Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Galacia 4-6

Ganito ang ibig kong sabihin: ang tagapagmana, habang bata pa ay hindi nakahihigit sa mga alipin bagama't siya ang may-ari ng lahat,

subalit siya ay nasa ilalim ng mga tagapangalaga at mga katiwala hanggang sa panahong itinakda ng ama.

Gayundin tayo, nang tayo'y mga bata pa, tayo'y naalipin sa mga panimulang aral ng sanlibutan.

Subalit nang dumating ang ganap na kapanahunan, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, na ipinanganak ng isang babae, at ipinanganak sa ilalim ng kautusan,

upang(A) tubusin ang mga nasa ilalim ng kautusan, upang matanggap natin ang pagkupkop bilang mga anak.

At sapagkat kayo'y mga anak, isinugo ng Diyos ang Espiritu ng kanyang Anak sa ating[a] mga puso, na sumisigaw, “Abba,[b] Ama!”

Kaya't hindi ka na alipin kundi anak; at kung anak, ay tagapagmana.

Pinagsabihan ni Pablo ang mga Taga-Galacia

Subalit noong una, nang hindi pa ninyo kilala ang Diyos, kayo'y naging mga alipin ng mga hindi likas na diyos.

Subalit ngayong nakikilala na ninyo ang Diyos, o sa halip ay kinikilala na kayo ng Diyos, bakit muli kayong nagbabalik sa mahihina at hamak na mga panimulang aral, na sa mga iyon ay nais ninyong muling maging mga alipin?

10 Nangingilin kayo ng mga araw, mga buwan, mga panahon, at mga taon.

11 Ako'y natatakot na nagpagal ako sa inyo nang walang kabuluhan.

12 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo, kayo'y maging kagaya ko, sapagkat ako'y naging katulad din ninyo. Wala kayong ginawang masama sa akin.

13 Nalalaman ninyo na dahil sa karamdaman ng katawan ay una kong ipinangaral sa inyo ang ebanghelyo.

14 Bagaman ang aking kalagayan ay naging isang pagsubok sa inyo, hindi ninyo ako hinamak o kinasuklaman kundi tinanggap na gaya sa isang anghel ng Diyos, gaya ni Cristo Jesus.

15 Nasaan na ngayon ang inyong kagandahang-loob?[c] Sapagkat ako'y nagpapatotoo sa inyo, na kung maaari sana ay dinukit na ninyo ang inyong mga mata at ibinigay sa akin.

16 Ako ba ngayo'y naging kaaway ninyo sa pagsasabi ko sa inyo ng katotohanan?

17 Sila'y masigasig sa inyo, subalit hindi para sa mabuting layunin; nais nilang ihiwalay kayo, upang kayo'y maging masigasig sa kanila.

18 Subalit mabuti ang maging laging masigasig sa mabuting bagay at hindi lamang kapag ako'y kaharap ninyo.

19 Minamahal kong mga anak, na para sa inyo ay muli akong nakakaranas ng hirap ng panganganak hanggang si Cristo ay mabuo sa inyo.

20 Nais kong makaharap kayo ngayon at baguhin ang aking tono, sapagkat ako'y nag-aalinlangan tungkol sa inyo.

Paghahambing kina Hagar at Sarah

21 Sabihin ninyo sa akin, kayong nagnanais mapasailalim ng kautusan, hindi ba ninyo naririnig ang kautusan?

22 Sapagkat(B) nasusulat na si Abraham ay nagkaroon ng dalawang anak, isa mula sa aliping babae, at ang isa ay sa babaing malaya.

23 Subalit ang mula sa alipin ay ipinanganak ayon sa laman, at ang mula sa babaing malaya ay sa pamamagitan ng pangako.

24 Ang mga bagay na ito ay isang paghahambing, sapagkat ang mga babaing ito'y dalawang tipan. Ang isa ay si Hagar na mula sa bundok ng Sinai na nanganganak para sa pagkaalipin.

25 Ngayon, si Hagar ay bundok ng Sinai sa Arabia at katumbas ng kasalukuyang Jerusalem, sapagkat siya'y nasa pagkaalipin kasama ng kanyang mga anak.

