Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Santiago 1-5

Pagbati

Si(A) Santiago, na alipin ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo, ay bumabati sa labindalawang lipi na nasa Pangangalat.

Pananampalataya at Karunungan

Mga kapatid ko, ituring ninyong buong kagalakan kapag kayo'y nahaharap sa sari-saring pagsubok,

yamang inyong nalalaman na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagbubunga ng pagtitiis.

At inyong hayaan na malubos ng pagtitiis ang gawa nito, upang kayo'y maging sakdal at ganap, na walang anumang kakulangan.

Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa Diyos na nagbibigay nang sagana sa lahat at hindi nanunumbat, at iyon ay ibibigay sa kanya.

Ngunit humingi siyang may pananampalataya na walang pag-aalinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay katulad ng alon sa dagat na hinihipan at ipinapadpad ng hangin.

Sapagkat ang taong iyon ay hindi dapat mag-akala na siya'y tatanggap ng anumang bagay mula sa Panginoon.

Siya ay isang taong nagdadalawang isip, di-matatag sa lahat ng kanyang mga lakad.

Kahirapan at Kayamanan

Ngunit ang kapatid na hamak ay hayaang magmalaki sa kanyang pagkakataas,

10 at(B) ang mayaman sa kanyang pagkaaba, sapagkat siya'y lilipas na gaya ng bulaklak sa parang.

11 Sapagkat ang araw ay sumisikat na may nakakapasong init at tinutuyo ang damo at nilalagas ang bulaklak nito, at nawawala ang kagandahan nito. Gayundin ang taong mayaman ay malalanta sa gitna ng kanyang abalang pamumuhay.

Tukso at Pagsubok

12 Mapalad ang taong nagtitiis ng pagsubok, sapagkat kapag siya ay subok na, siya'y tatanggap ng putong ng buhay, na ipinangako ng Panginoon[a] sa mga nagmamahal sa kanya.

13 Huwag sabihin ng sinuman kapag siya'y tinutukso, “Ako'y tinutukso ng Diyos,” sapagkat ang Diyos ay hindi natutukso ng masasama, at hindi rin siya nanunukso sa sinuman.

14 Ngunit ang bawat tao ay natutukso ng sarili niyang pagnanasa, kapag siya ay nahila at naakit nito;

15 at kapag ang pagnanasang iyon ay naipaglihi, ito ay nanganganak ng kasalanan, at ang kasalanan kapag malaki na ay nagbubunga ng kamatayan.

16 Huwag kayong padaya, mga minamahal kong kapatid.

17 Ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas, na nanggagaling sa Ama ng mga ilaw, na sa kanya ay walang pag-iiba, o anino man ng pagbabago.

18 Alinsunod sa kanyang sariling kalooban, tayo ay ipinanganak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging isang uri ng mga unang bunga sa kanyang mga nilalang.

Pakikinig at Pagtupad

19 Unawain ninyo ito, minamahal kong mga kapatid: ang bawat tao ay dapat na maging mabilis sa pakikinig, marahan sa pagsasalita, mabagal sa pagkagalit;

20 sapagkat ang galit ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Diyos.

21 Kaya't alisin ninyo ang lahat ng karumihan at ang nalalabing kasamaan, at tanggapin ninyo na may kaamuan ang salitang itinanim, na may kapangyarihang magligtas ng inyong mga kaluluwa.

22 Ngunit maging tagatupad kayo ng salita, at hindi tagapakinig lamang, na dinadaya ninyo ang inyong mga sarili.

23 Sapagkat kung ang sinuman ay tagapakinig ng salita at hindi tagatupad, siya ay katulad ng isang tao na tinitingnan ang kanyang likas na mukha sa salamin;

24 sapagkat minamasdan niya ang kanyang sarili at umaalis, at agad niyang nalilimutan kung ano ang kanyang katulad.

25 Ngunit ang tumitingin sa sakdal na kautusan, ang kautusan ng kalayaan, at nananatili na hindi tagapakinig na malilimutin, kundi tagatupad na gumagawa, siya ay pagpapalain sa kanyang gawain.

