Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit sa Araw ng Kapistahan
Katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[a]
81 Masiglang awitan ang Tagapagligtas, itong Diyos ni Jacob, awitang may galak.
10 Ako ay si Yahweh, ako ang Diyos mo,
ako ang tumubos sa iyo sa Egipto;
pagkaing gustuhin ibibigay ko sa iyo.
11 “Ngunit ang bayan ko'y hindi ako pansin,
di ako sinunod ng bayang Israel,
12 sa tigas ng puso, aking hinayaang
ang sarili nilang gusto'y siyang sundan.
13 Ang tangi kong hangad, sana ako'y sundin,
sundin ang utos ko ng bayang Israel;
14 ang kaaway nila'y aking lulupigin,
lahat ng kaaway agad lilipulin.
15 Silang namumuhi't sa aki'y napopoot, ay magsisiyuko sa laki ng takot,
ang parusa nila'y walang pagkatapos.
16 Ngunit ang mabuting bunga nitong trigo, ang siyang sa inyo'y ipapakain ko;
at ang gusto ninyong masarap na pulot, ang siyang sa inyo'y aking idudulot.”
Tinatanong ni Jeremias si Yahweh
12 Ikaw ay matuwid, Yahweh,
at kung ako ma'y mangatwiran, mapapatunayan mong ikaw ay tama.
Ngunit bayaan mong magtanong ako.
Bakit nagtatagumpay ang masasamang tao?
At ang mandaraya ay umuunlad?
2 Sila'y itinatanim mo at nag-uugat,
lumalago at namumunga.
Maganda ang sinasabi nila tungkol sa iyo
subalit malayo ka sa kanilang mga puso.
3 Ngunit ako, Yahweh, ay iyong kilala;
nakikita mo ako, ang mga ginagawa ko, nasa iyo ang puso ko.
Hilahin mo ang mga taong ito, gaya ng mga tupang kakatayin;
ihiwalay mo sila hanggang sa sandali na sila ay patayin.
4 Hanggang kailan pa mananatiling tigang ang lupain,
at tuyot ang mga damo sa parang?
Nagkakamatay na ang mga ibon at mga hayop
dahil sa kasamaan ng mga tao doon.
At sinasabi pa nila, “Hindi niya nakikita ang aming ginagawa.”
5 At sumagot si Yahweh,
“Jeremias, kung hindi ka makatagal sa pakikipaghabulan sa mga taong ito,
paano ka makikipagpaligsahan sa mga kabayo?
Kung ika'y nadarapa sa patag na lupain,
paano ka makakatagal sa kagubatan ng Jordan?
6 Kahit na ipinagkanulo ka ng iyong mga kapatid at sariling kamag-anak,
at kasama sila sa panunuligsa sa iyo.
Huwag kang magtitiwala sa kanila bagama't magaganda ang kanilang sinasabi sa iyo.”
Nagdadalamhati si Yahweh Dahil sa Kanyang Bayan
7 Sinasabi ni Yahweh,
“Pinabayaan ko na ang aking bayan,
itinakwil ko na ang bansang aking hinirang.
Ang mga taong aking minahal ay ibinigay ko na
sa kamay ng kanilang mga kaaway.
8 Lumaban sa akin ang aking bayan,
tulad ng mabangis na leon sa kagubatan;
nagtataas sila ng kanilang tinig laban sa akin,
kaya kinamumuhian ko sila.
9 Ang bayang pinili ko'y tulad sa isang ibong
pinagtutulungan ng mga ibong mandaragit.
Tawagin ang lahat ng mababangis na hayop,
at makisalo sa kanyang bangkay!
10 Sinira ng maraming pinuno ang aking ubasan,
pati ang aking kabukiran ay kanilang sinagasaan;
ang aking magandang lupain, ngayon ay wala nang mapapakinabangan.
11 Wala nang halaga ang buong lupain;
tigang na tigang sa aking harapan.
Ang bayan ngayon ay isa nang ilang,
at walang nagmamalasakit na sinuman.
12 Mula sa kahabaan ng maburol na ilang
ay lumusob ang mga mandarambong.
Pinalaganap ko ang digmaan upang mawasak ang buong bayan;
at walang sinuman ang makakaligtas.
13 Naghasik ng trigo ang mga tao, ngunit tinik ang inani;
nagpakahirap sila sa paggawa, subalit wala silang pinakinabangan.
Wala silang inani sa kanilang itinanim
dahil sa matinding galit ko sa kanila.”
Ang Mabuting Pangangasiwa sa mga Kaloob ng Diyos
7 Malapit na ang wakas ng lahat ng bagay, kaya't maging mapagtimpi kayo at panatilihing malinaw ang inyong pag-iisip upang kayo'y makapanalangin. 8 Higit(A) sa lahat, magmahalan kayo nang tapat, sapagkat ang pagmamahal ay pumapawi ng maraming kasalanan. 9 Buksan ninyo para sa isa't isa ang inyong mga tahanan at gawin ninyo ito nang hindi mabigat sa loob. 10 Bilang mabubuting katiwala ng iba't ibang kaloob ng Diyos, gamitin ninyo sa kapakinabangan ng lahat ang kakayahang tinanggap ng bawat isa sa inyo. 11 Ang nangangaral ay dapat salita ng Diyos ang ipangaral. Ang naglilingkod ay dapat maglingkod gamit ang lakas na kaloob sa iyo ng Diyos upang sa lahat ng bagay siya'y papurihan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kapangyarihan at karangalan magpakailanman! Amen.
by