Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Corinto 10-13

Ang Pagtatanggol ni Pablo sa Kanyang Ministeryo

10 Ako mismong si Pablo, ay nananawagan sa inyo sa pamamagitan ng kapakumbabaan at kaamuan ni Cristo, ako na sa mukhaan ay mapagkumbaba kapag kasama ninyo, ngunit matapang sa inyo kapag malayo!

Ngayon, hinihiling ko na kapag ako'y kaharap, hindi ko kailangang magpakita ng tapang na may pagtitiwala na nais kong ipakita laban sa mga naghihinalang kami ay lumalakad ayon sa makasanlibutang gawi.

Sapagkat bagaman kami ay lumalakad sa laman, ay hindi kami nakikipaglabang ayon sa laman.

Sapagkat ang mga sandata ng aming pakikipaglaban ay hindi makalaman, kundi maka-Diyos na may kapangyarihang makagiba ng mga kuta.

Aming ginigiba ang mga pangangatuwiran at bawat palalong hadlang laban sa karunungan ng Diyos, at binibihag ang bawat pag-iisip upang sumunod kay Cristo;

na handang parusahan ang bawat pagsuway, kapag ang inyong pagsunod ay ganap na.

Masdan ninyo ang mga bagay na nasa harapan ng inyong mga mata. Kung ang sinuman ay nagtitiwala na siya'y kay Cristo, paalalahanan niyang muli ang kanyang sarili na kung paanong siya'y kay Cristo, kami ay gayundin.

Sapagkat bagaman ako ay nagmamalaki ng labis tungkol sa aming kapamahalaan na ibinigay ng Panginoon upang kayo ay patatagin at hindi upang kayo ay gibain, ako ay hindi mapapahiya,

upang huwag akong parang nananakot sa inyo sa pamamagitan ng aking mga sulat.

10 Sapagkat sinasabi nila, “Ang kanyang mga sulat ay mabibigat at matitindi; subalit ang anyo ng kanyang katawan ay mahina, at ang kanyang pananalita ay walang kabuluhan.”

11 Hayaang isipin ng gayong tao na kung ano ang aming sinasabi sa pamamagitan ng mga sulat kapag kami ay wala, ay gayundin ang aming ginagawa kapag kami ay nakaharap.

12 Hindi kami nangangahas na ibilang o ihambing ang aming sarili sa ilan sa mga nagmamalaki sa kanilang sarili. Subalit silang sumusukat sa kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang sarili, at inihahambing ang kanilang sarili sa isa't isa, sila ay hindi nakakaunawa.

13 Subalit hindi kami magmamalaki ng lampas sa sukatan, kundi ayon sa hangganan ng panukat na itinakda ng Diyos sa amin, upang umabot hanggang sa inyo.

14 Sapagkat hindi kami lumampas sa aming hangganan nang kami'y dumating sa inyo. Kami ang unang dumating sa inyo dala ang ebanghelyo ni Cristo.

15 Hindi kami nagmamalaki nang lampas sa sukat, samakatuwid ay sa pinagpaguran ng iba, subalit ang aming pag-asa ay habang ang inyong pananampalataya ay lumalago, ang aming saklaw sa inyo ay lumawak nawa,

16 upang aming maipangaral ang ebanghelyo sa mga lupain sa dako pa roon ng lupain ninyo, na hindi nagmamalaki sa mga gawang natapos na sa nasasakupan ng iba.

17 “Ngunit(A) siyang nagmamalaki ay magmalaki sa Panginoon.”

18 Sapagkat hindi ang pumupuri sa kanyang sarili ang tinatanggap, kundi siya na pinupuri ng Panginoon.

Si Pablo at ang mga Huwad na Apostol

11 Sana'y mapagtiisan ninyo ako sa kaunting kahangalan. Subalit tunay na nagtitiis kayo sa akin!

Ako'y nakakaramdam sa inyo ng maka-Diyos na panibugho, sapagkat kayo'y itinakda kong mapangasawa ng isang lalaki, na kayo'y maiharap ko kay Cristo bilang isang malinis na birhen.

