Beginning
9 At hinipan ng ikalimang anghel ang kanyang trumpeta at nakita ko ang isang bituin na nahulog sa lupa mula sa langit at sa kanya'y ibinigay ang susi ng hukay ng di-matarok na kalaliman.
2 Binuksan(A) niya ang hukay ng di-matarok na kalaliman at umakyat ang usok mula sa hukay, na gaya ng usok ng isang malaking hurno at nagdilim ang araw at ang himpapawid dahil sa usok ng hukay.
3 At(B) naglabasan mula sa usok ang mga balang sa lupa at binigyan sila ng kapangyarihan, na gaya ng kapangyarihan ng mga alakdan sa lupa.
4 At(C) sinabi sa kanila na huwag pinsalain ang damo sa lupa, ni ang anumang luntian, ni ang anumang punungkahoy, kundi ang mga tao lamang na walang tatak ng Diyos sa kanilang mga noo.
5 Pinahintulutan silang huwag patayin ang mga ito, kundi pahirapan ng limang buwan at ang kanilang pahirap ay gaya ng pahirap ng alakdan kung kumakagat sa isang tao.
6 At(D) sa mga araw na iyon ay hahanapin ng mga tao ang kamatayan at sa anumang paraa'y hindi nila matatagpuan; at magnanasang mamatay at ang kamatayan ay tatakas sa kanila.
7 Ang(E) anyo ng mga balang ay katulad ng mga kabayong inihanda para sa digmaan, at sa kanilang mga ulo ay mayroong gaya ng mga koronang ginto, at ang kanilang mga mukha ay gaya ng mga mukha ng mga tao.
8 Sila'y(F) may buhok na gaya ng buhok ng mga babae, at ang kanilang mga ngipin ay gaya ng sa mga leon.
9 At(G) sila'y may mga baluti, na gaya ng baluting bakal; at ang tunog ng kanilang mga pakpak ay gaya ng tunog ng mga karwahe at ng maraming kabayo na rumaragasa sa labanan.
10 Sila'y may mga buntot na gaya ng sa mga alakdan at may mga pantusok; at sa kanilang mga buntot ay naroroon ang kanilang kapangyarihan upang pinsalain ang mga tao ng limang buwan.
11 Sila'y may isang hari, ang anghel ng di-matarok na kalaliman; ang kanyang pangalan sa wikang Hebreo ay Abadon,[a] at sa Griyego ay tinatawag siyang Apolyon.[b]
12 Ang unang kapighatian ay nakaraan na. Mayroon pang dalawang kapighatiang darating.
13 At(H) hinipan ng ikaanim na anghel ang kanyang trumpeta, at narinig ko ang isang tinig mula sa apat na sungay ng dambanang ginto na nasa harapan ng Diyos,
14 na nagsasabi sa ikaanim na anghel na may trumpeta, “Kalagan mo ang apat na anghel na nakagapos sa malaking ilog ng Eufrates.”
15 Kaya't kinalagan ang apat na anghel, na inihanda para sa oras, araw, buwan at taon upang patayin ang ikatlong bahagi ng mga tao.
16 Ang bilang ng mga hukbong nangangabayo ay makalawang sampung libong tigsasampung libo; aking narinig ang bilang nila.
17 At ganito ko nakita ang mga kabayo sa pangitain: ang mga nakasakay ay may mga baluting gaya ng apoy, ng jacinto at ng asupre; at ang mga ulo ng mga kabayo ay gaya ng mga ulo ng mga leon, at sa kanilang mga bibig ay lumalabas ang apoy, usok at asupre.
18 Sa pamamagitan ng tatlong salot na ito ay pinatay ang ikatlong bahagi ng mga tao sa pamamagitan ng apoy at ng usok at ng asupre na lumalabas sa kanilang mga bibig.
19 Sapagkat ang kapangyarihan ng mga kabayo ay nasa kanilang bibig at nasa kanilang mga buntot; ang kanilang mga buntot ay katulad ng mga ahas, na may mga ulo; at sa pamamagitan ng mga ito'y nakakapaminsala sila.
20 At(I) ang natira sa mga tao na hindi napatay sa mga salot na ito ay hindi nagsisi sa mga gawa ng kanilang mga kamay ni inihinto ang pagsamba sa mga demonyo at sa mga diyus-diyosang ginto, pilak, tanso, bato, at kahoy na hindi nakakakita, ni nakakarinig, ni nakakalakad man.
21 At sila'y hindi nagsisi sa kanilang mga pagpatay, o sa kanilang pangkukulam, o sa kanilang pakikiapid, o sa kanilang pagnanakaw.
Ang Anghel na may Munting Aklat
10 At nakita ko ang isa pang makapangyarihang anghel na nanaog mula sa langit, na nababalot ng isang ulap, at may bahaghari sa kanyang ulo, at ang kanyang mukha ay gaya ng araw, at ang kanyang mga paa ay gaya ng mga haliging apoy.
2 May isang maliit na balumbon na bukas sa kanyang kamay at kanyang itinuntong ang kanyang kanang paa sa dagat, at ang kaliwang paa sa lupa.