26 Kung inaakala ng sinuman na siya'y relihiyoso, subalit hindi pinipigil ang kanyang dila, kundi dinadaya ang kanyang puso, ang relihiyon ng taong iyon ay walang kabuluhan.

27 Ang dalisay na relihiyon at walang dungis sa harapan ng ating Diyos at Ama ay ito: ang dalawin ang mga ulila at ang mga balo sa kanilang kahirapan, at panatilihin ang sarili na hindi nadungisan ng sanlibutan.

Babala Laban sa Pagtatangi

Mga kapatid ko, huwag kayong magkaroon ng pagtatangi habang tinataglay ninyo ang pananampalataya sa[b] ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Panginoon ng kaluwalhatian.

Sapagkat kung pumasok sa inyong pagtitipon ang isang taong may mga gintong singsing sa mga daliri at may magandang kasuotan, at may pumasok ding isang dukha na may hamak na damit,

at inyong pinansin ang may suot ng damit na maganda, at sinabi, “Maupo ka rito,” at sa dukha ay inyong sinabi, “Tumayo ka riyan,” o “Maupo ka sa ibaba ng tuntungan ng aking mga paa,”

hindi ba kayo'y gumagawa ng mga pagtatangi sa inyong mga sarili, at nagiging mga hukom na may masasamang pag-iisip?

Makinig kayo, minamahal kong mga kapatid. Hindi ba pinili ng Diyos ang mga dukha sa sanlibutang ito upang maging mayayaman sa pananampalataya at mga tagapagmana ng kaharian na kanyang ipinangako sa mga nagmamahal sa kanya?

Ngunit inyong hinamak ang dukha. Hindi ba ang mayayaman ang umaapi sa inyo at kumakaladkad sa inyo sa mga hukuman?

Hindi ba sila ang lumalapastangan sa mabuting pangalan na itinawag sa inyo?

Mabuti(C) ang inyong ginagawa kung tunay na inyong ginaganap ang kautusang maka-hari, ayon sa kasulatan, “Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”

Subalit kung kayo'y nagpapakita ng pagtatangi, kayo ay nagkakasala at kayo'y inilalantad ng kautusan bilang mga lumalabag.

10 Sapagkat sinumang tumutupad ng buong kautusan, subalit lumalabag sa isa, ay nagkakasala sa lahat.

11 Sapagkat(D) siya na nagsabi, “Huwag kang mangalunya,” ay nagsabi rin, “Huwag kang papatay.” Ngayon, kung ikaw ay hindi nangangalunya, ngunit pumapatay ka, ikaw ay lumalabag sa kautusan.

12 Kaya't magsalita kayo at kumilos na gaya ng mga taong hahatulan sa pamamagitan ng kautusan ng kalayaan.

13 Sapagkat ang paghuhukom ay walang awa sa mga hindi nagpakita ng awa; ang awa ay nagtatagumpay laban sa paghuhukom.

Pananampalataya at Gawa

14 Ano ang pakinabang mga kapatid ko, kung sinasabi ng sinuman na siya'y may pananampalataya, ngunit walang mga gawa? Maililigtas ba siya ng kanyang pananampalataya?

15 Kung ang isang kapatid na lalaki o babae ay namumuhay nang hubad at kinukulang sa pagkain sa araw-araw,

16 at ang isa sa inyo ay magsabi sa kanila, “Humayo kayong payapa, magpainit kayo at magpakabusog,” subalit hindi ninyo sila binibigyan ng mga bagay na kailangan ng katawan; anong pakinabang niyon?

17 Kaya't ang pananampalataya na nag-iisa, kung ito ay walang mga gawa ay patay.

18 Subalit may magsasabi, “Ikaw ay mayroong pananampalataya, at ako'y mayroong mga gawa.” Ipakita mo sa akin ang iyong pananampalatayang walang mga gawa, at ipapakita ko sa pamamagitan ng aking mga gawa ang aking pananampalataya.

