Beginning
Ang Dalawang Halimaw
13 At(A) nakita ko ang isang halimaw na umaahon sa dagat, may sampung sungay at pitong ulo, at sa kanyang mga sungay ay may sampung diadema, at sa kanyang mga ulo ay mga pangalan ng kalapastanganan.
2 At(B) ang halimaw na aking nakita ay katulad ng isang leopardo at ang kanyang mga paa ay gaya ng sa oso, at ang kanyang bibig ay gaya ng bibig ng leon. At ibinigay rito ng dragon ang kanyang kapangyarihan, ang kanyang trono, at dakilang kapamahalaan.
3 Ang isa sa mga ulo nito ay parang pinatay, ngunit ang sugat nito na ikamamatay ay gumaling, at ang buong lupa ay namamanghang sumunod sa halimaw.
4 Ang mga tao'y sumamba sa dragon sapagkat ibinigay niya ang kanyang kapangyarihan sa halimaw; at sinamba nila ang halimaw, na sinasabi, “Sino ang katulad ng halimaw at sinong makakalaban dito?”
5 Ang(C) halimaw ay binigyan ng isang bibig na nagsasalita ng mga palalong bagay at ng mga kalapastanganan, at pinahintulutan siyang gumamit ng kapangyarihan sa loob ng apatnapu't dalawang buwan.
6 Ibinuka niya ang kanyang bibig upang magsalita ng mga kalapastanganan sa Diyos, upang lapastanganin ang kanyang pangalan at ang kanyang tahanan gayundin ang mga naninirahan sa langit.
7 Ipinahintulot(D) din sa kanya na makipagdigma sa mga banal at sila'y lupigin. Binigyan siya ng kapangyarihan sa bawat angkan, bayan, wika at bansa,
8 at(E) ang lahat ng naninirahan sa lupa ay sasamba sa kanya, ang lahat na ang pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay ng Kordero na pinaslang buhat nang itatag ang sanlibutan.
9 Kung ang sinuman ay may pandinig ay makinig:
10 Kung(F) ang sinuman ay patungo sa pagkabihag, sa pagkabihag siya patutungo. Kung ang sinuman ay pumapatay sa pamamagitan ng tabak, sa pamamagitan ng tabak siya dapat papatayin. Ito ay panawagan para sa pagtitiis at pananampalataya ng mga banal.
11 At nakita ko ang isa pang halimaw na umaahon sa lupa; at ito ay may dalawang sungay na katulad ng sa isang kordero at siya'y nagsasalita na parang dragon.
12 Kanyang ginagamit ang buong kapangyarihan ng unang halimaw na nasa kanyang paningin, at pinasasamba niya ang lupa at ang mga naninirahan dito sa unang halimaw na ang sugat na ikamamatay ay gumaling na.
13 Ito'y gumagawa ng mga dakilang tanda, pati na ang pagpapababa ng apoy sa lupa mula sa langit sa paningin ng mga tao.
14 At nadadaya nito ang mga naninirahan sa lupa dahil sa mga tanda na pinahintulutang gawin nito sa paningin ng halimaw, na sinasabi sa mga naninirahan sa lupa na dapat silang gumawa ng isang larawan ng halimaw na sinugatan ng tabak ngunit nabuhay.
15 At ito'y pinahintulutang makapagbigay ng hininga sa larawan ng halimaw upang ang larawan ng halimaw ay makapagsalita, at maipapatay naman ang lahat ng hindi sumasamba sa larawan ng halimaw.
16 At ang lahat, ang hamak at ang dakila, ang mayayaman at ang mga dukha, ang mga malaya at ang mga alipin ay pinalagyan nito ng isang tanda sa kanilang kanang kamay o sa noo,
17 upang walang sinumang makabili o makapagbili, maliban ang may tanda, samakatuwid, ng pangalan ng halimaw o ng bilang ng pangalan nito.
18 Kailangan dito ang karunungan: ang may pang-unawa ay bilangin ang bilang ng halimaw, sapagkat ito'y bilang ng isang tao. Ang bilang nito ay animnaraan at animnapu't anim.
Ang Kordero at ang 144,000
14 Pagkatapos(G) ay tumingin ako, at naroon ang Kordero na nakatayo sa bundok ng Zion! Kasama niya ang isandaan at apatnapu't apat na libong may pangalan niya, at pangalan ng kanyang Ama, na nakasulat sa kanilang mga noo.
2 At narinig ko ang isang tinig mula sa langit, na gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng ugong ng malakas na kulog; ang tinig na aking narinig ay gaya ng sa mga manunugtog na tumutugtog ng kanilang mga alpa.
3 At sila'y nag-aawitan ng isang bagong awit sa harapan ng trono, at sa harapan ng apat na nilalang na buháy at ng matatanda. Walang sinumang natuto ng awit na iyon kundi ang isandaan at apatnapu't apat na libo lamang, na tinubos mula sa lupa.
