Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Iligtas
Upang(A) Awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng Shushan Eduth.[a] Isang Miktam ni David, upang magamit sa pagtuturo, nang siya'y nakikipagdigma laban sa mga Arameong mula sa Naharaim at Zoba, at nang mapatay ni Joab sa kanyang pagbabalik ang 12,000 Edomita sa Libis ng Asin.
60 Kami'y iyong itinakwil, O Diyos, kami ay nilupig,
kami sana'y balikan mo kung ikaw man ay nagalit.
2 Yaong lupang sinaktan mo'y nanginginig na lupain,
bago lubos na mawasak, gamutin mo't pagalingin.
3 Labis na ang paghihirap nitong iyong mga lingkod,
lasing kami't langung-lango sa alak na iyong dulot.
4 Silang mga sumasamba, O Diyos, iyong hinudyatan,
upang sila'y makatakas sa kamay nitong kalaban. (Selah)[b]
5 Ang dalangin nami'y dinggin, sa lakas mo ay iligtas,
upang sila na mahal mo'y mahango sa paghihirap.
6 Sinabi nga nitong Diyos mula sa dako niyang banal,
“Hahatiin ko ang Shekem tanda ng pagtatagumpay;
ibibigay ko ang Sucot sa lingkod ko't mga hirang.
7 Ang Gilead at Manases, ang lugar na yao'y akin;
ang helmet na gagawin ko ay ang dako ng Efraim;
samantalang itong Juda ay setrong dadakilain.
8 Yaong bansa nitong Moab ay gagawin kong hugasan,
samantalang itong Edom ay lupa kong tatapakan;
at sa Filistia, tagumpay ko'y ipagsisigawan.”
9 Sa lunsod na kinutaan, sino'ng kasama, Panginoon?
Sino kayang magdadala sa akin sa lupang Edom?
10 Itinakwil mo ba kami, kami ba ay iniwan na?
Paano ang hukbo namin, sino ngayon ang sasama?
11 O Diyos, kami'y tulungan mo, laban sa aming kaaway,
pagkat ang tulong ng tao ay wala nang kabuluhan;
12 Kung ang Diyos ang kasama, kasama sa panig namin,
matatamo ang tagumpay, ang kaaway tatalunin.
Ang Pagkawasak ng Efraim
13 Noong una, kapag nagsalita si Efraim,
ang mga tao ay nanginginig sa takot,
sapagkat siya ay pinaparangalan sa Israel.
Ngunit nagkasala siya at nahatulang mamatay dahil sa pagsamba kay Baal.
2 Hanggang ngayo'y patuloy sila sa paggawa ng kasalanan.
Tinutunaw ang mga pilak at ginagawang diyus-diyosan.
Pagkatapos ay sinasabi, “Maghandog kayo rito!
At halikan ninyo ang mga guyang ito.”
3 Kaya nga, matutulad sila sa mga ulap sa umaga
o sa hamog na madaling naglalaho;
gaya ng ipa na inililipad ng hangin,
gaya ng usok na tinatangay sa malayo.
4 Sinabi ni Yahweh, “Ako si Yahweh na inyong Diyos.
Ako ang nagpalaya sa inyo sa Egipto.
Noon, wala kayong ibang Diyos kundi ako,
at walang ibang tagapagligtas maliban sa akin.
5 Kinalinga(A) ko kayo sa ilang,
sa lupaing tuyo at tigang.
6 Ngunit nang kayo'y mabusog ay naging palalo;
at kinalimutan na ninyo ako.
7 Kaya naman, kayo'y lalapain kong gaya ng leon,
gaya ng isang leopardong nag-aabang sa tabing daan.
8 Susunggaban ko kayo, gaya ng osong inagawan ng anak,
lalapain ko kayo gaya ng isang leon,
gaya ng paglapa ng isang hayop na mabangis.
9 Wawasakin kita, Israel;
sino ang sasaklolo sa iyo?
10 Nasaan(B) ngayon ang iyong hari na magliligtas sa iyo?
Nasaan ang hari at ang mga pinunong sa akin ay hiningi mo?
11 Sa(C) galit ko sa inyo'y binigyan ko kayo ng mga hari,
at dahil din sa aking poot, sila'y inaalis ko.
12 “Inilista ko ang ginagawang kalikuan ni Efraim,
tinatandaan kong mabuti para sa araw ng paniningil.
13 Ang Israel ay binigyan ko ng pagkakataong magbagong-buhay,
ngunit ito'y kanyang tinanggihan.
Para siyang sanggol na ayaw lumabas sa sinapupunan.
Siya'y anak na suwail at mangmang!
14 Hindi(D) ko sila paliligtasin sa daigdig ng mga patay.
Hindi ko sila paliligtasin sa kamatayan.
Kamatayan, pahirapan mo sila.
Libingan, parusahan mo sila.
Wala na akong nalalabing awa sa kanila.
15 Bagaman siya'y lumagong gaya ng tambo,
may darating na hangin mula kay Yahweh,
ang hanging silangang nagbubuhat sa ilang,
tutuyuin ang kanyang mga batis
at aagawin ang kanyang yaman.
16 Mananagot ang Samaria,
sapagkat siya'y naghimagsik laban sa Diyos.
Mamamatay sa tabak ang mga mamamayan niya.
Ipaghahampasan sa lupa ang kanyang mga sanggol,
at lalaslasin ang tiyan ng mga nagdadalang-tao.”
Mga Tagubilin
2 Maging matiyaga kayo sa pananalangin, laging handa at nagpapasalamat sa Diyos. 3 Idalangin ninyo sa Diyos na bigyan kami ng pagkakataon na maipangaral ang kanyang salita at maipahayag ang hiwaga ni Cristo, ang sanhi ng pagkabilanggo ko ngayon. 4 Ipanalangin din ninyong maipahayag ko ito nang buong linaw, gaya ng nararapat.
5 Maging(A) matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi nananampalataya at samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon. 6 Sikapin(B) ninyong laging maging kaaya-aya at kapaki-pakinabang ang inyong pananalita sa kanila, at matuto kayong sumagot nang tama sa lahat ng tao.
by