Add parallel Print Page Options

10 Narito ang talaan ng mga lalaking tunay na may takot sa Diyos,
    ang kanilang ginawa'y hindi pa nalilimutan.
11 Patuloy na mamanahin ng kanilang mga salinlahi ang kanilang magandang pangalan,
    at ito ang kanilang magiging mahalagang kayamanan.
12 Dahil sa kasunduan sa kanila ng Panginoon, nanatiling matatag ang kanilang angkan.
    At alang-alang pa rin sa kanila, ay magpapatuloy hanggang sa kanilang kaapu-apuhan.
13 Hindi mapuputol ang kanilang lahi,
    at hindi maglalaho ang kanilang katanyagan.
14 Matagal nang nalibing ang kanilang mga bangkay,
    subalit mananatili pa ring buháy ang kanilang alaala.
15 Matatanyag sa mga bansa ang kanilang karunungan,
    at patuloy silang pararangalan ng buong sambayanan.

Si Enoc

16 Namuhay(A) si Enoc ayon sa kalooban ng Panginoon, at siya'y buháy na dinala ng Diyos sa langit,
    upang maging halimbawa ng pagsisisi sa susunod na mga salinlahi.

Si Noe

17 Si(B) Noe ay natagpuang matuwid at tapat,
    kaya't naligtas siya sa galit ng Panginoon.
At dahil sa kanya'y may natirang tao sa lupa,[a]
    nang gunawin ang daigdig sa pamamagitan ng baha.
18 Nakipagtipan sa kanya ang Panginoon,
    na hindi na niya lilipulin uli ang tao sa pamamagitan ng baha.

Si Abraham

19 Si(C) Abraham naman ang naging ama ng maraming bansa,
    at walang maipapantay sa kanyang karangalan.[b]
20 Sinunod niya ang utos ng Kataas-taasang Diyos,
    at nakipagtipan siya sa Panginoon.
Dinala niya sa katawan ang tanda ng kanilang kasunduan,
    at natagpuang tapat sa oras ng pagsubok.
21 Kaya't ipinangako sa kanya ng Panginoon
    na pagpapalain ang mga bansa sa pamamagitan ng kanyang lahi;
ang mga salinlahi niya'y daraming parang alabok,
    at magniningning na parang mga bituin.
Ibibigay niya sa kanila bilang pamana ang isang lupaing ang mga hangganan ay dagat,
    at mula sa ilog hanggang sa dulo ng daigdig.

Si Isaac at si Jacob

22 Gayundin(D) ang ipinangako niya kay Isaac,
    alang-alang kay Abraham,
na pagpapalain sa pamamagitan niya ang sangkatauhan.
23 Isinalin niya kay Jacob ang kanyang pakikipagkasundo,
    at pinagtibay ang ipinangakong pagpapala.
Ibinigay niya rito ang lupaing kanyang ipinangako,
    at pinaghati-hati sa labindalawang lipi.

Si Moises

45 Mula(E) sa lahi ni Jacob lumitaw si Moises, ulirang lalaking kinalugdan ng lahat.
Minahal ng Diyos at ng mga tao,
    at nag-iwan ng isang banal na alaala.
Ipinantay siya ng Diyos sa kanyang mga anghel,
    at binigyan ng kapangyarihang kinasindakan ng kanyang mga kaaway.
Doon sa Egipto, sa isang salita niya'y dumating[c] ang pagkawasak,
    at dinakila siya sa harapan ng mga hari.
Ibinigay sa kanya ng Panginoon ang Kautusan para sa kanyang bayan,
    at pinakitaan siya ng kanyang kaluwalhatian.
Pinili siya dahil sa kanyang katapatan at kababaang-loob,
    at ibinukod mula sa karamihan.
Ipinarinig sa kanya ng Diyos ang kanyang tinig,
    at dinala siya sa maitim na ulap.
Iniabot sa kanya ang Kautusan,
    ang batas na nagbibigay-buhay at pang-unawa.
Upang ituro niya sa lahi ni Jacob ang kahulugan ng Kasunduan,
    at malaman ng buong Israel ang kanyang mga utos.