19 Sumasampalataya ka na ang Diyos ay iisa; mabuti ang iyong ginagawa. Ang mga demonyo man ay sumasampalataya at nanginginig pa.

20 Subalit nais mo bang malaman, O taong hangal, na ang pananampalataya na walang mga gawa ay baog?

21 Hindi(E) ba ang ating amang si Abraham ay inaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa, nang kanyang inihandog si Isaac na kanyang anak sa ibabaw ng dambana?

22 Nakikita mo na ang pananampalataya ay gumagawang kalakip ng kanyang mga gawa, at ang pananampalataya ay naging ganap sa pamamagitan ng mga gawa.

23 Kaya't(F) natupad ang kasulatan na nagsasabi, “Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos, at iyo'y ibinilang sa kanya na katuwiran,” at siya'y tinawag na kaibigan ng Diyos.

24 Nakikita ninyo na ang tao'y inaaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang.

25 Gayundin,(G) hindi ba't si Rahab na masamang babae[c] ay inaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa, nang tanggapin niya ang mga sugo at pinalabas sila sa ibang daan?

26 Sapagkat kung paanong ang katawan na walang espiritu ay patay, gayundin naman ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.

Ang Dila

Mga kapatid ko, huwag maging guro ang marami sa inyo, yamang nalalaman nating hahatulan tayo ng mas mahigpit.

Sapagkat tayong lahat ay natitisod sa maraming bagay. Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa pananalita, ito ay isang taong sakdal, may kakayahang pigilan ang buong katawan.

Kung tayo nga'y naglalagay ng mga preno sa bibig ng mga kabayo upang sumunod sila sa atin, ibinabaling natin ang kanilang buong katawan.

Tingnan ninyo ang mga barko: bagama't napakalalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, gayunma'y napapabaling sa pamamagitan ng isang napakaliit na timon saanman naisin ng piloto.

Gayundin naman, ang dila ay isang maliit na bahagi ngunit nagyayabang ng malalaking bagay. Tingnan ninyo kung paanong sinusunog ng maliit na apoy ang malalaking gubat!

At ang dila'y isang apoy. Ang dila na kasama ng ating mga sangkap ay isang sanlibutan ng kasamaan. Dinudungisan nito ang buong katawan, at sinusunog ang pag-inog ng kalikasan, at ito mismo ay sinusunog ng impiyerno.[d]

Sapagkat ang bawat uri ng mga hayop at mga ibon, ng mga hayop na gumagapang at mga nilalang sa dagat ay mapapaamo at napapaamo na ng tao,

subalit ang dila ay hindi napapaamo ng tao, isang hindi napipigilang kasamaang punô ng lasong nakamamatay.

Sa(H) pamamagitan nito ay pinupuri natin ang Panginoon at Ama, at sa pamamagitan nito ay nilalait natin ang mga taong ginawa ayon sa larawan ng Diyos.

10 Mula sa iisang bibig ay lumalabas ang pagpupuri at panlalait. Mga kapatid ko, hindi dapat maging ganito.

11 Ang isang bukal ba ay binubukalan ng matamis at mapait?

12 Mga kapatid ko, maaari ba na ang puno ng igos ay magbunga ng olibo, o ng mga igos ang puno ng ubas? Hindi rin maaaring daluyan ng tabang ang maalat na tubig.

Dalawang Uri ng Karunungan

13 Sino ang marunong at maunawain sa inyo? Ipakita niya sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay ang kanyang mga gawa sa kaamuan ng karunungan.

14 Ngunit kung kayo'y mayroong mapapait na paninibugho at pagiging makasarili sa inyong puso, huwag kayong magmalaki at huwag kayong magsinungaling laban sa katotohanan.

