Beginning
Pagbati
1 Si Pablo, na apostol ni Cristo Jesus ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas, at ni Cristo Jesus na ating pag-asa,
2 Kay(A) Timoteo na aking tunay na anak sa pananampalataya: Biyaya, kahabagan, at kapayapaan mula sa Diyos Ama at kay Jesu-Cristo na Panginoon natin.
Babala Laban sa Maling Aral
3 Pinapakiusapan kitang manatili sa Efeso gaya noong patungo ako sa Macedonia, na iyong atasan ang ilang tao na huwag magturo ng ibang aral,
4 ni huwag bigyang-pansin ang mga alamat at walang katapusang talaan ng lahi, na nagiging sanhi ng mga haka-haka sa halip ng pagsasanay na mula sa Diyos na nakikilala sa pamamagitan ng pananampalataya.
5 Subalit ang layunin ng aming tagubilin ay pag-ibig na nagmumula sa malinis na puso at sa mabuting budhi at sa pananampalatayang hindi pakunwari.
6 Ang ilan ay lumihis mula rito at bumaling sa walang kabuluhang pag-uusap,
7 na nagnanais na maging mga guro ng kautusan, gayong hindi nila nauunawaan ang kanilang sinasabi, maging ang mga bagay na kanilang buong tiwalang pinaninindigan.
8 Ngunit nalalaman natin na ang kautusan ay mabuti, kung ginagamit ng tao sa matuwid na paraan.
9 Ito ay nangangahulugang nauunawaan na ang kautusan ay hindi ginawa para sa taong matuwid, kundi para sa mga walang kinikilalang batas at mapaghimagsik, para sa masasama at mga makasalanan, para sa mga hindi banal at lapastangan, para sa mga pumapatay sa ama at sa ina, para sa mga mamamatay-tao,
10 para sa mga mapakiapid, para sa nakikipagtalik sa kapwa lalaki o kapwa babae, para sa mga nagbebenta ng alipin, para sa mga sinungaling, para sa mga mandaraya, at kung may iba pang bagay na salungat sa mahusay na aral;
11 ayon sa maluwalhating ebanghelyo ng mapagpalang Diyos na ipinagkatiwala sa akin.
Pasasalamat sa Awa ng Diyos
12 Nagpapasalamat ako sa kanya na nagpapalakas sa akin, kay Cristo Jesus na Panginoon natin, sapagkat ako'y itinuring niyang tapat, na ako'y inilagay sa paglilingkod sa kanya.
13 Kahit(B) na noong una ako'y isang lapastangan, mang-uusig at mang-aalipusta, gayunma'y kinahabagan ako, sapagkat sa kamangmangan ay ginawa ko iyon sa kawalan ng pananampalataya,
14 at labis na sumagana sa akin ang biyaya ng ating Panginoon na may pananampalataya at pag-ibig na na kay Cristo Jesus.
15 Tapat ang salita at nararapat tanggapin nang lubos, na si Cristo Jesus ay pumarito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan; na ako ang pangunahin sa mga ito.
16 Ngunit dahil dito, nakatanggap ako ng habag upang sa akin na pangunahin ay maipahayag ni Jesu-Cristo ang kanyang sakdal na pagtitiis, bilang halimbawa sa mga sasampalataya sa kanya, tungo sa buhay na walang hanggan.
17 Sa Haring walang hanggan, walang kamatayan, di-nakikita, tanging Diyos, ang karangalan at kaluwalhatian magpakailanpaman. Amen.
18 Ang biling ito ay ipinagkakatiwala ko sa iyo, Timoteo na aking anak, ayon sa mga propesiya na ginawa noong una tungkol sa iyo, upang sa pamamagitan ng mga ito ay makipaglaban ka ng mabuting pakikipaglaban,
19 na iniingatan ang pananampalataya at ang mabuting budhi. Sa pamamagitan ng pagtatakuwil sa budhi, ang ibang tao ay nakaranas ng pagkawasak ng barko sa kanilang pananampalataya;
20 kabilang sa mga ito sina Himeneo at Alejandro na aking ibinigay kay Satanas, upang sila'y maturuang huwag manlapastangan.
