Beginning
Ang Dambana ng Insenso(A)
30 “Gagawa ka ng isang dambana na pagsusunugan ng insenso. Ito'y gagawin mo mula sa kahoy na akasya.
2 Isang siko ang magiging haba niyon, at isang siko ang luwang; magiging parisukat iyon, at dalawang siko ang magiging taas; ang mga sungay niyon ay kaisang piraso niyon.
3 Ito'y babalutin mo ng lantay na ginto, ang mga tagiliran sa palibot, at ang mga sungay; at igagawa mo ito ng isang moldeng ginto sa palibot.
4 Igagawa mo ito ng dalawang argolyang ginto sa ilalim ng molde, sa dakong itaas ng dalawang tagiliran mo iyon gagawin; iyon ay magiging suotan ng mga pasanan upang mabuhat ito.
5 Ang iyong gagawing mga pasanan ay kahoy na akasya, at babalutin mo ito ng ginto.
6 Iyong ilalagay ito sa harapan ng tabing na nasa may kaban ng patotoo, sa harapan ng luklukan ng awa na nasa ibabaw ng kaban ng patotoo, kung saan kita kakatagpuin.
7 Maghahandog si Aaron sa ibabaw niyon ng mababangong insenso, tuwing umaga kapag kanyang inaayos ang mga ilaw, ay ihahandog niya iyon,
8 at kapag sinisindihan ni Aaron ang mga ilawan sa gabi, kanyang ihahandog iyon bilang isang insensong patuloy na handog sa harapan ng Panginoon sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.
9 Huwag kayong maghahandog ng hindi banal na insenso sa ibabaw niyon, o ng handog na susunugin, o ng handog na butil man at huwag kayong magbubuhos ng handog na inumin sa ibabaw niyon.
10 Si Aaron ay magsasagawa ng pagtubos sa ibabaw ng mga sungay ng dambana, minsan sa isang taon. Siya ay tutubos ng kasalanan minsan sa isang taon sa pamamagitan ng dugo ng handog pangkasalanan, sa buong panahon ng inyong mga salinlahi; iyon ay kabanal-banalan sa Panginoon.”
11 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,
12 “Pagbilang mo sa mga anak ni Israel, magbibigay ang bawat isa sa kanila ng pantubos ng kanyang sarili sa Panginoon, kapag iyong binibilang sila, upang huwag magkaroon ng salot sa gitna nila kapag iyong binibilang sila.
13 Bawat(B) mapapasama sa pagbilang ay magbibigay nito: kalahati ng isang siklo ayon sa siklo ng santuwaryo: (ang isang siklo ay dalawampung gera), kalahating siklo bilang handog sa Panginoon.
14 Bawat mapasama sa pagbilang, mula sa dalawampung taong gulang pataas, ay magbibigay ng handog sa Panginoon.
15 Ang mayaman ay hindi magbibigay nang higit, at ang dukha ay hindi magbibigay nang kulang sa kalahating siklo, kapag nagbibigay kayo ng handog sa Panginoon, upang ipantubos sa inyong mga sarili.
16 At iyong kukunin sa mga anak ni Israel ang salaping pantubos at iyong ilalaan sa paglilingkod sa toldang tipanan; na maging pinakaalaala sa mga anak ni Israel sa harapan ng Panginoon, upang ipantubos sa inyong mga kaluluwa.”[a]
Ang Palangganang Tanso
17 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises,
18 “Gagawa(C) ka rin ng isang palangganang yari sa tanso, na may patungang tanso, upang paghugasan. Iyong ilalagay ito sa pagitan ng toldang tipanan at ng dambana, at iyong sisidlan ito ng tubig.
19 Si Aaron at ang kanyang mga anak ay maghuhugas doon ng kanilang mga kamay at mga paa.
20 Kapag sila'y pumapasok sa toldang tipanan ay maghuhugas sila ng tubig, upang sila'y huwag mamatay, o kapag sila'y lumalapit sa dambana upang maglingkod, upang magsunog ng handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
21 Kaya't maghuhugas sila ng kanilang mga kamay at mga paa upang huwag silang mamatay. Ito'y magiging isang batas magpakailanman para sa kanila, sa kanya at sa kanyang binhi, sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi.”
Ang Langis na Pambuhos
22 Bukod(D) dito'y sinabi ng Panginoon kay Moises,
23 “Magdala ka rin ng pinakamaiinam na pabango: ng purong mira na limang daang siklo, at ng mabangong kanela na kalahati nito ang dami, dalawang daan at limampu; at ng mabangong kalamo na dalawang daan at limampu,
24 at ng kasia, limang daan, ayon sa siklo ng santuwaryo, at ng langis ng olibo na isang hin;
25 at gagawa ka mula sa mga ito ng banal na langis na pambuhos, isang pabangong tinimpla ayon sa pagtitimpla ng manggagawa ng pabango; siya ngang magiging banal na langis na pambuhos.
