Beginning
Pagbati
1 Si Pablo, na alipin ng Diyos, at apostol ni Jesu-Cristo, sa ikasusulong ng pananampalataya ng mga hinirang ng Diyos, at ng kanilang pagkakilala sa katotohanang ayon sa kabanalan,
2 sa pag-asa sa buhay na walang hanggan. Bago pa nagsimula ang mga panahon, ito ay ipinangako ng Diyos na hindi nagsisinungaling.
3 Ngunit sa takdang panahon ay ipinahayag sa kanyang salita sa pamamagitan ng pangangaral na sa akin ay ipinagkatiwala ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas;
4 kay(A) Tito na aking tunay na anak sa iisang pananampalataya: Biyaya at kapayapaan mula sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Tagapagligtas.
Ang Gawain ni Tito sa Creta
5 Dahil dito'y iniwan kita sa Creta, upang isaayos mo ang mga bagay na may kakulangan at upang magtalaga ng matatanda sa iglesya sa bawat bayan, na gaya ng ipinagbilin ko sa iyo:
6 Siya(B) ay dapat na walang kapintasan, asawa ng isang babae, na ang kanyang mga anak ay mananampalataya, na hindi napaparatangan ng panggugulo o ng pagiging suwail.
7 Sapagkat ang obispo bilang katiwala ng Diyos ay dapat na walang kapintasan, hindi mayabang, hindi magagalitin, hindi maglalasing, hindi marahas, hindi sakim sa pakinabang;
8 kundi mapagpatuloy ng panauhin, maibigin sa kabutihan, matino ang pag-iisip, matuwid, banal, at mapagpigil sa sarili.
9 Dapat na kanyang pinanghahawakang mabuti ang tapat na salita na ayon sa turo, upang makapangaral siya ng wastong aral, at pabulaanan ang mga sumasalungat dito.
10 Sapagkat maraming mga suwail, na mapagsalita ng walang kabuluhan at mga mandaraya, lalung-lalo na ang mga nasa panig ng pagtutuli.
11 Dapat patigilin ang kanilang mga bibig, sapagkat ginugulo nila ang buong sambahayan sa pagtuturo nila ng mga bagay na hindi nararapat, dahil sa masamang pakinabang.
12 Sinabi ng isa sa kanila, ng isang propeta mismo nila,
‘Ang mga taga-Creta ay laging mga sinungaling, masasamang hayop, mga batugang matatakaw.’
13 Ang patotoong ito ay tunay. Dahil dito'y mahigpit mo silang sawayin upang maging malakas sila sa pananampalataya,
14 na huwag makinig sa mga kathang-isip ng mga Judio, at sa mga utos ng mga tao na nagtatakuwil sa katotohanan.
15 Sa malinis ang lahat ng mga bagay ay malinis; ngunit sa marurumi at hindi nananampalataya ay walang anumang malinis; kundi ang kanilang pag-iisip at budhi ay pawang pinarumi.
16 Inaangkin nilang kilala nila ang Diyos; ngunit sa pamamagitan ng kanilang mga gawa, ay ikinakaila nila, palibhasa sila'y kasuklamsuklam, at mga masuwayin, at hindi naaangkop sa anumang gawang mabuti.
Ang Mahusay na Aral
2 Ngunit ikaw naman, magsalita ka ng mga bagay na angkop sa mahusay na aral.
2 Ang matatandang lalaki ay dapat maging mapagpigil sa sarili, kagalang-galang, matino, malakas sa pananampalataya, sa pag-ibig, at sa pagtitiis.
3 Sabihan mo rin ang matatandang babae na maging magalang sa kanilang asal, hindi mapanirang-puri, ni paalipin man sa alak; dapat silang magturo ng kabutihan,
4 upang kanilang maturuan ang mga kabataang babae na ibigin ang kani-kanilang mga asawa, ibigin ang kanilang mga anak,
5 maging matino, dalisay, masipag sa gawaing bahay, mabait, na nagpapasakop sa kani-kanilang asawa, upang huwag lapastanganin ang salita ng Diyos.
