Beginning
Tungkol sa mga Kaloob na Espirituwal
12 Ngayon, mga kapatid, hindi ko nais na wala kayong alam tungkol sa mga kaloob na espirituwal.
2 Alam ninyo na nang kayo'y mga pagano pa, inakit at iniligaw kayo sa mga diyus-diyosan na hindi makapagsalita.
3 Kaya't nais kong maunawaan ninyo na walang nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos na nagsasabi, “Sumpain si Jesus!” at walang makapagsasabi, “Si Jesus ay Panginoon,” maliban sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
4 May(A) iba't ibang uri ng mga kaloob, subalit iisang Espiritu.
5 At may iba't ibang uri ng paglilingkod, subalit iisang Panginoon.
6 May iba't ibang uri ng gawain, subalit iisang Diyos na gumagawa ng lahat ng mga bagay sa lahat.
7 Subalit sa bawat isa ay ibinigay ang paghahayag ng Espiritu, upang pakinabangan ng lahat.
8 Sa isa ay ibinigay sa pamamagitan ng Espiritu ang salita ng karunungan, at sa iba'y ang salita ng kaalaman ayon sa gayunding Espiritu,
9 sa iba'y pananampalataya sa pamamagitan ng gayunding Espiritu, at sa iba'y ang mga kaloob ng pagpapagaling sa pamamagitan ng isang Espiritu.
10 Sa iba'y ang paggawa ng mga himala, sa iba'y propesiya, sa iba'y ang pagkilala sa mga espiritu, sa iba'y ang iba't ibang wika, at sa iba'y ang pagpapaliwanag ng mga wika.
11 Ang lahat ng ito ay pinakilos ng iisa at gayunding Espiritu, na namamahagi sa bawat isa ayon sa pasiya ng Espiritu.
Iisang Katawan—Maraming Bahagi
12 Sapagkat(B) kung paanong ang katawan ay iisa at marami ang mga bahagi, at ang lahat ay bahagi ng katawan, bagama't marami ay iisang katawan, gayundin si Cristo.
13 Sapagkat sa pamamagitan ng isang Espiritu ay binautismuhan tayong lahat tungo sa isang katawan, maging Judio o Griyego, mga alipin o mga laya—at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.
14 Sapagkat ang katawan ay hindi iisang bahagi, kundi marami.
15 Kung sasabihin ng paa, “Sapagkat hindi ako kamay, ay hindi ako sa katawan.” Hindi sa kadahilanang ito, ay hindi na ito bahagi ng katawan.
16 At kung sasabihin ng tainga, “Sapagkat hindi ako mata, ay hindi ako sa katawan.” Hindi sa kadahilanang ito, ay hindi na ito bahagi ng katawan.
17 Kung ang buong katawan ay mata, saan naroroon ang pandinig? Kung ang lahat ay pandinig, saan naroroon ang pang-amoy.
18 Subalit ngayon ay inilagay ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan, ang bawat isa sa kanila ayon sa kanyang ipinasiya.
19 At kung ang lahat ay isang bahagi, saan naroroon ang katawan?
20 Subalit ngayon ay maraming mga bahagi ngunit iisa ang katawan.
21 Ang mata ay hindi makapagsasabi sa kamay, “Hindi kita kailangan,” at hindi rin makapagsasabi ang ulo sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.”
22 Sa halip, ang mga bahagi ng katawan na wari'y mahihina ay kailangan.
23 Ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating walang kapurihan, ay pinagkakalooban natin ng higit na kapurihan, at ang mga kahiyahiyang bahagi natin ay siyang lalong pinararangalan,
24 na ito ay hindi kailangan ng mga bahagi nating higit na magaganda. Subalit binuo ng Diyos ang katawan at binigyan ng higit na kapurihan ang bahaging may kakulangan;
25 upang huwag magkaroon ng pagkakagulo sa katawan, kundi ang mga bahagi ay magkaroon ng magkatulad na malasakit sa isa't isa.
26 Kapag ang isang bahagi ay naghihirap, lahat ay naghihirap na kasama niya; o kapag ang isang bahagi ay pinararangalan, sama-samang nagagalak ang mga bahagi.
27 Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawat isa'y mga bahagi.
28 At(C) ang Diyos ay naglagay sa iglesya, una'y mga apostol, ikalawa'y mga propeta, ikatlo'y mga guro, saka mga gumagawa ng himala, saka mga kaloob ng pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba't ibang uri ng wika.
29 Lahat ba'y mga apostol? Lahat ba'y mga propeta? Lahat ba'y mga guro? Lahat ba'y mga manggagawa ng mga himala?
30 Lahat ba'y may mga kaloob ng pagpapagaling? Lahat ba'y nagsasalita ng mga wika? Lahat ba'y nagpapaliwanag?
31 Subalit pagsikapan ninyong mithiin ang higit na dakilang mga kaloob. At ipapakita ko sa inyo ang isang daan na walang kahambing.