26 Iyong bubuhusan niyon ang toldang tipanan, at ang kaban ng patotoo,
27 at ang hapag, ang lahat ng mga kasangkapan niyon, ang ilawan at ang mga kasangkapan niyon, at ang dambana ng insenso,
28 ang dambana ng handog na sinusunog kasama ang lahat ng mga kasangkapan, ang palanggana at ang patungan nito.
29 Pakabanalin mo ang mga iyon upang maging kabanal-banalan; sinumang humawak sa mga iyon ay magiging banal.
30 Iyong bubuhusan ng langis si Aaron at ang kanyang mga anak, at itatalaga sila, upang sila'y maglingkod sa akin bilang mga pari.
31 Sasabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Ito ang aking magiging banal na langis na pambuhos sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.
32 Hindi ito ibubuhos sa laman ng mga karaniwang tao, ni huwag kayong gagawa ng gaya niyan sa pagkakagawa, ito ay banal at ito'y magiging banal sa inyo.
33 Sinumang gumawa ng gaya niyan, o sinumang gumamit niyan sa isang dayuhan ay ititiwalag sa kanyang bayan.’”
34 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Magdala ka ng mababangong pabango ng estacte, onix, at galbano; mababangong pabango na may purong kamanyang (na bawat isa'y magkakapareho ng bahagi),
35 at gumawa ka ng insenso, na pabangong ayon sa pagtitimpla ng manggagawa ng pabango, hinaluan ng asin, dalisay at banal.
36 Iyong didikdikin ang iba niyan nang pinung-pino at ilalagay mo sa harapan ng kaban ng tipan,[b] sa loob ng toldang tipanan na doon kita kakatagpuin; ito ay magiging kabanal-banalan para sa inyo.
37 Ang insensong inyong gagawin, ayon sa mga sangkap niyon ay huwag ninyong gagawin para sa inyong sarili; iyon ay aariin mong banal sa Panginoon.
38 Sinumang gagawa nang gaya niyan, upang gamiting pabango ay ititiwalag sa kanyang bayan.”
Ang Pagtawag kina Bezaleel at Aholiab(E)
31 Sinabi ng Panginoon kay Moises,
2 “Tingnan mo, aking tinawag sa pangalan si Bezaleel na anak ni Uri, na anak ni Hur, sa lipi ni Juda.
3 Aking pinuspos siya ng Espiritu ng Diyos, may kakayahan, katalinuhan, may kaalaman sa iba't ibang uri ng gawain,
4 upang magdibuho ng magagandang disenyo, upang gumawa sa ginto, sa pilak, at sa tanso,
5 upang umukit ng mga batong pang-enggaste, upang gumawa ng mga nililok na kahoy, at upang gumawa sa lahat ng sari-saring gawain.
6 Aking itinalagang kasama niya si Aholiab, na anak ni Ahisamac, sa lipi ni Dan; at sa lahat ng may kakayahang gumawa ay nagbigay ako ng karunungan, upang magawa nila ang lahat ng aking iniutos sa iyo:
7 ang toldang tipanan at ang kaban ng patotoo, at ang luklukan ng awa na nasa ibabaw niyon, at ang lahat ng kasangkapan ng tolda,
8 ang hapag at ang mga kasangkapan niyon at ang dalisay na ilawan, kasama ng lahat na mga kasangkapan; ang dambana ng insenso,
9 ang dambana ng handog na sinusunog kasama ng lahat ng mga kasangkapan niyon, ang lababo at ang patungan niyon;
10 at ang mga kasuotang mahusay ang pagkagawa, ang mga banal na kasuotan para kay Aaron na pari, at ang mga kasuotan ng kanyang mga anak, para sa kanilang paglilingkod bilang mga pari;
11 at ang langis na pambuhos, ang mabangong insenso para sa dakong banal. Ayon sa lahat ng iniutos ko sa iyo ay gagawin nila ang mga ito.”
Ang Pangingilin sa Sabbath
12 At sinabi ng Panginoon kay Moises,
13 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Inyong ipapangilin ang aking mga Sabbath, sapagkat ito'y isang tanda sa akin at sa inyo sa buong panahon ng inyong mga salinlahi, upang inyong makilala na akong Panginoon ang nagpapabanal sa inyo.