6 Gayundin naman, himukin mo ang mga kabataang lalaki na maging matino sa pag-iisip.
7 Sa lahat ng mga bagay ay ipakita mo ang iyong sarili na isang uliran sa mabubuting gawa; at sa iyong pagtuturo ay magpakita ka ng katapatan, pagiging kagalang-galang,
8 wastong pananalita na hindi mapipintasan, upang ang kalaban ay mapahiya, na walang anumang masamang masasabi tungkol sa atin.
9 Ang mga alipin ay magpasakop sa kanilang mga panginoon at magbigay ng kasiyahan sa lahat ng mga bagay, at huwag maging palasagot,
10 ni huwag mangungupit, kundi magpakita ng lubos at tunay na katapatan, upang sa lahat ng bagay ay mapalamutian nila ang aral ng Diyos na ating Tagapagligtas.
11 Sapagkat nagpakita ang biyaya ng Diyos, na nagdadala ng kaligtasan sa lahat ng tao,
12 na nagtuturo sa atin na matapos itakuwil ang kasamaan, at mga makamundong pagnanasa, ay dapat tayong mamuhay nang may katinuan, matuwid at banal sa kasalukuyang panahon,
13 habang hinihintay natin ang mapalad na pag-asa at ang pagpapakita ng kaluwalhatian ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.
14 Siya(C) ang nagbigay ng kanyang sarili alang-alang sa atin, upang tayo'y matubos niya sa lahat ng mga kasamaan, at pakalinisin para sa kanyang sarili ang sambayanang pag-aari niya na masigasig sa mabubuting gawa.
15 Ipahayag mo ang mga bagay na ito. Mangaral ka at sumaway na may buong kapamahalaan. Huwag mong hayaang hamakin ka ng sinuman.
Ang Mabuting Pamumuhay
3 Ipaalala mo sa kanila na pasakop sa mga pinuno at sa mga may kapangyarihan, maging masunurin, maging handa sa bawat mabuting gawa,
2 huwag magsalita ng masama tungkol sa kanino man, huwag makipag-away, maging maamo, at magpakita ng hinahon sa lahat ng mga tao.
3 Sapagkat tayo rin naman noong dati ay mga hangal, mga suwail, mga nalinlang, mga alipin ng sari-saring pagnanasa at kalayawan, na namumuhay sa kasamaan at inggit; mga kasuklamsuklam at napopoot sa isa't isa.
4 Ngunit nang mahayag ang kabutihan at kagandahang-loob ng Diyos na ating Tagapagligtas,
5 iniligtas niya tayo, hindi dahil sa mga gawa na ating ginawa sa katuwiran kundi ayon sa kanyang kahabagan, sa pamamagitan ng paghuhugas ng muling kapanganakan at ng pagbabago sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
6 Ang Espiritung ito na kanyang ibinuhos nang sagana sa atin sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Tagapagligtas;
7 upang, yamang inaring-ganap sa pamamagitan ng kanyang biyaya, tayo'y maging mga tagapagmana ayon sa pag-asa sa buhay na walang hanggan.
8 Tapat ang salita, at nais kong igiit mo ang mga bagay na ito upang ang mga nananampalataya sa Diyos ay maging maingat na ilaan ang kanilang sarili sa mabubuting gawa. Ang mga bagay na ito ay pawang mabubuti at kapaki-pakinabang sa mga tao.
9 Ngunit iwasan mo ang mga pagtatalo, at ang mga pagsasalaysay ng salinlahi, at ang mga alitan at pag-aaway tungkol sa kautusan, sapagkat ang mga ito ay walang pakinabang at walang katuturan.
10 Ang taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, pagkatapos nang una at ikalawang pagsaway ay iwasan mo;
11 yamang nalalaman mo na ang gayon ay baluktot at nagkakasala, na hinatulan niya ang kanyang sarili.
Mga Tagubilin at Basbas
12 Kapag(D) isinugo ko sa iyo si Artemas o si Tiquico ay sikapin mong puntahan ako sa Nicopolis; sapagkat ipinasiya kong gugulin doon ang taglamig.
13 Pagsikapan(E) mong tulungan si Zenas na dalubhasa sa batas at si Apolos sa kanilang paglalakbay; tiyakin mong sila'y hindi kukulangin ng anuman.