26 Ngunit ang Jerusalem na nasa itaas ay malaya, na siyang ating ina.

27 Sapagkat(C) nasusulat,

“Magalak ka, ikaw na baog, ikaw na hindi nanganganak;
    bigla kang umawit at sumigaw, ikaw na hindi nakakaranas ng sakit sa panganganak;
sapagkat mas marami pa ang mga anak ng pinabayaan
    kaysa mga anak ng may asawa.”

28 At kayo, mga kapatid, tulad ni Isaac, ay mga anak ng pangako.

29 Subalit(D) kung paanong inusig noon ng ipinanganak ayon sa laman ang ipinanganak ayon sa Espiritu, gayundin naman ngayon.

30 Subalit(E) ano ang sinasabi ng kasulatan? “Palayasin ang aliping babae at ang kanyang anak, sapagkat hindi magmamana ang anak ng babaing alipin na kasama ng anak ng babaing malaya.”

31 Kaya, mga kapatid, hindi tayo mga anak ng babaing alipin, kundi ng babaing malaya.

Ang Kalayaan kay Cristo

Para sa kalayaan ay pinalaya tayo ni Cristo; kaya't magpakatatag kayo at huwag pasakop na muli sa pamatok ng pagkaalipin.

Makinig kayo! Akong si Pablo ay nagsasabi sa inyo na kung kayo'y patutuli, si Cristo ay hindi magiging pakinabang sa inyo.

At muli kong pinatotohanan sa bawat taong nagpatuli na siya'y may pananagutang tumupad sa buong kautusan.

Kayo'y hiwalay kay Cristo, kayong mga nagnanais ariing-ganap sa pamamagitan ng kautusan; nahulog kayo mula sa biyaya.

Sapagkat sa pamamagitan ng Espiritu, sa pananampalataya ay naghihintay tayo sa pag-asa ng katuwiran.

Sapagkat kay Cristo Jesus, ang pagtutuli o di-pagtutuli ay walang kabuluhan, kundi ang pananampalataya na gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig.

Kayo ay tumatakbo noon ng mabuti, sino ang humadlang sa inyo sa pagsunod sa katotohanan?

Ang paghikayat na iyon ay hindi nagmula sa tumatawag sa inyo.

Ang(F) kaunting lebadura ay nagpapaalsa sa buong masa.

10 Ako'y nagtitiwala sa Panginoon, na hindi kayo mag-iisip ng iba pa. Subalit sinuman siyang nanggugulo sa inyo ay tatanggap ng parusa.

11 Ngunit ako, mga kapatid, kung ipinangangaral ko pa ang pagtutuli, bakit pa ako inuusig? Kung gayon, ang katitisuran ng krus ay inalis na.

12 Ibig ko sana na ang mga nanggugulo sa inyo ay kapunin nila ang kanilang sarili.

13 Sapagkat kayo, mga kapatid, ay tinawag sa kalayaan; subalit huwag lamang ninyong gagamitin ang inyong kalayaan bilang isang kadahilanan para sa laman, kundi sa pamamagitan ng pag-ibig ay maging alipin kayo ng isa't isa.

14 Sapagkat(G) ang buong kautusan ay natutupad sa isang pangungusap, “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”

15 Ngunit kung kayo-kayo ang nagkakagatan at nagsasakmalan, mag-ingat kayo, baka kayo'y magkaubusan.

Ang mga Gawa ng Laman

16 Subalit sinasabi ko, lumakad kayo ayon sa Espiritu, at huwag ninyong bigyang-kasiyahan ang mga pagnanasa ng laman.

17 Sapagkat(H) ang laman ay nagnanasa laban sa Espiritu, at ang Espiritu ay laban sa laman; sapagkat ang mga ito ay laban sa isa't isa, upang hindi ninyo magawa ang mga bagay na nais ninyong gawin.