14 Inyong ipapangilin ang Sabbath, sapagkat iyon ay banal para sa inyo. Bawat lumapastangan dito ay walang pagsalang papatayin, sapagkat sinumang gumawa ng anumang gawa sa araw na iyon ay ititiwalag sa kanyang bayan.
15 Anim(F) na araw na gagawin ang gawain, subalit ang ikapitong araw ay Sabbath ng taimtim na pagpapahinga, banal sa Panginoon; sinumang gumawa ng anumang gawa sa araw ng Sabbath ay walang pagsalang papatayin.
16 Kaya't ang mga anak ni Israel ay mangingilin ng Sabbath, na iingatan ang Sabbath sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi, bilang isang palagiang tipan.
17 Ito'y(G) isang tanda sa akin at sa mga anak ni Israel magpakailanman na sa loob ng anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, at sa ikapitong araw siya ay nagpahinga at naginhawahan.’”
Tinanggap ni Moises ang Dalawang Tapyas ng Bato
18 Pagkatapos na makapagsalita ang Diyos[c] sa kanya sa ibabaw ng bundok ng Sinai, kanyang ibinigay kay Moises ang dalawang tapyas ng tipan, ang mga tapyas na bato na sinulatan ng daliri ng Diyos.
Ang Gintong Guya(H)
32 Nang(I) makita ng bayan na nagtatagal si Moises ng pagpanaog sa bundok, ay nagtipon ang bayan kay Aaron, at sinabi sa kanya, “Tumindig ka at igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat ang Moises na ito na naglabas sa amin mula sa lupain ng Ehipto, ay hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa kanya.”
2 At sinabi ni Aaron sa kanila, “Alisin ninyo ang mga hikaw na ginto na nasa tainga ng inyu-inyong asawa, ng inyong mga anak na lalaki at babae, at dalhin ninyo sa akin.”
3 Kaya't inalis ng buong bayan ang mga hikaw na ginto na nasa kanilang mga tainga, at dinala ang mga ito kay Aaron.
4 Kanyang(J) tinanggap ang ginto mula sa kanila at hinubog ito sa pamamagitan ng isang kagamitang panlilok, at ginawang isang hinulmang guya. At kanilang sinabi, “Ang mga ito ang iyong mga diyos, O Israel, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto!”
5 Nang makita ito ni Aaron, nagtayo siya ng isang dambana sa harapan niyon. Nagpahayag si Aaron at sinabi, “Bukas ay isang pista sa Panginoon.”
6 Kinaumagahan,(K) sila'y bumangon nang maaga, nag-alay ng mga handog na sinusunog at nagdala ng mga handog pangkapayapaan; at ang taong-bayan ay naupo upang kumain at mag-inuman at bumangon upang magkatuwaan.
7 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumaba ka agad! Ang iyong bayan na inilabas mo mula sa lupain ng Ehipto ay nagpapakasama.
8 Sila'y madaling lumihis sa daan na aking iniutos sa kanila. Sila'y gumawa ng isang hinulmang guya at kanilang sinamba, at hinandugan ito, at kanilang sinabi, ‘Ang mga ito ang iyong mga diyos, O Israel, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto!’”
9 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Aking nakita ang bayang ito, napakatigas ng kanilang ulo.
10 Kaya ngayo'y hayaan mo ako upang ang aking poot ay mag-alab laban sa kanila, at aking lipulin sila. Ngunit ikaw ay aking gagawing isang dakilang bansa.”
11 Ngunit(L) nagsumamo si Moises sa Panginoon niyang Diyos, at sinabi, “ Panginoon, bakit ang iyong poot ay pinag-aalab mo laban sa iyong bayan na iyong inilabas sa lupain ng Ehipto sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan at ng makapangyarihang kamay?
12 Bakit kailangang sabihin ng mga Ehipcio, ‘Dahil sa masamang layunin ay kanyang inilabas sila upang patayin sila sa mga bundok, at upang lipulin sila mula sa balat ng lupa?’ Iurong mo ang iyong mabangis na poot, at baguhin mo ang iyong isip sa kasamaang ito laban sa iyong bayan.
13 Alalahanin(M) mo si Abraham, si Isaac, at si Israel na iyong mga lingkod. Sa kanila ay sumumpa ka sa iyong sarili, at sinabi mo sa kanila, ‘Aking pararamihin ang inyong binhi na gaya ng mga bituin sa langit, at lahat ng lupaing ito na aking ipinangako ay aking ibibigay sa inyong binhi, at kanilang mamanahin ito magpakailanman.’”