3 Siya ay sumigaw nang may malakas na tinig, na gaya ng leon na umuungal; at pagkasigaw niya, ang pitong kulog ay umugong.
4 Nang tumunog ang pitong kulog, susulat sana ako, ngunit narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi, “Tatakan mo ang mga bagay na sinabi ng pitong kulog, at huwag mong isulat ang mga ito.”
5 At(J) itinaas ng anghel na aking nakita na nakatayo sa dagat at sa lupa ang kanyang kanang kamay sa langit,
6 at nanumpa sa nabubuhay magpakailanpaman, na siyang lumalang ng langit at ng mga bagay na naroroon, at ng lupa at ng mga bagay na naririto, at ng dagat at ng mga bagay na naririto: “Hindi na maaantala pa,
7 ngunit sa mga araw na hipan ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta, magaganap ang hiwaga ng Diyos, ayon sa kanyang ipinahayag sa kanyang mga lingkod na propeta.”
8 At(K) ang tinig na aking narinig mula sa langit ay muling nagsalita sa akin, na nagsasabi, “Humayo ka, kunin mo ang aklat na bukas na nasa kamay ng anghel na nakatayo sa dagat at sa lupa.”
9 Kaya't ako'y lumapit sa anghel at sinabi ko sa kanya na ibigay sa akin ang maliit na aklat. At kanyang sinabi sa akin, “Kunin mo ito at ito'y kainin mo; ito ay magiging mapait sa iyong tiyan, ngunit sa iyong bibig ay magiging matamis na gaya ng pulot.”
10 Kinuha ko ang maliit na aklat sa kamay ng anghel, at aking kinain; at sa aking bibig ay matamis na gaya ng pulot, ngunit nang aking makain ay pumait ang aking tiyan.
11 At sinabi nila sa akin, “Kailangang muli kang magpahayag ng propesiya tungkol sa maraming mga bayan at mga bansa, mga wika at mga hari.”
Ang Dalawang Saksi
11 Pagkatapos(L) ay binigyan ako ng isang tambong panukat na tulad ng isang tungkod, at sinabi sa akin, “Tumayo ka at sukatin mo ang templo ng Diyos, ang dambana, at ang mga sumasamba roon.
2 Ngunit(M) huwag mong susukatin ang patyo sa labas ng templo; pabayaan mo na iyon, sapagkat ibinigay iyon sa mga bansa at kanilang yuyurakan ang banal na lunsod sa loob ng apatnapu't dalawang buwan.
3 Papahintulutan ko ang aking dalawang saksi na magpahayag ng propesiya sa loob ng 1,260 araw, na nakasuot ng damit-sako.”
4 Ang(N) mga ito'y ang dalawang punong olibo at ang dalawang ilawan na nakatayo sa harapan ng Panginoon ng lupa.
5 At kung naisin ng sinuman na sila'y pinsalain, apoy ang lumalabas sa kanilang bibig at nilalamon ang kanilang mga kaaway; at kung naisin ng sinuman na sila'y pinsalain, siya'y kailangang patayin sa ganitong paraan.
6 Ang(O) mga ito'y may kapangyarihang magsara ng langit upang huwag umulan sa loob ng mga araw ng kanilang pagpapahayag ng propesiya at may kapangyarihan sila sa mga tubig na gawing dugo, at pahirapan ang lupa ng bawat salot sa tuwing kanilang naisin.
7 At(P) kapag natapos na nila ang kanilang patotoo, ang hayop na umahon mula sa di-matarok na kalaliman ay makikipagdigma sa kanila, lulupigin sila, at papatayin.
8 At(Q) ang kanilang mga bangkay ay hahandusay sa lansangan ng malaking lunsod, na sa espirituwal na pananalita ay tinatawag na Sodoma at Ehipto, na kung saan ipinako sa krus ang kanilang Panginoon.
9 Pagmamasdan ng mga tao mula sa mga bayan at mga angkan at mga wika at mga bansa ang kanilang mga bangkay sa loob ng tatlong araw at kalahati, at hindi ipahihintulot na ang kanilang mga bangkay ay mailibing.
10 At ang mga naninirahan sa ibabaw ng lupa ay magagalak tungkol sa kanila at magkakatuwa, at sila'y magpapalitan ng mga handog, sapagkat ang dalawang propetang ito ay nagpahirap sa mga naninirahan sa ibabaw ng lupa.
11 Ngunit(R) pagkatapos ng tatlong araw at kalahati, ang hininga ng buhay na mula sa Diyos ay pumasok sa kanila. Sila'y tumindig at dinatnan ng malaking takot ang mga nakakita sa kanila.
12 At(S) narinig nila ang isang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi sa kanila, “Umakyat kayo rito!” At sila'y umakyat sa langit sa isang ulap at nakita sila ng kanilang mga kaaway.
13 At(T) nang oras na iyon ay nagkaroon ng isang malakas na lindol, at nagiba ang ikasampung bahagi ng lunsod; may namatay sa lindol na pitong libong katao at ang mga iba ay natakot, at nagbigay ng luwalhati sa Diyos ng langit.
