Beginning
Pinahirapan ang mga Israelita sa Ehipto
1 Ito(A) ang mga pangalan ng mga anak ni Israel na dumating sa Ehipto kasama si Jacob; bawat isa ay kasama ang kanya-kanyang sambahayan:
2 sina Ruben, Simeon, Levi, Juda,
3 Isacar, Zebulon, Benjamin,
4 Dan, Neftali, Gad, at Aser.
5 Lahat ng taong nagmula sa balakang ni Jacob ay pitumpung katao,[a] at si Jose ay nasa Ehipto na.
6 Namatay si Jose at ang lahat ng kanyang mga kapatid at ang buong salinlahing iyon.
7 Ang(B) mga anak ni Israel ay lumago at nadagdagang mabuti; sila'y dumami at naging napakalakas kaya't ang lupain ay napuno nila.
8 At(C) may bumangong isang bagong hari sa Ehipto na hindi kilala si Jose.
9 Sinabi niya sa kanyang bayan, “Tingnan ninyo, ang sambayanan ng mga anak ni Israel ay mas marami at higit na malakas kaysa atin.
10 Halikayo,(D) pakitunguhan natin sila nang may katusuhan, baka sila'y dumami at mangyari na kapag nagkaroon ng digmaan ay umanib sila sa ating mga kaaway, lumaban sa atin, at umalis sa lupain.”
11 Kaya't naglagay sila ng mga tagapangasiwa upang pahirapan sila sa kanilang mga sapilitang paggawa. Kanilang ipinagtayo si Faraon ng mga lunsod imbakan, ang Pitom at Rameses.
12 Subalit habang kanilang pinahihirapan sila, lalo silang dumarami at lalong lumalaganap. At kinasuklaman[b] nila ang mga anak ni Israel.
13 Malupit na pinapaglingkod ng mga Ehipcio ang mga anak ni Israel;
14 at kanilang pinapait ang kanilang buhay sa pamamagitan ng mahirap na paglilingkod, sa luwad at sa tisa, at sa lahat ng uri ng gawain sa bukid; at sa lahat ng kanilang gawain ay malupit silang pinapaglingkod.
Ipinapatay ang mga Batang Lalaki
15 Ang hari ng Ehipto ay nagsalita sa mga hilot na mga Hebrea, na ang pangalan ng isa ay Sifra, at ang pangalan ng ikalawa ay Pua.
16 Kanyang sinabi, “Paghilot ninyo sa mga babaing Hebrea at pagtingin ninyo sa kanila sa upuang panganganakan, kung lalaki ay papatayin ninyo; ngunit kung babae ay mabubuhay ito.”
17 Subalit ang mga hilot ay natakot sa Diyos at hindi nila ginawa ang gaya nang iniutos sa kanila ng hari ng Ehipto, kundi hinayaan nilang mabuhay ang mga batang lalaki.
18 Ipinatawag ng hari ng Ehipto ang mga hilot at sinabi sa kanila, “Bakit ninyo ginawa ang bagay na ito at hinayaan ninyong mabuhay ang mga batang lalaki?”
19 Sinabi ng mga hilot sa Faraon, “Sapagkat ang mga babaing Hebrea ay hindi gaya ng mga babaing Ehipcia. Sila'y malalakas at nakapanganak na bago dumating ang hilot sa kanila.”
20 Kaya't ang Diyos ay naging mabuti sa mga hilot; at ang taong-bayan ay dumami at naging napakalakas.
21 Dahil ang mga hilot ay natakot sa Diyos, kanyang binigyan sila ng mga sambahayan.
22 Pagkatapos,(E) iniutos ni Faraon sa kanyang buong bayan, “Itatapon ninyo sa ilog ang bawat lalaking ipanganak ngunit bawat babae ay hayaan ninyong mabuhay.”
Isinilang si Moises
2 May isang lalaki sa lipi ni Levi na humayo at nag-asawa ng isang anak na babae ni Levi.
2 Ang(F) babae ay naglihi at nanganak ng isang lalaki. Nang kanyang makita na ito ay maganda, kanyang itinago ito ng tatlong buwan.
3 Nang hindi na niya ito maitago pa, ikinuha niya ito ng isang basket na yari sa papiro, at pinahiran niya ng betun at alkitran. Kanyang isinilid ang bata roon at inilagay sa talahiban sa tabi ng ilog.
4 Tumayo sa malayo ang kanyang kapatid na babae upang malaman ang mangyayari sa bata.
5 Noon, ang anak na babae ni Faraon ay lumusong upang maligo sa ilog, at naglakad ang kanyang mga alalay na babae sa tabi ng ilog. Kanyang nakita ang basket sa talahiban at ipinakuha sa kanyang alalay.
