Beginning
Sina Juda at Tamar
38 Nang panahong iyon, lumusong si Juda papalayo sa kanyang mga kapatid, at tumira malapit sa isang Adullamita na ang pangalan ay Hira.
2 Doon ay nakita ni Juda ang anak na babae ng isang Cananeo na tinatawag na Shua. Siya ay naging asawa niya at kanyang sinipingan.
3 Siya ay naglihi at nanganak ng lalaki; at tinawag niya ang kanyang pangalan na Er.
4 At naglihi uli, at nanganak ng lalaki; at tinawag niya ang kanyang pangalan na Onan.
5 Muling naglihi at nanganak ng lalaki; at tinawag niya ang kanyang pangalan na Shela; at si Juda ay nasa Chezib nang siya'y manganak.
6 Pinapag-asawa ni Juda si Er na kanyang panganay, at ang pangalan niyon ay Tamar.
7 Subalit si Er na panganay ni Juda ay naging masama sa paningin ng Panginoon; at siya'y pinatay ng Panginoon.
8 Kaya't sinabi ni Juda kay Onan, “Pumunta ka sa asawa ng iyong kapatid, at pakasalan mo siya, at ipagbangon mo ng lahi[a] ang iyong kapatid.”
9 Subalit yamang nalalaman ni Onan na hindi magiging kanya ang anak, tuwing sisiping siya sa asawa ng kanyang kapatid, itinatapon niya sa lupa ang kanyang binhi upang huwag niyang mabigyan ng anak ang kanyang kapatid.
10 Ang bagay na ginawa niya ay masama sa paningin ng Panginoon, kaya't siya rin ay pinatay niya.
11 Nang magkagayo'y sinabi ni Juda kay Tamar na kanyang manugang na babae, “Mabuhay kang isang balo sa bahay ng iyong ama, hanggang sa lumaki si Shela na aking anak,” sapagkat natakot siya na baka ito rin ay mamatay gaya ng kanyang mga kapatid. At humayo si Tamar at nanirahan sa bahay ng kanyang ama.
12 Sa pagdaan ng maraming araw, namatay ang anak na babae ni Shua na asawa ni Juda. Nang tapos na ang pagluluksa ni Juda, siya at ang kanyang kaibigang si Hira na Adullamita ay umahon sa Timna sa mga manggugupit ng kanyang mga tupa.
13 Nang ibalita kay Tamar na “Ang iyong biyenang lalaki ay umaahon sa Timna upang pagupitan ang kanyang mga tupa,”
14 siya'y nagpalit ng kasuotan ng balo, tinakpan ang sarili ng isang belo, nagbalatkayo at naupo sa pasukan ng Enaim na nasa daan ng Timna. Kanyang nakikita na si Shela ay malaki na ngunit hindi ibinibigay sa kanya bilang asawa.
15 Nang makita siya ni Juda ay inakalang siya'y upahang babae, sapagkat nagtakip ng kanyang mukha.
16 Lumapit siya sa kanya sa tabi ng daan, at sinabi, “Halika, sisiping ako sa iyo;” sapagkat siya'y hindi niya nakilalang kanyang manugang. Sinabi niya, “Anong ibibigay mo sa akin upang ikaw ay makasiping sa akin?”
17 Kanyang sinabi, “Padadalhan kita ng isang anak ng kambing na mula sa kawan.” At kanyang sinabi, “Bibigyan mo ba ako ng sangla hanggang sa maipadala mo ito?”
18 Sinabi niya, “Anong sangla ang ibibigay ko sa iyo?” Sumagot siya, “Ang iyong singsing, ang iyong pamigkis, at ang tungkod na nasa iyong kamay.” Kaya't ang mga iyon ay ibinigay sa kanya, at siya'y sumiping sa kanya, at siya'y naglihi sa pamamagitan niya.
19 Pagkatapos siya'y bumangon, umalis at pagkahubad ng kanyang belo, ay isinuot ang mga kasuotan ng kanyang pagiging balo.