14 Nakaraan na ang ikalawang kapighatian. Ang ikatlong kapighatian ay napakalapit nang dumating.
Ang Ikapitong Trumpeta
15 At(U) hinipan ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta at nagkaroon ng malalakas na tinig sa langit na nagsasabi,
“Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon
at ng kanyang Cristo,
at siya'y maghahari magpakailanpaman.”
16 At ang dalawampu't apat na matatanda na nakaupo sa kanya-kanyang trono sa harapan ng Diyos ay nagpatirapa at sumamba sa Diyos,
17 na nagsasabi,
“Pinasasalamatan ka namin, O Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
ang ngayon at ang nakaraan,
sapagkat kinuha mo ang iyong dakilang kapangyarihan,
at ikaw ay naghari.
18 Nagalit(V) ang mga bansa, ngunit dumating ang iyong poot,
at ang panahon upang hatulan ang mga patay,
at upang bigyan ng gantimpala ang iyong mga alipin, ang mga propeta, at ang mga banal, at ang mga natatakot sa iyong pangalan,
ang mga hamak at dakila, at upang puksain mo ang mga pumupuksa sa lupa.”
19 At(W) nabuksan ang templo ng Diyos na nasa langit at nakita sa kanyang templo ang kaban ng kanyang tipan; at nagkaroon ng mga kidlat, ng mga tinig, ng mga kulog, ng lindol, at mabigat na yelong ulan.
Ang Babae at ang Dragon
12 At ang isang dakilang tanda ay nakita sa langit: isang babae na nakadamit ng araw, at ang buwan ay nasa ilalim ng kanyang mga paa, at sa kanyang ulo ay may isang putong ng labindalawang bituin;
2 siya'y nagdadalang-tao at sumisigaw sa hirap sa panganganak at sa sakit ng pagluluwal.
3 At(X) may isa pang tanda na nakita sa langit: isang malaking pulang dragon na may pitong ulo at sampung sungay, at sa kanyang mga ulo'y may pitong diadema.
4 Kinaladkad(Y) ng kanyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at inihagis ang mga ito sa lupa. At tumayo ang dragon sa harapan ng babae na malapit nang manganak, upang lamunin ang anak ng babae pagkapanganak niya.
5 At(Z) siya'y nanganak ng isang batang lalaki na siyang magpapastol na may pamalong bakal sa lahat ng mga bansa. Ngunit ang kanyang anak ay inagaw at dinala sa Diyos at sa kanyang trono.
6 Tumakas ang babae sa ilang, at doon ay ipinaghanda siya ng Diyos ng isang lugar, upang doon siya'y alagaan nila ng isang libo dalawang daan at animnapung araw.
7 At(AA) nagkaroon ng digmaan sa langit, si Miguel at ang kanyang mga anghel ay nakipagdigma sa dragon. Ang dragon at ang kanyang mga anghel ay nakipagdigma,
8 ngunit hindi sila nagwagi, ni wala ng lugar para sa kanila sa langit.
9 At(AB) itinapon ang malaking dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, ang mandaraya sa buong sanlibutan; siya'y itinapon sa lupa at ang kanyang mga anghel ay itinapong kasama niya.
10 At(AC) narinig ko ang isang malakas na tinig sa langit na nagsasabi,
“Ngayo'y dumating ang kaligtasan at ang kapangyarihan,
at ang kaharian ng ating Diyos,
at ang kapangyarihan ng kanyang Cristo,
sapagkat itinapon na ang tagapag-paratang sa ating mga kapatid
na siyang nagpaparatang sa kanila sa harapan ng ating Diyos, araw at gabi.
11 At siya'y kanilang dinaig dahil sa dugo ng Kordero,
at dahil sa salita ng kanilang patotoo,
sapagkat hindi nila inibig ang kanilang buhay maging hanggang sa kamatayan.
12 Kaya't magalak kayo, O mga langit
at kayong mga naninirahan diyan!
Kahabag-habag ang lupa at dagat
sapagkat ang diyablo'y bumaba sa inyo
na may malaking poot,
palibhasa'y alam niya na maikli na lamang ang kanyang panahon!”
13 Nang makita ng dragon na siya'y itinapon sa lupa, inusig niya ang babaing nanganak ng sanggol na lalaki.
14 Ngunit(AD) ang babae'y binigyan ng dalawang pakpak ng malaking agila upang makalipad siya mula sa harap ng ahas patungo sa ilang hanggang sa kanyang lugar, na pinaalagaan sa kanya ng isang panahon, at mga panahon, at kalahati ng isang panahon.
15 At ang ahas ay nagbuga mula sa kanyang bibig ng tubig sa babae na gaya ng isang ilog upang tangayin siya ng agos.
16 Ngunit ang babae ay tinulungan ng lupa at ibinuka nito ang kanyang bibig at nilamon ang ilog na ibinuga ng dragon mula sa kanyang bibig.
17 Nagalit ang dragon sa babae, at umalis upang digmain ang nalabi sa binhi ng babae, ang mga tumutupad sa mga utos ng Diyos at ang mga may patotoo ni Jesus.
18 At tumayo ang dragon[c] sa buhanginan ng dagat.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001