Beginning
Mga Pagsasauli tungkol sa Naging Kasiraan
22 “Kung ang isang tao ay magnakaw ng isang baka, o ng tupa at patayin, o ipagbili, siya'y magbabayad ng limang baka para sa isang baka, at ng apat na tupa para sa isang tupa. Ang magnanakaw ay gagawa ng pagsasauli; kung wala siyang maisauli, siya'y ipagbibili dahil sa kanyang pagnanakaw.
2 “Kung ang isang magnanakaw ay mahuling pumapasok at siya'y hinampas na kanyang ikinamatay, hindi magkakaroon ng pananagutan sa dugo ang nakapatay,
3 ngunit kung sikatan siya ng araw ay magkakaroon siya ng pananagutan sa dugo.
4 “Kung ang ninakaw ay matagpuang buháy sa kanyang kamay, maging baka o asno, o tupa, ay magbabayad siya ng doble.
5 “Kung ang sinuman ay magpastol sa isang bukid, o sa isang ubasan, at pakawalan ang kanyang hayop at manginain sa bukid ng iba, siya'y magsasauli mula sa pinakamainam sa kanyang sariling bukid, at mula sa kanyang sariling ubasan.
6 “Kung may magningas na apoy at umabot sa mga tinik, na anupa't ang mga mandala, o ang mga uhay, o ang bukid ay masunog, ang nagpaningas ng apoy ay magbabayad ng buo.
7 “Kung ang sinuman ay magpatago sa kanyang kapwa ng salapi o pag-aari, at ito'y ninakaw sa bahay ng taong iyon, at pagkatapos, kung matagpuan ang magnanakaw, magbabayad siya ng doble.
8 Kung hindi matagpuan ang magnanakaw, lalapit ang may-ari ng bahay sa Diyos, upang ipakita kung pinakialaman niya o hindi ang pag-aari ng kanyang kapwa.
9 “Sapagkat sa lahat ng pagsuway, maging para sa baka, sa asno, sa tupa, sa kasuotan, o sa anumang bagay na nawala, na may magsabi na iyon nga ay sa kanya, dadalhin sa harapan ng Diyos ang usapin ng dalawa; ang parurusahan ng Diyos ay magbabayad ng doble sa kanyang kapwa.
10 “Kung ang sinuman ay maghabilin sa kanyang kapwa ng isang asno, o ng isang baka, o ng isang tupa, o ng anumang hayop; at namatay ito, o nasaktan, o hinuli, na walang nakakakitang sinuman,
11 ang pagsumpa nilang dalawa sa Panginoon ang mamamagitan sa kanila upang makita kung pinakialaman niya o hindi ang pag-aari ng kanyang kapwa; at tatanggapin ng may-ari ang sumpa, at siya'y hindi magsasauli.
12 Subalit kung ninakaw ito sa kanya ay isasauli niya iyon sa may-ari.
13 Kung nilapa ito ng mga hayop, dadalhin niya ito bilang katibayan; hindi siya magsasauli ng anumang nilapa.
14 “Kung ang sinuman ay humiram ng anuman sa kanyang kapwa, at nasaktan ito, o namatay, na hindi kaharap ang may-ari, ang humiram ay magsasauli ng buo.
15 Kung ang may-ari niyon ay kaharap, hindi siya magsasauli; kung ito'y inupahan, dumating ito para sa upa nito.
Sari-saring Kautusan
16 “At(A) kung akitin ng isang lalaki ang isang dalaga na hindi pa naipagkakasundong mag-asawa at kanyang sipingan, kanyang ibibigay ang kanyang dote at gagawing kanyang asawa.
17 Kung mahigpit na tumutol ang kanyang ama na ibigay siya sa kanya, ay magbabayad siya ng salapi katumbas ng dote para sa mga dalaga.
18 “Huwag(B) mong pahintulutang mabuhay ang isang babaing mangkukulam.
19 “Sinumang(C) sumiping sa isang hayop ay papatayin.
20 “Ang(D) maghandog sa alinmang diyos, maliban sa Panginoon lamang, ay lubos na pupuksain.