Si Aaron

Pinili(F) din ng Diyos si Aaron,
    ang kapatid ni Moises mula sa lipi ni Levi.
Gumawa(G) ang Diyos ng walang hanggang pakikipagtipan sa kanya,
    at ginawa siyang pari ng kanyang bayan.
Binihisan siya ng mamahaling kasuotan,
    at ginayakan ng magagandang kagamitan.
Pinagsuot siya ng maningning na damit,
    at binigyan ng mga tanda ng kapangyarihan:
    Salawal na hanggang binti, damit na mahaba, at efod.
Nilagyan ng mga bunga ng granada ang laylayan ng kanyang baro,
    at sinalitan ng mga kampanilyang ginto
    na kumikililing habang siya'y lumalakad,
upang marinig sa buong Templo ng Diyos
    at maalala ng Panginoon ang kanyang bayan.
10 Pinagsuot siya ng Panginoon ng damit na sagrado
    na binurdahan ng ginto, asul at pula;
binigyan din siya ng pektoral na tagapagpahayag ng kalooban ng Diyos,
11     at ng kurdong pula na ginawa ng isang dalubhasa.
Pinapagsuot pa siya ng batong hiyas na tinabas na parang pantatak,
    at ipinatong ng platero sa ginto,
at inukitan ng mga pangalan ng labindalawang lipi ng Israel
    upang sila'y laging maalala ng Panginoon.
12 Ang kanyang turbante ay nilagyan ng hiyas na ginto
    na may ganitong titik: “Nakatalaga sa Panginoon.”
Palamuting marilag at napakaganda ng pagkagawa,
    hiyas na nakakawiling pagmasdan.
13 Wala pang ibang nakapagsuot ng kasuotang gayon kaganda,
    at wala ring nakapagsuot niyon pagkamatay niya,
siya, ang kanyang mga anak na lalaki,
    at ang kanyang mga salinlahi ang siya lamang nakapagsuot noon sa habang panahon.
14 Mag-aalay sila ng handog na susunugin
    umaga't hapon, magpakailanman.
15 Itinalaga(H) siya ni Moises
    at pinahiran ng langis na sagrado.
At sa pamamagitan nito'y nakipagtipan ang Diyos sa kanya,
    at sa kanyang mga anak magpakailanman.
Maglilingkod sila sa Diyos bilang mga pari,
    magbabasbas sa bayan sa pangalan ng Panginoon.
16 Hinirang si Aaron sa lahat ng mga tao
    upang maging tagapaghandog sa Panginoon
ng mga handog na susunugin at insenso upang magsilbing tagapagpaalala sa Panginoon
    at upang patawarin sila sa kanilang mga kasalanan.
17 Ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos ang kanyang mga batas,
    at sa kanya pinaingatan ang nilalaman ng Kautusan
upang ituro sa mga anak ni Jacob ang kanyang mga tuntunin,
    at ipaliwanag sa Israel ang kanyang mga utos.
18 Minsan(I) ay may mga nainggit sa kanya,
    at nag-aklas laban sa kanya doon sa ilang:
sina Datan, Abiram at Korah at ang kanilang mga pangkat—
    galit silang lumapit sa kanya.
19 Nakita ng Panginoon ang ginawa nila,
    at sa galit niya'y nilipol silang lahat.
Sa pamamagitan ng isang kababalaghan
    ay tinupok sila ng naglalagablab na apoy.
20 Dinagdagan pa ng Diyos ang parangal kay Aaron
    nang ito'y bigyan niya ng tanging pamana:
inilaan niya sa mga pari ang pinakamainam na unang ani,
    upang sila'y magkaroon ng saganang ikabubuhay.
21 Kaya't sila ang kumakain ng mga handog sa Panginoon.
    Ibinigay niya ito kay Aaron at sa kanyang mga anak.
22 Ngunit(J) hindi sila binigyan ng bahagi sa lupain, na ibinigay ng Panginoon sa kanyang bayan.
Ang Panginoon ang mana ni Aaron,
    ang bahaging itinalaga sa kanya at sa kanyang lipi.

Si Finehas

23 Si(K) Finehas na anak ni Eleazar ang pangatlo sa karangalan.
    Dahil sa kanyang malasakit sa paggalang sa Panginoon,
buong tatag niyang ipinagtanggol ito nang mag-aklas ang bayan,
    at sa gayo'y nailigtas ang buong Israel.
24 Kaya't nakipagkasundo sa kanya ang Panginoon,
    ipinangako sa kanya ang pamamahala sa tahanan ng Diyos,
at ipinagkaloob sa kanya at sa kanyang mga anak
    ang pagkapunong pari magpakailanman.
25 Di tulad ng kanyang kasunduan kay David
    na anak ni Jesse, mula sa lipi ni Juda,
na ang pagkahari ay mamanahin lamang ng anak sa ama,
    ang pagkapari ay mananatili magpakailanman sa mga anak at apo ni Aaron.