6 Nang kanyang buksan ito, nakita niya ang bata; at narito, ang sanggol ay umiyak. At kanyang kinaawaan siya at sinabi, “Ito'y isa sa mga anak ng mga Hebreo.”
7 Nang magkagayo'y sinabi ng kanyang kapatid na babae sa anak ng Faraon, “Aalis ba ako upang itawag kita ng isang tagapag-alaga mula sa mga babaing Hebrea na mag-aalaga ng bata para sa iyo?”
8 Sinabi sa kanya ng anak ng Faraon, “Umalis ka.” Ang batang babae ay umalis at tinawag ang ina ng bata.
9 Sinabi ng anak ng Faraon sa kanya, “Dalhin mo ang batang ito at alagaan mo para sa akin at uupahan kita.” Kaya't kinuha ng babae ang bata at inalagaan ito.
10 Ang(G) bata ay lumaki at kanyang dinala ito sa anak ng Faraon, at ito'y naging kanyang anak. Kanyang pinangalanan siyang Moises,[c] dahil sinabi niya, “Sapagkat aking iniahon siya sa tubig.”
Tumakas si Moises Patungong Midian
11 Nang(H) (I) mga araw na iyon, nang malaki na si Moises, nagtungo siya sa kanyang mga kapatid, at nakita ang kanilang sapilitang paggawa. Kanyang nakita ang isang Ehipcio na binubugbog ang isang Hebreo na isa sa kanyang mga kapatid.
12 Siya'y tumingin sa magkabi-kabilang dako at nang siya'y walang makitang tao, kanyang pinatay ang Ehipcio at kanyang itinago sa buhanginan.
13 Nang siya'y lumabas nang sumunod na araw, may dalawang lalaking Hebreo na naglalaban; at kanyang sinabi sa gumawa ng masama, “Bakit mo sinasaktan ang iyong kasama?”
14 Sinabi niya, “Sinong naglagay sa iyo bilang pinuno at hukom sa amin? Iniisip mo bang patayin ako, gaya nang pagpatay mo sa Ehipcio?” Natakot si Moises at kanyang inisip, “Tiyak na ang bagay na ito ay alam na.”
15 Nang(J) mabalitaan ng Faraon ang bagay na ito, ninais niyang patayin si Moises.
Subalit si Moises ay tumakas mula kay Faraon at nanirahan sa lupain ng Midian. Siya'y umupo sa tabi ng isang balon.
16 Ang pari[d] noon sa Midian ay may pitong anak na babae. Sila'y dumating at umigib ng tubig at kanilang pinuno ang mga inuman upang painumin ang kawan ng kanilang ama.
17 Ang mga pastol ay dumating at sila'y ipinagtabuyan; ngunit si Moises ay tumindig at sila'y ipinagtanggol, at pinainom ang kanilang kawan.
18 Nang sila'y dumating kay Reuel[e] na kanilang ama ay sinabi nito, “Bakit napakadali ninyong dumating ngayon?”
19 Kanilang sinabi, “Iniligtas kami ng isang Ehipcio mula sa kamay ng mga pastol at saka iniigib pa niya kami ng tubig at pinainom ang kawan.”
20 Sinabi niya sa kanyang mga anak, “Saan siya naroon? Bakit ninyo iniwan ang lalaking iyon? Tawagin ninyo siya upang makakain ng tinapay.”
21 Si Moises ay nasiyahang makitira sa lalaking iyon at kanyang ibinigay kay Moises si Zifora na kanyang anak na babae.
22 Nanganak siya ng isang lalaki at kanyang pinangalanang Gershom sapagkat sinabi ni Moises, “Ako'y manlalakbay sa ibang lupain.”
23 Pagkaraan ng maraming araw, ang hari ng Ehipto ay namatay. Ang bayang Israel ay dumaing dahil sa pagkaalipin at sila'y humingi ng tulong. Ang kanilang daing dahil sa pagkaalipin ay nakarating sa Diyos.
24 Narinig(K) ng Diyos ang kanilang daing at naalala ng Diyos ang kanyang tipan kina Abraham, Isaac, at Jacob.
25 At tiningnan ng Diyos ang mga anak ni Israel at nalaman ng Diyos ang kanilang kalagayan.
Ang Nagniningas na Puno
3 Noon ay inaalagaan ni Moises ang kawan ni Jetro na kanyang biyenan na pari sa Midian; kanyang pinatnubayan ang kawan sa kabila ng ilang at nakarating sa bundok ng Diyos, sa Horeb.
2 Ang(L) anghel ng Panginoon ay nagpakita sa kanya sa isang ningas ng apoy na mula sa gitna ng isang mababang punungkahoy. Siya'y nagmasid at ang punungkahoy ay nagliliyab ngunit ito'y hindi nasusunog.