14 At nararapat na ang ating mga tao ay matutong magmalasakit sa mabubuting gawa para sa matitinding pangangailangan upang hindi sila mawalan ng bunga.
15 Binabati ka ng lahat ng mga kasama ko. Batiin mo ang mga umiibig sa atin sa pananampalataya.
Biyaya nawa ang sumainyong lahat.[a]
Pagbati
1 Si Pablo, bilanggo ni Cristo Jesus, at si kapatid na Timoteo,
Kay Filemon na aming minamahal na kaibigan at kamanggagawa,
2 at(A) kay Apia na ating kapatid na babae, at kay Arquipo na kapwa namin kawal, at sa iglesya na nasa iyong bahay:
3 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Pag-ibig at Pananampalataya ni Filemon
4 Lagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos kapag naaalala kita sa aking mga panalangin,
5 sapagkat nabalitaan ko ang iyong pag-ibig para sa lahat ng mga banal at ang pananampalataya mo sa Panginoong Jesus.
6 Idinadalangin ko na ang pamamahagi ng iyong pananampalataya ay maging mabisa kapag nalaman mo ang bawat mabuting bagay na maaari nating gawin para kay Cristo.
7 Sapagkat ako'y totoong nagalak at naaliw sa iyong pag-ibig, sapagkat ang mga puso ng mga banal ay naginhawahan sa pamamagitan mo, kapatid ko.
Ang Pakiusap ni Pablo Alang-alang kay Onesimo
8 Dahil dito, bagama't kay Cristo ay mayroon akong sapat na lakas ng loob upang utusan kitang gawin ang kinakailangan,
9 gayunma'y alang-alang sa pag-ibig ay nanaisin ko pang makiusap sa iyo—akong si Pablo ay matanda na, at ngayon ay isa ring bilanggo ni Cristo Jesus.
10 Ako'y(B) nakikiusap sa iyo para sa aking anak na si Onesimo na ako'y naging kanyang ama nang ako'y nasa bilangguan.
11 Noon ay wala kang pakinabang sa kanya, ngunit ngayon ay kapaki-pakinabang siya sa iyo at sa akin.
12 Siya'y aking pinababalik sa iyo, na kasama ang aking sariling puso.
13 Nais kong manatili siyang kasama ko upang siya'y makatulong sa akin bilang kapalit mo sa panahon ng aking pagiging bilanggo para sa ebanghelyo.
14 Ngunit ayaw kong gumawa ng anuman na wala kang pahintulot upang ang iyong kabutihang-loob ay hindi maging sapilitan kundi ayon sa sarili mong kalooban.
15 Marahil ito ang dahilan kung bakit nahiwalay siya sa iyo nang ilang panahon, upang siya'y mapasaiyo magpakailanman;
16 hindi na bilang alipin, kundi higit sa alipin, isang kapatid na minamahal, lalung-lalo na sa akin, at gaano pa kaya sa iyo, maging sa laman at gayundin sa Panginoon.
17 Kaya't kung ako ay itinuturing mong kasama, tanggapin mo siya na parang ako.
18 Ngunit kung siya'y nagkasala sa iyo ng anuman, o may anumang utang sa iyo, ay ibilang mong utang ko na rin.
19 Akong si Pablo ay sumusulat nito sa pamamagitan ng aking sariling kamay: Ako ang magbabayad niyon. Hindi ko na ibig banggitin pa na utang mo sa akin pati ang iyong sarili.
20 Oo, kapatid, hayaan mo nang magkaroon ako ng kapakinabangan na ito mula sa iyo sa Panginoon! Sariwain mo ang aking puso kay Cristo.
21 Sinulatan kita na may pagtitiwala sa iyong pagsunod, yamang nalalaman ko na gagawin mo ang higit pa kaysa aking sinasabi.
22 Isa pa, ipaghanda mo na rin ako ng matutuluyan, sapagkat umaasa ako na sa pamamagitan ng inyong mga panalangin ay maibabalik ako sa inyo.
Pangwakas na Pagbati
23 Binabati(C) ka ni Epafras na aking kasamang bilanggo kay Cristo Jesus;
24 gayundin(D) nina Marcos, Aristarco, Demas, at ni Lucas na aking mga kamanggagawa.
25 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo nawang espiritu.[a]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001