21 “At(E) huwag mong aapihin, o pahihirapan ang dayuhan, sapagkat kayo'y mga dayuhan din sa lupain ng Ehipto.
22 Huwag ninyong pahihirapan ang sinumang babaing balo, o batang ulila.
23 Kung iyong pahihirapan sila sa anumang paraan, at dumaing sa akin, tiyak na aking diringgin ang kanilang daing;
24 ang aking poot ay mag-aalab, at papatayin ko kayo ng tabak, at ang inyong mga asawa ay magiging mga balo, at ang inyong mga anak ay magiging mga ulila.
25 “Kung(F) magpautang ka ng salapi sa kaninuman sa aking bayan sa dukhang kasama mo, huwag mo silang papakitunguhan bilang tagapagpautang; huwag mo siyang papatungan ng tubo.
26 Kung(G) iyong kunin ang damit ng iyong kapwa bilang sangla, isasauli mo iyon sa kanya bago lumubog ang araw;
27 sapagkat iyon lamang ang kanyang saplot, iyon ang kanyang pantakip sa kanyang katawan, ano pa ang kanyang ipapantulog? At kapag siya'y dumaing sa akin ay aking diringgin sapagkat ako'y mahabagin.
28 “Huwag(H) mong lalapastanganin ang Diyos, ni lalaitin man ang pinuno ng iyong bayan.
29 “Huwag mong ipagpapaliban ang paghahandog ng mula sa iyong mga ani, at ng mula sa umagos sa iyong mga pisaan.
“Ang panganay sa iyong mga anak na lalaki ay ibibigay mo sa akin.
30 Gayundin ang gagawin mo sa iyong mga baka at sa iyong mga tupa: pitong araw itong makakasama ng kanyang ina; sa ikawalong araw ay ibibigay mo ito sa akin.
31 “Kayo'y(I) magiging mga taong itinalaga para sa akin; kaya't huwag kayong kakain ng anumang laman na nilapa ng mababangis na hayop sa parang; inyong itatapon ito sa mga aso.
23 “Huwag(J) kang magkakalat ng di-totoong balita. Huwag kang makikipagkapit-kamay sa taong masama upang maging isang saksing may masamang hangarin.
2 Huwag kang susunod sa marami upang gumawa ng masama, ni magbibigay patotoo sa isang usapin na kumakampi sa marami upang baluktutin ang katarungan;
3 ni(K) huwag mo ring papanigan ang dukha sa kanyang usapin.
4 “Kung(L) iyong makita ang baka ng iyong kaaway o ang kanyang asno na nakawala, ito ay ibabalik mo sa kanya.
5 Kung iyong makita ang asno ng napopoot sa iyo na nakalugmok sa ilalim ng kanyang pasan, huwag mo siyang iiwan sa gayong kalagayan, tulungan mo siyang buhatin ito.
6 “Huwag(M) mong babaluktutin ang katarungang nararapat sa iyong dukha sa kanyang usapin.
7 Layuan mo ang maling paratang at huwag mong papatayin ang walang sala at ang matuwid, sapagkat hindi ko pawawalang-sala ang masama.
8 Huwag kang tatanggap ng suhol, sapagkat ang suhol ay bumubulag sa mga pinuno at sinisira ang mga salita ng mga banal.
9 “Ang(N) dayuhan ay huwag mong aapihin, sapagkat alam ninyo ang puso ng dayuhan yamang kayo'y naging mga dayuhan sa lupain ng Ehipto.
Ang Ikapitong Taong Sabbath
10 “Anim(O) na taong hahasikan mo ang iyong lupa at aanihin mo ang bunga niyon;
11 subalit sa ikapitong taon ay iyong pagpahingahin ito at hayaang tiwangwang, upang ang dukha sa iyong bayan ay makakain. Ang kanilang maiiwan ay kakainin ng hayop sa bukid. Gayundin ang iyong gagawin sa iyong ubasan at sa iyong taniman ng olibo.
12 “Anim(P) na araw na gagawin mo ang iyong gawain, ngunit sa ikapitong araw ay magpapahinga ka upang ang iyong baka at ang iyong asno ay makapagpahinga, at ang anak na lalaki ng iyong aliping babae, at ang taga-ibang bayan ay makapagpahinga.
