Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Filipos 1-4

Pagbati

Si(A) Pablo at si Timoteo, na mga alipin ni Cristo Jesus, sa lahat ng mga banal kay Cristo Jesus na nasa Filipos, kasama ang mga obispo at ang mga diakono:[a]

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Filipos

Ako'y nagpapasalamat sa aking Diyos tuwing kayo'y aking naaalala,

na laging nananalanging may kagalakan sa bawat panalangin ko para sa inyong lahat,

dahil sa inyong pakikibahagi sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, mula nang unang araw hanggang ngayon.

Ako'y panatag sa bagay na ito, na ang nagpasimula sa inyo ng mabuting gawa ay siyang magtatapos nito hanggang sa araw ni Jesu-Cristo.

Matuwid na aking isipin ang gayon tungkol sa inyong lahat, sapagkat kayo'y nasa aking puso,[b] yamang kayong lahat ay kabahagi ko sa biyaya, sa aking mga tanikala, at sa pagtatanggol at pagpapatunay sa ebanghelyo.

Sapagkat saksi ko ang Diyos, kung gaano ang pananabik ko sa inyong lahat sa pagmamahal[c] ni Cristo Jesus.

Idinadalangin ko na ang inyong pag-ibig ay lalo pang sumagana sa kaalaman at sa lahat ng pang-unawa;

10 upang inyong makilala ang mga bagay na magaling; at kayo'y maging mga tapat at walang kapintasan hanggang sa araw ni Cristo;

11 na mapuspos ng mga bunga ng katuwiran, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, sa kaluwalhatian at kapurihan ng Diyos.

Ang Mabuhay ay si Cristo

12 Ibig kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang mga bagay na nangyari sa akin ay nakatulong sa paglago ng ebanghelyo,

13 anupa't(B) ang aking mga tanikala kay Cristo ay nahayag sa lahat ng mga bantay ng pretorio, at sa mga iba pa,

14 at ang karamihan sa mga kapatid sa Panginoon, na nagkaroon ng tiwala dahil sa aking mga tanikala ay lalong nagkaroon ng katapangang ipahayag ng walang takot ang salita ng Diyos.

15 Tunay na ipinangangaral ng iba si Cristo dahil sa pagkainggit at sa pakikipagpaligsahan, ngunit ang iba naman ay dahil sa mabuting kalooban.

16 Ang huli ay gumagawa dahil sa pag-ibig, palibhasa'y nalalaman na ako'y itinalaga sa pagtatanggol sa ebanghelyo;

17 ngunit ipinangangaral ng una si Cristo dahil sa pagkakampi-kampi, hindi sa katapatan, na ang hangarin ay dagdagan ng hirap ang aking mga tanikala.

18 Ano nga? Kahit sa anumang paraan, maging sa pagkukunwari o sa katotohanan, ay ipinahahayag si Cristo; at sa ganito'y nagagalak ako. Oo, at ako'y patuloy na magagalak,

19 sapagkat nalalaman ko na ang kahihinatnan nito'y sa aking ikaliligtas, sa pamamagitan ng inyong mga panalangin at sa saganang tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo.

20 Ayon sa aking lubos na inaasahan at pag-asa, na sa anuman ay hindi ako mapapahiya, kundi sa buong katapangan, na gaya ng dati, gayundin naman ngayon, ay dadakilain si Cristo sa aking katawan, maging sa pamamagitan ng buhay, o sa pamamagitan ng kamatayan.

21 Sapagkat sa ganang akin ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang.

22 Ngunit kung ako ay mabubuhay sa laman, ito'y magiging mabungang pagpapagal para sa akin. Ngunit hindi ko alam kung alin ang aking pipiliin.

23 Sapagkat ako'y naiipit sa pagitan ng dalawa: ang aking nais ay umalis at makasama si Cristo, sapagkat ito'y higit na mabuti.

24 Gayunma'y ang manatili sa laman ay higit na kailangan dahil sa inyo.

25 At sa paniniwalang ito, aking nalalaman na ako'y mananatili at magpapatuloy na kasama ninyong lahat, sa ikasusulong ninyo at ikagagalak sa pananampalataya;

26 upang sumagana ang inyong pagmamapuri kay Cristo Jesus sa akin sa pamamagitan ng aking muling pagharap sa inyo.

27 Ang inyo lamang pamumuhay ay maging karapat-dapat sa ebanghelyo ni Cristo, na kahit ako ay dumating at kayo'y makita, o wala man sa harap ninyo at mabalitaan ko ang mga bagay patungkol sa inyo na kayo'y naninindigan sa isang espiritu, na may isang isipan na magkakasamang nagsisikap para sa pananampalataya ng ebanghelyo,

28 at sa anuman ay huwag kayong matakot sa inyong mga kaaway. Para sa kanila ito ay tanda ng kanilang kapahamakan, ngunit ng inyong kaligtasan, at ito'y mula sa Diyos.

