Beginning
Ang Kasaysayan ng Paglalang
1 Nang pasimula, nilikha ng Diyos ang langit[a] at ang lupa.
2 Ang lupa ay walang anyo at walang laman, at binalot sa kadiliman ang kalaliman samantalang ang Espiritu ng Diyos[b] ay kumikilos sa ibabaw ng mga tubig.
3 At(A) sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng liwanag,” at nagkaroon ng liwanag.
4 Nakita ng Diyos na ang liwanag ay mabuti, at ibinukod ng Diyos ang liwanag sa kadiliman.
5 Tinawag ng Diyos ang liwanag na Araw, at ang kadiliman ay tinawag niyang Gabi. Nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga nang unang araw.
6 Sinabi(B) ng Diyos, “Magkaroon ng isang kalawakan sa gitna ng tubig at paghiwalayin nito ang tubig.”
7 Ginawa ng Diyos ang kalawakan at ibinukod ang tubig na nasa ilalim ng kalawakan mula sa tubig na nasa itaas ng kalawakan. At ito ay nangyari.
8 Tinawag ng Diyos ang kalawakan na Langit. Nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga nang ikalawang araw.
9 Sinabi ng Diyos, “Magtipon ang tubig na nasa silong ng langit sa isang dako at hayaang lumitaw ang lupa.” At ito ay nangyari.
10 Tinawag ng Diyos ang tuyong lupa na Lupa at ang tubig na natipon ay tinawag niyang mga Dagat. At nakita ng Diyos na ito ay mabuti.
11 Sinabi ng Diyos, “Sibulan ang lupa ng halaman, ng mga tanim na nagkakabinhi at ng punungkahoy na namumunga ayon sa kanyang binhi, ang bawat isa ayon sa kanyang uri sa ibabaw ng lupa.” At ito ay nangyari.
12 At ang lupa ay sinibulan ng halaman, ng mga tanim na nagkakabinhi ayon sa kanyang sariling uri at ng punungkahoy na namumunga ayon sa kanyang binhi, bawat isa ayon sa kanyang uri. At nakita ng Diyos na ito ay mabuti.
13 Nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga nang ikatlong araw.
14 Sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng mga tanglaw sa kalawakan ng langit upang ihiwalay ang araw sa gabi; at ang mga ito ay maging palatandaan para sa mga panahon, sa mga araw, at sa mga taon,
15 at ang mga ito ay maging tanglaw sa kalawakan ng langit upang tumanglaw sa ibabaw ng lupa.” At ito ay nangyari.
16 Nilikha ng Diyos ang dalawang malalaking tanglaw; ang malaking tanglaw ay upang maghari sa araw at ang maliit na tanglaw ay upang maghari sa gabi. Nilikha rin niya ang mga bituin.
17 Ang mga ito ang inilagay ng Diyos sa kalawakan ng langit upang tumanglaw sa ibabaw ng lupa,
18 upang mamahala sa araw at sa gabi, at upang ihiwalay ang liwanag sa kadiliman. At nakita ng Diyos na ito ay mabuti.
19 Lumipas ang gabi at sumapit ang umaga nang ikaapat na araw.
20 Sinabi ng Diyos, “Hayaang bumukal mula sa tubig ang maraming nilalang na may buhay, at magsilipad ang mga ibon sa ibabaw ng lupa sa kalawakan ng langit.”
21 Kaya't nilikha ng Diyos ang mga dambuhala sa dagat at ang bawat nilalang na may buhay na gumagalaw na ibinukal ng tubig ayon sa kanya-kanyang uri at ang lahat ng ibong may pakpak, ayon sa kanya-kanyang uri. At nakita ng Diyos na ito ay mabuti.
22 At sila'y binasbasan ng Diyos, “Kayo'y magkaroon ng mga anak at magpakarami at inyong punuin ang tubig sa mga dagat, at magpakarami ang mga ibon sa lupa.”