26 Purihin ninyo ang Panginoon sapagkat siya'y mabuti;
    pinutungan niya kayo ng korona ng karangalan.
Nawa'y bigyan kayo ng Panginoon ng sapat na karunungan,
    upang mamahala kayo sa bayan niya nang may katarungan,
at sa gayo'y huwag mawala sa kanila ang kasaganaan
    at manatili ang kapamahalaan ninyo sa habang panahon.

Si Josue

46 Si(L) Josue[d] na anak ni Nun ay isang magiting na mandirigma,
    siya ang kahalili ni Moises sa pagkapropeta.
Pinatunayan niya ang isinasaad ng kanyang pangalan—
    naging tagapagligtas siya ng mga hinirang ng Diyos.
Nilupig niya ang mga bansang lumaban sa kanila,
    at sinakop ang lupaing ipinangako sa Israel.
Kahanga-hanga siya nang kanyang hawakan ang tabak
    at iwasiwas iyon laban sa mga lunsod ng kaaway.
Walang makatagal ng pakikipaglaban sa kanya
    sapagkat ipinaglalaban niya ang Panginoon.
Hindi ba't pinigil niya ang takbo ng araw,
    kaya't ang maghapon ay naging kasing haba ng dalawang araw?
Tumawag siya sa Kataas-taasang Diyos na Makapangyarihan,
    nang siya'y sinasalakay ng kaaway mula sa lahat ng panig.
At bilang tugon sa kanyang dalangin,
    bumagsak sa kanyang kalaban ang isang napakalakas na ulan ng yelo.
At nilipol ng Diyos ang bansang iyon,
    samantalang sila'y nagsisitakas pababa sa gulod ng Beth-horon;
sa gayo'y nakilala ng mga bansa ang kapangyarihan ni Josue,
    at napatunayang siya'y kinukupkop ng Panginoon.

Si Caleb

Si(M) Josue ay laging masunurin sa Diyos na Makapangyarihan,
    tapat sa kanya mula pa noong panahon ni Moises.
Sila ni Caleb na anak ni Jefune ang nanindigan
    laban sa paghihimagsik ng buong bayan.[e]
Pinigil nila ang mga ito sa pagkakasala,
    at pinatahimik sa kanilang mga reklamo.
Kaya naman sila lamang dalawa ang natirang buháy
    sa 600,000 Israelita na umalis sa Egipto,
at nakapasok sa lupaing ipinangako sa kanila—
    lupain na mayaman at sagana sa lahat ng bagay.
Binigyan ng Panginoon si Caleb ng kapangyarihan,
    at ito'y tinaglay niya hanggang sa kanyang katandaan,
kaya't nasakop pa niya ang mga lupain sa kaburulan.
    Magpahanggang ngayon naroon pa ang kanyang mga angkan.
10 Sa gayon, nakita ng buong bayang Israel
    na mabuti ang ibinubunga ng pagiging tapat sa Panginoon.

Ang mga Hukom

11 Nariyan(N) din ang mga hukom, bawat isa'y nabantog noong kanyang kapanahunan,
    mga lalaking may pusong laging tapat
at di nagtaksil sa Panginoon kailanman.
    Purihin ang kanilang alaala!
12 Nawa'y manariwa uli ang mga buto nila sa libingan,
    at muling mabuhay ang mararangal nilang pangalan
    sa pamamagitan ng kanilang mga supling.