4 Hindi dinungisan ng mga ito ang kanilang sarili sa mga babae; sapagkat sila'y malilinis.[a] Ang mga ito'y ang mga sumusunod sa Kordero saan man siya magtungo. Ang mga ito'y ang tinubos mula sa mga tao, bilang mga pangunahing bunga sa Diyos at sa Kordero.
5 At(H) sa kanilang bibig ay walang natagpuang kasinungalingan; sila'y mga walang dungis.
Ang Tatlong Anghel
6 At nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa gitna ng himpapawid, na may walang hanggang ebanghelyo na ipahahayag sa mga naninirahan sa lupa, sa bawat bansa, lipi, wika at bayan.
7 Sinabi niya sa malakas na tinig, “Matakot kayo sa Diyos at magbigay-luwalhati sa kanya, sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghuhukom, at sambahin ninyo ang gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat at ng mga bukal ng tubig.”
8 At(I) isa pang anghel, ang pangalawa, ay sumunod na nagsasabi, “Bumagsak, bumagsak ang dakilang Babilonia, na siyang nagpainom sa lahat ng bansa ng alak ng poot ng kanyang pakikiapid.”
9 At isa pang anghel, ang pangatlo, ay sumunod sa kanila, na sinasabi sa malakas na tinig, “Kung ang sinuman ay sumasamba sa halimaw at sa kanyang larawan, at tumatanggap ng tanda sa kanyang noo, o sa kanyang kamay,
10 ay(J) iinom din naman ng alak ng poot ng Diyos, na inihahandang walang halo sa kopa ng kanyang poot at pahihirapan sa apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel at sa harapan ng Kordero.
11 At(K) ang usok ng hirap nila ay papailanglang magpakailanpaman; at sila'y walang kapahingahan araw at gabi, silang mga sumasamba sa halimaw at sa larawan nito, at sinumang tumatanggap ng tanda ng kanyang pangalan.
12 Narito ang panawagan para sa pagtitiis ng mga banal, sa mga tumutupad sa mga utos ng Diyos, at humahawak ng matatag sa pananampalataya ni Jesus.[b]
13 At narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi, “Isulat mo ito: Mapapalad ang mga patay na namamatay sa Panginoon mula ngayon.” “Oo,” sinasabi ng Espiritu, “sila'y magpapahinga sa kanilang mga gawa, sapagkat ang kanilang mga gawa ay sumusunod sa kanila.”
Ang Paggapas sa Lupa
14 Pagkatapos(L) ay nakita ko roon ang isang puting ulap, at nakaupo sa ulap ang isang katulad ng isang Anak ng Tao na sa kanyang ulo'y may isang gintong korona, at sa kanyang kamay ay may isang matalas na karit.
15 Lumabas(M) ang isa pang anghel mula sa templo, na sumisigaw nang may malakas na tinig doon sa nakaupo sa ulap, “Ihulog mo ang iyong karit at gumapas ka, sapagkat dumating na ang oras ng paggapas, at hinog na ang aanihin sa lupa.”
16 Kaya't inihagis ng nakaupo sa alapaap ang kanyang karit sa lupa at ang lupa ay nagapasan.
17 At lumabas ang isa pang anghel mula sa templo sa langit na siya rin ay may matalas na karit.
18 Ang isa pang anghel ay lumabas mula sa dambana, na siyang may kapangyarihan sa apoy, at tumawag siya nang may malakas na tinig doon sa may matalas na karit, “Ihulog mo ang iyong matalas na karit at tipunin mo ang mga buwig sa ubasan sa lupa, sapagkat ang mga ubas nito ay hinog na.”
19 Kaya't inihagis ng anghel ang kanyang karit sa lupa, at tinipon ang mga ubas sa lupa, at inihagis sa malaking pisaan ng ubas ng poot ng Diyos.
20 At(N) pinisa ang ubas sa pisaan sa labas ng lunsod, at lumabas sa pisaan ng ubas ang dugo, na umabot hanggang sa mga renda ng mga kabayo, sa layong halos dalawandaang milya.[c]
Ang mga Anghel na may Panghuling Salot
15 At nakita ko ang isa pang tanda sa langit, dakila at kamanghamangha: pitong anghel na may pitong salot, na siyang mga panghuli, sapagkat sa mga ito'y matatapos ang poot ng Diyos.
2 At nakita ko ang tulad sa isang dagat na kristal na may halong apoy, at ang mga dumaig sa halimaw at sa larawan nito, at sa bilang ng pangalan nito na nakatayo sa tabi ng dagat na kristal at may hawak na mga alpa ng Diyos.
3 At(O) inaawit nila ang awit ni Moises na alipin ng Diyos, at ang awit ng Kordero na sinasabi,
“Dakila at kamanghamangha ang iyong mga gawa,
O Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat!
Matuwid at tunay ang iyong mga daan,
ikaw na Hari ng mga bansa.
4 Sinong(P) hindi matatakot
at luluwalhati sa iyong pangalan O Panginoon,
sapagkat ikaw lamang ang banal.
