Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Hebreo 7-10

Ang Pagkapari ni Melquizedek

Itong(A) si Melquizedek, hari ng Salem, pari ng Kataas-taasang Diyos, ang siyang sumalubong kay Abraham sa pagbabalik niya galing sa paglipol sa mga hari at siya'y kanyang binasbasan,

at sa kanya ay ibinahagi ni Abraham ang ikasampung bahagi ng lahat. Una, ang kahulugan ng kanyang pangalan ay hari ng katuwiran; ikalawa, siya rin ay hari ng Salem, na ang kahulugan ay hari ng kapayapaan.

Walang ama, walang ina, walang talaan ng angkan, ni walang pasimula ng mga araw o katapusan ng buhay, subalit ginawang katulad ng Anak ng Diyos, siya ay nananatiling pari magpakailanman.

Talagang napakadakila ang taong ito! Maging si Abraham na patriyarka ay nagbigay sa kanya ng ikasampung bahagi ng mga samsam.

At(B) ang mga anak ni Levi na tumanggap ng katungkulang pari ay mayroong utos ayon sa kautusan na maglikom ng ikasampung bahagi mula sa taong-bayan, samakatuwid ay sa kanilang mga kapatid, bagaman ang mga ito ay mga nagmula sa balakang ni Abraham.

Ngunit ang taong ito na hindi mula sa kanilang lahi ay tumanggap ng mga ikasampung bahagi mula kay Abraham, at binasbasan ang tumanggap ng mga pangako.

Hindi mapapabulaanan na ang nakabababa ay binabasbasan ng nakatataas.

At dito, ang mga taong may kamatayan ay tumatanggap ng ikasampung bahagi, subalit sa kabilang dako ay ang isa na pinatutunayang nabubuhay.

Maaaring sabihin na maging si Levi, na siyang tumatanggap ng mga ikasampung bahagi ay nagbayad ng ikasampung bahagi sa pamamagitan ni Abraham,

10 sapagkat siya'y nasa mga balakang pa ng kanyang ninuno nang siya'y salubungin ni Melquizedek.

Ang Paring Tulad ni Melquizedek

11 Ngayon, kung may kasakdalan sa pamamagitan ng pagkapari ng mga Levita, (sapagkat batay dito ay tinanggap ng bayan ang kautusan), ano pa ang karagdagang pangangailangan upang lumitaw ang isa pang pari, ayon sa pagkapari ni Melquizedek, sa halip na ayon sa pagkapari ni Aaron?

12 Sapagkat nang palitan ang pagkapari ay kailangan din namang palitan ang kautusan.

13 Sapagkat ang tinutukoy ng mga bagay na ito ay kabilang sa ibang angkan, na doon ang sinuma'y hindi naglingkod sa dambana.

14 Sapagkat maliwanag na ang ating Panginoon ay nagmula sa Juda at tungkol sa liping iyon ay walang sinabing anuman si Moises tungkol sa mga pari.

15 At ito ay lalo pang naging maliwanag nang lumitaw ang ibang pari, na kagaya ni Melquizedek,

16 na naging pari, hindi ayon sa itinatakda ng batas na ukol sa laman, kundi ayon sa kapangyarihan ng isang buhay na hindi mapupuksa.

17 Sapagkat(C) pinatotohanan,

“Ikaw ay pari magpakailanman,
    ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”

18 Sa kabilang dako, mayroong pagpapawalang-bisa sa naunang utos, sapagkat ito ay mahina at walang pakinabang

19 (sapagkat ang kautusan ay walang pinasasakdal), sa gayon ay ipinapakilala ang isang higit na mabuting pag-asa, na sa pamamagitan nito ay lumalapit tayo sa Diyos.

20 At iyon ay mayroong panunumpa. Yaong nang una ay naging pari ay nagsimula sa kanilang katungkulan na walang panunumpa,

21 ngunit(D) ang isang ito ay naging pari na may panunumpa,

“Nanumpa ang Panginoon at hindi siya magbabago ng kanyang isip,
‘Ikaw ay pari magpakailanman.’”

