Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Efeso 1-3

Pagbati

Si(A) Pablo, apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, sa mga banal [na nasa Efeso], at sa mga mananampalataya kay Cristo Jesus:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Mga Pagpapalang Espirituwal kay Cristo

Purihin nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na siyang nagpapala sa atin kay Cristo ng bawat pagpapalang espirituwal sa sangkalangitan,

ayon sa pagkapili niya sa atin sa kanya bago itinatag ang sanlibutan, upang tayo'y maging banal at walang dungis sa harapan niya sa pag-ibig.

Tayo'y itinalaga sa pagkukupkop upang maging kanyang mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa kabutihan ng kanyang kalooban,

para sa ikapupuri ng kanyang maluwalhating biyaya, na ipinagkaloob niya ng walang bayad sa atin sa pamamagitan ng Minamahal.

Sa(B) kanya'y mayroon tayong katubusan sa pamamagitan ng kanyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kanyang biyaya,

na pinasagana niya sa atin sa lahat ng karunungan at pagkaunawa,

na ipinaalam niya sa atin ang hiwaga ng kanyang kalooban, ayon sa mabuting layunin na kanyang itinakda kay Cristo,

10 bilang katiwala ng kaganapan ng panahon, upang tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nasa ibabaw ng lupa;

11 sa kanya ay tumanggap din tayo ng isang mana, na itinalaga nang una pa ayon sa layunin niya na gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa kanyang pasiya at kalooban;

12 upang tayo na unang umasa kay Cristo ay mabuhay upang purihin ang kanyang kaluwalhatian.

13 Sa kanya'y kayo rin naman, na nakarinig ng salita ng katotohanan, ang ebanghelyo ng inyong kaligtasan, at kayo na sumampalataya sa kanya, ay tinatakan ng ipinangakong Espiritu Santo.

14 Siya ang katibayan ng ating mana, hanggang sa ikatutubos ng pag-aari, sa ikapupuri ng kanyang kaluwalhatian.

Panalangin ni Pablo

15 Dahil dito, sapagkat narinig ko rin naman ang inyong pananampalataya sa Panginoong Jesus, at ang inyong pag-ibig sa lahat ng mga banal,

16 hindi ako tumitigil ng pagpapasalamat para sa inyo, na binabanggit kayo sa aking mga panalangin,

17 upang ang Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng kaluwalhatian, ay magkaloob sa inyo ng espiritu ng karunungan at ng pahayag sa isang ganap na pagkakilala sa kanya,

18 yamang naliwanagan ang mga mata ng inyong puso, upang malaman ninyo kung ano ang pag-asa sa kanyang pagtawag, kung ano ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng kanyang pamana sa mga banal,

19 at kung ano ang di-masukat na kadakilaan ng kanyang kapangyarihan sa atin na sumasampalataya, ayon sa paggawa ng kapangyarihan ng kanyang lakas.

20 Kanyang(C) isinagawa ito kay Cristo, nang kanyang muling buhayin siya mula sa mga patay, at pinaupo sa kanyang kanan sa sangkalangitan,

21 higit na mataas kaysa lahat ng pamunuan, kapamahalaan, kapangyarihan, at paghahari, at sa bawat pangalan na pinangalanan, hindi lamang sa panahong ito, kundi maging sa darating na panahon.

22 At(D) kanyang inilagay ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang mga paa, at ginawa siyang ulo ng lahat ng mga bagay sa iglesya,

23 na(E) siyang katawan niya, ang kapuspusan niya na pumupuspos ng lahat sa lahat.

Mga Patay na Binuhay

Kayo(F) noo'y mga patay sa inyong mga pagsalangsang at mga kasalanan,

na dati ninyong nilakaran, ayon sa lakad ng sanlibutang ito, ayon sa pinuno ng kapangyarihan ng himpapawid, ng espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway.

Tayong lahat ay dating nabuhay sa gitna ng mga ito, sa mga pagnanasa ng laman, na ating ginagawa ang mga nais ng laman at ng pag-iisip, at tayo noo'y katutubong mga anak ng kapootan, gaya naman ng mga iba.

Ngunit ang Diyos, palibhasa'y mayaman sa awa, dahil sa kanyang malaking pag-ibig sa atin,

maging noong tayo'y mga patay sa pamamagitan ng ating mga pagsuway, binuhay niya tayo kay Cristo—sa pamamagitan ng biyaya kayo'y naligtas,

at tayo'y muling binuhay na kasama niya, at pinaupong kasama niya sa sangkalangitan, kay Cristo Jesus,

upang kanyang maipakita sa mga panahong darating ang di-masukat na kayamanan ng kanyang biyaya sa kagandahang-loob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus.

Sapagkat sa biyaya kayo'y naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito'y hindi sa pamamagitan ng inyong sarili, ito'y kaloob ng Diyos;

hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinuman ay huwag magmalaki.

10 Sapagkat tayo'y kanyang pinakamahusay na gawa, na nilalang kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa, na inihanda ng Diyos nang una pa upang siya nating lakaran.