Si Samuel

13 Si(O) Samuel ay kinalulugdan ng Panginoon.
    Bilang propeta ng Diyos, itinatag niya ang kaharian
    at siya ring humirang sa mga maghahari sa Israel.
14 Pinamahalaan niya ang buong Israel ayon sa Kautusan ng Panginoon,
    at sa panahon ng kanyang pamumuno, itinaguyod ng Panginoon ang Israel.
15 Sa pamamagitan ng kanyang katapatan ipinakita niyang siya'y isang tunay na propeta,
    at ang lahat ng ipinahayag niya'y napatunayang totoo.
16 Nang siya'y paligiran ng mga kaaway,
    tumawag siya sa Panginoong Makapangyarihan sa Lahat;
    naghandog siya ng isang tupang hindi pa naiwawalay.
17 Bilang tugon ng Panginoon,
    dumagundong ang kulog mula sa kalangitan.
18 Nilipol ng Panginoon ang mga pinuno ng Tiro
    at ang lahat ng mga haring Filisteo.
19 Bago sumapit ang panahon ng kanyang pagkamatay,
    sumumpa si Samuel sa harap ng Diyos at ng hari:
“Hindi ako kumuha ng ari-arian ninuman,
    kahit isang pares ng sapatos man lamang.”
    At wala rin namang nagparatang sa kanya at walang nagpasinungaling sa kanyang sinabi.
20 At kahit nang siya'y sumakabilang-buhay na,
    ipinahayag pa rin niya sa hari ang nalalapit nitong kamatayan;
at kahit nga siya'y patay na, nangusap siya bilang propeta,
    upang pawiin ang kasamaan ng kanyang bayan.

Si Natan

47 Pagkatapos,(P) lumitaw naman si Natan
    upang maging propeta sa panahon ni David.

Si David

Si(Q) David ay hinirang sa lahat ng kalalakihan sa Israel,
    parang taba na inihiwalay sa handog na pang-alay.
Pinaglaruan lamang niya ang leon na wari'y batang kambing,
    at ang mga oso na wari'y maliliit na tupa.
Binatilyo pa lamang siya nang patayin niya ang higante
    at sagipin sa kahihiyan ang bayang Israel.
Pinabagsak niya ang palalong si Goliat,
    sa pamamagitan ng isang bato na ibinala niya sa kanyang tirador.
Sapagkat nanawagan siya sa Kataas-taasang Diyos,
    pinag-ibayo nito ang lakas ng kanyang bisig,
at napatay niya ang batikang mandirigma ng kaaway,
    upang igalang ng mga bansa ang kapangyarihan[f] ng kanyang bayan.
Kaya't tinawag siyang “ang nagwagi sa sampu-sampung libo,”
    at noong igawad sa kanya ang korona ng pagkahari,
    ipinagdiwang siya ng bayan sapagkat hinirang siya ng Panginoon.
Nilipol niya ang mga kaaway na Filisteo
    winasak ang kanilang kapangyarihan, hanggang sa panahong ito.
Nagpasalamat siya sa Diyos, sa lahat niyang nagawa;
    sa Kataas-taasan at Kabanal-banalan niya iniukol ang karangalan.
Kumatha siya ng mga awit na nagmumula sa kaibuturan ng puso,
    upang ipakilala ang pag-ibig niya sa Maykapal.
Naglagay siya ng mga mang-aawit at manunugtog,
    upang umawit sa harap ng dambana sa saliw ng mga alpa.[g]
10 Pinaringal niya ang pagdiriwang ng mga pista,
    at itinakda ang kanilang mga araw sa loob ng isang taon;[h]
kaya nga, umalingawngaw sa tahanan ng Panginoon ang papuri sa kanyang banal na pangalan,
    mula sa pagbubukang-liwayway hanggang sa paglubog ng araw.
11 Pinatawad siya ng Panginoon sa kanyang mga kasalanan,
    at ibinigay sa kanya ang kapangyarihan magpakailanman.
Iginawad sa kanya ang korona ng pagkahari
    at ipinangako sa kanyang angkan ang trono ng Israel.

Si Solomon

12 Ang humalili sa kanya ay isang marunong na anak,
    na dahil sa kanya'y namuhay nang matiwasay.[i]
13 Naging(R) mapayapa ang paghahari ni Solomon,
    sapagkat pinatahimik ng Diyos ang kanyang mga hangganan.
Kaya't nakapagtayo siya ng isang marilag na Templo,
    na titirhan ng Diyos magpakailanman.
14 Kay dunong mo, Solomon, nang ikaw ay bata pa!
    ang karunungan mo'y parang ilog na umaapaw.[j]
15 Ang kapangyarihan ng katalinuhan mo'y lumaganap sa buong daigdig
    at nakilala sa lahat ng dako ang iyong mga salawikain.
16 Nabantog ang pangalan mo sa malalayong lupain,
    at minahal ka ng lahat dahil sa mapayapa mong paghahari.
17 Hinangaan sa buong daigdig ang iyong mga salawikain,
    ang iyong mga awit, kawikaan at paliwanag.
18 Sa(S) ngalan ng Panginoong Diyos,
    na tinatawag ding Diyos ng Israel,
nagtipon ka ng napakaraming ginto at pilak
    na para bang lata o tingga sa kasaganaan.

