Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Pedro 1-3

Pagbati

Si Simon[a] Pedro, alipin at apostol ni Jesu-Cristo,

Sa mga tumanggap ng mahalagang pananampalataya na gaya ng sa amin sa pamamagitan ng katuwiran ng ating Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo:

Sumagana nawa sa inyo ang biyaya at kapayapaan sa pagkakilala sa Diyos at kay Jesus na Panginoon natin.

Ang Pagtawag at Pagpili ng Diyos

Ipinagkaloob sa atin ng kanyang banal na kapangyarihan ang lahat ng mga bagay na kailangan sa buhay at pagiging maka-Diyos, sa pamamagitan ng pagkakilala sa kanya na tumawag sa atin sa kanyang sariling kaluwalhatian at kabutihan.

Gayon niya ipinagkaloob sa atin ang kanyang mahahalaga at mga dakilang pangako upang sa pamamagitan ng mga ito ay makatakas kayo sa kabulukang nasa sanlibutan dahil sa masamang pagnanasa, at maging kabahagi kayo sa likas ng Diyos.

At dahil dito, gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya na tustusan ang inyong pananampalataya ng kabutihan; ang kabutihan ng kaalaman;

ang kaalaman ng pagpipigil; ang pagpipigil ng pagtitiis; ang pagtitiis ng pagiging maka-Diyos;

at ang pagiging maka-Diyos ng pagmamahal sa kapatid; at ang pagmamahal sa kapatid ng pag-ibig.

Sapagkat kung ang mga bagay na ito ay nasa inyo at dumarami, hindi kayo magiging mga walang saysay o mga walang bunga sa pagkakilala sa ating Panginoong Jesu-Cristo.

Sapagkat sinumang wala ng mga bagay na ito ay bulag at ang nasa malapit lamang ang nakikita, at nakalimutan na siya ay nilinis mula sa kanyang dating mga kasalanan.

10 Kaya, mga kapatid, lalong pagsikapan ninyo na patatagin ang pagkatawag at pagkapili sa inyo, sapagkat kung gawin ninyo ang mga bagay na ito, hindi kayo matitisod kailanman.

11 Sapagkat sa ganitong paraan ay masaganang ibibigay sa inyo ang pagpasok sa walang hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.

12 Kaya't lagi kong hinahangad na ipaalala sa inyo ang mga bagay na ito, bagama't inyong nalalaman na, at kayo'y pinapatibay sa katotohanang dumating sa inyo.

13 Inaakala kong tama, na habang ako'y nasa toldang ito, ay gisingin ko kayo ng isang paalala,

14 yamang aking nalalaman na malapit na ang pag-aalis ng aking tolda na gaya ng ipinakita sa akin ng Panginoon nating si Jesu-Cristo.

15 At sisikapin ko rin na pagkatapos ng aking pagpanaw ay inyong maaalala ang mga bagay na ito sa anumang panahon.

Mga Saksi sa Kaluwalhatian ni Cristo

16 Sapagkat kami ay hindi sumunod sa mga kathang-isip na ginawang may katusuhan nang aming ipaalam sa inyo ang kapangyarihan at pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo, kundi kami ay mga saksing nakakita ng kanyang kadakilaan.

17 Sapagkat(A) siya'y tumanggap sa Diyos Ama ng karangalan at kaluwalhatian, at dumating sa kanya ang isang tinig mula sa Marangal na Kaluwalhatian, na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak, na siya kong kinalulugdan.”

18 Kami mismo ang nakarinig ng tinig na ito na nanggaling sa langit, nang kami ay kasama niya sa banal na bundok.

19 Kaya't mayroon kaming salita ng propesiya na lalong tiyak. Mabuti ang inyong ginagawa kung ito'y inyong pagtutuunan ng pansin, gaya sa isang ilawang tumatanglaw sa isang dakong madilim, hanggang sa pagbubukang-liwayway, at ang tala sa umaga ay sumilang sa inyong mga puso.

20 Una sa lahat, dapat ninyong malaman ito, na walang propesiya ng kasulatan na nagmula sa pansariling pagpapakahulugan,

21 sapagkat walang propesiya na dumating kailanman sa pamamagitan ng kalooban ng tao kundi ang mga taong inudyukan ng Espiritu Santo ay nagsalita mula sa Diyos.[b]

Mga Bulaang Propeta

Ngunit may lumitaw ding mga bulaang propeta sa gitna ng sambayanan, kung paanong sa inyo'y magkakaroon ng mga bulaang guro, na palihim na magpapasok ng mga nakapipinsalang turo. Itatakuwil nila pati ang Panginoon na bumili sa kanila, na nagdadala sa kanilang sarili ng mabilis na pagkapuksa.