Mga Panalangin sa Kapulungan
2 Una sa lahat, ay isinasamo ko na gawin ang mga paghiling, mga panalangin, mga pamamagitan, at mga pagpapasalamat patungkol sa lahat ng mga tao;
2 patungkol sa mga hari at sa lahat ng nasa mataas na katungkulan upang tayo'y mamuhay na tahimik at payapa sa buong kabanalan at paggalang.
3 Ito'y mabuti at kaaya-aya sa paningin ng Diyos na ating Tagapagligtas;
4 na nagnanais na ang lahat ng tao ay maligtas at makarating sa pagkakilala ng katotohanan.
5 Sapagkat may isang Diyos at may isang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus,
6 na ibinigay ang kanyang sarili na pantubos sa lahat; na siyang patotoo sa tamang panahon.
7 Para(C) dito'y itinalaga ako na isang mangangaral at apostol (sinasabi ko ang katotohanan,[a] hindi ako nagsisinungaling), guro sa mga Hentil sa pananampalataya at katotohanan.
8 Ibig ko ngang ang mga lalaki ay manalangin sa bawat dako, na itinataas ang kanilang mga banal na kamay na walang galit at pag-aalinlangan.
9 Gayundin(D) naman, na ang mga babae ay dapat na magdamit na may kahinhinan, naaangkop at hindi mahalay; hindi ng napapalamutiang buhok, at ng ginto o perlas o mamahaling damit;
10 kundi ng mabubuting gawa na siyang nararapat sa mga babaing nagpapahayag ng paggalang sa Diyos.
11 Hayaang ang babae'y matuto sa katahimikan na may buong pagpapasakop.
12 Hindi ko ipinahihintulot na ang babae ay magturo, ni magkaroon ng pamumuno sa lalaki, kundi tumahimik.
13 Sapagkat(E) si Adan ang unang nilalang, pagkatapos ay si Eva;
14 at(F) si Adan ay hindi nadaya, kundi ang babae nang madaya ay nahulog sa pagkakasala.
15 Ngunit ililigtas ang babae sa pamamagitan ng panganganak, kung sila'y mananatiling may kaayusan sa pananampalataya, pag-ibig at sa kabanalan.
Mga Katangian ng Magiging Obispo
3 Tapat ang salita: Kung ang sinuman ay naghahangad na maging obispo,[b] siya ay nagnanais ng mabuting gawain.
2 Kailangan(G) na ang obispo ay walang kapintasan, asawa ng isang babae, mapagpigil, matino ang pag-iisip, kagalang-galang, mapagpatuloy ng panauhin, mahusay magturo,
3 hindi mahilig sa alak, hindi mapusok kundi mahinahon, hindi palaaway, at hindi maibigin sa salapi.
4 Dapat ay pinamamahalaan niyang mabuti ang kanyang sariling sambahayan, sinusupil ang kanyang mga anak, at may lubos na paggalang.
5 Sapagkat kung ang sinuman ay hindi marunong mamahala ng kanyang sariling sambahayan, paano niya pangangalagaan ang iglesya ng Diyos?
6 Hindi isang bagong hikayat, baka siya magpalalo at mahulog sa kahatulan ng diyablo.
7 Bukod dito'y dapat din namang siya'y magkaroon ng mabuting patotoo mula sa mga nasa labas, baka siya mahulog sa kahihiyan at bitag ng diyablo.
Mga Katangian sa Pagiging Diakono
8 Gayundin naman ang mga diakono ay dapat na maging kagalang-galang, hindi dalawang dila, hindi nalululong sa maraming alak, hindi mga sakim sa masamang pagkakakitaan,
9 na iniingatan ang hiwaga ng pananampalataya nang may malinis na budhi.
10 At ang mga ito rin naman ay subukin muna; at kung mapatunayang walang kapintasan, hayaan silang maglingkod bilang mga diakono.
11 Gayundin naman, ang mga babae ay dapat na maging kagalang-galang, hindi mapanirang-puri, kundi mapagpigil, tapat sa lahat ng mga bagay.
12 Ang mga diakono ay dapat na may tig-iisang asawa lamang, at pinamamahalaang mabuti ang kanilang mga anak at ang kanilang sariling mga sambahayan.