23 Nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga nang ikalimang araw.
24 Sinabi ng Diyos, “Magkaroon ang lupa ng mga buháy na nilalang, ayon sa kanya-kanyang uri: ng mga hayop at mga nilalang na gumagapang, at ng maiilap na hayop sa lupa ayon sa kanya-kanyang uri.” At ito ay nangyari.
25 Nilikha ng Diyos ang maiilap na hayop sa lupa ayon sa kani-kanilang uri, at maaamong hayop ayon sa kani-kanilang uri, at ang bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa ayon sa kanilang uri. At nakita ng Diyos na ito ay mabuti.
26 Sinabi(C) ng Diyos, “Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis; at magkaroon sila ng pamamahala sa mga isda sa dagat, sa mga ibon sa himpapawid, sa mga hayop, sa buong lupa, at sa bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa.”
27 Kaya't(D) (E) nilalang ng Diyos ang tao ayon sa kanyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Diyos siya nilalang. Sila'y kanyang nilalang na lalaki at babae.
28 Sila'y binasbasan ng Diyos at sa kanila'y sinabi ng Diyos, “Kayo'y magkaroon ng mga anak at magpakarami, punuin ninyo ang lupa at supilin ninyo ito. Magkaroon kayo ng pamamahala sa mga isda sa dagat, sa mga ibon sa himpapawid, at sa bawat bagay na may buhay na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.”
29 Sinabi ng Diyos, “Tingnan ninyo, ibinigay ko sa inyo ang bawat halaman na nagkakabinhi na nasa ibabaw ng lupa, at ang bawat punungkahoy na may binhi sa loob ng bunga; ang mga ito ay magiging pagkain ninyo.
30 Sa bawat mailap na hayop sa lupa, at sa bawat ibon sa himpapawid, at sa bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa, sa bawat bagay na may hininga ng buhay ay ibinigay ko ang lahat ng halamang luntian bilang pagkain.” At ito ay nangyari.
31 Nakita ng Diyos ang lahat ng kanyang nilikha at ito ay napakabuti. Nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga nang ikaanim na araw.
2 Nayari ang langit at ang lupa, at ang lahat ng mga bagay sa mga iyon.
2 Nang(F)(G) ikapitong araw ay natapos ng Diyos ang gawain na kanyang ginawa, at nagpahinga siya nang ikapitong araw mula sa lahat ng gawaing kanyang ginawa.
3 At binasbasan ng Diyos ang ikapitong araw at kanyang ginawang banal, sapagkat sa araw na iyon ay nagpahinga ang Diyos sa lahat ng gawain na kanyang ginawa.
4 Ito ang kasaysayan tungkol sa langit at lupa, sa araw na likhain ng Panginoong Diyos ang langit at lupa.
Ang Halamanan ng Eden
5 Nang sa lupa ay wala pang tanim sa parang, at wala pang damo na tumutubo sa parang,—sapagkat hindi pa nagpapaulan ang Panginoong Diyos sa lupa at wala pang taong nagbubungkal ng lupa,
6 ngunit may isang ulap[c] na pumaitaas buhat sa lupa at dinilig ang buong kapatagan ng lupa.
7 At(H) nilalang ng Panginoong Diyos ang tao mula sa alabok ng lupa, at hiningahan ang mga butas ng kanyang ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging buháy na kaluluwa.
8 Naglagay ang Panginoong Diyos ng isang halamanan sa silangan ng Eden, at inilagay niya roon ang taong kanyang nilalang.
9 At(I) pinatubo ng Panginoong Diyos sa lupa ang lahat ng punungkahoy na nakakalugod sa paningin, at mabuting kainin; gayundin ang punungkahoy ng buhay sa gitna ng halamanan, at ang punungkahoy ng pagkaalam ng mabuti at masama.
10 May isang ilog na lumabas mula sa Eden upang diligin ang halamanan, at mula roo'y nahati at naging apat na ilog.
11 Ang pangalan ng una ay Pishon na siyang umaagos sa palibot ng buong lupain ng Havila, na doo'y may ginto;
12 at ang ginto sa lupang iyon ay mabuti; mayroon doong bedelio at batong onix.
