Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Genesis 25-26

Iba pang mga Naging Anak ni Abraham(A)

25 Si Abraham ay nag-asawa ng iba at ang kanyang pangalan ay Ketura.

Naging mga anak nito sina Zimram, Jokshan, Medan, Midian, Isbak, at Shua.

Naging anak ni Jokshan sina Seba at Dedan. At ang mga anak na lalaki ni Dedan ay sina Assurim, Letusim, at Leummim.

Ang mga ito ang naging anak ni Midian: Efa, Efer, Hanoc, Abida, at Eldaa. Lahat ng ito ay mga anak ni Ketura.

At ibinigay ni Abraham ang lahat ng kanyang pag-aari kay Isaac.

Subalit ang mga anak ng naging mga asawang-lingkod ni Abraham ay binigyan ni Abraham ng mga kaloob. Habang nabubuhay pa siya ay inilayo niya ang mga ito kay Isaac na kanyang anak. Kanyang pinapunta sila sa lupaing silangan.

At ito ang haba ng buhay ni Abraham, isandaan at pitumpu't limang taon.

Namatay at Inilibing si Abraham

Nalagot ang hininga ni Abraham at namatay sa mabuting katandaan, matanda at puspos ng mga taon; at naging kasama ng kanyang bayan.

Inilibing siya ng kanyang mga anak na sina Isaac at Ismael sa yungib ng Macpela, sa parang ni Efron na anak ni Zohar na Heteo, na nasa tapat ng Mamre,

10 sa(B) parang na binili ni Abraham sa mga anak ni Het. Doon inilibing si Abraham at si Sara na kanyang asawa.

11 Pagkamatay ni Abraham, pinagpala ng Diyos si Isaac na kanyang anak; at si Isaac ay nanirahan sa may Beer-lahai-roi.

Ang mga Anak ni Ismael(C)

12 Ang mga ito ang salinlahi ni Ismael, na anak ni Abraham, na naging anak kay Abraham ni Hagar na taga-Ehipto, na alila ni Sara.

13 Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Ismael, ayon sa pagkakasunud-sunod ng kanilang kapanganakan: ang panganay ni Ismael ay si Nebayot, pagkatapos ay sina Kedar, Adbeel, Mibsam,

14 Misma, Duma, Massa,

15 Hadad, Tema, Jetur, Nafis, at si Kedema.

16 Ito ang mga anak ni Ismael, at ito ang kanya-kanyang pangalan, ayon sa kanya-kanyang nayon, at ayon sa kanya-kanyang kampo; labindalawang pinuno ayon sa kanilang bansa.

17 At ito ang haba ng buhay ni Ismael, isandaan at tatlumpu't pitong taon; at nalagot ang hininga at namatay; at siya'y naging kasama ng kanyang bayan.

18 Nanirahan sila mula sa Havila hanggang sa Shur, na tapat ng Ehipto, kapag patungo sa Asiria; siya'y nanirahang kasama ng lahat niyang mga kababayan.

Ipinanganak sina Esau at Jacob

19 Ito ang mga salinlahi ni Isaac, na anak ni Abraham: naging anak ni Abraham si Isaac,

20 at si Isaac ay apatnapung taon nang siya'y mag-asawa kay Rebecca, na anak ni Betuel na Arameo sa Padan-aram, kapatid na babae ni Laban na Arameo.

21 Nanalangin si Isaac sa Panginoon para sa kanyang asawa, sapagkat siya'y baog; at dininig ng Panginoon ang kanyang panalangin at si Rebecca na kanyang asawa ay naglihi.

22 Ang mga bata sa loob niya ay naglaban at kanyang sinabi, “Kung ito ay tama, bakit ako mabubuhay?” Kaya't siya'y humayo upang magtanong sa Panginoon.

23 Sinabi(D) sa kanya ng Panginoon,

“Dalawang bansa ang nasa iyong bahay-bata,
    at ang dalawang bayan na ipapanganak mo ay magiging hati;
ang isa ay magiging higit na malakas kaysa isa,
    at ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata.”

Panganganak kay Esau at kay Jacob

24 Nang dumating ang panahon ng kanyang panganganak, kambal ang nasa kanyang bahay-bata.

25 Ang unang lumabas ay mapula na ang buong katawa'y parang mabalahibong damit; kaya't siya'y pinangalanang ng Esau.[a]

26 Pagkatapos ay lumabas ang kanyang kapatid, at ang kanyang kamay ay nakakapit sa sakong ni Esau; kaya't ang ipinangalan sa kanya ay Jacob.[b] Si Isaac ay may animnapung taon na nang sila'y ipanganak ni Rebecca.