13 Sapagkat ang mga nakapaglingkod nang mabuti bilang mga diakono ay nagtatamo para sa kanilang sarili ng isang mabuting katayuan, at ng malaking pagtitiwala sa pananampalataya kay Cristo Jesus.
Ang Hiwaga ng Ating Pananampalataya
14 Ang mga bagay na ito ay aking isinusulat sa iyo, na umaasang makakarating sa iyo sa madaling panahon,
15 ngunit kung ako'y maantala, ay maaari mong malaman kung ano ang dapat ugaliin ng bawat tao sa bahay ng Diyos, na siyang iglesya ng Diyos na buháy, ang haligi at suhay ng katotohanan.
16 Walang pag-aalinlangan, dakila ang hiwaga ng kabanalan:
Siyang[c] nahayag sa laman,
pinatunayang matuwid sa espiritu,[d] nakita ng mga anghel,
ipinangaral sa mga bansa,
sinampalatayanan sa sanlibutan,
tinanggap sa itaas sa kaluwalhatian.
Pagtalikod sa Pananampalataya
4 Ngayon ay maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa mga huling panahon ang iba'y tatalikod sa pananampalataya sa pamamagitan ng pakikinig sa mga mandarayang espiritu at sa mga aral ng mga demonyo,
2 sa pamamagitan ng pagkukunwari ng mga nagsasalita ng mga kasinungalingan, na ang mga budhi ay tinatakan ng nagbabagang bakal.
3 Kanilang ipagbabawal ang pag-aasawa at ipag-uutos na lumayo sa mga pagkaing nilalang ng Diyos upang tanggapin na may pagpapasalamat ng mga nananampalataya at nakakaalam ng katotohanan.
4 Sapagkat ang bawat nilalang ng Diyos ay mabuti at walang anumang dapat tanggihan, kung tinatanggap ito na may pagpapasalamat;
5 sapagkat ito ay pinababanal sa pamamagitan ng salita ng Diyos at ng panalangin.
Ang Mabuting Lingkod ni Cristo
6 Kung ituturo mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito, ikaw ay magiging isang mabuting lingkod ni Cristo Jesus, na pinalusog sa mga salita ng pananampalataya at ng mabuting aral na iyong sinusunod.
7 Subalit tanggihan mo ang masasama at mga walang kabuluhang katha. Sanayin mo ang iyong sarili sa kabanalan,
8 sapagkat ang pagsasanay sa katawan ay may kaunting pakinabang subalit ang kabanalan ay may kapakinabangan sa lahat ng bagay, na may pangako sa buhay na ito at sa darating.
9 Tapat ang salita at nararapat tanggapin nang lubos.
10 Sapagkat dahil dito ay nagpapagal kami at nagsisikap,[e] sapagkat nakalagak ang aming pag-asa sa Diyos na buháy, na siyang Tagapagligtas ng lahat ng tao, lalo na ng mga nananampalataya.
11 Iutos at ituro mo ang mga bagay na ito.
12 Huwag mong hayaang hamakin ng sinuman ang iyong kabataan; kundi ikaw ay maging halimbawa ng mga mananampalataya sa pananalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya, at sa kalinisan.
13 Hanggang sa dumating ako, bigyang-pansin mo ang hayagang pagbabasa ng kasulatan, ang pangangaral, at ang pagtuturo.
14 Huwag mong pabayaan ang kaloob na sa iyo'y ibinigay sa pamamagitan ng propesiya, na may pagpapatong ng mga kamay ng kapulungan ng matatanda.
15 Gawin mo ang mga bagay na ito; italaga mo ang iyong sarili sa mga ito upang ang iyong pag-unlad ay makita ng lahat.
16 Ingatan mo ang iyong sarili at ang iyong pagtuturo. Manatili ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa nito ay maililigtas mo ang iyong sarili at ang mga nakikinig sa iyo.
Mga Tungkulin sa mga Mananampalataya
5 Huwag mong pagsabihan na may kagaspangan ang nakatatandang lalaki, kundi pakiusapan mo siyang tulad sa isang ama; sa mga kabataang lalaki na tulad sa mga kapatid;
2 sa matatandang babae na tulad sa mga ina; at sa mga kabataang babae na tulad sa mga kapatid na babae, na may buong kalinisan.