19 Ngunit(T) labis na nabuhos ang loob mo sa mga babae,
    at binayaan mong alipinin ka ng kanilang alindog.
20 Sa gayon, dinungisan mo ang iyong karangalan
    at nabatikan ang pangalan ng iyong angkan.
Dahil sa iyo, naparusahan ang iyong mga anak,
    at dinulutan ng kapighatian ang buong kaharian.
21 Dahil(U) sa iyo, nahati ang kaharian ng Israel;
    lumitaw ang Efraim, ang bahaging mapanghimagsik.
22 Subalit(V) walang katapusan ang pagkahabag ng Diyos
    at hindi siya sumisira sa kanyang pangako.
Hindi niya lilipulin ang lahi ng kanyang hinirang
    at hindi niya wawakasan ang kanyang angkan.
Kaya't pinanatili niya ang lahi ni Israel,
    nagtira siya ng supling sa angkan ni David.

Si Rehoboam at si Jeroboam

23 Namatay(W) si Solomon tulad ng kanyang mga ninuno,
    at si Rehoboam na anak niya ang humalili sa kanya.
Ngunit ito'y isang hangal, kapos sa katalinuhan,
    at dahil sa kanyang palakad, nag-aklas ang bayan.
Sa pamumuno ni Jeroboam na anak ni Nebat,
    nagkasala ang Israel at nagpakasama ang Efraim.
24-25 Dumating sa sukdulan ang kanilang kasamaan,
    gumawa sila ng lahat ng uri ng kasalanan,
hanggang sa bumagsak sa kanila ang parusa ng Diyos
    at itinapon sila sa ibang lupain.

Si Elias

48 Sumunod(X) na lumitaw si Elias na parang apoy,
    parang sulong nagliliyab ang kanyang mga salita.
Dahil sa alab ng kanyang galit sa kanilang kasamaan,
    pinadalhan niya sila ng taggutom, at marami sa kanila ang nangamatay.
Sa pangalan ng Diyos, pinigil niya ang ulan,
    at tatlong ulit siyang nagpaulan ng apoy.
Kagila-gilalas ang iyong mga kababalaghan, Elias!
    Sino ang makakatulad sa mga ginawa mo?
Binuhay mong muli ang isang patay;
    inagaw mo siya sa kamatayan sa ngalan ng Kataas-taasang Diyos.
Ibinagsak mo ang mga hari at pinukaw ang pagtulog ng mga maharlika,
    at pinapunta mo sila sa kanilang kamatayan.
Ikaw ang nakarinig ng mga babala ng Diyos doon sa Bundok ng Sinai,
    at pangakong parusa para sa kanyang mga kaaway.
Ikaw din ang nagtalaga sa mga haring pinili para maghiganti,
    at sa propetang hahalili sa iyo.
Sa wakas, iniakyat ka sa langit ng isang ipu-ipo,
    lulan ng isang karwaheng hila ng mga kabayong nag-aapoy.
10 Nasusulat na ikaw ay babalik sa takdang panahon,
    upang paglubagin ang galit ng Diyos bago sumapit ang takdang araw;
para pagkasunduin ang mga magulang at mga anak,
    at muling tipunin ang mga lipi ng Israel.
11 Mapapalad ang mga makakakita sa iyo
    at ang mga namatay na umiibig,
    sapagkat kami rin ay tiyak na mabubuhay.

Si Eliseo

12 Nang(Y) si Elias ay madala ng ipu-ipo,
    ang diwa niya'y minana ni Eliseo.
Hindi siya natakot kailanman sa sinumang hari,
    at walang sinumang nakapagpasuko sa kanya.
13 Walang(Z) gawaing hindi niya makayang gawin,
    at nang mamatay, pati bangkay niya'y nagpakita ng himala.
14 Nang nabubuhay, gumawa siya ng maraming himala;
    kahit nang mamatay, kapangyarihan niya'y kahanga-hanga.