13 Ingatan ninyo ang lahat ng mga bagay na aking sinabi sa inyo; at huwag ninyong banggitin ang pangalan ng ibang diyos, o marinig man sa inyong bibig.
14 “Tatlong beses sa bawat taon na magdiriwang ka ng pista para sa akin.
15 Ang(Q) pista ng tinapay na walang pampaalsa ay iyong ipagdiriwang; pitong araw na kakain ka ng tinapay na walang pampaalsa, gaya ng iniutos ko sa iyo, sa takdang panahon, sa buwan ng Abib, sapagkat noon ka umalis sa Ehipto. Walang lalapit sa harap ko na walang dala.
16 Iyong(R) ipagdiriwang ang pista ng pag-aani ng mga unang bunga ng iyong pagpapagal, na iyong inihasik sa bukid. Ipagdiriwang mo rin ang pista ng pag-aani, sa katapusan ng taon, kapag inaani mo mula sa bukid ang bunga ng iyong pagpapagal.
17 Tatlong ulit sa bawat taon na ang lahat ng iyong mga kalalakihan ay haharap sa Panginoong Diyos.
18 “Huwag mong iaalay ang dugo ng aking handog na kasabay ng tinapay na may pampaalsa; o iiwan mo man ang taba ng aking pista hanggang sa kinaumagahan.
19 “Ang(S) mga pinakauna ng mga unang bunga ng iyong lupa ay iyong dadalhin sa bahay ng Panginoon mong Diyos.
“Huwag mong pakukuluan ang batang kambing sa gatas ng kanyang ina.
Pangakong Pagpasok sa Canaan
20 “Aking isinusugo ang isang anghel sa unahan mo, upang ingatan ka sa daan, at upang dalhin ka sa dakong aking inihanda.
21 Mag-ingat kayo sa harap niya at dinggin ninyo ang kanyang tinig; huwag kayong maghimagsik sa kanya, sapagkat hindi niya patatawarin ang inyong pagsuway, sapagkat ang aking pangalan ay nasa kanya.
22 “Subalit kung diringgin mong mabuti ang kanyang tinig at gagawin mo ang lahat ng aking sinasabi ay magiging kaaway ako ng iyong mga kaaway, at kalaban ng iyong mga kalaban.
23 “Sapagkat ang aking anghel ay hahayo sa unahan mo at dadalhin ka sa mga Amoreo, mga Heteo, mga Perezeo, mga Cananeo, mga Heveo, at sa mga Jebuseo, at aking lilipulin sila.
24 Huwag kang yuyukod sa kanilang mga diyos, o maglilingkod man sa mga iyon, o gagawa man ng ayon sa kanilang mga gawa, kundi iyong wawasakin at iyong dudurugin ang kanilang mga haligi.
25 Inyong sasambahin ang Panginoon ninyong Diyos, at aking[a] pagpapalain ang inyong tinapay at ang inyong tubig, at aalisin ko ang sakit sa gitna ninyo.
26 Walang babaing makukunan, o magiging baog man sa iyong lupain; aking lulubusin ang bilang ng iyong mga araw.
27 Aking susuguin ang sindak sa unahan mo, at lilituhin ko ang buong bayan na iyong paroroonan, at aking patatalikurin sa iyo ang lahat ng iyong mga kaaway.
28 Aking susuguin sa unahan mo ang mga putakti na magpapalayas sa Heveo, sa Cananeo, at Heteo sa harapan mo.
29 Hindi ko sila papalayasin sa harapan mo sa loob ng isang taon; baka ang lupa'y maging ilang, at ang mababangis na hayop ay magsidami laban sa iyo.
30 Unti-unti ko silang papalayasin sa harapan mo, hanggang sa ikaw ay dumami at manahin mo ang lupain.
31 Aking ilalagay ang iyong hangganan mula sa Dagat na Pula hanggang sa dagat ng Filistia, at mula sa ilang hanggang sa Eufrates sapagkat aking ibibigay sa iyong kamay ang mga nananahan sa lupain at iyong papalayasin sila sa harapan mo.