3 Parangalan mo ang mga babaing balo na tunay na balo.
4 Ngunit kung ang sinumang babaing balo ay may mga anak o mga apo, hayaang matutunan muna nila ang kanilang banal na tungkulin sa kanilang sariling sambahayan, at gantihan ang kanilang mga magulang, sapagkat ito'y kaaya-aya sa paningin ng Diyos.
5 Ang tunay na babaing balo at naiwang nag-iisa ay umaasa sa Diyos at nagpapatuloy sa mga pagdaing at mga panalangin gabi't araw;
6 subalit ang nabubuhay sa mga kalayawan, bagama't buháy ay patay.
7 Ang mga bagay na ito'y iutos mo rin naman upang sila'y hindi magkaroon ng kapintasan.
8 Ngunit kung ang sinuman ay hindi kumakalinga sa kanyang kamag-anak, lalung-lalo na sa kanyang sariling sambahayan, tinanggihan niya ang pananampalataya at siya'y masahol pa sa hindi mananampalataya.
9 Isama sa talaan ang babaing balo kung siya ay animnapung taong gulang pataas, at naging asawa ng iisang lalaki;
10 na may mabuting patotoo tungkol sa mabubuting gawa; na siya'y nagpalaki ng mga anak, na siya'y nagpatuloy ng mga panauhin sa kanyang tahanan, naghugas ng mga paa ng mga banal, dumamay sa mga naghihirap, at itinalaga niya ang sarili sa paggawa ng mabuti sa lahat ng paraan.
11 Ngunit huwag mong itala ang mga nakababatang babaing balo; sapagkat nang magkaroon sila ng masamang nasa na naghihiwalay sa kanila kay Cristo, ay nais nilang mag-asawa;
12 kaya't sila'y nagkakaroon ng kahatulan, sapagkat itinakuwil nila ang kanilang unang panata.
13 Bukod dito, natututo silang maging mga tamad, nagpapalipat-lipat sa bahay-bahay; at hindi lamang mga tamad, kundi mga tsismosa at mga pakialamera, na nagsasalita ng mga bagay na hindi nararapat.
14 Kaya nga, ibig kong magsipag-asawa ang mga batang babaing balo, manganak, mamahala ng sambahayan, huwag magbigay sa kaaway ng anumang kadahilanan ng panlilibak,
15 sapagkat ang mga iba'y bumaling at sumunod na kay Satanas.
16 Kung ang sinumang babaing nananampalataya ay may mga kamag-anak sa mga babaing balo, kanyang tulungan sila upang huwag nang mabigatan ang iglesya, at upang matulungan ng iglesya[f] ang mga tunay na balo.
17 Ang matatanda na namamahalang mabuti ay ituring na may karapatan sa ibayong karangalan, lalung-lalo na ang mga nagpapagal sa pangangaral at sa pagtuturo.
18 Sapagkat(H) sinasabi ng kasulatan, “Huwag mong lalagyan ng busal ang baka kapag gumigiik,” at, “Ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanyang sahod.”
19 Huwag(I) kang tatanggap ng sumbong laban sa matanda, maliban sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi.
20 Sila namang nagpapatuloy sa pagkakasala ay sawayin mo sa harapan ng lahat, upang ang iba nama'y matakot.
21 Inaatasan kita sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus, at ng mga anghel na hinirang, na iyong sundin ang mga bagay na ito na walang kinikilingan, at huwag mong gagawin ang anumang bagay nang may pagtatangi.
22 Huwag mong ipatong na madalian ang iyong mga kamay sa kanino man, ni huwag kang makiisa sa mga kasalanan ng iba; panatilihin mong malinis ang iyong sarili.
23 Huwag ka nang iinom ng tubig lamang, kundi gumamit ka ng kaunting alak dahil sa iyong tiyan at sa iyong madalas na pagkakasakit.
24 Ang mga kasalanan ng ibang tao ay hayag, at nauuna sa kanila sa paghuhukom, ngunit ang kasalanan ng iba ay susunod sa kanila roon.