Ipinagbili ni Esau ang Kanyang Pagkapanganay

27 Nang lumaki ang mga bata, si Esau ay naging sanay sa pangangaso, isang lalaki sa parang; samantalang si Jacob ay lalaking tahimik, na naninirahan sa mga tolda.

28 Minahal ni Isaac si Esau, sapagkat siya'y kumakain ng mula sa kanyang pangangaso, at minahal naman ni Rebecca si Jacob.

29 Minsan, nagluto si Jacob ng nilaga. Dumating si Esau mula sa parang at siya'y gutom na gutom.

30 Sinabi ni Esau kay Jacob, “Pakainin mo naman ako nitong mapulang nilaga sapagkat ako'y gutom na gutom.” Dahil dito ay tinawag ang kanyang pangalan na Edom.[c]

31 Sinabi ni Jacob, “Ipagbili mo muna sa akin ngayon ang iyong pagkapanganay.”

32 Sinabi ni Esau, “Ako'y malapit nang mamatay. Ano ang mapapakinabang ko sa pagkapanganay?”

33 Sinabi(E) ni Jacob, “Isumpa mo muna sa akin.” At sumumpa siya sa kanya at kanyang ipinagbili ang kanyang pagkapanganay kay Jacob.

34 At binigyan ni Jacob si Esau ng tinapay at nilaga na lentehas. Siya'y kumain, uminom, tumayo, at umalis. Ganyan hinamak ni Esau ang kanyang pagkapanganay.

Nanirahan si Isaac sa Gerar

26 Nagkaroon ng taggutom sa lupain, bukod sa unang taggutom na nangyari nang mga araw ni Abraham. Pumunta si Isaac kay Abimelec, na hari ng mga Filisteo sa Gerar.

At nagpakita ang Panginoon kay Isaac at sinabi, “Huwag kang bumaba sa Ehipto; manatili ka sa lupaing aking sasabihin sa iyo.

Manatili(F) ka sa lupaing ito, at sasamahan kita, at ikaw ay aking pagpapalain; sapagkat sa iyo at sa iyong binhi ay ibibigay ko ang lahat ng lupaing ito, at tutuparin ko ang aking ipinangako kay Abraham na iyong ama.

Pararamihin ko ang iyong binhi na gaya ng mga bituin sa langit at ibibigay ko sa iyong binhi ang lahat ng lupaing ito at pagpapalain ang lahat ng bansa sa lupa sa pamamagitan ng iyong binhi,

sapagkat pinakinggan ni Abraham ang aking tinig at sinunod ang aking tagubilin, ang aking mga utos, ang aking mga batas at ang aking mga kautusan.”

Nanirahan si Isaac sa Gerar.

Nilinlang ni Isaac si Abimelec

Tinanong(G) siya ng mga taong taga-roon tungkol sa kanyang asawa, at sinabi niya, “Siya'y aking kapatid;” sapagkat takot siyang sabihin na, “Siya'y aking asawa.” Inakala niya na “baka ako'y patayin ng mga taong taga-rito, dahil kay Rebecca; dahil sa siya'y may magandang anyo.”

Nang siya'y matagal nang naroroon, dumungaw si Abimelec na hari ng mga Filisteo sa isang durungawan, at nakita si Isaac na hinahaplos si Rebecca na kanyang asawa.

Kaya't tinawag ni Abimelec si Isaac at sa kanya'y sinabi, “Asawa mo pala siya! Bakit sinabi mong, ‘Siya'y aking kapatid’?” Sumagot sa kanya si Isaac, “Sapagkat inakala kong baka ako'y mamatay dahil sa kanya.”

10 At sinabi ni Abimelec, “Ano itong ginawa mo sa amin? Paano kung may sumiping sa iyong asawa, at ikaw sana ang naging dahilan upang kami ay magkasala?”

11 Kaya't iniutos ni Abimelec sa buong bayan, “Ang gumalaw sa lalaking ito o sa kanyang asawa ay mamamatay.”

12 At si Isaac ay naghasik sa lupaing iyon, at umani siya ng taong yaon ng makasandaang ibayo. Pinagpala siya ng Panginoon,

13 at naging mayaman ang lalaki at patuloy na naging mayaman hanggang sa naging napakayaman.

