Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 74

Panalangin Upang Iligtas ang Buong Bansa

Isang Maskil[a] ni Asaf.

74 Panginoon, bakit kami'y itinakwil habang buhay?
    Bakit ka ba nagagalit sa tupa ng iyong kawan?
Iyo sanang gunitain ang tinipon mo no'ng una,
    itong lahing tinubos mo't itinakda na magmana;
    pati ang Zion na iyong dating tirahan.
Lapitan mo ang naiwan sa winasak ng kaaway.
    Ang guho ng santuwaryo mo na sinira nang lubusan.

Ang loob ng iyong templo'y hindi nila iginalang,
    sumisigaw na nagtayo ng kanilang diyus-diyosan.
Ang lahat ng nasa loob na yari sa mga kahoy,
    magmula sa pintuan mo'y sinibak at pinalakol.
Ang lahat ng inukitang mga kahoy sa paligid,
    pinalakol at dinurog ng kaaway na malupit.
Ang iyong banal na santuwaryo ay kanilang sinigaan,
    nilapastangan nila't winasak ang templong banal.
Sa kanilang pag-uusap ay nagpasya ng ganito, “Hindi natin sila titigilan hanggang di pa natatalo;”
    kaya sa buong lupain, ang tagpuan ng bayan mo, para ikaw ay sambahin, sinunog at naging abo.

Wala kaming pangitain, ni propetang naglilingkod,
    ang ganitong kalagaya'y hindi namin maunawaan,
    hindi namin nalalaman kung kailan matatapos.
10 Hanggang kailan, aming Diyos, magtatawa ang kaaway,
    ang paghamak nila sa iyo, ito ba ay walang hanggan?
11 Huwag mo nang pipigilan, gamitin mo ang iyong bisig,
    kanang kamay mo'y ikilos, kaaway mo ay iligpit.

12 Simula pa noong una ikaw na ang aming Hari, O Diyos.
    Sa daigdig ay maraming iniligtas ka't tinubos.
13 Sa(A) lakas na iyong taglay hinati mo yaong dagat,
    at ang mga naroroong dambuhala ay inutas;
14 ikaw(B) na rin ang dumurog sa mga ulo ng Leviatan,[b]
    at ginawa mong pagkain ng mga nilikhang nasa ilang.
15 Mga batis, mga bukal, ikaw rin ang nagpadaloy,
    ginawa mong tuyong lupa ang maraming ilog doon.
16 Nilikha mo yaong araw, nilikha mo pati gabi,
    nilikha mo yaong araw, buwa't talang anong dami.
17 Ang hangganan ng daigdig ay ikaw rin ang naglagay,
    at ikaw rin ang lumikha ng taglamig at tag-araw.

18 Ngunit iyong gunitaing nagtatawa ang kaaway,
    yaong mga masasama'y dumudusta sa iyong ngalan;
19 huwag mo sanang tutulutan na ang iyong mga lingkod maiwan sa kaaway na ang kamay walang taros,
    sa kanilang pagdurusa'y gunitain silang lubos.

20 Yaong tipang ginawa mo ay huwag mong lilimutin,
    ang masama'y naglipana sa pook na madidilim, laganap ang karahasan kahit saan sa lupain!
21 Huwag mo sanang itutulot na ang api'y mapahiya,
    bayaan mong ang ngalan mo'y purihin ng dukha't abâ.

22 Kami'y iyong ipaglaban, aming Diyos, bumangon ka!
    Pagmasdan mo yaong hangal na maghapong nagtatawa.
23 Ang hangarin ng kaaway ay huwag mong lilimutin,
    ang sigaw ng kaaway mo'y patuloy at walang tigil.

Isaias 27

Ililigtas ang Israel

27 Sa(A) araw na iyon, gagamitin ni Yahweh
    ang kanyang malupit at matalim na espada;
paparusahan niya ang Leviatan,[a] ang tumatakas na dragon,
    at papatayin niya ang halimaw na nakatira sa dagat.
Sa araw na iyon,
sasabihin niya sa kanyang mainam na ubasan,
    “Akong si Yahweh ang nag-aalaga ng ubasang ito
    na dinidilig bawat sandali,
at binabantayan ko araw at gabi
    upang walang manira.
    Hindi na ako galit sa aking ubasan,
ngunit sa sandaling may makita akong mga tinik,
    ang mga ito'y titipunin ko
    at saka susunugin.
Ngunit kung nais nilang sila'y aking ingatan,
    ang dapat nilang gawin, makipagkasundo sa akin.
Darating ang araw na mag-uugat ang lahi ni Jacob,
    mamumulaklak ang Israel, magbubunga ng marami
    at mapupuno ang buong daigdig.
Pinarusahan ba ng Diyos ang Israel gaya ng ginawa sa mga kaaway nito?
    Pinatay ba niya ang mga Israelita tulad ng ginawa sa pumaslang sa kanila?
Hinayaan ni Yahweh na mabihag ang kanyang bayan bilang parusa;
    tinangay sila ng malakas na hangin buhat sa silangan.
Patatawarin lang sila kung wawasakin nila ang mga altar
    at itatapon ang larawan ng diyus-diyosang si Ashera,
    at dudurugin ang altar na sunugan ng insenso.
10 Wasak na ang lunsod na siyang tanggulan,
    para itong disyerto na walang nakatira,
at ginawang pastulan na lamang ng mga baka.
11 Nabali at natuyo ang mga sanga ng punongkahoy,
    pupulutin naman ng mga babae at gagawing panggatong.
Sapagkat ang bayang ito'y walang pagkaunawa,
    kaya hindi sila kahahabagan ng Diyos na kanilang Manlilikha.

12 Sa araw na iyon ay titipunin ni Yahweh,
ang mga Israelita gaya ng inaning trigo;
mula sa Ilog Eufrates hanggang sa hangganan ng Egipto.
13 Pagtunog ng trumpeta, tatawagin pabalik sa Jerusalem,
ang mga Israelitang nangalat sa Asiria at Egipto
upang sambahin nila si Yahweh sa banal na bundok sa Jerusalem.

Lucas 19:45-48

Si Jesus sa Templo(A)

45 Pumasok si Jesus sa Templo at sinimulang ipagtabuyan ang mga nagtitinda roon. 46 Sinabi(B) niya sa kanila, “Nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan.’ Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw.”

47 Araw-araw,(C) si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo. Pinagsikapan siyang ipapatay ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan. 48 Subalit wala silang makitang paraan upang maisagawa ito dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.