25 Gayundin naman, ang mabubuting gawa ay hayag at kung hindi gayon, ang mga iyon ay hindi mananatiling lihim.
6 Ituring ng lahat ng mga nasa ilalim ng pamatok ng pagkaalipin ang kanilang mga amo bilang karapat-dapat sa lahat ng karangalan, upang ang pangalan ng Diyos at ang aral ay hindi malapastangan.
2 Ang mga may among mananampalataya ay huwag maging walang-galang sa kanila, sapagkat sila'y mga kapatid, kundi lalo pa silang maglingkod, sapagkat ang mga makikinabang ay mga mananampalataya at mga minamahal. Iyong ituro at ipangaral ang mga bagay na ito.
Maling Aral at ang Tunay na Kayamanan
3 Kung ang sinuma'y nagtuturo ng ibang aral at hindi sumasang-ayon sa mahuhusay na salita ng ating Panginoong Jesu-Cristo, at sa aral na ayon sa kabanalan,
4 siya ay palalo, walang nauunawang anuman; at siya ay nahuhumaling sa mga usapin at sa pagtatalo tungkol sa mga salita na pinagmumulan ng inggit, away, paninirang-puri, mga masasamang hinala,
5 pag-aaway ng mga taong masasama ang pag-iisip at salat sa katotohanan, na inaakalang ang kabanalan ay paraan ng pakinabang.
6 Subalit ang kabanalan na may kasiyahan ay malaking pakinabang.
7 Sapagkat wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong mailalabas na anuman;
8 ngunit kung tayo'y may pagkain at damit, masiyahan na tayo sa mga ito.
9 Ngunit ang mga nagnanais yumaman ay nahuhulog sa tukso, at nabibitag sa maraming hangal at nakapipinsalang pagnanasa, na siyang naglulubog sa mga tao sa pagkawasak at kapahamakan.
10 Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan; na ang ilang nagnasa rito ay napalayo sa pananampalataya at tinusok ang kanilang mga sarili ng maraming kalungkutan.
Ang Mabuting Pakikipaglaban
11 Ngunit ikaw, O tao ng Diyos, layuan mo ang mga bagay na ito at sumunod ka sa katuwiran, sa pagiging maka-Diyos, sa pananampalataya, sa pag-ibig, sa pagtitiis, at sa kaamuan.
12 Makipaglaban ka sa mabuting pakikipaglaban ng pananampalataya, panghawakan mo ang buhay na walang hanggan na dito'y tinawag ka, at ipinahayag mo ang mabuting pagpapahayag sa harapan ng maraming mga saksi.
13 Sa(J) harapan ng Diyos na nagbibigay ng buhay sa lahat ng mga bagay, at ni Cristo Jesus na nagpatotoo ng mabuting pagpapahayag sa harapan ni Poncio Pilato, inaatasan kita,
14 na ingatan mong walang dungis at walang kapintasan ang utos hanggang sa pagpapakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo;
15 na kanyang ipahahayag sa takdang panahon—siya na mapalad at tanging Makapangyarihan, ang Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon.
16 Siya lamang ang walang kamatayan at naninirahan sa liwanag na di-malapitan; na hindi nakita ng sinumang tao, o makikita man. Sumakanya nawa ang karangalan at paghaharing walang hanggan. Amen.
17 Ang mayayaman sa sanlibutang ito ay atasan mo na huwag magmataas ni huwag umasa sa mga kayamanang hindi tiyak, kundi sa Diyos na nagbibigay sa atin ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan.
18 Dapat silang gumawa ng mabuti, maging mayaman sa mabubuting gawa, bukas ang palad at handang mamahagi,
19 sa gayo'y magtitipon sila para sa kanilang sarili ng isang mabuting saligan para sa hinaharap upang sila'y makapanghawak sa tunay na buhay.
Iba pang Tagubilin at Pagbasbas
20 O Timoteo, ingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga usapang walang kabuluhan at ang mga pagsalungat ng huwad na kaalaman;
21 na sa pamamagitan ng paniniwala dito ang ilan ay nalihis sa pananampalataya. Sumainyo nawa ang biyaya.[g]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001