Beginning
Pagbati
1 Ang matanda, sa hinirang na ginang at sa kanyang mga anak, na aking iniibig sa katotohanan, at hindi lamang ako, kundi pati ang lahat ng mga nakakaalam ng katotohanan,
2 dahil sa katotohanan na nananatili sa atin, at sasaatin magpakailanman:
3 Sumaatin nawa ang biyaya, kahabagan, at kapayapaang mula sa Diyos Ama at kay Jesu-Cristo, ang Anak ng Ama, sa katotohanan at sa pag-ibig.
Pag-ibig at Katotohanan
4 Ako'y labis na nagalak na aking natagpuan ang ilan sa iyong mga anak na lumalakad sa katotohanan, ayon sa utos na ating tinanggap mula sa Ama.
5 Ngunit(A) ngayo'y hinihiling ko sa iyo, ginang, na hindi para bang sinusulatan kita ng isang bagong utos, kundi ang ating tinanggap buhat nang pasimula, na tayo'y mag-ibigan sa isa't isa.
6 At ito ang pag-ibig, na tayo'y lumakad ayon sa kanyang mga utos. Ito ang utos, na gaya ng inyong narinig nang pasimula, na doon kayo'y lumakad.
7 Maraming mandaraya na lumitaw sa sanlibutan, yaong mga hindi kumikilala na si Jesu-Cristo ay naparito sa laman; ito ang mandaraya at ang anti-Cristo.
8 Ingatan ninyo ang inyong sarili, upang huwag ninyong maiwala ang mga bagay na aming[a] pinagpaguran, kundi upang tumanggap kayo ng lubos na gantimpala.
9 Ang sinumang lumalampas at hindi nananatili sa aral ni Cristo, ay hindi kinaroroonan ng Diyos; ang nananatili sa aral ay kinaroroonan ng Ama at gayundin ng Anak.
10 Kung sa inyo'y dumating ang sinuman at hindi dala ang aral na ito, huwag ninyong tanggapin sa inyong bahay, at huwag ninyo siyang batiin,
11 sapagkat ang bumabati sa kanya ay nakikibahagi sa kanyang masasamang gawa.
Pangwakas na Pagbati
12 Kahit na marami akong bagay na isusulat sa inyo, minabuti kong huwag ng gumamit ng papel at tinta, kundi inaasahan kong pumariyan sa inyo at makipag-usap nang harapan, upang malubos ang ating kagalakan.
13 Ang mga anak ng iyong hinirang na kapatid na babae ay bumabati sa iyo.[b]
Pagbati
1 Ang(A) matanda, kay Gayo na minamahal, na aking iniibig sa katotohanan.
2 Minamahal, aking idinadalangin na sa lahat ng mga bagay ay mapabuti ka at magkaroon ng kalusugan, kung paanong nasa mabuti ring kalagayan ang iyong kaluluwa.
3 Ako'y labis na nagalak nang dumating ang mga kapatid at nagpatotoong ikaw ay nasa katotohanan, kung paanong lumalakad ka sa katotohanan.
4 Wala nang higit pang kagalakan sa ganang akin na gaya nito, na marinig na ang aking mga anak ay lumalakad sa katotohanan.
Ang Mabuting Gawa ni Gayo
5 Minamahal, ginagawa mo ang tapat na gawa tuwing gagawa ka ng paglilingkod sa mga kapatid, at gayundin sa mga taga-ibang bayan,
6 sila'y nagpatotoo sa harap ng iglesya tungkol sa iyong pag-ibig. Mabuti ang magagawa mo kung isusugo mo sila sa kanilang paglalakbay sa paraang nararapat sa Diyos;
7 sapagkat humayo sila alang-alang sa Pangalan, na hindi tumanggap ng anuman mula sa mga Hentil.
8 Kaya't nararapat nating tustusan ang mga gayong tao, upang tayo'y maging mga kamanggagawa sa katotohanan.
Sina Diotrefes at Demetrio
9 Ako'y sumulat ng ilang bagay sa iglesya, ngunit hindi kami tinatanggap ni Diotrefes na nagnanais maging pangunahin sa kanila.
10 Kaya't pagdating ko riyan, ay ipapaalala ko ang kanyang mga ginagawa, na nagsasalita ng masasamang salita laban sa amin. At hindi pa nasisiyahan sa ganito, hindi niya tinatanggap ang mga kapatid, at hinahadlangan ang mga nagnanais tumanggap sa kanila at pinapalayas sila sa iglesya.
11 Minamahal, huwag mong tularan ang masama, kundi ang mabuti. Ang gumagawa ng mabuti ay sa Diyos; ang gumagawa ng masama ay hindi nakakita sa Diyos.
12 Si Demetrio ay pinatototohanan ng lahat at ng katotohanan mismo; kami rin ay nagpapatotoo tungkol sa kanya at nalalaman mo na ang aming patotoo ay tunay.
Pangwakas na Pagbati
13 Marami akong isusulat sa iyo, ngunit hindi ko ibig isulat sa iyo sa pamamagitan ng tinta at panulat;
14 inaasahan kong makita ka agad at tayo'y mag-usap nang harapan.
15 Ang kapayapaa'y sumainyo nawa. Binabati ka ng mga kaibigan. Batiin mo ang mga kaibigan sa kani-kanilang pangalan.
Pagbati
1 Si(A) Judas, na alipin ni Jesu-Cristo at kapatid ni Santiago, sa mga tinawag, na minamahal ng Diyos Ama, at iniingatan para kay Jesu-Cristo:[a]
2 Ang kaawaan, kapayapaan at pag-ibig ay pasaganain nawa sa inyo.
Ipaglaban ang Pananampalataya
3 Mga minamahal, samantalang ako'y lubusang nagsisikap na sumulat sa inyo tungkol sa ating iisang kaligtasan, natagpuan kong kailangang sumulat upang himukin kayo na ipaglaban ang pananampalataya na minsanang ibinigay sa mga banal.