22 Sa gayon, si Jesus ay naging tagapanagot ng isang higit na mabuting tipan.

23 Marami sa bilang ang dating mga pari, sapagkat sila'y hinadlangan ng kamatayan upang makapagpatuloy sa panunungkulan.

24 Subalit hawak niya ang pagiging pari magpakailanman, sapagkat siya ay nagpapatuloy magpakailanman.

25 Dahil dito, siya'y may kakayahang iligtas nang lubos ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, yamang lagi siyang nabubuhay upang mamagitan para sa kanila.

26 Sapagkat nararapat na tayo'y magkaroon ng gayong Pinakapunong Pari, banal, walang sala, walang dungis, hiwalay sa mga makasalanan, at ginawang lalong mataas kaysa mga langit.

27 Hindi(E) gaya ng ibang mga pinakapunong pari, hindi niya kailangang maghandog ng alay araw-araw, una para sa kanyang sariling mga kasalanan, at saka para sa mga kasalanan ng bayan; ito'y ginawa niyang minsan magpakailanman nang kanyang ihandog ang kanyang sarili.

28 Sapagkat hinihirang ng kautusan bilang mga pinakapunong pari ang mga taong may kahinaan, ngunit ang salita ng panunumpa na dumating na kasunod ng kautusan ay humirang sa Anak na ginawang sakdal magpakailanman.

Ang Tagapamagitan ng Mas Mabuting Tipan

Ngayon,(F) ang pangunahing bagay na aming sinasabi ay ito: Mayroon tayong gayong Pinakapunong Pari na nakaupo sa kanan ng trono ng Kamahalan sa kalangitan,

isang ministro sa santuwaryo at sa tunay na tabernakulo na itinayo ng Panginoon, hindi ng tao.

Sapagkat itinalaga ang bawat pinakapunong pari upang maghandog ng mga kaloob at ng mga alay. Kaya't kailangan din namang siya'y magkaroon ng kanyang ihahandog.

Kaya't kung siya'y nasa lupa, hindi siya maaaring maging pari, sapagkat mayroon nang mga paring naghandog ng mga kaloob ayon sa kautusan.

Sila'y(G) naglilingkod sa anyo at anino ng makalangit na santuwaryo; sapagkat si Moises ay binalaan ng Diyos nang malapit na niyang itayo ang tabernakulo, “Tiyakin mo na iyong gagawin ang lahat ng mga bagay ayon sa huwarang ipinakita sa iyo sa bundok.”

Subalit ngayo'y nagtamo si Cristo[a] ng ministeryong higit na marangal, yamang siya'y tagapamagitan sa isang higit na mabuting tipan na pinagtibay sa higit na mabubuting pangako.

Sapagkat kung ang unang tipang iyon ay walang kapintasan, hindi na sana kailangang humanap pa ng pangalawa.

Sapagkat(H) nang makakita ang Diyos[b] ng kapintasan sa kanila, ay sinabi niya,

“Ang mga araw ay tiyak na darating, sabi ng Panginoon,
    na ako'y gagawa ng isang bagong tipan sa sambahayan ni Israel
    at sa sambahayan ni Juda,
hindi ayon sa tipang aking ginawa sa kanilang mga ninuno,
    nang araw na hawakan ko sila sa kamay, upang sila'y ihatid papalabas sa lupain ng Ehipto,
sapagkat sila'y hindi nagpatuloy sa aking tipan,
    kaya't ako'y hindi nagmalasakit sa kanila, sabi ng Panginoon.
10 Ito ang tipang aking gagawin sa sambahayan ni Israel
    pagkatapos ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon:
ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang pag-iisip,
    at isusulat ko ang mga iyon sa kanilang mga puso,
at ako'y magiging Diyos nila,
    at sila'y magiging bayan ko.
11 At hindi magtuturo ang bawat isa sa kanila sa kanyang kababayan,
    o magsasabi ang bawat isa sa kanyang kapatid, ‘Kilalanin mo ang Panginoon,’
sapagkat ako'y makikilala nilang lahat,
    mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila sa kanila.
12 Sapagkat ako'y magiging mahabagin sa kanilang mga kasamaan,
    at ang kanilang mga kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa.”

13 Sa pagsasalita tungkol sa “bagong tipan,” ginawa niyang lipas na ang una. At ang ginawang lipas na at tumatanda ay malapit nang maglaho.