13 Ang pangalan ng ikalawang ilog ay Gihon; na siyang umaagos sa palibot ng buong lupain ng Cus.
14 Ang pangalan ng ikatlong ilog ay Tigris na siyang umaagos sa silangan ng Asiria. At ang ikaapat na ilog ay ang Eufrates.
15 Kinuha ng Panginoong Diyos ang lalaki at inilagay sa halamanan ng Eden upang ito ay kanyang bungkalin at ingatan.
16 At iniutos ng Panginoong Diyos sa lalaki, na sinabi, “Malaya kang makakakain mula sa lahat ng punungkahoy sa halamanan,
17 subalit mula sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyon ay tiyak na mamamatay ka.”
18 At sinabi ng Panginoong Diyos, “Hindi mabuti na ang lalaki ay nag-iisa; siya'y igagawa ko ng isang katuwang na nababagay sa kanya.”
19 Kaya't mula sa lupa ay nilalang ng Panginoong Diyos ang lahat ng hayop sa parang at ang lahat ng ibon sa himpapawid; at dinala sa lalaki upang malaman kung anong itatawag niya sa mga iyon. At anuman ang itawag ng lalaki sa bawat buháy na nilalang ay siyang pangalan nito.
20 At pinangalanan ng lalaki ang lahat ng hayop at ang mga ibon sa himpapawid, at ang bawat hayop sa parang; subalit para sa lalaki ay walang nakitang katuwang na nababagay para sa kanya.
Nilalang ang Babae mula sa Lalaki
21 Kaya't pinatulog nang mahimbing ng Panginoong Diyos ang lalaki, at habang siya'y natutulog, kinuha niya ang isa sa kanyang mga tadyang at pinaghilom ang laman sa lugar na iyon;
22 at ang tadyang na kinuha ng Panginoong Diyos sa lalaki ay ginawang isang babae, at dinala siya sa lalaki.
23 At sinabi ng lalaki,
“Sa wakas, ito'y buto ng aking mga buto
at laman ng aking laman.
Siya'y tatawaging Babae,
sapagkat sa Lalaki siya kinuha.”
24 Kaya't(J) iniiwan ng lalaki ang kanyang ama at ang kanyang ina, at pumipisan sa kanyang asawa; at sila'y nagiging isang laman.
25 Ang lalaki at ang kanyang asawa ay kapwa hubad, ngunit sila'y hindi nahihiya.
Nagkasala ang Tao
3 Ang(K) ahas nga ay higit na tuso kaysa alinman sa mga mailap na hayop sa parang na nilikha ng Panginoong Diyos. Sinabi niya sa babae, “Sinabi ba ng Diyos, ‘Huwag ninyong kakainin ang mula sa alinmang punungkahoy sa halamanan?’”
2 At sinabi ng babae sa ahas, “Makakain namin ang bunga ng mga punungkahoy sa halamanan;
3 subalit sinabi ng Diyos, ‘Huwag ninyong kakainin ang bunga ng punungkahoy na nasa gitna ng halamanan; huwag din ninyo itong hihipuin, kundi kayo'y mamamatay.’”
4 Subalit sinabi ng ahas sa babae, “Tiyak na hindi kayo mamamatay.
5 Sapagkat nalalaman ng Diyos na kapag kayo'y kumain noon ay mabubuksan ang inyong mga mata, at kayo'y magiging kagaya ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.”
6 Kaya't nang makita ng babae na ang bunga ng punungkahoy ay mabuting kainin, nakakalugod sa paningin, na dapat nasain upang maging matalino, siya ay pumitas ng bunga nito at kinain ito; at binigyan din niya ang kanyang asawa na kasama niya, at siya'y kumain.
7 At parehong nabuksan ang kanilang mga mata, at nalaman nilang sila'y mga hubad. Magkasama silang nagtahi ng mga dahon ng puno ng igos, at kanilang ginawang panakip.