20 Nang ipadala ni Juda ang anak ng kambing sa pamamagitan ng kanyang kaibigang Adullamita, upang tanggapin ang sangla mula sa kamay ng babae, siya ay hindi niya natagpuan.
21 Kaya't tinanong niya ang mga tao sa lugar na iyon, “Saan naroon ang upahang babae na nasa tabi ng daan sa Enaim?” At kanilang sinabi, “Walang upahang babae rito.”
22 Kaya't nagbalik siya kay Juda, at sinabi, “Hindi ko siya natagpuan; at sinabi rin ng mga tao sa lugar na iyon, ‘Walang upahang babae rito.’”
23 Sinabi ni Juda, “Pabayaan mong ariin niya ang mga iyon, baka tayo'y pagtawanan. Tingnan mo, ipinadala ko itong anak ng kambing at hindi mo siya natagpuan.”
Mga Anak ni Juda kay Tamar
24 Pagkaraan ng halos tatlong buwan, ibinalita kay Juda na sinasabi, “Ang iyong manugang na si Tamar ay nagpaupa, at siya'y buntis sa pagpapaupa.” Sinabi ni Juda, “Ilabas siya upang sunugin.”
25 Nang siya'y inilabas, nagpasabi siya sa kanyang biyenan, “Nagdalang-tao ako sa lalaking nagmamay-ari ng mga ito.” At sinabi pa niya, “Nakikiusap ako sa inyo, inyong kilalanin kung kanino ang mga ito, ang singsing, ang pamigkis, at ang tungkod.”
26 Ang mga iyon ay kinilala ni Juda, at sinabi, “Siya'y higit na matuwid kaysa akin; yamang hindi ko ibinigay sa kanya si Shela na aking anak.” Hindi na siya muling sumiping sa kanya.
27 Nang dumating ang panahon ng kanyang panganganak, kambal ang nasa kanyang tiyan.
28 Sa kanyang panganganak, inilabas ng isa ang kanyang kamay at hinawakan ito ng hilot at tinalian sa kamay ng isang pulang sinulid, na sinasabi, “Ito ang unang lumabas.”
29 Ngunit nang iurong niya ang kanyang kamay, ang kanyang kapatid ang lumabas. At kanyang sinabi, “Paano ka nakagawa ng butas para sa iyong sarili?” Kaya't tinawag ang pangalan niyang Perez.[b]
30 Pagkatapos ay lumabas ang kanyang kapatid na may pulang sinulid sa kamay; at tinawag na Zera[c] ang kanyang pangalan.
Si Jose at ang Asawa ni Potifar
39 Noon ay dinala si Jose sa Ehipto, at binili siya ni Potifar sa mga Ismaelita na nagdala sa kanya roon. Si Potifar ay pinuno ni Faraon, na kapitan ng bantay at isang taga-Ehipto.
2 Ang(A) Panginoon ay naging kasama ni Jose, at siya'y naging lalaking maunlad. Siya'y nasa bahay ng kanyang among taga-Ehipto.
3 Nakita ng kanyang amo na ang Panginoon ay kasama niya, at ang lahat ng ginagawa ni Jose ay umuunlad sa kanyang kamay.
4 Kaya't nakatagpo si Jose ng biyaya sa paningin niya at ginawa niyang kanyang katulong.[d] Ipinamahala niya kay Jose ang bahay niya at ang lahat niyang pag-aari ay inilagay sa kanyang pangangasiwa.
5 Mula nang panahon na si Jose ay pamahalain sa kanyang bahay at sa lahat ng kanyang pag-aari, pinagpala ng Panginoon ang bahay ng taga-Ehipto. Ang pagpapala ng Panginoon ay dumating sa lahat ng kanyang pag-aari, sa bahay at sa parang.
6 Kaya't ipinamahala niya ang lahat niyang pag-aari sa kamay ni Jose, at hindi siya nakikialam sa anumang bagay maliban sa tinapay na kanyang kinakain. Si Jose ay matipuno at makisig na lalaki.