Ang Panlupa at ang Panlangit na mga Santuwaryo

Ngayon, maging ang unang tipan ay nagkaroon ng mga alituntunin sa pagsamba at ng isang panlupang santuwaryo.

Sapagkat(I) inihanda ang unang tabernakulo na kinaroroonan ng ilawan, dulang, at ng mga tinapay na handog; ito ay tinatawag na Dakong Banal.

Sa(J) likod ng ikalawang tabing ay ang tabernakulo na tinatawag na Dakong Kabanal-banalan.

Dito(K) ay nakatayo ang isang gintong dambana ng insenso at ang kaban ng tipan na ang paligid ay nababalutan ng ginto, na siyang kinaroroonan ng sisidlang-ginto na kinalalagyan ng manna at ng tungkod ni Aaron na namulaklak, at ang mga tapyas na bato ng tipan.

Sa(L) ibabaw nito ay ang mga kerubin ng kaluwalhatian na lumililim sa trono ng awa. Ang mga bagay na ito ay hindi namin masasabi ngayon ng isa-isa.

Pagkatapos(M) magawa ang ganitong pagkahanda, ang mga pari ay patuloy na pumapasok sa unang tabernakulo upang gawin ang kanilang katungkulan sa paglilingkod;

subalit(N) sa ikalawa ay nag-iisang pumapasok ang pinakapunong pari, minsan sa isang taon, na may dalang dugo bilang handog niya para sa kanyang sarili at sa mga kasalanang nagawa nang di sinasadya ng taong-bayan.

Sa pamamagitan nito, itinuturo ng Espiritu Santo na hindi pa naihahayag ang daan patungo sa santuwaryo, habang nakatayo pa ang unang tabernakulo.

Iyon ay isang sagisag[c] ng panahong kasalukuyan, na sa panahong yaon ang mga kaloob at ang mga alay na inihahandog ay hindi makapagpapasakdal sa budhi ng sumasamba,

10 kundi tungkol lamang sa mga pagkain at mga inumin at iba't ibang paghuhugas, na mga alituntunin tungkol sa katawan na ipinatutupad hanggang sa ang panahon ay dumating upang maisaayos ang mga bagay.

11 Ngunit nang dumating si Cristo na Pinakapunong Pari ng mabubuting bagay na darating,[d] sa pamamagitan ng lalong dakila at lalong sakdal na tabernakulo na hindi gawa ng mga kamay ng tao, samakatuwid ay hindi sa sangnilikhang ito,

12 at hindi rin sa pamamagitan ng dugo ng mga kambing at mga toro, kundi sa pamamagitan ng kanyang sariling dugo, siya ay pumasok na minsan magpakailanman sa Dakong Banal, sa gayo'y tinitiyak ang walang hanggang katubusan.

13 Sapagkat(O) kung ang dugo ng mga kambing at ng mga toro, at ang abo ng dumalagang baka na iwiniwisik sa mga nadungisan ay makapagpapabanal sa ikalilinis ng laman,

14 gaano pa kaya ang dugo ni Cristo, na sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu ay inihandog ang kanyang sarili na walang dungis sa Diyos, ay maglilinis ng ating budhi mula sa mga gawang patay upang maglingkod sa Diyos na buháy?

15 Kaya't siya ang tagapamagitan ng isang bagong tipan, upang ang mga tinawag ay tumanggap ng pangako na pamanang buhay na walang hanggan. Yamang naganap ang isang kamatayan na tumutubos sa kanila mula sa mga pagsalangsang sa ilalim ng unang tipan.

16 Sapagkat kung saan mayroong tipan, ang kamatayan ng gumawa niyon ay dapat matiyak.

17 Sapagkat ang isang tipan ay pinagtitibay sa kamatayan, yamang ito'y walang bisa habang nabubuhay pa ang gumawa ng tipan.

18 Kaya't maging ang unang tipan ay hindi pinagtibay ng walang dugo.

19 Sapagkat(P) nang sabihin ni Moises ang bawat utos sa buong bayan ayon sa kautusan, kumuha siya ng dugo ng baka at ng mga kambing, na may tubig at mapulang balahibo at isopo, at winisikan niya ang aklat at gayundin ang buong bayan,

20 na sinasabi, “Ito ang dugo ng tipan na iniutos ng Diyos sa inyo.”