32 Huwag kang makikipagtipan sa kanila, ni sa kanilang mga diyus-diyosan.
33 Sila'y hindi dapat manirahan sa iyong lupain, baka gawin pa nilang magkasala ka laban sa akin; sapagkat kung ikaw ay maglingkod sa kanilang mga diyus-diyosan, tiyak na magiging bitag iyon sa iyo.”
Ang Dugo ng Tipan
24 Kanyang sinabi kay Moises, “Umakyat ka sa kinaroroonan ng Panginoon, ikaw, at sina Aaron, Nadab at Abihu, at pitumpu sa matatanda sa Israel, at sumamba kayo mula sa malayo.
2 Si Moises lamang ang lalapit sa Panginoon; subalit ang iba ay huwag lalapit, at ang bayan ay huwag aakyat na kasama niya.”
3 Dumating si Moises at sinabi sa bayan ang lahat ng mga salita ng Panginoon at ang lahat ng mga tuntunin; at ang buong bayan ay sumagot na may isang tinig, at nagsabi, “Lahat ng mga salita na sinabi ng Panginoon ay aming gagawin.”
4 Isinulat ni Moises ang lahat ng mga salita ng Panginoon, at bumangon siya ng maaga kinaumagahan, at nagtayo ng isang dambana sa paanan ng bundok, at ng labindalawang haligi, ayon sa labindalawang lipi ng Israel.
5 Kanyang sinugo ang mga kabataang lalaki mula sa mga anak ni Israel, na nag-alay ng mga handog na sinusunog at nag-alay ng mga baka bilang handog pangkapayapaan sa Panginoon.
6 Kinuha ni Moises ang kalahati ng dugo at inilagay sa mga palanggana, at ang kalahati ng dugo ay iwinisik sa ibabaw ng dambana.
7 Kanyang kinuha ang aklat ng tipan, binasa sa pandinig ng bayan, at kanilang sinabi, “Lahat ng sinabi ng Panginoon ay aming gagawin, at kami ay magiging masunurin.”
8 At(T) kinuha ni Moises ang dugo at iwinisik sa bayan, at sinabi, “Tingnan ninyo ang dugo ng tipan na ginawa ng Panginoon sa inyo ayon sa lahat ng mga salitang ito.”
9 Nang magkagayo'y umakyat sina Moises, Aaron, Nadab, at Abihu, at ang pitumpung matatanda sa Israel,
10 at kanilang nakita ang Diyos ng Israel. Sa ilalim ng kanyang mga paa ay mayroong parang isang tuntungan na yari sa mga batong zafiro, at tulad ng langit sa kaliwanagan.
11 Hindi ipinatong ng Diyos[b] ang kanyang kamay sa mga pinuno ng mga anak ni Israel; nakita rin nila ang Diyos, at sila'y kumain at uminom.
Muling Umakyat si Moises sa Bundok
12 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Umakyat ka rito sa akin sa bundok, at maghintay ka roon at ibibigay ko sa iyo ang mga tapyas ng bato at ang batas at ang kautusan na aking isinulat, upang iyong maituro sa kanila.”
13 Kaya't tumindig si Moises, at si Josue na kanyang lingkod; at si Moises ay umakyat sa bundok ng Diyos.
14 Kanyang sinabi sa matatanda, “Hintayin ninyo kami rito hanggang sa kami ay bumalik sa inyo, at sina Aaron at Hur ay kasama ninyo; sinumang magkaroon ng usapin ay lumapit sa kanila.”
15 Umakyat nga si Moises sa bundok at tinakpan ng ulap ang bundok.
16 Ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nanatili sa ibabaw ng bundok ng Sinai, at tinakpan ito ng ulap ng anim na araw; at sa ikapitong araw ay tinawag niya si Moises sa gitna ng ulap.
17 Noon, ang anyo ng kaluwalhatian ng Panginoon ay tulad ng apoy na nagliliyab sa ibabaw ng taluktok ng bundok, sa paningin ng mga anak ni Israel.
18 Pumasok(U) si Moises sa ulap, at umakyat sa bundok. Si Moises ay nasa bundok sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001