3 Sinabi ni Moises, “Ako'y pupunta sa kabila at titingnan ko itong dakilang panooring ito, kung bakit ang punungkahoy ay hindi nasusunog.”
4 Nang makita ng Panginoon na siya'y pumunta sa kabila upang tumingin ay tinawag siya ng Diyos mula sa gitna ng mababang punungkahoy, “Moises, Moises.” Sumagot siya, “Narito ako.”
5 Kanyang sinabi, “Huwag kang lumapit dito. Hubarin mo ang sandalyas sa iyong mga paa sapagkat ang dakong iyong kinatatayuan ay banal na lupa.”
6 Sinabi pa niya, “Ako ang Diyos ng iyong ama, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob.” Si Moises ay nagtakip ng kanyang mukha sapagkat siya'y natakot na tumingin sa Diyos.
Sinugo ng Diyos si Moises
7 Sinabi ng Panginoon, “Aking nakita ang paghihirap ng aking bayan na nasa Ehipto at aking narinig ang kanilang daing dahil sa mga umaapi sa kanila. Talagang nalalaman ko ang kanilang pagdurusa.
8 Ako'y bumaba upang iligtas sila mula sa kamay ng mga Ehipcio at upang sila'y dalhin sa isang mabuting lupain at malawak, mula sa lupaing iyon, sa isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, sa lugar ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Heveo at Jebuseo.
9 At ngayon, ang daing ng mga anak ni Israel ay nakarating sa akin, at nakita ko rin ang pang-aapi na ginawa sa kanila ng mga Ehipcio.
10 Halika, ikaw ay aking susuguin kay Faraon upang iyong ilabas sa Ehipto ang aking bayan, ang mga anak ni Israel.”
11 Sinabi ni Moises sa Diyos, “Sino ako upang pumaroon kay Faraon at upang ilabas sa Ehipto ang mga anak ni Israel?”
12 Kanyang sinabi, “Ako'y makakasama mo; at ito'y magiging tanda sa iyo na ikaw ay aking sinugo: kapag iyong nailabas na sa Ehipto ang bayan, sasambahin ninyo ang Diyos sa bundok na ito.”
13 Ngunit(M) sinabi ni Moises sa Diyos, “Pagdating ko sa mga anak ni Israel at sasabihin ko sa kanila, ‘Sinugo ako sa inyo ng Diyos ng inyong mga ninuno,’ at sasabihin nila sa akin, ‘Ano ang kanyang pangalan?’ Anong sasabihin ko sa kanila?”
14 Sinabi(N) ng Diyos kay Moises, “AKO AY ANG AKO NGA.” At kanyang sinabi, “Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Sinugo ako sa inyo ni AKO NGA.’”
15 Sinabi pa ng Diyos kay Moises, “Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Sinugo ako sa inyo ng Panginoon,[f] ang Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob.’ Ito ang aking pangalan magpakailanman at ito ang itatawag sa akin ng lahat ng mga lahi.
16 Humayo ka at tipunin mo ang matatanda sa Israel at sabihin mo sa kanila, ‘Ang Panginoon, ang Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac, at Jacob ay nagpakita sa akin, na nagsasabi, “Tunay na kayo'y aking dinalaw at aking nakita ang ginagawa sa inyo sa Ehipto.
17 At aking sinabi, aking aalisin kayo sa kapighatian sa Ehipto at dadalhin ko kayo sa lupain ng Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Heveo, at ng Jebuseo, sa isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.”’
18 Kanilang papakinggan ang iyong tinig. Ikaw at ang matatanda sa Israel ay pupunta sa hari ng Ehipto, at inyong sasabihin sa kanya, ‘Ang Panginoon, ang Diyos ng mga Hebreo ay nakipagtagpo sa amin at ngayo'y pahintulutan mo kami na maglakbay ng tatlong araw sa ilang. Nais naming makapaghandog sa Panginoon naming Diyos.’
19 Alam ko na hindi kayo papahintulutan ng hari ng Ehipto na umalis maliban sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay.
20 Kaya't aking iuunat ang aking kamay at sasaktan ko ang Ehipto sa pamamagitan ng lahat kong kababalaghan na aking gagawin sa gitna niyon at pagkatapos, papahintulutan niya kayong umalis.
21 Pagkakalooban(O) ko ang bayang ito ng biyaya sa paningin ng mga Ehipcio at sa pag-alis ninyo ay hindi kayo aalis na walang dala.
22 Bawat babae ay hihingi sa kanyang kapwa at ang dayuhan sa kanyang bahay ng mga hiyas na pilak, mga hiyas na ginto at mga damit, at inyong ipapasuot sa inyong mga anak na lalaki at babae. Sa ganito ay inyong sasamsaman ang mga Ehipcio.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001