Ang Pag-ibig
13 Kung ako'y magsalita ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel, subalit wala akong pag-ibig, ako'y nagiging isang maingay na pompiyang, o batingaw na umaalingawngaw.
2 At(D) kung mayroon akong kaloob ng propesiya, at nauunawaan ko ang lahat ng mga hiwaga at ang lahat ng mga kaalaman, at kung mayroon akong buong pananampalataya, upang mapalipat ko ang mga bundok, ngunit wala akong pag-ibig, ako ay walang kabuluhan.
3 At kung ipamigay ko ang lahat ng aking ari-arian, at kung ibigay ko ang aking katawan upang sunugin,[a] subalit walang pag-ibig, wala akong mapapakinabang.
4 Ang pag-ibig ay matiisin at magandang-loob; ang pag-ibig ay hindi maiinggitin, o mapagmalaki o hambog;
5 hindi magaspang ang kilos. Hindi nito ipinipilit ang sariling kagustuhan, hindi mayayamutin, hindi nagtatala ng mga pagkakamali.
6 Hindi ito natutuwa sa masamang gawa, kundi natutuwa sa katotohanan.
7 Pinapasan nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, tinitiis ang lahat ng bagay.
8 Ang pag-ibig ay walang katapusan. Subalit maging mga propesiya ay matatapos; maging mga wika ay titigil; maging kaalaman ay lilipas.
9 Sapagkat ang nalalaman natin ay bahagi lamang at nagsasalita tayo ng propesiya nang bahagi lamang;
10 subalit kapag ang sakdal ay dumating, ang bahagi lamang ay magwawakas.
11 Nang ako'y bata pa, nagsasalita akong gaya ng bata, nag-iisip akong gaya ng bata, nangangatuwiran akong gaya ng bata. Ngayong ganap na ang aking pagkatao, ay iniwan ko na ang mga bagay ng pagkabata.
12 Sapagkat ngayo'y malabo nating nakikita sa isang salamin, ngunit pagkatapos nito ay makikita natin nang mukhaan. Ngayo'y bahagi lamang ang nalalaman ko, ngunit pagkatapos ay lubos kong mauunawaan kung papaanong ako ay lubos na nakikilala.
13 At ngayon ay nananatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.
Kaloob na Propesiya at Iba't ibang Wika
14 Pakamithiin ninyo ang pag-ibig at pagsikapan ninyong mithiin ang mga kaloob na espirituwal, lalung-lalo na ang kayo'y makapag-propesiya.
2 Sapagkat ang nagsasalita ng ibang wika ay hindi sa mga tao nagsasalita kundi sa Diyos, sapagkat walang nakakaunawa sa kanya, yamang sa Espiritu siya nagsasalita ng mga hiwaga.
3 Subalit ang nagsasalita ng propesiya ay nagsasalita sa mga tao para sa kanilang ikatitibay, ikasisigla, at ikaaaliw.
4 Ang nagsasalita ng ibang wika ay pinapatibay ang sarili, ngunit ang nagsasalita ng propesiya ay pinapatibay ang iglesya.
5 Ngayon, nais ko sanang kayong lahat ay magsalita ng mga wika, subalit lalo na ang kayo ay magsalita ng propesiya. Ang nagsasalita ng propesiya ay higit na dakila kaysa nagsasalita ng mga wika, malibang mayroong nagpapaliwanag upang ang iglesya ay mapatibay.
6 Subalit ngayon, mga kapatid, kung ako'y dumating sa inyo na nagsasalita ng mga wika, anong inyong mapapakinabang sa akin, malibang ako'y magsalita sa inyo sa pamamagitan ng pahayag, o kaalaman, o propesiya, o ng aral?
7 Maging ang mga bagay na walang buhay na tumutunog kagaya ng plauta, o alpa, kung hindi sila magbigay ng malinaw na tunog, paano malalaman kung ano ang tinutugtog?
8 Sapagkat kung ang trumpeta ay magbigay ng di-malinaw na tunog, sino ang maghahanda para sa digmaan?
9 Gayundin naman kayo, kung sa isang wika ay nagsasalita kayo nang hindi nauunawaan, paanong malalaman ng sinuman kung ano ang sinabi? Sapagkat sa hangin kayo magsasalita.
10 Walang alinlangan na napakaraming uri ng mga wika sa sanlibutan, at walang isa man na walang kahulugan.
11 Subalit kung hindi ko nalalaman ang kahulugan ng wika, ako ay magiging isang banyaga sa nagsasalita, at ang nagsasalita ay magiging isang banyaga sa akin.
12 Gayundin naman kayo, yamang kayo'y sabik sa kaloob na espirituwal, pagbutihin ninyo ang paggamit sa mga iyon para sa ikatitibay ng iglesya.
