Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Jeremias 2:4-13

Ang Kasalanan ng mga Magulang ni Israel

Pakinggan ninyo ang pahayag ni Yahweh, mga anak ni Jacob, sambahayan ni Israel. Sinasabi ni Yahweh:

“Ano ba ang nagawa kong kamalian
    at ako'y tinalikdan ng inyong mga magulang?
Sumamba sila sa mga walang kabuluhang diyus-diyosan
    kaya sila'y naging walang kabuluhan din.
Hindi nila ako naalala
    kahit ako ang nagpalaya sa kanila mula sa Egipto;
    pinatnubayan ko sila sa malawak na disyerto,
    sa mga lupaing baku-bako't maburol,
    sa isang tuyo at mapanganib na lugar,
    na walang naninirahan at nagnanais dumaan.
Dinala ko sila sa isang mayamang lupain,
    upang tamasahin nila ang kasaganaan niyon.
Ngunit dinungisan nila ang ibinigay kong lupain
    dahil sa karumal-dumal nilang mga gawain.
Hindi man lamang nagtatanong ang mga pari, ‘Nasaan si Yahweh?’
    Hindi ako nakikilala ng mga dalubhasa sa Kautusan,
hindi sumusunod sa akin ang mga pinuno;
    nangangaral ang mga propeta sa pangalan ni Baal,
    sumasamba at naglilingkod sa mga diyus-diyosan.

Sinumbatan ni Yahweh ang Kanyang Bayan

“Kaya't muli kong susumbatan ang aking bayan
at uusigin ko hanggang kaapu-apuhan.
10 Tumawid kang pakanluran hanggang Cyprus,
    at magpadala ka patungong pasilangan hanggang Kedar.
    Makikita mo kung may nangyaring tulad nito kailanman.
11 Mayroon bang bansa na nagpalit ng kanyang mga diyos,
    kahit na ang mga ito ay hindi naman talagang diyos?
Ngunit ipinagpalit ako ng bayang aking pinarangalan,
    at sila'y sumamba sa mga diyus-diyosang wala namang kabutihang magagawa para sa kanila.
12 Kaya manginig kayo sa takot, O kalangitan,
    manggilalas kayo at manghilakbot;
    akong si Yahweh ang nagsasalita.
13 Dalawa ang kasalanan ng aking bayan:
Tinalikuran nila ako,
    ako na bukal na nagbibigay-buhay,
at humukay sila ng mga balon,
    ngunit mga balong butas na walang naiipong tubig.

Mga Awit 81:1

Awit sa Araw ng Kapistahan

Katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[a]

81 Masiglang awitan ang Tagapagligtas, itong Diyos ni Jacob, awitang may galak.

Mga Awit 81:10-16

10 Ako ay si Yahweh, ako ang Diyos mo,
    ako ang tumubos sa iyo sa Egipto;
pagkaing gustuhin ibibigay ko sa iyo.

11 “Ngunit ang bayan ko'y hindi ako pansin,
    di ako sinunod ng bayang Israel,
12 sa tigas ng puso, aking hinayaang
    ang sarili nilang gusto'y siyang sundan.
13 Ang tangi kong hangad, sana ako'y sundin,
    sundin ang utos ko ng bayang Israel;
14 ang kaaway nila'y aking lulupigin,
    lahat ng kaaway agad lilipulin.
15 Silang namumuhi't sa aki'y napopoot, ay magsisiyuko sa laki ng takot,
    ang parusa nila'y walang pagkatapos.
16 Ngunit ang mabuting bunga nitong trigo, ang siyang sa inyo'y ipapakain ko;
    at ang gusto ninyong masarap na pulot, ang siyang sa inyo'y aking idudulot.”

Mga Hebreo 13:1-8

Paglilingkod na Nakalulugod sa Diyos

13 Patuloy kayong magmahalan bilang magkakapatid kay Cristo. Palaging(A) maging bukás ang inyong mga tahanan para sa mga taga-ibang bayan. May ilang tao noon na nakapagpatulóy ng mga anghel, lingid sa kanilang kaalaman. Alalahanin ninyo ang mga nakabilanggo, na parang kayo'y nakabilanggo ring kasama nila. Damayan din ninyo ang mga pinagmamalupitan, na parang kayo'y dumaranas din ng ganoon.

Dapat(B) ituring na marangal ng lahat ang pag-aasawa at maging tapat kayo sa isa't isa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid at nangangalunya.

Huwag(C) kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.” Kaya't(D) malakas ang loob nating masasabi,

“Ang Panginoon ang tumutulong sa akin,
    hindi ako matatakot.
Ano ang magagawa sa akin ng tao?”

Alalahanin ninyo ang mga namumuno sa inyo, na nagpahayag sa inyo ng salita ng Diyos. Isipin ninyo kung paano sila namuhay, at tularan ninyo ang kanilang pananampalataya. Kung sino si Jesu-Cristo noon ay siya rin ngayon at magpakailanman.

Mga Hebreo 13:15-16

15 [Kaya't][a] lagi tayong mag-alay ng papuri bilang handog sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus, papuring mula sa ating mga labi na nagpapahayag ng ating pagkilala sa kanyang pangalan. 16 At huwag nating kaligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pagtulong sa kapwa, sapagkat iyan ang alay na kinalulugdan ng Diyos.

Lucas 14:1

Pinagaling ni Jesus ang Lalaking may Manas

14 Isang Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay inanyayahang kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo, at binabantayan nilang mabuti ang kanyang mga kilos.

Lucas 14:7-14

Pagmamataas at Pagpapakumbaba

Napansin ni Jesus na pinipili ng ilang mga panauhin ang mga upuang pandangal. Kaya't sinabi niya ang talinghagang ito sa kanila. “Kapag(A) inanyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang uupo agad sa upuang pandangal. Baka may inanyayahang mas kilala kaysa sa iyo. Baka lapitan ka ng nag-anyaya sa inyong dalawa at sabihin sa iyo, ‘Maaari bang ibigay mo ang upuang iyan sa taong ito?’ Sa gayon, mapapahiya ka at doon ka uupo sa pinakaabang upuan. 10 Mabuti pa, kapag naanyayahan ka, doon ka muna maupo sa pinakaabang upuan. Kapag lumapit sa iyo ang nag-anyaya at kanyang sinabi, ‘Kaibigan, dito ka sa kabisera,’ mapaparangalan ka sa harap ng lahat ng mga panauhin. 11 Sapagkat(B) ang nagmamataas ay ibababa, at ang nagpapakumbaba ay itataas.”

12 Sinabi naman ni Jesus sa nag-anyaya sa kanya, “Kapag naghahanda ka ng isang salu-salo, huwag ang iyong mga kaibigan, mga kapatid, mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang aanyayahan mo, dahil aanyayahan ka rin nila at sa gayon ay susuklian ang iyong ginawa. 13 Subalit kapag ikaw ay maghahanda, anyayahan mo ang mga mahihirap, mga lumpo, mga pilay, at mga bulag. 14 Kapag ganito ang ginawa mo, pagpapalain ka, dahil hindi man nila masuklian ang ginawa mo, ang Diyos ang magbibigay sa iyo ng gantimpala sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.”