4 Sapagkat may ilang taong nakapasok nang lihim, ang mga iyon ay matagal nang itinalaga sa kahatulang ito, mga hindi maka-Diyos, na kanilang pinalitan ng kahalayan ang biyaya ng ating Diyos, at itinatatuwa ang kaisa-isa nating Pinuno at Panginoon na si Jesu-Cristo.
Kaparusahan sa mga Bulaang Guro
5 Ngayon(B) ay nais kong ipaalala sa inyo, bagama't alam na alam ninyo ang mga bagay na ito, na minsang iniligtas ng Panginoon ang isang bayan mula sa lupain ng Ehipto, pagkatapos ay nilipol niya ang mga hindi sumampalataya.
6 At ang mga anghel na hindi nag-ingat ng kanilang sariling katungkulan, kundi iniwan ang kanilang sariling tirahan, ay iginapos niya sa mga tanikalang walang hanggan sa pinakamalalim na kadiliman hanggang sa paghuhukom sa dakilang araw.
7 Gayundin(C) ang Sodoma at Gomorra, at ang mga lunsod sa palibot ng mga ito, na gumawa naman ng pakikiapid at nalulong sa kakaibang laman, ay inilagay bilang halimbawa, na nagdaranas ng kaparusahan sa apoy na walang hanggan.
8 Gayunma'y ang mga ito rin na mahilig managinip ay dinudumihan ang laman, at hinahamak ang mga may kapangyarihan at nilalait ang mga maluwalhating mga anghel.
9 Subalit(D) si Miguel na arkanghel nang makipaglaban sa diyablo, at nakipagtalo tungkol sa katawan ni Moises, ay hindi nangahas gumamit ng isang hatol na may pag-alipusta laban sa kanya, kundi sinabi, “Sawayin ka nawa ng Panginoon.”
10 Subalit inaalipusta ng mga ito ang anumang bagay na hindi nila nauunawaan, at sa pamamagitan ng mga bagay na likas nilang nalalaman, kagaya ng mga hayop na walang pag-iisip, sila'y winawasak.
11 Kahabag-habag(E) sila! Sapagkat sila'y lumakad sa daan ni Cain, at sumunggab sa kamalian ni Balaam dahil sa upa, at napahamak sa paghihimagsik ni Kora.
12 Ang mga taong ito'y pawang mga batong natatago[b] sa inyong mga pagsasalu-salong may pag-ibig kapag sila'y nakikipagsalo sa inyo nang walang takot, na ang pinapangalagaan lamang ay ang kanilang sarili. Sila'y mga ulap na walang tubig, na tinatangay ng mga hangin; mga punungkahoy na walang bunga sa pagtatapos ng taglagas, na dalawang ulit na namatay, na binunot hanggang ugat;
13 nagngangalit na alon sa dagat, na pinabubula ang kanilang sariling kahihiyan; mga pagala-galang bituin, na silang pinaglaanan ng pusikit na kadiliman magpakailanman.
14 At(F) sa mga ito rin naman si Enoc, na ikapitong salinlahi mula kay Adan, ay nagpahayag na sinasabi, “Narito, dumating ang Panginoon na kasama ang kanyang laksa-laksang mga banal,
15 upang igawad ang hatol sa lahat at upang sumbatan ang bawat kaluluwa sa lahat ng kanilang masamang gawa na kanilang ginawang may kalikuan, at sa lahat ng mga bagay na malupit na sinalita sa kanya ng mga hindi maka-Diyos na makasalanan.”
16 Ang mga iyon ay mga mapagbulong, mga mareklamo, na lumalakad ayon sa kanilang mga sariling pagnanasa at ang kanilang bibig ay nagsasalita ng mga pagmamataas, na pakunwaring pumupuri sa mga tao para sa sariling kapakinabangan.
Mga Babala at mga Paalala
17 Ngunit kayo, mga minamahal, alalahanin ninyo ang mga salitang sinabi noong una ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Cristo,
18 sapagkat(G) sinabi nila sa inyo, “Magkakaroon ng mga manlilibak sa huling panahon, na lumalakad ayon sa kanilang sariling masasamang pagnanasa.”
19 Ang mga ito ang lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, mga taong makamundo, na mga hindi nagtataglay ng Espiritu.
20 Ngunit kayo, mga minamahal, patatagin ninyo ang inyong sarili sa inyong kabanal-banalang pananampalataya; manalangin sa Espiritu Santo;
21 ingatan ninyo ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos, na inyong hintayin ang habag ng ating Panginoong Jesu-Cristo tungo sa buhay na walang hanggan.
22 At ang ibang nag-aalinlangan ay inyong kahabagan;
23 ang iba'y inyong iligtas, na agawin ninyo mula sa apoy; at ang iba'y inyong kahabagan na may takot; na inyong kapootan maging ang damit na nadungisan ng laman.
Basbas
24 Ngayon sa kanya na may kakayahang mag-ingat sa inyo mula sa pagkatisod, at sa inyo'y makapaghaharap na walang kapintasan sa harapan ng kanyang kaluwalhatian na may malaking kagalakan,
25 sa iisang Diyos na ating Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon, sumakanya nawa ang kaluwalhatian, ang karangalan, ang kapangyarihan at ang kapamahalaan, bago pa ang lahat ng panahon, at ngayon at magpakailanman. Amen.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001