At maraming susunod sa kanilang mga gawang mahahalay, na dahil sa kanila ay lalaitin ang daan ng katotohanan.

At sa kanilang kasakiman ay pagsasamantalahan nila kayo sa pamamagitan ng mga pakunwaring salita. Ang hatol sa kanila mula nang una ay hindi maaantala at ang kanilang kapahamakan ay hindi natutulog.

Sapagkat kung hindi pinatawad ng Diyos ang mga anghel nang magkasala sila, kundi sila'y ibinulid sa impiyerno,[c] at nilagyan ng mga tanikala[d] ng kadiliman, upang ingatan hanggang sa paghuhukom;

at(B) kung paanong ang matandang daigdig ay hindi niya pinatawad, bagaman iniligtas si Noe na tagapangaral ng katuwiran, kasama ng pitong iba pa, noong ang daigdig ng masasamang tao ay dinalhan ng baha;

kung(C) paanong pinarusahan niya ng pagkalipol ang mga lunsod ng Sodoma at Gomorra na ginawa niyang abo, upang maging halimbawa sa mga mamumuhay sa kasamaan,

at(D) kung paanong iniligtas niya ang matuwid na si Lot, na lubhang nabagabag sa mahahalay na pamumuhay ng masasama

(sapagkat ang matuwid na taong ito na nabuhay na kasama nila araw-araw, ay lubhang nabagabag ang matuwid na kaluluwa dahil sa kanilang masasamang gawa na kanyang nakita at narinig),

kung gayon ang Panginoon ay marunong magligtas ng mga banal mula sa pagsubok at maglaan ng mga di-matuwid sa ilalim ng kaparusahan hanggang sa araw ng paghuhukom;

10 lalung-lalo na sa mga nagpapasasa sa kanilang laman sa pagnanasa, at hinahamak ang maykapangyarihan. Sila'y pangahas, matitigas ang ulo, at hindi natatakot na alipustain ang mga maluwalhati,

11 samantalang ang mga anghel, bagama't lalong dakila ang lakas at kapangyarihan, ay hindi nagdadala ng paghatol na may pag-aalipusta laban sa kanila sa harapan ng Panginoon.

12 Subalit ang mga taong ito, ay gaya ng mga hayop na walang bait, na ipinanganak na talagang mga hayop upang hulihin at patayin. Kanilang inaalipusta ang mga bagay na hindi nila nauunawaan at kapag ang mga nilalang na ito ay nilipol, sila ay lilipulin din,

13 na pagdurusahan ang parusa sa paggawa ng masama. Itinuturing nilang isang kaligayahan ang magpakalayaw kung araw. Sila ay mga bahid at dungis, na nagpapakalayaw sa kanilang mga daya, habang sila'y nakikisalo sa inyong mga handaan.

14 May mga mata silang punô ng pangangalunya, at hindi mapuknat sa pagkakasala, na kanilang inaakit ang mahihinang kaluluwa. May mga puso silang sanay sa kasakiman. Mga anak na isinumpa!

15 Iniwan(E) nila ang daang matuwid at naligaw sila, palibhasa'y sumunod sa daan ni Balaam na anak ni Beor,[e] na umibig sa kabayaran ng kalikuan.

16 Ngunit siya'y sinaway sa kanyang sariling pagsuway; isang asnong hindi makapagsalita ang nagsalita sa tinig ng tao at pinigil ang kabaliwan ng propeta.

17 Ang mga ito'y mga bukal na walang tubig, mga ulap na tinatangay ng unos. Sa kanila'y inilaan ang pusikit na kadiliman.

18 Sapagkat sila'y nagsasalita ng mga kayabangang walang kabuluhan, at nang-aakit sila sa pagnanasa ng laman sa pamamagitan ng kahalayan sa mga nakatakas mula sa mga namumuhay sa kamalian.

19 Sila'y pinapangakuan nila ng kalayaan, gayong sila mismo'y mga alipin ng kabulukan; sapagkat sinuman ay inaalipin ng anumang lumupig sa kanila.

20 Sapagkat kung pagkatapos na sila'y makatakas sa mga karumihan ng sanlibutan sa pamamagitan ng pagkakilala sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, ay muli silang napasabit sa mga ito at nadaig, ang huling kalagayan nila ay mas masama kaysa nang una.