14 At nagbago ang isip ng Panginoon sa masama na kanyang sinabing gagawin niya sa kanyang bayan.
Nagalit si Moises
15 Si Moises ay tumalikod at bumaba sa bundok, dala ang dalawang tapyas ng tipan sa kanyang mga kamay, mga tapyas na may sulat sa magkabilang panig niyon, sa isang panig at sa kabilang panig ay nakasulat ang mga iyon.
16 Ang mga tapyas ay gawa ng Diyos, at ang sulat ay sulat ng Diyos, na nakaukit sa mga tapyas.
17 Nang marinig ni Josue ang ingay ng bayan habang sila'y nagsisigawan, sinabi niya kay Moises, “May ingay ng digmaan sa kampo.”
18 Ngunit kanyang sinabi, “Hindi iyon ingay ng sigaw ng pagtatagumpay, o ingay man ng sigaw ng pagkatalo, kundi ingay ng mga umaawit ang aking naririnig.”
19 Nang makalapit siya sa kampo, at kanyang makita ang guya at ang pagsasayawan, ang galit ni Moises ay nag-alab, at kanyang ibinato ang mga tapyas na nasa kanyang mga kamay at binasag ang mga ito sa paanan ng bundok.
20 Kanyang kinuha ang guya na kanilang ginawa, sinunog ng apoy, giniling hanggang sa naging pulbos, isinaboy sa tubig, at ipinainom sa mga anak ni Israel.
21 At sinabi ni Moises kay Aaron, “Anong ginawa ng bayang ito sa iyo, na dinalhan mo sila ng isang malaking kasalanan?”
22 Sinabi ni Aaron, “Huwag mag-alab ang galit ng aking Panginoon; kilala mo ang taong-bayan, na sila'y mahilig sa kasamaan.
23 Sapagkat kanilang sinabi sa akin, ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat tungkol sa Moises na ito, ang lalaking naglabas sa amin mula sa lupain ng Ehipto ay hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa kanya.’
24 At aking sinabi sa kanila, ‘Sinumang may ginto ay hubarin ito,’ at kanila namang ibinigay sa akin, at aking inihagis sa apoy at lumabas ang guyang ito!”
Pinarusahan ang mga Tao
25 Nang makita ni Moises na ang bayan ay nagwawala (sapagkat pinabayaan sila ni Aaron na magwala, sa kanilang kahihiyan sa gitna ng kanilang mga kaaway),
26 tumayo si Moises sa pintuan ng kampo, at nagsabi, “Sino ang nasa panig ng Panginoon? Lumapit kayo sa akin.” At lahat ng mga anak ni Levi ay nagtipon sa kanya.
27 Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos ng Israel, ‘Ilagay ng bawat lalaki ang kanyang tabak sa kanyang tagiliran. Humayo kayong paroo't parito sa mga pintuan sa buong kampo, at patayin ng bawat lalaki ang kanyang kapatid na lalaki, ng bawat lalaki ang kanyang kasama, at ng bawat lalaki ang kanyang kapwa.’”
28 Ginawa ng mga anak ni Levi ang ayon sa salita ni Moises; at nabuwal ang halos tatlong libong katao sa mamamayan nang araw na iyon.
29 Sinabi ni Moises, “Itinalaga ninyo ang inyong sarili ngayon sa paglilingkod sa Panginoon, bawat isa sa halaga ng kanyang anak na lalaki o kapatid na lalaki, kaya't kayo ay nagdala sa inyo ng pagpapala sa araw na ito.”
30 Kinabukasan, sinabi ni Moises sa bayan, “Kayo'y nagkasala ng malaking kasalanan. Ngayo'y aakyat ako sa Panginoon; marahil ay aking matutubos ang inyong kasalanan.”
31 Kaya't bumalik si Moises sa Panginoon, at sinabi, “O, ang bayang ito'y nagkasala ng malaking kasalanan; at gumawa sila para sa kanilang sarili ng mga diyos na ginto.
32 Ngunit(N) ngayon, kung maaari ay patawarin mo ang kanilang kasalanan—at kung hindi, ay burahin mo ako sa aklat na isinulat mo.”
33 Ngunit sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ang sinumang nagkasala laban sa akin ay siya kong buburahin sa aking aklat.
34 Subalit ngayo'y humayo ka, iyong pangunahan ang bayan patungo sa dakong aking sinabi sa iyo; ang aking anghel ay hahayo sa unahan mo. Gayunman kapag dumating ang araw ng pagpaparusa, aking parurusahan sila sa kanilang mga kasalanan.”
35 At ang Panginoon ay nagpadala ng isang salot sa bayan, sapagkat kanilang ginawa ang guya—yaong ginawa ni Aaron.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001