7 Pagkatapos ng mga bagay na ito, tinitigan si Jose ng asawa ng kanyang panginoon at sinabi, “Sipingan mo ako.”
8 Subalit siya'y tumanggi at sinabi niya sa asawa ng kanyang panginoon, “Tingnan mo, ang aking panginoon ay hindi nakikialam sa akin tungkol sa anumang bagay na nasa bahay, at lahat ng kanyang pag-aari ay ipinamahala sa aking kamay.
9 Walang sinumang dakila kaysa akin sa bahay na ito; walang anumang bagay ang ipinagkait sa akin, maliban sa iyo, sapagkat ikaw ay kanyang asawa. Paano ngang magagawa ko itong malaking kasamaan at kasalanan laban sa Diyos?”
10 Kahit nakikiusap siya kay Jose araw-araw, ay hindi siya pumayag na siya'y sumiping o makisama sa kanya.
11 Subalit isang araw, nang siya'y pumasok sa bahay upang gawin ang kanyang gawain at walang sinumang tao sa bahay,
12 siya'y pinigilan niya sa pamamagitan ng kanyang suot, na sinasabi, “Sipingan mo ako!” Subalit naiwan ni Jose[e] ang kanyang suot sa kamay niya, at siya'y tumakas papalabas ng bahay.
13 Nang makita niyang naiwan ang kanyang suot sa kamay niya at tumakas sa labas ng bahay,
14 siya'y tumawag ng mga tao sa kanyang bahay, at sinabi sa kanila, “Tingnan ninyo, ang aking asawa[f] ay nagdala sa atin ng isang Hebreo upang tayo'y tuyain. Pinasok niya ako upang ako'y sipingan, at ako'y nagsisigaw nang malakas.
15 Nang marinig niyang ako'y nagtaas ng tinig at nagsisigaw, naiwan niya ang kanyang suot sa aking tabi at tumakas, at lumabas ng bahay.”
16 Pagkatapos ay iningatan niya ang kasuotan ni Jose[g] hanggang sa pagdating ng kanyang amo sa kanyang bahay.
17 Sinabi niya sa kanya ang mga salita ring ito, na sinasabi, “Pinasok ako ng aliping Hebreo na iyong dinala sa atin, upang tuyain ako.
18 Nang nagtaas ako ng aking tinig at ako'y nagsisigaw, kanyang naiwan ang suot niya sa aking tabi at tumakas na papalabas.”
19 Nang marinig ng kanyang amo ang mga sinabi ng kanyang asawa, na sinasabi, “Ganito ang ginawa sa akin ng iyong alipin;” ay nag-alab ang kanyang galit.
Si Jose ay Ibinilanggo
20 Kinuha si Jose ng kanyang panginoon at inilagay sa bilangguan, sa lugar na pinagkukulungan ng mga bilanggo ng hari.
21 Subalit(B) kasama ni Jose ang Panginoon at nagpakita sa kanya ng tapat na pag-ibig, at pinagkalooban siya ng biyaya sa paningin ng bantay sa bilangguan.
22 Ipinamahala ng bantay sa bilangguan sa pangangalaga ni Jose ang lahat na mga bilanggo na nasa bilangguan; at anumang ginagawa nila roon ay siya ang gumagawa.
23 Hindi pinakialaman ng bantay sa bilangguan ang anumang bagay na nasa pamamahala ni Jose sapagkat ang Panginoon ay kasama niya. Anumang kanyang ginagawa ay pinagpapala ng Panginoon.
Ipinaliwanag ni Jose ang Panaginip ng mga Bilanggo
40 Pagkatapos ng mga bagay na ito, ang katiwala ng kopa ng hari at ang kanyang panadero ay nagkasala laban sa kanilang panginoon na hari ng Ehipto.
2 Nagalit ang Faraon laban sa kanyang dalawang tagapamahala, sa puno ng mga katiwala ng kopa at sa puno ng mga panadero.
3 Sila'y ibinilanggo sa bahay ng kapitan ng bantay, sa bilangguang kinapipiitan ni Jose.
4 Si Jose ay inatasan ng kapitan ng bantay na mamahala sa kanila at sila'y kanyang pinaglingkuran. Sila'y nasa bilangguan nang maraming mga araw.