29 Sapagkat sa inyo'y ipinagkaloob alang-alang kay Cristo, hindi lamang ang manampalataya sa kanya, kundi ang magtiis din naman alang-alang sa kanya,

30 yamang(C) taglay ninyo ang gayunding pakikipaglaban na inyong nakita sa akin, at ngayo'y nababalitaan ninyo tungkol sa akin.

Tularan ang Pagpapakumbaba ni Cristo

Kaya nga kung mayroong anumang kasiglahan kay Cristo, kung mayroong anumang kaaliwan ng pag-ibig, kung mayroong anumang pakikisama ng Espiritu, kung mayroong anumang pagkagiliw at habag,

ay lubusin ninyo ang aking tuwa sa pagkakaroon ng gayunding pag-iisip, magtaglay ng gayunding pag-ibig, na magkaisa ng diwa, at may isa lamang pag-iisip.

Huwag ninyong gawin ang anuman sa pagpapaligsahan o pagmamataas, kundi sa kababaan, ituring na ang iba ay higit na mabuti kaysa inyong sarili.

Huwag tingnan ng bawat isa sa inyo ang kanyang sariling kapakanan, kundi ang kapakanan ng iba.

Magkaroon kayo sa inyo ng ganitong pag-iisip na na kay Cristo Jesus din naman,

na siya, bagama't nasa anyo ng Diyos,
    ay hindi niya itinuring na isang bagay na dapat panghawakan
    ang pagiging kapantay ng Diyos,
kundi hinubaran niya ang kanyang sarili
    at kinuha ang anyong alipin
    na naging katulad ng tao.
At palibhasa'y natagpuan sa anyo ng tao,
    siya'y nagpakababa sa kanyang sarili,
    at naging masunurin hanggang sa kamatayan,
    maging sa kamatayan man sa krus.
Kaya siya naman ay itinaas ng Diyos,
    at siya'y binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan;
10 upang(D) sa pangalan ni Jesus
    ay lumuhod ang bawat tuhod,
    sa langit at sa lupa, at sa ilalim ng lupa,
11 at ipahayag ng bawat dila
    na si Jesu-Cristo ay Panginoon,
    sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama.

Magsilbing Ilaw sa Sanlibutan

12 Kaya nga, mga minamahal ko, kung paanong lagi ninyo akong sinusunod, hindi lamang sa harapan ko, kundi higit ngayon na ako'y hindi ninyo kasama, ay isagawa ninyo ang inyong sariling kaligtasan na may takot at panginginig;

13 sapagkat Diyos ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanais at sa paggawa, para sa kanyang mabuting kalooban.

14 Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay na walang pabulong-bulong at pagtatalo,

15 upang(E) kayo'y maging walang sala at walang malay, mga anak ng Diyos na walang dungis sa gitna ng isang salinlahing liko at masama, na sa gitna nila'y lumiliwanag kayong tulad ng mga ilaw sa sanlibutan,

16 na nanghahawakan sa salita ng buhay upang may ipagkapuri ako sa araw ni Cristo, na hindi ako tumakbo nang walang kabuluhan ni nagpagal man nang walang kabuluhan.

17 Oo, kahit ako'y ibuhos bilang inuming handog sa ibabaw ng alay at paglilingkod ng inyong pananampalataya, ako'y natutuwa at nakikigalak sa inyong lahat.

18 At sa gayunding paraan kayo'y natutuwa at nakikigalak sa akin.

Sina Timoteo at Epafrodito

19 Ngunit umaasa ako sa Panginoong Jesus na suguin kaagad sa inyo si Timoteo, upang ako naman ay mapanatag sa pagkaalam ko ng mga bagay tungkol sa inyo.

20 Sapagkat wala akong sinuman na katulad niya na tunay na magmamalasakit sa inyong kapakanan.

21 Sapagkat pinagsisikapan nilang lahat ang para sa kanilang sariling kapakanan, hindi ang mga bagay ni Jesu-Cristo.

22 Ngunit nalalaman ninyong subok na si Timoteo,[d] kung paanong naglilingkod ang anak sa ama ay kasama ko siyang naglingkod sa ebanghelyo.

23 Siya nga ang aking inaasahang suguin kaagad, kapag nakita ko kung ano ang mangyayari sa akin.

24 At nagtitiwala ako sa Panginoon na di-magtatagal at makakarating din naman ako.

25 Ngunit iniisip kong kailangan pa ring isugo sa inyo si Epafrodito, na aking kapatid, kamanggagawa, at kapwa kawal, ang inyong sugo at lingkod para sa aking pangangailangan.