15 Sa(AA) kabila nito, hindi pa rin nagbalik-loob ang bayan,
    ayaw nilang talikuran ang kanilang mga kasalanan,
kaya't sila'y pinalayas sa kanilang bansa
    at pinapangalat sa buong daigdig.
Naiwan ang isang maliit na bahagi—ang Juda,
    sa pamamahala ng sambahayan ni David.
16 Ilan sa kanila'y naging kalugud-lugod sa Diyos,
    ngunit ang iba'y lalong nagpakasama.

Si Hezekias

17 Si(AB) Hezekias ang nagpatibay ng mga tanggulan ng lunsod,
    at naglagay ng deposito ng tubig sa loob ng lunsod;
ipinabutas niya ang bato upang daanan ng tubig
    at nagpahukay siya ng malalaking tipunan ng tubig.
18 Noong(AC) panahon niya sumalakay si Senaquerib.
    Sinugo nito ang kanyang kanang kamay mula sa Laquis
at pinagbantaan ang Zion;
    sa kanyang kapalaluan, nilait pati ang Panginoon.
19 Nasindak ang mga tao at nangatog sa matinding takot;
    namighati silang lahat na parang babaing manganganak.
20 Kaya't(AD) nanawagan sila sa Kataas-taasang Diyos,
    itinaas ang mga kamay sa mataimtim na dalangin.
Dininig ng Panginoon ang kanilang karaingan,
    at sila'y iniligtas sa pamamagitan ni Isaias.
21 Hinampas ng Diyos ang hukbo ng Asiria,
    at sila'y pinuksa ng kanyang anghel sa pamamagitan ng salot.
22 Sapagkat kinalugdan ng Panginoon si Hezekias,
    naging matatag siya sa pagsunod sa landas ni David na kanyang ninuno.
Nakinig siya sa mga payo ni Isaias,
    dakilang propeta na karapat-dapat pagtiwalaan.
23 Sa(AE) panahon niya, pinabalik niya ang araw,
    at pinahaba ang buhay ng mahal na hari.
24 Sa bisa ng taglay niyang kapangyarihan, nakita niya ang mangyayari sa darating na panahon,
    at inaliw niya ang Zion sa kanyang kapighatian.
25 Inihayag niya ang mga magaganap bago dumating ang wakas ng panahon,
    mga lihim na pangyayari, na hindi pa nagaganap.

Si Josias

49 Parang(AF) mabangong insenso ang pangalan ni Josias,
    insenso na tinimpla ng mahusay na manggagawa ng pabango;
parang pulot na kinawiwilihan ng lahat,
    parang malambing na tugtugin sa isang handaan.
Kinamuhian niya ang mga kasalanan ng bayan,
    at winasak ang kanilang mga kasuklam-suklam na diyus-diyosan.
Naging matatag ang kanyang katapatan sa Diyos,
    at nanatiling maka-Diyos sa mga panahon ng kasamaan.

Si Jeremias

Liban kina David, Hezekias at Josias,
    nagpakasamang lahat ang mga hari ng Juda.
Tinalikuran nila ang Kautusan ng Kataas-taasang Diyos,
    kaya't sa wakas, inalis sa kanila ang pagkahari.
Inilipat ng Diyos sa iba ang kanilang kapangyarihan,
    at ang karangalan nila'y ibinigay sa isang bayang dayuhan.
Sinunog(AG) ng mga ito ang banal na lunsod,
at iniwang parang ilang ang kanyang mga lansangan.
    Ito'y ipinahayag na ni Jeremias noong una,
    sapagkat siya'y kanilang pinag-usig at inalimura,
    bagaman siya'y hinirang na propeta mula pa sa tiyan ng ina
upang maggiba, magwasak at bumunot,
    at upang magtayo, magbuo at magtanim.

Si Ezekiel

Si(AH) Ezekiel ang nakakita ng kagila-gilalas na pangitain tungkol sa kaluwalhatian ng Diyos.
    Nakita niya iyon lulan ng isang karwahe na hila ng mga kerubin.
Binanggit din niya si Job,
    ang lalaking nanatili sa landas ng katuwiran.

Ang Labindalawang Propeta

10 Tungkol naman sa labindalawang propeta,
    nawa'y muling manariwa ang buto nila sa libingan.
Sapagkat dahil sa kanilang pananampalataya at pag-asa,
    inaliw nila at pinalakas ang loob ng bansang Israel.