15 Hindi ito ang karunungang bumababa mula sa itaas, kundi makalupa, makalaman, may sa demonyo.

16 Sapagkat kung saan mayroong paninibugho at pagiging makasarili, doon ay mayroong kaguluhan at bawat gawang masama.

17 Ngunit ang karunungang buhat sa itaas, una'y malinis, saka mapagpayapa, banayad, mapagbigay, puspos ng kaawaan at ng mabubuting bunga, walang pagtatangi, walang pagkukunwari.

18 At ang bunga ng katuwiran ay itinatanim sa kapayapaan ng mga gumagawa ng kapayapaan.

Pakikipagkaibigan sa Sanlibutan

Saan nagmumula ang mga digmaan at saan nagmumula ang mga pag-aaway sa inyo? Hindi ba mula sa inyong mga kalayawan na nakikipaglaban sa inyong mga sangkap?

Kayo'y naghahangad, at kayo'y wala; kayo'y pumapatay at kayo'y nag-iimbot at kayo'y hindi nagkakamit. Kayo'y nag-aaway at nagdidigmaan. Kayo'y wala, sapagkat hindi kayo humihingi.

Kayo'y humihingi, at hindi tumatanggap, sapagkat humihingi kayo sa masamang dahilan, upang gugulin ninyo ito sa inyong mga kalayawan.

Mga(I) mangangalunya! Hindi ba ninyo nalalaman na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos? Kaya't sinumang nagnanais na maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos.

O iniisip ba ninyo na walang kabuluhan ang sinasabi ng kasulatan na, “Ang espiritu na pinatira niya sa atin ay nagnanasa na may paninibugho?”

Ngunit siya'y nagbibigay ng higit pang biyaya. Kaya't sinasabi, “Ang Diyos ay sumasalungat sa mga mapagmataas, subalit nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba.”

Kaya't pasakop kayo sa Diyos, labanan ninyo ang diyablo, at siya ay lalayo sa inyo.

Lumapit kayo sa Diyos, at siya'y lalapit sa inyo. Maglinis kayo ng inyong mga kamay, mga makasalanan, at pabanalin ninyo ang inyong mga puso, kayong mga may dalawang pag-iisip.

Kayo'y managhoy, magluksa, at umiyak. Palitan ninyo ang inyong pagtawa ng pagluluksa, at ang inyong kagalakan ng kalungkutan.

10 Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon, at kanyang itataas kayo.

Babala Laban sa Paghatol

11 Mga kapatid, huwag kayong magsalita ng masama laban sa isa't isa. Ang nagsasalita laban sa kapatid, o humahatol sa kanyang kapatid ay nagsasalita ng masama laban sa kautusan, at humahatol sa kautusan. Ngunit kung ikaw ay humahatol sa kautusan, hindi ka na tagatupad ng kautusan, kundi isang hukom.

12 Iisa ang tagapagbigay ng kautusan at hukom, siya na may kapangyarihang magligtas at pumuksa. Kaya, sino ka na humahatol sa iyong kapwa?

Babala Laban sa Kapalaluan

13 Halikayo(J) ngayon, kayong nagsasabi, “Ngayon o bukas ay pupunta kami sa ganito o sa ganoong bayan, at kami ay mangangalakal doon ng isang taon at kikita.”

14 Gayunman ay hindi ninyo nalalaman kung ano ang magaganap bukas. Ano ba ang inyong buhay? Kayo nga'y isang singaw na sa sandaling panahon ay lumilitaw, at pagkatapos ay naglalaho.

15 Sa halip ay dapat ninyong sabihin, “Kung loloobin ng Panginoon kami ay mabubuhay at gagawin namin ito o iyon.”

16 Subalit ngayon ay nagmamalaki kayo sa inyong mga kayabangan. Ang lahat ng gayong pagmamalaki ay masama.

17 Kaya't ang sinumang nakakaalam ng paggawa ng mabuti ngunit hindi ito ginagawa, ito ay kasalanan sa kanya.

Babala Laban sa Mapang-aping Mayayaman

Halikayo ngayon, kayong mayayaman, tumangis kayo at humagulhol dahil sa mga kahirapan na sa inyo'y darating.