Ang lahat ng mga bansa ay darating
at sasamba sa harapan mo;
sapagkat ang iyong mga matuwid na gawa ay nahayag.”
5 Pagkatapos(Q) ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at ang templo ng tolda ng patotoo sa langit ay nabuksan.
6 At mula sa templo ay lumabas ang pitong anghel na may pitong salot, na nakadamit ng dalisay at makintab na lino, at nabibigkisan ng gintong pamigkis ang kanilang mga dibdib.
7 At isa sa apat na nilalang na buháy ay nagbigay sa pitong anghel ng pitong mangkok na ginto na punô ng poot ng Diyos, na siyang nabubuhay magpakailanman.
8 At(R) napuno ng usok ang templo mula sa kaluwalhatian ng Diyos at mula sa kanyang kapangyarihan; at walang sinumang nakapasok sa templo hanggang sa matapos ang pitong salot ng pitong anghel.
Ang mga Mangkok ng Poot ng Diyos
16 At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa templo, na nagsasabi sa pitong anghel, “Humayo kayo at ibuhos ninyo sa lupa ang pitong mangkok ng poot ng Diyos.”
2 Kaya't(S) humayo ang una at ibinuhos ang kanyang mangkok sa lupa; at nagkaroon ng nakakapandiri at masamang sugat ang mga taong may tanda ng halimaw, at ang mga sumamba sa larawan nito.
3 Ibinuhos naman ng ikalawa ang kanyang mangkok sa dagat at ito'y naging parang dugo ng isang taong patay; at bawat may buhay na nasa dagat ay namatay.
4 Ibinuhos(T) ng ikatlo ang kanyang mangkok sa mga ilog at sa mga bukal ng tubig; at naging dugo ang mga ito.
5 At narinig ko ang anghel ng tubig na nagsasabi,
“Matuwid ka, ikaw na siyang ngayon at ang nakaraan, O Banal,
sapagkat hinatulan mo ang mga bagay na ito,
6 sapagkat pinadanak nila ang dugo ng mga banal at ng mga propeta,
at pinainom mo sila ng dugo.
Ito'y karapat-dapat sa kanila!”
7 At narinig ko ang dambana na nagsasabi,
“Opo, Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
tunay at matuwid ang iyong mga hatol!”
8 At ibinuhos ng ikaapat ang kanyang mangkok sa araw at pinahintulutan itong pasuin ng apoy ang mga tao.
9 At napaso ang mga tao sa matinding init, ngunit kanilang nilait ang pangalan ng Diyos na may kapangyarihan sa mga salot na ito; at hindi sila nagsisi upang siya'y luwalhatiin.
10 Ibinuhos(U) naman ng ikalima ang kanyang mangkok sa trono ng halimaw, at nagdilim ang kanyang kaharian. Kinagat ng mga tao ang kanilang mga dila dahil sa hirap,
11 at nilait nila ang Diyos ng langit dahil sa kanilang mga hirap at sa kanilang mga sugat; at hindi sila nagsisi sa kanilang mga gawa.
12 Ibinuhos(V) ng ikaanim ang kanyang mangkok sa malaking ilog na Eufrates at natuyo ang tubig nito, upang ihanda ang daraanan ng mga haring mula sa sikatan ng araw.
13 At nakita kong lumabas sa bibig ng dragon at mula sa bibig ng halimaw at mula sa bibig ng bulaang propeta ang tatlong espiritung karumaldumal, na gaya ng mga palaka.
14 Sila'y mga espiritu ng mga demonyo na gumagawa ng mga tanda; pumupunta sa mga hari ng buong daigdig, upang tipunin sila sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
15 (“Masdan(W) ninyo, ako'y dumarating na gaya ng magnanakaw. Mapalad ang nananatiling gising at nakadamit,[d] upang siya'y hindi lumakad na hubad at makita ang kanyang kahihiyan.”)
16 At(X) sila'y tinipon nila sa lugar na sa Hebreo ay tinatawag na Armagedon.
17 Ibinuhos ng ikapitong anghel ang kanyang mangkok sa himpapawid at lumabas sa templo ang isang malakas na tinig, mula sa trono na nagsasabi, “Naganap na!”
18 At(Y) nagkaroon ng mga kidlat, mga tinig, mga kulog, at malakas na lindol, na hindi pa nangyari kailanman mula nang magkaroon ng tao sa lupa, isang napakalakas na lindol.
19 Ang(Z) dakilang lunsod ay nahati sa tatlo, at ang mga lunsod ng mga bansa ay bumagsak. Naalala ng Diyos ang dakilang Babilonia at binigyan niya ito ng kopa ng alak ng kabagsikan ng kanyang poot.
20 At(AA) tumakas ang bawat pulo at walang mga bundok na matagpuan.
21 At(AB) bumagsak sa mga tao ang ulan ng malalaking yelo na ang bigat ay halos isandaang libra[e] buhat sa langit, at nilait ng mga tao ang Diyos dahil sa salot na ulan ng yelo, sapagkat ang salot na ito ay lubhang nakakatakot.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001