26 Yamang siya'y nananabik sa inyong lahat at siya'y namanglaw, sapagkat inyong nabalitaan na siya'y nagkasakit.

27 Totoo ngang nagkasakit siya na malapit nang mamatay. Ngunit kinahabagan siya ng Diyos; at hindi lamang siya kundi pati ako, upang ako'y huwag magkaroon ng patung-patong na kalungkutan.[e]

28 Kaya't higit akong masigasig na suguin siya, upang, pagkakitang muli ninyo sa kanya, kayo'y magalak at mabawasan ang aking kalungkutan.

29 Kaya tanggapin ninyo siya sa Panginoon nang buong galak; at ang gayong mga tao ay parangalan ninyo,

30 sapagkat dahil sa pagpapagal kay Cristo ay nabingit siya sa kamatayan, na isinusuong sa panganib ang kanyang buhay upang punan ang kakulangan sa inyong paglilingkod sa akin.

Paghiwalay sa Nakaraan

Kahuli-hulihan, mga kapatid ko, magalak kayo sa Panginoon. Ang sumulat sa inyo ng gayunding mga bagay ay hindi kalabisan sa akin kundi para sa inyong ikaliligtas.

Mag-ingat kayo sa mga aso, mag-ingat kayo sa masasamang manggagawa, mag-ingat kayo sa mga hindi totoong pagtutuli.[f]

Sapagkat tayo ang pagtutuli, na sumasamba sa Diyos sa espiritu at nagmamapuri kay Cristo Jesus, at walang anumang pagtitiwala sa laman—

bagama't ako'y may dahilang magtiwala rin sa laman. Kung ang iba ay may dahilang magtiwala sa laman, ay lalo na ako:

tinuli(F) nang ikawalong araw, mula sa lahi ng Israel, mula sa lipi ni Benjamin, isang Hebreo na isinilang ng Hebreo; tungkol sa kautusan, ay Fariseo,

tungkol(G) sa sigasig, ay taga-usig ng iglesya; ayon sa katuwirang nasa kautusan ay walang kapintasan.

Gayunman ang mga bagay na sa akin ay naging pakinabang, ay inari kong kalugihan, alang-alang kay Cristo.

Higit pa roon, ang lahat ng mga bagay ay inaari kong kalugihan dahil sa higit na kahalagahan na makilala si Cristo Jesus na Panginoon ko. Alang-alang sa kanya'y tiniis ko ang kalugihan ng lahat ng mga bagay, at inari kong basura lamang, upang makamit ko si Cristo,

at ako'y matagpuan sa kanya, na walang sarili kong katuwiran na mula sa kautusan, kundi ang katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang katuwirang buhat sa Diyos na batay sa pananampalataya;

10 upang makilala ko siya, at ang kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay at ang pakikisama sa kanyang mga kahirapan, na ako'y matulad sa kanya sa kanyang kamatayan,

11 upang aking makamit sa anumang paraan ang muling pagkabuhay mula sa mga patay.

Pagpapatuloy sa Mithiin

12 Hindi sa ito'y aking nakamit na, o ako'y sakdal na; kundi nagpapatuloy ako upang iyon ay aking maabot, kung paanong ako ay inabot din ni Cristo Jesus.

13 Mga kapatid, hindi ko pa inaaring naabot ko na, ngunit isang bagay ang ginagawa ko, nililimot ko ang mga bagay na nasa likuran, at tinutungo ang mga bagay na hinaharap,

14 nagpapatuloy ako tungo sa mithiin para sa gantimpala ng dakilang pagtawag ng Diyos kay Cristo Jesus.

15 Kaya nga, tayong nasa hustong gulang ay magkaroon ng parehong kaisipan; at kung iba ang inyong iniisip tungkol sa anumang bagay, ito rin ay ipahahayag sa inyo ng Diyos.

16 Lamang, panghawakan natin ang ating naabot na.

17 Mga(H) kapatid, kayo'y magkaisang tumulad sa akin, at tandaan ninyo ang mga lumalakad ng gayon, ayon sa halimbawang nakikita ninyo sa amin.

18 Sapagkat marami ang mga lumalakad na siyang madalas kong sabihin sa inyo, at ngayo'y sinasabi ko sa inyo na may pagluha, na sila ang mga kaaway ng krus ni Cristo.

19 Ang kanilang kahihinatnan ay kapahamakan, ang kanilang tiyan ang kanilang diyos, at ang kanilang kahihiyan ang kanilang kapurihan, na nakatuon ang isip sa mga bagay na makalupa.