18 Subalit kung kayo'y pinapatnubayan ng Espiritu, kayo ay wala sa ilalim ng kautusan.

19 Ngayon ay hayag ang mga gawa ng laman, ang mga ito ay pakikiapid, karumihan, kahalayan,

20 pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, alitan, pagtatalo, paninibugho, pagkagalit, pagkamakasarili, pagkakabaha-bahagi, mga pagkakampi-kampi,

21 pagkainggit, paglalasing, kalayawan, at ang mga katulad nito. Binabalaan ko kayo, gaya ng aking pagbabala noong una sa inyo, na ang mga gumagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.

Ang Bunga ng Espiritu

22 Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan,

23 kaamuan, at pagpipigil sa sarili. Laban sa mga ito ay walang kautusan.

24 At ipinako sa krus ng mga na kay Cristo Jesus ang laman na kasama ang masasamang pagnanasa at mga kahalayan nito.

25 Kung tayo'y nabubuhay sa pamamagitan ng Espiritu, lumakad din tayo sa patnubay ng Espiritu.

26 Huwag tayong maging palalo, na ginagalit ang isa't isa at naiinggit sa isa't isa.

Magtulungan sa Isa't isa

Mga kapatid, kung ang isang tao ay natagpuan sa anumang pagsuway, kayong mga espirituwal ay dapat panunumbalikin siya sa espiritu ng kaamuan. Tingnan ang iyong sarili, baka ikaw ay matukso rin.

Dalhin ninyo ang mga pasanin ng isa't isa, at sa gayon ay matutupad ninyo ang kautusan ni Cristo.

Sapagkat kung inaakala ng sinuman na siya'y may kabuluhan, gayong wala naman siyang kabuluhan, ay dinadaya niya ang kanyang sarili.

Ngunit subukin ng bawat isa ang kanyang sariling gawa, at kung magkagayon, ang kanyang dahilan upang magmalaki ay sa kanyang sarili lamang, at hindi sa kanyang kapwa.

Sapagkat ang bawat tao ay dapat magdala ng kanyang sariling pasan.

Ang tinuturuan ng salita ay dapat magbahagi sa nagtuturo ng lahat ng mga bagay na mabuti.

Huwag kayong padaya; ang Diyos ay hindi maaaring lokohin, sapagkat ang anumang ihasik ng tao, ay siya rin niyang aanihin.

Sapagkat ang naghahasik para sa kanyang sariling laman ay mula sa laman mag-aani ng kasiraan; subalit ang naghahasik sa Espiritu, mula sa Espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan.

At huwag tayong manghinawa sa paggawa ng mabuti, sapagkat sa takdang panahon ay mag-aani tayo, kung hindi tayo manlulupaypay.

10 Kaya't habang may pagkakataon, gumawa tayo ng mabuti sa lahat, lalung-lalo na sa mga kabilang sa sambahayan ng pananampalataya.

Babala at Basbas

11 Tingnan ninyo kung sa gaano kalalaking mga titik sumusulat ako sa inyo sa pamamagitan ng aking sariling kamay!

12 Ang mga nais gumawa ng magandang palabas sa laman ang siyang pumipilit sa inyo na magpatuli, upang hindi sila usigin dahil sa krus ni Cristo.

13 Sapagkat maging ang mga nagpatuli ay hindi rin naman tumutupad ng kautusan; ngunit ibig nila kayong magpatuli upang sila'y makapagmalaki sa inyong laman.

14 Subalit huwag nawang mangyari sa akin ang magmalaki, maliban sa krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na sa pamamagitan nito ang sanlibutan ay ipinako sa krus para sa akin, at ako'y sa sanlibutan.

15 Sapagkat[d] ang pagtutuli o ang di-pagtutuli ay walang kabuluhan, kundi ang bagong nilalang.

16 Kapayapaan at kaawaan nawa ang sumakanilang lahat na lumalakad sa alituntuning ito, at maging sa Israel ng Diyos.

17 Buhat ngayon ay huwag akong guluhin ng sinuman; sapagkat taglay ko sa aking katawan ang mga bakas ng paghihirap ni Jesus.

18 Mga kapatid, ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo nawang espiritu. Amen.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001