Ang(K) inyong mga kayamanan ay bulok na, at ang inyong mga damit ay kinakain na ng bukbok.

Ang inyong ginto at ang inyong pilak ay kinakalawang na, at ang mga kalawang ng mga ito ay magiging patotoo laban sa inyo, at gaya ng apoy ay lalamunin nito ang inyong laman. Kayo'y nag-imbak ng mga kayamanan para sa mga huling araw.

Tingnan(L) ninyo, ang sahod ng mga manggagawa na gumapas sa inyong mga bukid na inyong ipinagkakait ay umiiyak; at ang pag-iyak ng mga umani ay nakarating sa pandinig ng Panginoon ng mga hukbo.

Kayo'y namuhay na may pagpapasasa sa ibabaw ng lupa, at namuhay kayong may karangyaan. Pinataba ninyo ang inyong mga puso sa araw ng katayan.

Inyong hinatulan at pinaslang ang taong matuwid na hindi lumalaban sa inyo.

Katiyagaan sa Kahirapan

Kaya, maging matiyaga kayo, mga kapatid, hanggang sa pagdating ng Panginoon. Hinihintay ng magsasaka ang mahalagang bunga ng lupa, na siya'y nagtitiis para dito hanggang sa ito ay tumanggap ng una at huling ulan.

Maging matiyaga rin kayo. Patatagin ninyo ang inyong mga puso, sapagkat ang pagdating ng Panginoon ay malapit na.[e]

Mga kapatid, huwag kayong magbulung-bulungan laban sa isa't isa, upang huwag kayong mahatulan. Tingnan ninyo, ang hukom ay nakatayo sa harapan ng mga pintuan.

10 Mga kapatid, kunin ninyong halimbawa ng pagtitiis at ng pagtitiyaga ang mga propeta na nagsalita sa pangalan ng Panginoon.

11 Tunay(M) na tinatawag nating mapapalad ang mga nagtiis. Narinig ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job, at inyong nakita ang layunin ng Panginoon, kung paanong ang Panginoon ay punô ng pagkahabag at pagkamaawain.

12 Ngunit(N) higit sa lahat, mga kapatid ko, huwag ninyong ipanumpa ang langit o ang lupa, o ang anumang ibang panunumpa, kundi ang inyong “Oo” ay maging oo; at ang inyong “Hindi” ay maging hindi, upang kayo'y huwag mahulog sa ilalim ng kahatulan.

Ang Mabisang Panalangin

13 Mayroon ba sa inyong nagdurusa? Manalangin siya. Mayroon bang masaya? Umawit siya ng papuri.

14 May(O) sakit ba ang sinuman sa inyo? Ipatawag niya ang matatanda ng iglesya, at kanilang ipanalangin siya, at siya'y pahiran nila ng langis sa pangalan ng Panginoon.

15 Ang panalangin na may pananampalataya ay magliligtas sa maysakit, at ibabangon siya ng Panginoon; at kung siya ay nagkasala, siya ay patatawarin.

16 Kaya't ipahayag ninyo sa isa't isa ang inyong mga kasalanan, at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Ang panalangin ng taong matuwid ay makapangyarihan at mabisa.

17 Si(P) Elias ay isang taong may likas na gaya rin ng sa atin, at siya'y taimtim na nanalangin upang huwag umulan, at hindi umulan sa lupa sa loob ng tatlong taon at anim na buwan.

18 At(Q) muli siyang nanalangin, at ang langit ay nagbigay ng ulan, at ang lupa ay sinibulan ng bunga nito.

19 Mga kapatid ko, kung ang sinuman sa inyo ay naliligaw mula sa katotohanan, at siya'y pinapanumbalik ng sinuman,

20 dapat(R) niyang malaman na ang nagpapanumbalik sa isang makasalanan mula sa pagkaligaw sa kanyang landas ay magliligtas ng kaluluwa mula sa kamatayan, at magtatakip ng napakaraming kasalanan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001