13 Kaya't siyang nagsasalita ng wika ay dapat manalangin para sa kapangyarihang makapagpaliwanag.
14 Sapagkat kung ako'y nananalangin sa wika, ang aking espiritu ay nananalangin, ngunit ang aking isipan ay hindi mabunga.
15 Ano kung gayon ang aking gagawin? Ako'y mananalangin sa espiritu, at ako'y mananalangin din sa isipan; ako ay aawit sa espiritu, at ako'y aawit din sa isipan.
16 Kung di gayon, kung ikaw ay nagpupuri sa espiritu, paanong ang isang nasa kalagayang hindi naturuan ay makapagsasabi ng Amen sa iyong pagpapasalamat, gayong hindi niya nalalaman ang iyong sinasabi?
17 Sapagkat maaaring ikaw ay nagpapasalamat ng mabuti, subalit ang iba ay hindi napatitibay.
18 Ako ay nagpapasalamat sa Diyos na ako'y nagsasalita ng mga wika na higit kaysa inyong lahat,
19 ngunit sa iglesya, mas nanaisin ko pang magsalita ng limang salita sa pamamagitan ng aking pag-iisip, upang makapagturo ako sa iba, kaysa sampung libong mga salita sa ibang wika.
20 Mga kapatid, huwag kayong mag-isip bata; sa kasamaan ay maging sanggol kayo, ngunit sa pag-iisip ay maging husto na sa gulang.
21 Sa(E) kautusan ay nakasulat, “Sa pamamagitan ng ibang mga wika, at sa pamamagitan ng mga labi ng mga banyaga ay magsasalita ako sa bayang ito, gayunma'y hindi sila makikinig sa akin,” sabi ng Panginoon.
22 Kaya nga, ang mga wika ay tanda, hindi para sa mga sumasampalataya, kundi sa mga hindi mananampalataya. Subalit ang propesiya ay hindi sa mga hindi mananampalataya, kundi sa mga sumasampalataya.
23 Kaya't kung ang buong iglesya ay nagkakatipon at ang lahat ay nagsasalita ng mga wika, at pumasok ang mga hindi naturuan o hindi mga mananampalataya, hindi kaya nila sasabihing kayo'y mga nasisiraan ng isip?
24 Subalit kung ang lahat ay nagpapahayag ng propesiya at pumasok ang isang hindi mananampalataya, o hindi naturuan, siya ay hinatulan ng lahat, siya ay pinananagot ng lahat.
25 Pagkatapos na mabunyag ang mga lihim ng kanyang puso, ang taong iyon ay yuyukod,[b] at kanyang sasambahin ang Diyos at ipahahayag, “Tunay na kasama ninyo ang Diyos.”
Kaayusan sa Iglesya
26 Ano kung gayon, mga kapatid? Kapag kayo'y nagkakatipon, bawat isa ay may isang awit, isang aral, isang pahayag, isang wika, isang pagpapaliwanag. Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay para sa pagpapatibay.
27 Kung nagsasalita ang sinuman ng wika, dapat ay dalawa o hanggang tatlo lamang, at sunud-sunod ang bawat isa, at may isang magpaliwanag.
28 Subalit kung walang tagapagpaliwanag, tumahimik ang bawat isa sa iglesya at magsalita sa kanyang sarili, at sa Diyos.
29 Hayaang magsalita ang dalawa o tatlo sa mga propeta, at ang iba'y umunawa sa sinasabi.
30 Kung may ipinahayag na anuman sa isang nakaupo, tumahimik muna ang nauna.
31 Sapagkat kayong lahat ay isa-isang makapagpapahayag ng propesiya upang ang lahat ay matuto, at ang lahat ay mapasigla.
32 At ang mga espiritu ng mga propeta ay nasasailalim ng mga propeta,
33 sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan. Gaya sa lahat ng mga iglesya ng mga banal,
34 ang mga babae ay dapat tumahimik sa mga iglesya, sapagkat sila'y hindi pinahihintulutang magsalita, kundi pasakop, gaya ng sinasabi ng kautusan.
35 Kung mayroong anumang bagay na nais nilang malaman, tanungin nila ang kanilang mga asawa sa bahay; sapagkat kahiyahiya para sa isang babae ang magsalita sa iglesya.
36 Ang salita ba ng Diyos ay nagmula sa inyo? O kayo lamang ba ang dinatnan nito?
37 Kung iniisip ng sinuman na siya'y propeta, o taong espirituwal, dapat niyang kilalanin na ang aking isinusulat sa inyo ay utos ng Panginoon.
38 Subalit kung ang sinuman ay hindi kumilala nito, siya ay hindi kikilalanin.
39 Kaya, mga kapatid ko, masikap ninyong naisin na makapagsalita ng propesiya at huwag ninyong ipagbawal ang pagsasalita ng mga wika.
40 Subalit gawin ang lahat ng mga bagay nang nararapat at may kaayusan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001