Si Zerubabel at si Josue

11 Paano(AI) natin mapaparangalan nang sapat si Zerubabel?
    Siya'y naging parang singsing na pantatak sa daliri ng Panginoon,
12     at(AJ) gayundin si Josue na anak ni Jozadak.
Noong panahon nila muling ibinangon ang Templo.
    Ipinagtayo nila ang Panginoon ng isang tahanan
    na nakatalagang maging maluwalhati magpakailanman.

Si Nehemias

13 Kailangan(AK) ding alalahanin at parangalan si Nehemias;
    siya ang muling nagbangon ng ating mga guhong muog;
siya ang naglagay ng mga pinto at tarangka niyon
    at nagtayo ng ating mga tahanan.

Ang mga Patriarka

14 Sa mga nabuhay sa daigdig, wala pang katulad si Enoc,
    sapagkat siya'y buháy na dinala sa langit.
15 Wala pa ring isinilang na katulad ni Jose,
    ang pinakadakila sa kanyang mga kapatid at naging sandigan ng kanyang lahi;
pati ang kanyang mga buto ay pinarangalan.[k]
16 Dakila sina Shem, Set, at Enos,[l]
    ngunit si Adan ang nangunguna sa lahat ng nilikha.

Si Simon, ang Anak ni Onias

50 Si Simon, ang Pinakapunong Pari na nagpaayos ng Templo,
    at siya'y anak ni Onias,
siya ang naglagay ng mga pundasyon ng dinobleng muog,
    ang mataas na muog sa paligid ng Templo;
siya rin ang naglagay ng mga tanggulan sa bahay ng Diyos.
Noon ding panahon niya hinukay ang tipunan ng tubig,
    na halos sinlaki ng Dagat na Tanso.
Sinikap niyang iligtas ang bayan mula sa pagkawasak,
    kaya't pinatibay niya ang mga tanggulan ng lunsod laban sa pananalakay ng kaaway.
Kay ganda niyang pagmasdan kapag siya'y naliligid ng mga tao,
    matapos lumabas sa Dakong Kabanal-banalan.
Parang bituing nakadungaw sa siwang ng mga ulap,
    parang buwang kabilugan sa mga araw ng kapistahan.
Katulad ay araw na sumisinag sa Templo ng Kataas-taasang Diyos
    at bahagharing nakabalantok sa harap ng maningning na ulap.
Parang rosas na bagong bukadkad pagkapatak ng ulan,
    parang liryong tumubo sa tabi ng batisan.
    Parang talbos na bagong usbong sa simula ng tag-araw,
Parang insensong sinusunog sa oras ng pag-aalay.
Tulad niya'y isang saro na yari sa gintong lantay
    at napapalamutian ng mamahaling batong hiyas.
10 Parang puno ng olibo na hitik sa bunga,
    parang sipres na mataas na ang dulo'y abot sa ulap.
11 Kapag suot niya ang magara niyang damit,
    at nabibihisan ng maringal niyang kasuotan,
pag-akyat niya sa mahal na dambana,
    nakadaragdag siya sa karilagan ng banal na lugar.

12 Kapag iniaabot sa kanya ang pinagbaha-bahaging handog,
    samantalang nakatayo siya sa tabi ng dambana,
at naliligid ng kanyang mga kapwa pari,
    ang kawangis niya'y mayabong na sedar sa Lebanon
    na naliligid ng mga punong palma.
13 Ang mga anak ni Aaron ay nakapaligid sa kanya, suot ang mga sagradong kasuotan,
    hawak ang mga handog,
    at nakatayo sa harapan ng buong bayang Israel.
14 Kapag natapos niya ang pag-aalay sa dambana
    at naiayos na ang mga handog sa Makapangyarihang Kataas-taasang Diyos,
15 hinahawakan ang saro ng alak,
    at ibinubuhos ito sa paanan ng dambana,
bilang mabangong handog sa Kataas-taasang Diyos,
    sa Hari ng buong sanlibutan.
16 Nagsisigawan naman ang mga pari,
    at hinihipan ang kanilang mga trumpetang pilak;
lumilikha sila ng malakas na ingay,
    upang marinig sila ng Kataas-taasang Diyos.
17 Pagdaka'y nagpapatirapa ang buong bayan
    bilang pagsamba sa Panginoon,
sa Makapangyarihan sa lahat,
    sa Kataas-taasang Diyos.