21 Sapagkat mas mabuti pa sa kanila ang hindi nakaalam ng daan ng katuwiran, kaysa, pagkatapos na malaman ito ay tumalikod sa banal na utos na ibinigay sa kanila.

22 Nangyari(F) sa kanila ang ayon sa tunay na kawikaan, “Nagbabalik muli ang aso sa kanyang sariling suka,” at, “Ang babaing baboy na nahugasan na, sa paglulublob sa putik.”

Ang Pangakong Pagbabalik ng Panginoon

Mga minamahal, ito ngayon ang ikalawang sulat na isinusulat ko sa inyo; at sa dalawang ito'y ginigising ko ang inyong tapat na pag-iisip sa pamamagitan ng pagpapaalala sa inyo;

na dapat ninyong maalala ang mga salitang ipinahayag noong una ng mga banal na propeta, at ang utos ng Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng inyong mga apostol!

Una(G) sa lahat, dapat ninyong malaman ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga manlilibak, na manlilibak at lumalakad ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa,

at magsasabi, “Nasaan ang pangako ng kanyang pagdating? Sapagkat, buhat pa nang mamatay[f] ang ating mga ninuno, nananatili ang lahat ng mga bagay sa dati nilang kalagayan mula nang pasimula ng paglalang.”

Sinasadya(H) nilang hindi pansinin ang katotohanang ito, na sa pamamagitan ng salita ng Diyos ay nagkaroon ng langit nang unang panahon at inanyuan ang lupa mula sa tubig at sa pamamagitan ng tubig,

na(I) sa pamamagitan din nito ang daigdig noon ay inapawan ng tubig at nagunaw.

Ngunit sa pamamagitan ng gayunding salita ang kasalukuyang langit at lupa ay iningatan para sa apoy, na inilalaan sa araw ng paghuhukom at sa paglipol sa masasamang tao.

Subalit(J) huwag ninyong kaliligtaan ang katotohanang ito, mga minamahal, ang isang araw sa Panginoon ay tulad ng sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay tulad ng isang araw.

Hindi mabagal ang Panginoon tungkol sa kanyang pangako, na gaya ng kabagalang itinuturing ng iba, kundi matiyaga sa inyo, na hindi niya ibig na sinuman ay mapahamak, kundi ang lahat ay dumating sa pagsisisi.

10 Ngunit(K) darating ang araw ng Panginoon na gaya ng isang magnanakaw, at ang kalangitan ay maglalaho kasabay ng malakas na ingay at ang mga sangkap ay matutupok sa apoy at ang lupa at ang mga gawang naroon ay masusunog.

11 Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay mawawasak nang ganito, ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na pamumuhay at pagiging maka-Diyos,

12 na hinihintay at pinagmamadali ang pagdating ng araw ng Diyos, sapagkat ang kalangitan na nagliliyab ay matutupok, at ang mga sangkap ay matutunaw sa init!

13 Ngunit,(L) ayon sa kanyang pangako, ay naghihintay tayo ng bagong langit at ng bagong lupa, kung saan ang katuwiran ay naninirahan.

Pangwakas na Pangaral at Basbas

14 Kaya nga, mga minamahal, yamang kayo'y naghihintay sa mga bagay na ito, ay pagsikapan ninyong matagpuan kayo sa kapayapaan, na walang dungis at walang kapintasan sa paningin niya.

15 At inyong ituring ang pagtitiyaga ng ating Panginoon bilang kaligtasan. Gaya rin ng ating minamahal na kapatid na si Pablo, ayon sa karunungang ibinigay sa kanya, ay sinulatan kayo;

16 gayundin naman sa lahat ng kanyang mga sulat na sinasabi sa mga iyon ang mga bagay na ito. Doon ay may mga bagay na mahirap unawain, na binabaluktot ng mga hindi nakakaalam at ng mga walang tiyaga, gaya rin naman ng kanilang ginagawa sa ibang mga kasulatan, sa ikapapahamak din nila.

17 Kaya't kayo, mga minamahal, yamang nalalaman na ninyo noon pa ang mga bagay na ito, mag-ingat kayo, baka mailigaw kayo sa pamamagitan ng kamalian ng masasama at mahulog kayo mula sa inyong sariling katatagan.

18 Subalit lumago kayo sa biyaya at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sumakanya nawa ang kaluwalhatian ngayon at hanggang sa araw ng walang-hanggan. Amen.[g]

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001