14 At siya'y may ari-arian na mga kawan, mga bakahan, at malaking sambahayan; at kinainggitan siya ng mga Filisteo.

15 Lahat ng mga balong hinukay ng mga alipin ng kanyang amang si Abraham ay pinagtatabunan at pinuno ng lupa ng mga Filisteo.

16 Sinabi ni Abimelec kay Isaac, “Humiwalay ka sa amin, sapagkat ikaw ngayon ay higit na malakas kaysa amin.”

17 At umalis si Isaac doon at nagkampo sa libis ng Gerar at nanirahan doon.

18 Muling hinukay ni Isaac ang mga balon ng tubig na kanilang hinukay nang mga araw ni Abraham na kanyang ama; sapagkat pinagtatabunan iyon ng mga Filisteo pagkamatay ni Abraham. Pinangalanan niya ang mga iyon ayon sa mga pangalang itinawag sa kanila ng kanyang ama.

19 Humukay sa libis ang mga alipin ni Isaac at nakatagpo roon ng isang balon ng tubig na bumubukal.

20 Nakipagtalo ang mga pastol ng Gerar sa mga pastol ni Isaac, na sinasabi, “Ang tubig ay amin.” Kanyang tinawag ang pangalan ng balon na Esec[d] sapagkat sila'y nakipagtalo sa kanya.

21 Kaya't sila'y humukay ng ibang balon at muli nilang pinagtalunan, at ito ay tinawag niya sa pangalang Sitnah.[e]

22 Umalis siya roon at humukay ng ibang balon at hindi nila pinagtalunan at ito ay kanyang tinawag sa pangalang Rehobot,[f] at kanyang sinabi, “Sapagkat ngayo'y binigyan tayo ng Panginoon ng kaluwagan at tayo ay magiging mabunga sa lupain.”

23 Mula roon ay umahon siya sa Beer-seba.

24 At nagpakita sa kanya ang Panginoon nang gabi ring iyon at sinabi, “Ako ang Diyos ng iyong amang si Abraham. Huwag kang matakot sapagkat sasamahan kita, at ikaw ay aking pagpapalain, at aking pararamihin ang iyong binhi alang-alang kay Abraham na aking lingkod.”

25 Doon ay nagtayo si Isaac ng isang dambana at tumawag sa pangalan ng Panginoon. Itinayo niya roon ang kanyang tolda at humukay doon ng balon ang mga alipin ni Isaac.

Ang Sumpaan nina Isaac at Abimelec

26 Pagkatapos(H) noo'y pumunta si Abimelec sa kanya mula sa Gerar, kasama si Ahuzath na kanyang tagapayo, at si Ficol na kapitan ng kanyang hukbo.

27 Sinabi sa kanila ni Isaac, “Bakit kayo pumarito sa akin, yamang kayo'y napopoot sa akin at pinalayas ninyo ako?”

28 At sinabi nila, “Malinaw naming nakita na ang Panginoon ay naging kasama mo; kaya't sinasabi namin, ‘Magkaroon tayo ng sumpaan, kami ay makikipagtipan sa iyo,’

29 na hindi ka gagawa sa amin ng masama, gaya rin na hindi ka namin ginalaw, at wala kaming ginawa sa iyong di mabuti, at pinaalis ka naming payapa. Ikaw ngayon ang pinagpala ng Panginoon.”

30 Kaya siya'y nagpahanda ng maraming pagkain para sa kanila, at sila'y kumain at uminom.

31 Kinaumagahan, maaga silang gumising at sila'y nagsumpaan. Sila'y pinalakad na ni Isaac sa kanilang patutunguhan at iniwan nilang payapa si Isaac.

32 Nang araw ding iyon, dumating ang mga alipin ni Isaac at siya'y binalitaan tungkol sa hinukay nilang balon, at sinabi sa kanya, “Nakatagpo kami ng tubig.”

33 Tinawag niya itong Seba[g] kaya't ang pangalan ng bayang iyon ay Beer-seba[h] hanggang ngayon.

Mga Naging Asawa ni Esau

34 Nang si Esau ay apatnapung taong gulang, siya ay nag-asawa kay Judith na anak ni Beeri na Heteo, at kay Basemat na anak ni Elon na Heteo.

35 At ginawa nilang mapait ang buhay para kina Isaac at Rebecca.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001