8 Narinig nila ang tinig ng Panginoong Diyos na lumalakad sa halamanan sa malamig na bahagi ng maghapon. Nagtago ang lalaki at ang kanyang asawa sa Panginoong Diyos sa mga punungkahoy sa halamanan.
9 Tinawag ng Panginoong Diyos ang lalaki at sa kanya'y sinabi, “Saan ka naroon?”
10 Sinabi niya, “Narinig ko ang iyong tinig sa halamanan at ako'y natakot, sapagkat ako'y hubad; at ako'y nagtago.”
11 At sinabi niya, “Sinong nagsabi sa iyong ikaw ay hubad? Kumain ka ba ng bunga ng punungkahoy, na iniutos ko sa iyong huwag mong kainin?”
12 Sinabi ng lalaki, “Ang babaing ibinigay mo na aking makakasama ang nagbigay sa akin ng bunga ng punungkahoy at ito'y aking kinain.”
13 Sinabi(L) ng Panginoong Diyos sa babae, “Ano itong iyong ginawa?” Sinabi ng babae, “Dinaya ako ng ahas, at ako'y kumain.”
Ang Diyos ay Naggawad
14 Sinabi ng Panginoong Diyos sa ahas,
“Sapagkat ginawa mo ito
ay isinumpa ka nang higit sa lahat ng hayop,
at nang higit sa bawat mailap na hayop sa parang;
ang iyong tiyan ang ipanggagapang mo,
at alabok ang iyong kakainin
sa lahat ng mga araw ng iyong buhay.
15 Maglalagay(M) ako sa iyo at sa babae ng pagkapoot sa isa't isa,
at sa iyong binhi at sa kanyang binhi.
Ito ang dudurog ng iyong ulo,
at ikaw ang dudurog ng kanyang sakong.”
16 Sinabi niya sa babae,
“Pararamihin ko ang paghihirap mo sa iyong paglilihi;
manganganak kang may paghihirap,
ngunit ang iyong pagnanais ay para sa iyong asawa,
at siya ang mamumuno sa iyo.”
17 At(N) kay Adan ay kanyang sinabi,
“Sapagkat nakinig ka sa tinig ng iyong asawa,
at kumain ka ng bunga ng punungkahoy
na aking iniutos sa iyo na,
‘Huwag kang kakain niyon,’
sumpain ang lupa dahil sa iyo.
Kakain ka mula sa kanya sa pamamagitan ng iyong mabigat na paggawa sa lahat ng mga araw ng iyong buhay;
18 mga tinik at dawag ang sisibol doon para sa iyo,
at kakain ka ng tanim sa parang.
19 Sa pawis ng iyong mukha
ay kakain ka ng tinapay,
hanggang ikaw ay bumalik sa lupa;
sapagkat diyan ka kinuha.
Ikaw ay alabok
at sa alabok ka babalik.”
20 Tinawag ng lalaki ang kanyang asawa na Eva[d] sapagkat siya ang naging ina ng lahat ng mga nabubuhay.
21 At iginawa ng Panginoong Diyos si Adan at ang kanyang asawa ng mga kasuotang balat at sila'y dinamitan.
Pinalayas sina Adan at Eva sa Halamanan
22 Sinabi(O) ng Panginoong Diyos, “Tingnan ninyo, ang tao'y naging parang isa sa atin, na nakakakilala ng mabuti at ng masama; at ngayon, baka iunat ang kanyang kamay at pumitas din ng bunga ng punungkahoy ng buhay, at kumain, at mabuhay magpakailanman.”
23 Kaya't pinalayas siya ng Panginoong Diyos sa halamanan ng Eden upang kanyang bungkalin ang lupaing pinagkunan sa kanya.
24 At kanyang itinaboy ang lalaki; at inilagay sa silanganan ng halamanan ng Eden ang mga kerubin at ang isang nagniningas na tabak na umiikot, upang bantayan ang daang patungo sa punungkahoy ng buhay.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001