20 Sapagkat ang ating pagkamamamayan ay nasa langit; mula roon ay hinihintay naman natin ang Tagapagligtas, ang Panginoong Jesu-Cristo,

21 na siyang magbabago ng ating hamak na katawan upang maging katulad ng katawan ng kanyang kaluwalhatian, ayon sa kapangyarihan na kumikilos sa kanya upang maipailalim sa kanyang sarili ang lahat ng mga bagay.

Kaya nga, mga kapatid kong minamahal at pinananabikan, aking katuwaan at putong, magpakatibay kayo sa Panginoon, mga minamahal ko.

Mga Pangaral

Nakikiusap ako kina Euodias at Sintique, na magkaisa sila ng pag-iisip sa Panginoon.

Oo, nakikiusap din naman ako sa iyo, tapat na katuwang sa pasanin na iyong tulungan ang mga babaing ito, sapagkat sila'y nagpagal na kasama ko sa ebanghelyo, at kasama rin naman ni Clemente, at ng ibang aking mga kamanggagawa, na ang kanilang pangalan ay nasa aklat ng buhay.

Magalak kayong lagi sa Panginoon; muli kong sasabihin, Magalak kayo.

Malaman nawa ng lahat ng mga tao ang inyong kahinahunan. Ang Panginoon ay malapit na.

Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay; kundi sa lahat ng mga bagay, sa pamamagitan ng panalangin at pagsamo na may pagpapasalamat ay ipaalam ninyo ang inyong mga kahilingan sa Diyos.

At ang kapayapaan ng Diyos, na hindi maabot ng pag-iisip, ang mag-iingat ng inyong mga puso at mga pag-iisip kay Cristo Jesus.

Kahuli-hulihan, mga kapatid, anumang bagay na totoo, anumang bagay na kagalang-galang, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kaibig-ibig, anumang bagay na kapuri-puri, kung mayroong anumang kagalingan, at kung may anumang nararapat papurihan, ay isipin ninyo ang mga bagay na ito.

Ang mga bagay na inyong natutunan, tinanggap, narinig at nakita sa akin, ang mga bagay na ito ang gawin ninyo; at ang Diyos ng kapayapaan ay sasainyo.

Pasasalamat sa Kaloob ng mga Taga-Filipos

10 Ako'y totoong nagagalak sa Panginoon, na ngayon sa wakas ay inyong muling binuhay ang inyong pagmamalasakit sa akin; na dito'y katotohanang nagkaroon kayo ng malasakit, ngunit wala kayong pagkakataon.

11 Hindi sa nagsasalita ako dala ng pangangailangan, sapagkat aking natutunan ang masiyahan sa anumang kalagayang aking kinaroroonan.

12 Marunong akong magpakababa, at marunong din akong magpakasagana; sa bawat bagay at sa lahat ng bagay ay natutunan ko ang lihim sa kabusugan, at maging sa kagutuman, at maging sa kasaganaan at maging sa kasalatan.

13 Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan niyang nagpapalakas sa akin.

14 Gayunman ay mabuti ang inyong ginawa na kayo'y nakiramay sa aking kapighatian.

15 At kayong mga taga-Filipos, nalalaman naman ninyo, na nang pasimula ng ebanghelyo, nang ako'y umalis sa Macedonia, wala ni isang iglesya na nakipagkaisa sa akin sa pagbibigay at pagtanggap kundi kayo lamang;

16 sapagkat(I) (J) kahit ako'y nasa Tesalonica ay nagpapadala kayong minsan at muli para sa aking kailangan.

17 Hindi sa ako'y naghahanap ng kaloob; kundi hinahanap ko ang bunga na dumarami para sa inyo.

18 Ngunit(K) mayroon ako ng lahat ng bagay at sumasagana; ako'y busog, palibhasa'y tumanggap kay Epafrodito ng mga bagay na galing sa inyo na mabangong samyo, isang handog na kaaya-aya at kalugud-lugod sa Diyos.

19 At pupunuan ng aking Diyos ang bawat kailangan ninyo ayon sa kanyang mga kayamanan sa kaluwalhatian kay Cristo Jesus.

20 Ngayon, nawa'y sumaating Diyos at Ama ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

Mga Pagbati at Basbas

21 Batiin ninyo ang bawat banal kay Cristo Jesus. Binabati kayo ng mga kapatid na kasama ko.

22 Binabati kayo ng lahat ng mga banal, lalung-lalo na ng mga kasambahay ni Cesar.

23 Sumainyo nawang espiritu ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo.[g]

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001