Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 74

Panalangin Upang Iligtas ang Buong Bansa

Isang Maskil[a] ni Asaf.

74 Panginoon, bakit kami'y itinakwil habang buhay?
    Bakit ka ba nagagalit sa tupa ng iyong kawan?
Iyo sanang gunitain ang tinipon mo no'ng una,
    itong lahing tinubos mo't itinakda na magmana;
    pati ang Zion na iyong dating tirahan.
Lapitan mo ang naiwan sa winasak ng kaaway.
    Ang guho ng santuwaryo mo na sinira nang lubusan.

Ang loob ng iyong templo'y hindi nila iginalang,
    sumisigaw na nagtayo ng kanilang diyus-diyosan.
Ang lahat ng nasa loob na yari sa mga kahoy,
    magmula sa pintuan mo'y sinibak at pinalakol.
Ang lahat ng inukitang mga kahoy sa paligid,
    pinalakol at dinurog ng kaaway na malupit.
Ang iyong banal na santuwaryo ay kanilang sinigaan,
    nilapastangan nila't winasak ang templong banal.
Sa kanilang pag-uusap ay nagpasya ng ganito, “Hindi natin sila titigilan hanggang di pa natatalo;”
    kaya sa buong lupain, ang tagpuan ng bayan mo, para ikaw ay sambahin, sinunog at naging abo.

Wala kaming pangitain, ni propetang naglilingkod,
    ang ganitong kalagaya'y hindi namin maunawaan,
    hindi namin nalalaman kung kailan matatapos.
10 Hanggang kailan, aming Diyos, magtatawa ang kaaway,
    ang paghamak nila sa iyo, ito ba ay walang hanggan?
11 Huwag mo nang pipigilan, gamitin mo ang iyong bisig,
    kanang kamay mo'y ikilos, kaaway mo ay iligpit.

12 Simula pa noong una ikaw na ang aming Hari, O Diyos.
    Sa daigdig ay maraming iniligtas ka't tinubos.
13 Sa(A) lakas na iyong taglay hinati mo yaong dagat,
    at ang mga naroroong dambuhala ay inutas;
14 ikaw(B) na rin ang dumurog sa mga ulo ng Leviatan,[b]
    at ginawa mong pagkain ng mga nilikhang nasa ilang.
15 Mga batis, mga bukal, ikaw rin ang nagpadaloy,
    ginawa mong tuyong lupa ang maraming ilog doon.
16 Nilikha mo yaong araw, nilikha mo pati gabi,
    nilikha mo yaong araw, buwa't talang anong dami.
17 Ang hangganan ng daigdig ay ikaw rin ang naglagay,
    at ikaw rin ang lumikha ng taglamig at tag-araw.

18 Ngunit iyong gunitaing nagtatawa ang kaaway,
    yaong mga masasama'y dumudusta sa iyong ngalan;
19 huwag mo sanang tutulutan na ang iyong mga lingkod maiwan sa kaaway na ang kamay walang taros,
    sa kanilang pagdurusa'y gunitain silang lubos.

20 Yaong tipang ginawa mo ay huwag mong lilimutin,
    ang masama'y naglipana sa pook na madidilim, laganap ang karahasan kahit saan sa lupain!
21 Huwag mo sanang itutulot na ang api'y mapahiya,
    bayaan mong ang ngalan mo'y purihin ng dukha't abâ.

22 Kami'y iyong ipaglaban, aming Diyos, bumangon ka!
    Pagmasdan mo yaong hangal na maghapong nagtatawa.
23 Ang hangarin ng kaaway ay huwag mong lilimutin,
    ang sigaw ng kaaway mo'y patuloy at walang tigil.

Isaias 5:24-30

24 Kaya kung paanong ang dayami ng trigo at ang tuyong damo ay sinusunog ng apoy,
    gayundin ang bulaklak nila'y parang alikabok na papaitaas;
at ang ugat nila'y dagling mabubulok.
Sapagkat tinalikuran nila ang batas ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat,
    at ang salita ng Banal na Diyos ng Israel ay kanilang binaliwala.

25 Kaya dahil sa laki ng galit ni Yahweh, paparusahan niya ang kanyang sariling bayan.
    Mayayanig ang mga bundok;
mga bangkay ay mangangalat na parang mga basurang
    sa lansanga'y sasambulat.
Ngunit ang poot niya'y hindi pa mawawala,
    kanyang mga kamay handa pa ring magparusa.

26 Huhudyatan niya ang isang malayong bansa,
    tatawagin niya ito mula sa dulo ng lupa;
at mabilis naman itong lalapit.
27 Isa man sa kanila'y hindi mapapagod
    o makakatulog o madudulas;
walang pamigkis na maluwag
    o lagot na tali ng sandalyas.
28 Matutulis ang kanilang panudla,
    at nakabanat ang kanilang mga pana;
ang kuko ng kanilang kabayo'y sintigas ng bakal
    at parang ipu-ipo ang kanilang mga karwahe.
29 Ang sigawan nila'y parang atungal ng batang leon,
    na nakapatay ng kanyang biktima
    at dinala ito sa malayong lugar na walang makakaagaw.
30 Sa araw na iyon ay sisigawan nila ang Israel
    na parang ugong ng dagat.
At pagtingin nila sa lupain,
    ito'y balot ng dilim at pighati;
at ang liwanag ay natakpan na ng makapal na ulap.

Mga Gawa 7:44-53

44 “Kasama(A) ng ating mga ninuno sa ilang ang Toldang Tipanan na ipinagawa ng Diyos kay Moises ayon sa anyong ipinakita sa kanya. 45 Minana(B) ito ng kanilang mga anak at dinala-dala habang sinasakop nila ang lupain ng mga bansang ipinalupig sa kanila ng Diyos sa pangunguna ni Josue. Ito'y nanatili roon hanggang sa kapanahunan ni David. 46 Kinalugdan(C) ng Diyos si David, at humingi ito ng pahintulot na magtayo ng tahanan para sa Diyos[a] ng Israel. 47 Ngunit(D) si Solomon na ang nagtayo ng tahanang iyon.

48 “Gayunman, ang Kataas-taasang Diyos ay hindi naninirahan sa mga bahay na ginawa ng tao. Sabi nga ng propeta,

49 ‘Ang(E) langit ang aking trono,’ sabi ng Panginoon,
    ‘at ang lupa ang aking tuntungan.
Anong uri ng bahay ang itatayo ninyo para sa akin,
    o anong lugar ang pagpapahingahan ko?
50 Hindi ba't ako ang gumawa ng lahat ng ito?’

51 “Napakatigas(F) ng ulo ninyo! Ang mga puso at tainga ninyo ay parang sa mga pagano! Kung ano ang ginawa ng inyong mga ninuno, iyon din ang ginagawa ninyo ngayon. Lagi ninyong nilalabanan ang Espiritu Santo. 52 Sinong propeta ang hindi inusig ng inyong mga ninuno? Pinatay nila ang mga nagpahayag tungkol sa pagparito ng Matuwid na Lingkod na inyo namang ipinagkanulo at ipinapatay. 53 Tumanggap kayo ng kautusang ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng mga anghel, ngunit hindi naman ninyo ito sinunod.”