Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 50:1-8

Tunay na Pagsamba

Awit ni Asaf.

50 Ang Makapangyarihang Diyos, si Yahweh ay nagsasaysay,
    ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran.
Magmula sa dakong Zion, ang lunsod ng kagandahan,
    makikita siyang nagniningning sa kaluwalhatian.

Ang Diyos natin ay darating, ngunit hindi matahimik;
    sa unaha'y nangunguna ang apoy na nagngangalit,
    bumabagyong ubod-lakas, humahangin sa paligid.
Ginagawa niyang saksi ang lupa at kalangitan,
    upang masdan ang ganitong paghatol sa mga hirang:
“Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin,
    silang tapat sa kasunduan at nag-aalay ng handog.”
Ang buong kalangita'y naghahayag na ang Diyos,
    isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos. (Selah)[a]

“Kayong aking mga lingkod, makinig sa sasabihin;
    ako ay Diyos, ang inyong Diyos, salita ko'y unawain;
    ako'y mayroong patotoo't saksi laban sa Israel.
Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,
    ni sa inyong mga haing sa dambana'y sinusunog,

Mga Awit 50:22-23

22 “Kaya ngayo'y dinggin ito, kayong sa aki'y di pumapansin,
    kapag ako'y di dininig, kayo'y aking wawasakin;
    walang sinumang sa inyo'y makakaligtas sa akin.
23 Ang parangal na nais ko na sa aki'y ihahain,
    ay handog ng pasalamat, pagpupuring walang maliw;
    akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.”

Isaias 9:8-17

Paparusahan ng Diyos ang Israel

Nagsalita ang Panginoon laban kay Jacob,
    sa kaharian ng Israel.
Malalaman ito ng lahat ng tao sa Efraim
    at ng lahat ng naninirahan sa Samaria,
    ngunit dahil sila'y pangahas at tunay na palalo, sila ay nagsabi ng ganito:
10 “Gumuho man ang mga gusaling yari sa tisa,
    magtatayo naman kami ng gusaling yari sa bato.
Maubos man ang mga punong sikamoro,
    papalitan namin ng sedar ang mga ito.”
11 Kaya sila'y ipasasalakay ni Yahweh
    sa kanilang mga kaaway.
12 Ang Israel ay sasakmalin ng Siria mula sa silangan
at ng mga Filisteo mula sa kanluran,
ngunit hindi pa rin mawawala ang matindi niyang galit,
    at patuloy pa niyang paparusahan ang bayang Israel.

13 Ngunit hindi pa rin magsisisi ang bayan kahit na sila'y parusahan,
    ayaw talaga nilang magbalik-loob kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
14 Kaya sa loob lamang ng isang araw ay paparusahan ni Yahweh ang mga pinuno't mamamayan ng Israel;
    para silang hayop na pinutulan ng ulo't buntot.
15 Ang ulo'y ang matatandang pinuno na iginagalang,
    at ang buntot nama'y mga propetang bulaan.
16 Iniligaw ng kanilang mga pinuno ang bayang ito
    kaya ang mga tagasunod nila ay nagkakagulo.
17 Dahil dito, hindi kinalugdan ng Panginoon ang kanilang mga kabataang lalaki,
    hindi niya kinahabagan ang kanilang mga ulila at biyuda.
Lahat sila'y walang kinikilalang diyos at masasama;
    pawang kahangalan ang kanilang sinasabi.
Sa lahat ng ito'y hindi mawawala ang matindi niyang galit,
    patuloy niyang paparusahan ang bayang Israel.

Roma 9:1-9

Ang Pagkapili ng Diyos sa Israel

Sa ngalan ni Cristo, ako'y nagsasabi ng totoo. Hindi ako nagsisinungaling. Ang aking budhi ay nagpapatunay na totoo ang sinasabi ko at saksi ko ang Espiritu Santo. Matindi ang aking kalungkutan at di mapawi ang pagdaramdam ng aking puso, dahil sa mga kalahi kong Judio. Mas mamatamisin ko pang ako'y sumpain at mapahiwalay kay Cristo, kung ito'y sa ikabubuti nila. Sila'y(A) mga Israelita na binigyan ng Diyos ng karapatang maging mga anak niya. Ipinakita rin niya sa kanila ang kanyang kaluwalhatian. Sa kanila nakipagtipan ang Diyos. Sa kanila rin ibinigay ang Kautusan, ang panuntunan sa pagsamba, at ang kanyang mga pangako. Sa kanila rin nagmula ang mga patriyarka, at tungkol sa kanyang pagiging tao, si Cristo ay nagmula sa kanilang lahi. Ang Kataas-taasang Diyos ay purihin magpakailanman![a] Amen.

Hindi ito nangangahulugang nawalan na ng kabuluhan ang salita ng Diyos, sapagkat hindi lahat ng mga Israelita ay kabilang sa bayang pinili niya. At(B) hindi rin naman ibinibilang na anak ni Abraham ang lahat ng nagmula sa kanya. Ganito ang sinabi ng Diyos, “Magmumula kay Isaac ang ibibilang na lahi mo.” Kaya nga, hindi lahat ng anak ni Abraham ay ibinibilang na anak ng Diyos, kundi iyon lamang mga ayon sa pangako ng Diyos. Sapagkat(C) ganito ang pangako, “Babalik ako sa isang taon, sa ganito ring panahon, at magkakaanak ng isang lalaki si Sara.”