Iisa kay Cristo

11 Kaya nga, alalahanin ninyo na noong una, kayo'y mga Hentil sa laman, tinatawag na di-tuli ng mga tinatawag na tuli sa laman, na ginawa ng mga kamay ng tao,

12 na nang panahong iyon, kayo ay walang Cristo, hiwalay sa pagiging mamamayan ng Israel, at mga dayuhan sa mga tipan ng pangako, walang pag-asa at walang Diyos sa sanlibutan.

13 Subalit ngayon ay na kay Cristo Jesus, kayo na noong una ay malayo, ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo.

14 Sapagkat siya ang ating kapayapaan, na kanyang pinag-isa ang dalawa, at sa pamamagitan ng kanyang laman ay giniba ang gitnang pader ng alitang humahati.

15 Kanyang(G) pinawalang-bisa ang kautusang mga batas sa mga alituntunin upang siya ay lumalang sa kanyang sarili ng isang bagong tao, kapalit ng dalawa, sa gayo'y gumagawa ng kapayapaan,

16 at(H) kanyang papagkasunduin ang dalawa sa isang katawan sa Diyos sa pamamagitan ng krus, na sa pamamagitan niyon ay pinatay ang alitan.

17 At(I) siya'y dumating at ipinangaral ang kapayapaan sa inyo na malalayo, at kapayapaan sa mga malalapit.

18 Sapagkat sa pamamagitan niya, kapwa tayong makakalapit sa isang Espiritu patungo sa Ama.

19 Kaya nga, hindi na kayo mga dayuhan at banyaga, kundi kayo'y mga kapwa mamamayan ng mga banal at mga kaanib ng sambahayan ng Diyos,

20 na itinayo sa saligang inilagay ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus ang batong panulok.

21 Sa kanya ang buong gusali ay nakalapat na mabuti at lumalaki tungo sa pagiging isang banal na templo sa Panginoon;

22 na sa kanya kayo rin ay magkasamang itinatayo upang maging tahanan ng Diyos sa Espiritu.

Ang Gawain ni Pablo sa mga Hentil

Dahil dito, akong si Pablo ay bilanggo ni Cristo Jesus alang-alang sa inyong mga Hentil,—

kung tunay na inyong narinig ang pagkakatiwala ng biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin para sa inyo;

na sa pamamagitan ng pahayag ay ipinaalam sa akin ang hiwaga, gaya ng nauna kong isinulat sa iilang mga salita.

Sa(J) inyong pagbasa ay mauunawaan ninyo ang aking pagkaunawa sa hiwaga ni Cristo.

Sa naunang mga salinlahi ay hindi ito ipinaalam sa mga anak ng mga tao, na gaya ngayon na ipinahayag na sa kanyang mga banal na apostol at propeta sa pamamagitan ng Espiritu:

na ang mga Hentil ay mga kapwa tagapagmana, at mga bahagi ng iisang katawan, at mga kabahagi sa pangako kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng ebanghelyo.

Tungkol sa ebanghelyong ito ako'y naging lingkod ayon sa kaloob ng biyaya ng Diyos na sa akin ay ibinigay ayon sa paggawa ng kanyang kapangyarihan.

Bagaman ako ang pinakahamak sa lahat ng mga banal, ang biyayang ito ay ibinigay sa akin upang ipangaral sa mga Hentil ang mga di-masukat na mga kayamanan ni Cristo;

at maliwanagan ang lahat ng mga tao kung ano ang pagiging katiwala sa hiwaga, na sa lahat ng panahon ay inilihim ng Diyos na lumalang ng lahat ng mga bagay,

10 upang sa pamamagitan ng iglesya ay maipaalam ngayon sa mga pinuno at sa mga kapamahalaan sa sangkalangitan ang iba't ibang anyo ng karunungan ng Diyos.

11 Ito ay ayon sa walang hanggang panukala na kanyang ginawa kay Cristo Jesus na Panginoon natin,

12 na sa kanya'y makakalapit tayo sa Diyos na may lakas ng loob at pagtitiwala sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa kanya.

13 Kaya't hinihiling ko na huwag kayong manlupaypay sa mga pagdurusa ko dahil sa inyo, na ito'y para sa inyong kaluwalhatian.

Ang Pag-ibig ni Cristo

14 Dahil dito ay iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama,[a]

15 na sa kanya'y ipinangalan ang bawat sambahayan sa langit at sa lupa,

16 upang sa inyo'y ipagkaloob niya ayon sa kayamanan ng kanyang kaluwalhatian, na kayo'y palakasin ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kanyang Espiritu sa pagkataong-loob;

17 upang si Cristo ay manirahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya, kung paanong kayo'y nag-uugat at tumitibay sa pag-ibig.

18 Aking idinadalangin na magkaroon kayo ng kapangyarihang matarok, kasama ng lahat ng mga banal, ang luwang, haba, taas, at lalim,

19 at upang makilala ang pag-ibig ni Cristo na higit sa kaalaman upang kayo'y mapuno ng lahat ng kapuspusan ng Diyos.

20 Ngayon, sa kanya na makakagawa ng higit na sagana kaysa lahat ng ating hinihingi o iniisip, ayon sa kapangyarihang gumagawa sa atin,

21 sumakanya nawa ang kaluwalhatian sa iglesya at kay Cristo Jesus sa lahat ng mga salinlahi, magpakailanpaman. Amen.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001