Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Tesalonica 1-3

Pagbati

Si(A) Pablo, si Silvano, at si Timoteo, sa iglesya ng mga taga-Tesalonica na nasa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Pasasalamat

Dapat kaming laging magpasalamat sa Diyos, mga kapatid, dahil sa inyo, gaya ng nararapat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay lumalagong lubha, at ang pag-ibig ng bawat isa sa inyo para sa isa't isa ay nadaragdagan.

Anupa't ipinagmamalaki namin kayo sa mga iglesya ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya sa lahat ng mga pag-uusig sa inyo at sa mga kapighatiang inyong tinitiis.

Ang Paghatol sa Pagbabalik ni Cristo

Ito ay malinaw na katibayan ng matuwid na paghatol ng Diyos, upang kayo'y ariing karapat-dapat sa kaharian ng Diyos, na dahil dito'y nagdurusa kayo.

Sapagkat tunay na matuwid sa Diyos na gantihan ng kapighatian ang mga nagpapahirap sa inyo,

at kayong mga pinahihirapan ay bigyan ng kapahingahang kasama namin, sa pagkapahayag ng Panginoong Jesus mula sa langit na kasama ang kanyang mga makapangyarihang anghel,

na nasa nagliliyab na apoy, na magbibigay ng parusa sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga hindi sumusunod sa ebanghelyo ng ating Panginoong Jesus.

Ang(B) mga ito'y tatanggap ng kaparusahang walang hanggang pagkapuksa at palalayasin sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kanyang kalakasan,

10 kapag dumating siya sa araw na iyon upang luwalhatiin sa kanyang mga banal, at kamanghaan ng lahat ng mga sumasampalataya, sapagkat ang aming patotoo sa inyo ay pinaniwalaan.

11 Dahil din dito ay lagi naming idinadalangin kayo, na kayo'y ariin ng ating Diyos na karapat-dapat sa pagkatawag sa inyo, at tuparin ang bawat hangarin sa kabutihan at gawa ng pananampalataya na may kapangyarihan,

12 upang ang pangalan ng ating Panginoong Jesus ay luwalhatiin sa inyo, at kayo'y sa kanya, ayon sa biyaya ng ating Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Taong Makasalanan

Ngayon,(C) hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, tungkol sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo, at sa ating pagkakatipon sa kanya;

na huwag kayong madaling matinag sa inyong pag-iisip, at huwag din namang mabagabag sa pamamagitan man ng espiritu, o sa pamamagitan ng salita, o sa pamamagitan ng sulat, na waring mula sa amin, na para bang dumating na ang araw ng Panginoon.

Huwag kayong padaya kanino man sa anumang paraan, sapagkat ito'y hindi darating malibang maunang maganap ang pagtalikod, at mahayag ang taong makasalanan, ang anak ng kapahamakan.

Siya(D) ay sumasalungat at nagmamataas laban sa lahat ng tinatawag na diyos o sinasamba; anupa't siya'y nauupo sa templo ng Diyos, na ipinahahayag ang kanyang sarili na Diyos.

Hindi ba ninyo naaalala na noong ako'y kasama pa ninyo ay sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito?

At ngayo'y nakikilala ninyo kung ano ang nakakapigil upang siya'y mahayag sa kanyang takdang panahon.

Sapagkat ang hiwaga ng kasamaan ay gumagawa na; tanging siya na sa ngayon ay pumipigil niyon ang gagawa ng gayon hanggang sa siya ay maalis.

At(E) kung magkagayo'y mahahayag ang taong makasalanan na siyang pupuksain ng Panginoong Jesus sa pamamagitan ng hininga ng kanyang bibig, at lilipulin sa pamamagitan ng pagkahayag ng kanyang pagdating.

Ang(F) pagdating ng taong makasalanan ay ayon sa paggawa ni Satanas na may buong kapangyarihan at mga tanda at mga mapanlinlang na kababalaghan,

10 at may lahat ng mapandayang kasamaan para sa mga napapahamak, sapagkat tumanggi silang ibigin ang katotohanan upang sila'y maligtas.