5 Isang gabi, ang katiwala ng kopa at ang panadero ng hari sa Ehipto na nasa bilangguan ay kapwa nanaginip, at ang bawat panaginip ay may kanya-kanyang kahulugan.
6 Kinaumagahan, dumating si Jose sa kanila. Siya'y tumingin sa kanila at nakita niyang sila'y balisa.
7 Kaya't tinanong niya ang mga tagapamahala ng Faraon na mga kasama niya sa bilangguan sa bahay ng kanyang panginoon, “Bakit balisa kayo ngayon?”
8 Kanilang sinabi sa kanya, “Kami ay nanaginip at walang sinumang makapagpaliwanag.” Sinabi sa kanila ni Jose, “Hindi ba mula sa Diyos ang mga paliwanag? Sabihin ninyo sa akin.”
9 Kaya't isinalaysay ng puno ng mga katiwala ng kopa ang kanyang panaginip kay Jose at sinabi sa kanya, “Sa aking panaginip ay may isang puno ng ubas sa aking harapan.
10 Sa puno ng ubas ay may tatlong sanga. Sa pagsipot ng dahon nito, ito ay namulaklak at ang mga buwig niyon ay naging mga ubas na hinog.
11 Ang kopa ng Faraon ay nasa aking kamay; at kinuha ko ang mga ubas at aking piniga ang mga ito sa kopa ng Faraon, at ibinigay ko ang kopa sa kamay ng Faraon.”
12 At sinabi ni Jose sa kanya, “Ito ang kahulugan niyon: ang tatlong sanga ay tatlong araw.
13 Sa loob ng tatlong araw ay itataas ng Faraon ang iyong ulo, at ibabalik ka sa iyong katungkulan, at ibibigay mo ang kopa ni Faraon sa kanyang kamay, gaya ng karaniwang dati mong ginagawa nang ikaw ay kanyang katiwala.
14 Subalit alalahanin mo ako kapag ikaw ay napabuti na, at hinihiling ko sa iyo na gumawa ka ng mabuti sa akin, at banggitin mo ako sa Faraon, at ako'y ilabas mo sa bahay na ito.
15 Ako'y tunay na ninakaw sa lupain ng mga Hebreo, at dito naman ay wala akong ginagawang anuman upang ako'y ilagay nila sa bilangguan.”
16 Nang makita ng puno ng mga panadero na ang kahulugan ay mabuti ay sinabi niya kay Jose, “Ako'y nanaginip din, at may tatlong kaing ng maputing tinapay ang nasa ibabaw ng aking ulo.
17 Sa ibabaw ng kaing ay naroon ang lahat ng uri ng pagkain para sa Faraon. Subalit ito ay kinakain ng mga ibon mula sa kaing na nasa ibabaw ng aking ulo.”
18 Si Jose ay sumagot, “Ito ang kahulugan niyon: ang tatlong kaing ay tatlong araw.
19 Sa loob ng tatlong araw ay itataas ng Faraon ang iyong ulo, at ibibitin ka sa isang punungkahoy, at kakainin ng mga ibon ang iyong laman.”
20 Nang ikatlong araw, na siyang kapanganakan ng Faraon, gumawa siya ng isang handaan para sa lahat ng kanyang mga lingkod. Ipinatawag niya[h] ang puno ng mga katiwala ng kopa, at ang puno ng mga panadero.
21 At ibinalik niya ang puno ng mga katiwala ng kopa sa kanyang pagiging katiwala ng kopa, at ibinigay niya ang kopa sa kamay ng Faraon.
22 Subalit ang puno ng mga panadero ay ibinitin niya, gaya ng ipinakahulugan sa kanila ni Jose.
23 Gayunma'y hindi na naalala si Jose ng puno ng mga katiwala ng kopa, kundi nakalimutan siya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001