21 Sa(Q) gayunding paraan, ang tabernakulo at ang lahat ng mga kasangkapang ginagamit sa banal na pagsamba ay pinagwiwisikan niya ng dugo.

22 Sa(R) katunayan, sa ilalim ng kautusan, halos lahat ng mga bagay ay nililinis ng dugo, at kung walang pagdanak ng dugo ay walang kapatawaran ng mga kasalanan.

Ang Sakripisyong Nag-aalis ng Kasalanan

23 Kaya't kailangan na ang mga sinipi mula sa mga bagay sa kalangitan ay linisin ng mga ito, ngunit ang mga bagay sa sangkalangitan ay sa pamamagitan ng higit na mabubuting handog kaysa mga ito.

24 Sapagkat si Cristo ay hindi pumasok sa santuwaryo na ginawa ng mga kamay ng tao na mga kahalintulad lamang ng mga tunay na bagay, kundi sa mismong langit, upang dumulog ngayon sa harapan ng Diyos para sa atin.

25 Hindi upang ihandog na paulit-ulit ang kanyang sarili, gaya ng pinakapunong pari na pumapasok sa Dakong Banal taun-taon na may dalang dugo na hindi mula sa kanya,

26 sapagkat kung gayon ay kailangan siyang paulit-ulit na maghirap mula pa nang lalangin ang sanlibutan. Subalit ngayon, minsanan siyang nahayag sa katapusan ng panahon para sa pag-aalis ng mga kasalanan sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang sarili.

27 At yamang itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom,

28 ay(S) gayundin naman si Cristo, na inihandog na minsan upang dalhin ang mga kasalanan ng marami, ay magpapakita sa ikalawang pagkakataon, hindi upang harapin ang kasalanan, kundi upang iligtas ang mga sabik na naghihintay sa kanya.

10 Yamang ang kautusan ay anino lamang ng mabubuting bagay na darating, at hindi ang tunay na larawan ng mga bagay na ito, kailanman ay hindi nito mapapasakdal ang mga lumalapit sa pamamagitan ng gayunding mga alay na laging inihahandog taun-taon.

Sapagkat kung di gayon, hindi ba sana ay itinigil nang ihandog ang mga iyon? Kung ang mga sumasamba na nalinis nang minsan, sana ay hindi na sila nagkaroon pa ng kamalayan sa kasalanan.

Ngunit sa pamamagitan ng mga handog na ito ay may pagpapaalala ng mga kasalanan taun-taon.

Sapagkat hindi maaaring mangyari na ang dugo ng mga toro at ng mga kambing ay makapag-alis ng mga kasalanan.

Kaya't(T) pagdating ni Cristo[e] sa sanlibutan ay sinabi niya,

“Hindi mo nais ang alay at handog,
    ngunit ipinaghanda mo ako ng isang katawan;
sa mga handog na sinusunog at sa mga handog para sa mga kasalanan
    ay hindi ka nalugod.
Kaya't sinabi ko, ‘Narito, ako'y dumating upang gawin ang iyong kalooban, O Diyos,’
    sa balumbon ng aklat ay nasusulat tungkol sa akin.”

Nang sabihin niya sa itaas na, “Hindi mo ibig at hindi mo rin kinalugdan ang alay at mga handog, at mga buong handog na sinusunog at mga alay para sa kasalanan” na inihahandog ayon sa kautusan,

pagkatapos ay idinagdag niya, “Narito, ako'y dumating upang gawin ang iyong kalooban.” Inalis niya ang una, upang maitatag ang ikalawa,

10 at sa pamamagitan ng kalooban niya tayo'y ginawang banal sa pamamagitan ng pag-aalay ng katawan ni Cristo minsan magpakailanman.

11 At(U) bawat pari ay tumatayo araw-araw na naglilingkod at paulit-ulit na nag-aalay ng gayunding mga handog na kailanman ay hindi nakapag-aalis ng mga kasalanan.

12 Ngunit(V) nang makapaghandog si Cristo[f] ng isa lamang alay para sa mga kasalanan para sa lahat ng panahon, siya ay umupo sa kanan ng Diyos,

13 at buhat noon ay naghihintay hanggang sa ang kanyang mga kaaway ay maging tuntungan ng kanyang mga paa.