11 At dahil dito'y pinapadalhan sila ng Diyos ng makapangyarihang pagkalinlang upang maniwala sila sa kasinungalingan,

12 upang mahatulan silang lahat na hindi sumampalataya sa katotohanan, sa halip ay nalugod sa kalikuan.

Hinirang para sa Kaligtasan

13 Ngunit kami ay dapat laging magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo, mga kapatid na minamahal ng Panginoon, sapagkat hinirang kayo ng Diyos bilang unang bunga sa kaligtasan sa pamamagitan ng pagpapabanal ng Espiritu at pananampalataya sa katotohanan.

14 Dito'y tinawag niya kayo sa pamamagitan ng aming ebanghelyo, upang magkamit ng kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

15 Kaya nga, mga kapatid, kayo'y manindigang matibay at inyong panghawakan ang mga tradisyon na sa inyo'y itinuro namin, maging sa pamamagitan ng salita, o ng sulat mula sa amin.

16 Ngayon, ang ating Panginoong Jesu-Cristo mismo at ang Diyos na ating Ama na umibig sa atin at nagbigay ng walang hanggang kaaliwan at mabuting pag-asa sa pamamagitan ng biyaya,

17 ang umaliw sa inyong mga puso, at patibayin kayo sa bawat mabuting gawa at salita.

Kahilingan para Ipanalangin

Sa katapus-tapusan, mga kapatid, idalangin ninyo kami, upang ang salita ng Panginoon ay mabilis na lumaganap at luwalhatiin na tulad din sa inyo,

at upang kami ay maligtas sa mga taong makasalanan at masasama, sapagkat hindi lahat ay mayroong pananampalataya.

Ngunit tapat ang Panginoon na magpapatibay sa inyo, at magbabantay sa inyo laban sa masama.

At may tiwala kami sa Panginoon tungkol sa inyo, na inyong ginagawa at gagawin naman ang mga bagay na aming ipinag-uutos.

Patnubayan nawa ng Panginoon ang inyong mga puso sa pag-ibig ng Diyos at sa katatagan ni Cristo.

Babala Laban sa Katamaran

Aming ipinag-uutos ngayon sa inyo, mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kayo'y lumayo sa bawat kapatid na namumuhay sa katamaran, at hindi ayon sa tradisyon na tinanggap nila sa amin.

Sapagkat kayo rin ang nakakaalam kung paano ninyo kami dapat tularan; hindi kami tamad noong kami'y kasama ninyo.

Hindi kami kumain ng tinapay ng sinuman nang walang bayad, kundi sa pagpapagal at hirap ay gumagawa gabi't araw, upang kami ay huwag maging pasanin sa kanino man sa inyo.

Hindi dahil sa kami ay walang karapatan, kundi upang maibigay namin ang aming mga sarili sa inyo bilang huwaran na dapat tularan.

10 Sapagkat noon pa mang kami ay kasama ninyo ay aming iniutos ito sa inyo: “Kung ang sinuman ay ayaw magtrabaho ay huwag din namang kumain.”

11 Sapagkat aming nababalitaan na ang ilan sa inyo ay namumuhay sa katamaran, hindi man lamang gumagawa, sa halip ay mga mapanghimasok.

12 Ngayon, ang mga taong iyon ay inaatasan namin at pinapakiusapan namin sa Panginoong Jesu-Cristo na gumawa nang may katahimikan, upang makakain sila ng sarili nilang pagkain.

13 Ngunit kayo, mga kapatid, huwag kayong manlupaypay sa paggawa ng mabuti.

14 Inyong tandaan ang mga hindi sumusunod sa aming mga sinasabi sa sulat na ito; at huwag ninyo siyang pakisamahan nang siya'y mapahiya.

15 Gayunma'y huwag ninyong ituring siyang kaaway, kundi inyo siyang pagsabihan bilang kapatid.

Mga Pagbati at Basbas

16 Ngayon, nawa'y mismong ang Panginoon ng kapayapaan ang magbigay sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng panahon at sa lahat ng paraan. Ang Panginoon ay sumainyo nawang lahat.

17 Akong si Pablo ay sumusulat ng pagbating ito ng aking sariling kamay. Ito ang palatandaan sa bawat sulat ko; gayon ako sumusulat.

18 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo nawang lahat.[a]

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001