18 Nagkakantahan naman ang mga mang-aawit;
    ang masayang tinig ng papuri sa Diyos ay umaalingawngaw.
19 Samantala, ang bayan ay nananalangin sa Kataas-taasang Diyos,
    nagmamakaawa sa harapan ng mahabaging Diyos,
hanggang sa matapos ang pagsamba sa Panginoon,
    at maganap ang pag-aalay ng mga handog.
20 Pagkatapos,(AL) nananaog si Simon mula sa dambana
    at itinataas ang mga kamay sa karamihan ng tao,
upang igawad sa kanila ang pagpapala ng Panginoon.
21 Muling yumuyuko ang buong bayan
    upang tanggapin ang pagpapala ng Kataas-taasang Diyos.

Footnotes

  1. 17 At dahil…lupa: o kaya'y At binigyan niya ng bagong pag-asa ang sangkatauhan .
  2. 19 walang maipapantay sa kanyang karangalan: Ganito ang nasa tekstong Griego. Sa tekstong Hebreo ay ang kanyang karangalan ay dalisay at ganap .
  3. 3 dumating: Ganito ang nasa tekstong Hebreo. Sa tekstong Griego ay huminto .
  4. 1 JOSUE: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng pangalang ito'y “ang Panginoon ang nagliligtas”.
  5. 7 buong bayan: Sa ibang manuskrito'y kaaway .
  6. 5 kapangyarihan: Sa literal na Griego ay sungay .
  7. 9 Sa ibang manuskrito'y may dagdag na At araw-araw nilang inaawit ang mga papuri sa kanya .
  8. 10 sa loob ng isang taon: Sa literal na Griego ay hanggang sa matapos .
  9. 12 nang matiwasay: Ganito ang nasa tekstong Hebreo. Sa tekstong Griego ay sa isang malawak na dako .
  10. 14 ilog na umaapaw: Ganito ang nasa tekstong Griego. Sa tekstong Hebreo ay Ilog Nilo .
  11. 15 pati…pinarangalan: o binantayan ng Panginoon ang kanyang katawan .
  12. 16 Shem, Set, at Enos: Ganito ang nasa tekstong Hebreo. Sa tekstong Griego ay Shem at Set sa piling ng mga tao .

51 “Alalahanin ninyo ang ginawa ng ating mga ninuno noong kanilang kapanahunan. Sundin ninyo ang kanilang halimbawa, at kayo'y gagantimpalaan ng karangalan at lubos na katanyagan. 52 Hindi(A) ba't si Abraham ay sinubok at nagtagumpay, at dahil dito'y itinuring ng Diyos bilang isang taong matuwid? 53 Sa(B) panahon ng kahirapan, sinunod naman ni Jose ang Kautusan, at siya ay naging tagapamahala ng Egipto. 54 Dahil sa maalab na paglilingkod ng ating ninunong si Finehas, natamo naman niya ang kasunduan ng walang hanggang pagkapari. 55 Sa(C) pagtugon ni Josue sa utos ng Diyos sa kanya, siya'y naging hukom ng bayang Israel. 56 Natamo naman ni Caleb ang bahagi ng lupain bilang pamana, sapagkat katotohanan ang kanyang ibinalita sa kapulungan ng Israel. 57 Sapagkat(D) si David ay mapagmalasakit, natanggap niya ang pangako ng Diyos na mananatili bilang hari ang kanyang sambahayan. 58 Sa(E) masigasig na pagpapatupad sa Kautusan, si Elias ay iniakyat sa kalangitan. 59 Dahil(F) sa pananampalataya nina Hananias, Azarias at Misael, sila'y naligtas sa maningas na apoy. 60 Si(G) Daniel ay iniligtas naman mula sa bibig ng mga leon dahil siya ay isang taong matapat. 61 Kaya nga pakakatandaan ninyo, ang lahat ng salinlahi na nagtiwala sa Diyos ay hindi nanghina kailanman. 62 Huwag kayong matakot sa banta ng mga makasalanan, sapagkat ang kanilang katanyagan ay magwawakas; mamamatay sila at uubusin ng mga uod ang kanilang bangkay. 63 Maaaring sila'y lubos na kinatatakutan ngayon, ngunit tiyak na darating ang panahon na anumang bakas nila ay hindi na makikita; ang kanilang mga masamang plano'y kasamang maaagnas ng kanilang mga bangkay. 64 Mga anak, magpakatatag kayo, at patuloy ninyong ipagtanggol ang kautusan; kayo ay dadakilain sa pamamagitan nito.

Read full chapter