14 Sapagkat sa pamamagitan ng isang pag-aalay ay kanyang pinasakdal para sa lahat ng panahon ang mga pinababanal.

15 At ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo rin sa atin, sapagkat pagkatapos niyang sabihin,

16 “Ito(W) ang tipan na aking gagawin sa kanila,
    pagkatapos ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon;
ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang mga puso,
    at isusulat ko ang mga iyon sa kanilang pag-iisip,”

17 sinabi(X) rin niya,

“At ang kanilang mga kasalanan at mga kasamaan ay hindi ko na aalalahanin pa.”

18 Kung saan may kapatawaran ng mga ito, ay wala ng pag-aalay para sa kasalanan.

Lumapit Tayo sa Diyos

19 Kaya, mga kapatid, yamang mayroon tayong pagtitiwala na pumasok sa santuwaryo sa pamamagitan ng dugo ni Jesus,

20 na kanyang binuksan para sa atin ang isang bago at buháy na daan, sa pamamagitan ng tabing, samakatuwid ay sa kanyang laman,

21 at yamang mayroon tayong isang pinakapunong pari sa bahay ng Diyos,

22 tayo'y(Y) lumapit na may tapat na puso sa lubos na katiyakan ng pananampalataya, na ang mga puso ay winisikang malinis mula sa isang masamang budhi at nahugasan ang ating katawan ng dalisay na tubig.

23 Panghawakan nating matatag ang pagpapahayag ng ating pag-asa nang walang pag-aalinlangan, sapagkat siya na nangako ay tapat.

24 At ating isaalang-alang kung papaano gigisingin ang isa't isa sa pag-ibig at sa mabubuting gawa,

25 na huwag nating pabayaan ang ating pagtitipon, gaya ng ugali ng iba, kundi palakasin ang loob ng isa't isa, lalung-lalo na kapag inyong nakikita na papalapit na ang Araw.

26 Sapagkat kung sinasadya nating magkasala, matapos nating tanggapin ang lubos na pagkakilala sa katotohanan, ay wala ng natitira pang alay para sa mga kasalanan,

27 kundi(Z) isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang naglalagablab na apoy na tutupok sa mga kaaway.

28 Ang(AA) sumuway sa kautusan ni Moises, sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi, ay walang awang namamatay.

29 Gaano(AB) pa kayang higpit na parusa sa akala ninyo, ang nararapat sa kanila na yumurak sa Anak ng Diyos at lumapastangan sa dugo ng tipan na nagpabanal sa kanila, at umalipusta sa Espiritu ng biyaya?

30 Sapagkat(AC) kilala natin ang nagsabi, “Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti.” At muli, “Huhukuman ng Panginoon ang kanyang bayan.”

31 Isang kakilakilabot na bagay ang mahulog sa mga kamay ng Diyos na buháy.

32 Subalit alalahanin ninyo ang mga nakaraang araw, na pagkatapos na kayo'y maliwanagan, ay nagtiis kayo ng matinding pakikipaglaban na may pagdurusa,

33 na kung minsan ay hayagang inilalantad sa pag-alipusta at pag-uusig, at kung minsan ay nagiging mga kabahagi ng mga nagdaranas ng gayon.

34 Sapagkat kayo'y nahabag sa mga bilanggo, at tinanggap ninyo nang buong galak ang pagkasamsam sa inyong mga ari-arian, palibhasa'y inyong nalalamang mayroon kayong isang pag-aaring higit na mabuti at tumatagal.

35 Kaya't huwag ninyong itakuwil ang inyong pagtitiwala na may dakilang gantimpala.

36 Sapagkat kailangan ninyo ng pagtitiis, upang kapag inyong nagampanan ang kalooban ng Diyos ay tanggapin ninyo ang pangako.

37 Sapagkat(AD) “sa sandaling panahon,
    ang siyang dumarating ay darating, at hindi maaantala.
38 Ngunit ang aking matuwid na lingkod ay mabubuhay sa pananampalataya.
    Ngunit kung siya'y tumalikod, ang aking kaluluwa ay hindi malulugod sa kanya.”

39 Ngunit tayo'y hindi kabilang sa mga umuurong kaya't sila'y napapahamak, kundi kabilang sa mga may pananampalataya kaya't naliligtas.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001