ang inyong bayan,
tupok ang inyong mga lunsod,
sinamsam ng mga dayuhan ang inyong mga lupain,
at winasak ang mga ito sa inyong harapan.
8 Ang Jerusalem lang ang natira,
parang kubong iniwan sa gitna ng ubasan,
parang isang silungan sa gitna ng taniman ng pipino,
parang isang lunsod na kinukubkob ng kalaban.
9 Kung(A) si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
ay hindi nagtira ng ilan sa ating lahi,
tayo sana'y natulad sa Sodoma at Gomorra.
Ang Makasalanang Lunsod
21 “Ang Jerusalem na dating tapat sa akin,
ngayo'y naging isang masamang babae.
Dati'y puspos siya ng katarungan at katuwiran!
Ngayon nama'y tirahan na ng mga mamamatay-tao.
22 Ang iyong pilak ay naging bato,
nahaluan ng tubig ang iyong alak.
23 Naging suwail ang iyong mga pinuno,
kasabwat sila ng mga magnanakaw;
tumatanggap ng mga suhol at mga regalo;
hindi ipinagtatanggol ang mga ulila;
at walang malasakit sa mga biyuda.”
Ang Kayamanan sa Langit(A)
19 “Huwag(B) kayong mag-impok ng mga kayamanan dito sa lupa; dito'y may naninirang insekto at kalawang, at may nakakapasok na magnanakaw. 20 Sa(C) halip, mag-impok kayo ng kayamanan sa langit; doo'y walang naninirang insekto at kalawang, at walang nakakapasok na magnanakaw. 21 Sapagkat kung saan naroroon ang iyong kayamanan, naroroon din ang iyong puso.”
Ang Ilaw ng Katawan(D)
22 “Ang mata ang ilaw ng katawan. Kung malinaw ang iyong paningin, mapupuno ng liwanag ang iyong buong katawan. 23 Ngunit kung malabo ang iyong paningin, mapupuno ng kadiliman ang iyong buong katawan. At kung ang ilaw mo'y madilim, ikaw nga ay tunay na nasa kadiliman.”
Diyos o Kayamanan?(E)
24 “Walang aliping makakapaglingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi ninyo maaaring paglingkuran nang pareho ang Diyos at ang kayamanan.
by