Ngunit(B) ako'y natatakot na kung paanong si Eva ay dinaya ng ahas sa pamamagitan ng kanyang katusuhan, ang inyong mga pag-iisip ay mailigaw mula sa katapatan at kadalisayan[a] kay Cristo.

Sapagkat kung may dumating na nangangaral ng ibang Jesus na hindi namin ipinangaral, o kung kayo'y tumanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap noon o ibang ebanghelyo na hindi ninyo tinanggap, kayo ay kaagad na napapasakop doon.

Sa palagay ko ay hindi ako pahuhuli sa mga dakilang apostol na ito.

Bagaman ako'y hindi bihasa sa pagsasalita, gayunma'y hindi sa kaalaman, kundi sa bawat paraan ay ginawa namin itong hayag sa inyo sa lahat ng mga bagay.

Ako ba'y nagkasala sa pagpapakababa ko sa aking sarili upang kayo'y maitaas, dahil sa ipinangaral ko sa inyo nang walang bayad ang ebanghelyo ng Diyos?

Aking ninakawan ang ibang mga iglesya sa pamamagitan ng pagtanggap ng sahod mula sa kanila upang makapaglingkod sa inyo.

At(C) nang ako'y kasama ninyo at nasa pangangailangan, ako'y hindi naging pasanin sa kanino man, sapagkat ang aking mga pangangailangan ay tinustusan ng mga kapatid na galing sa Macedonia. Kaya't aking iniwasan at iiwasan na maging pasanin ninyo sa anumang paraan.

10 Kung paanong ang katotohanan ni Cristo ay nasa akin, walang makakapigil sa akin sa pagmamalaking ito sa mga lupain ng Acaia.

11 At bakit? Sapagkat hindi ko kayo minamahal? Alam ito ng Diyos!

12 At kung ano ang aking ginagawa ay patuloy kong gagawin, upang alisin ang pagkakataon doon sa mga nagnanais ng pagkakataon na kilalanin bilang mga kapantay namin tungkol sa ipinagmamalaki nila.

13 Sapagkat ang gayong mga tao ay mga huwad na apostol, mga mandarayang manggagawa, na nagpapanggap na mga apostol ni Cristo.

14 At hindi nakapagtataka! Sapagkat maging si Satanas man ay nagpapanggap na anghel ng liwanag.

15 Kaya't hindi nakapagtataka na ang kanyang mga ministro naman ay magpanggap na mga ministro ng katuwiran. Ang kanilang wakas ay magiging ayon sa kanilang mga gawa.

Mga Paghihirap ni Pablo Bilang Apostol

16 Inuulit ko, huwag isipin ng sinuman na ako'y hangal, ngunit kung gayon ang inyong iniisip, tanggapin ninyo ako bilang isang hangal upang ako rin ay makapagmalaki ng kaunti.

17 Ang sinasabi ko ay hindi ko sinasabi ayon sa Panginoon, kundi bilang isang hangal sa ganitong mapagmalaking pagtitiwala.

18 Yamang marami ang nagmamalaki sang-ayon sa pamantayan ng tao, ako ma'y magmamalaki.

19 Sapagkat may kagalakan ninyong pinagtitiisan ang mga hangal, palibhasa'y marurunong kayo!

20 Sapagkat pinagtitiisan ninyo ito kapag inaalipin kayo, o kapag nilalapa kayo, o kapag kayo'y pinagsasamantalahan, o kapag pinagyayabangan, o kapag kayo'y sinasampal sa mukha.

21 Sa aking kahihiyan ay dapat kong sabihin, napakahina namin sa ganito! Ngunit kung ang sinuman ay malakas ang loob na nagmamalaki—ako ay nagsasalita bilang hangal—malakas din ang loob ko na ipagmalaki iyon.

22 Sila ba'y mga Hebreo? Ako man. Sila ba'y mga Israelita? Ako man. Sila ba'y mga binhi ni Abraham? Ako man.

23 Sila(D) ba'y mga ministro ni Cristo? (Ako'y nagsasalita na parang isang baliw.) Lalo pa ako na mas maraming pagpapagal, mas maraming pagkabilanggo, ng di mabilang na bugbog, at malimit na mabingit sa kamatayan.

24 Sa(E) mga Judio ay limang ulit akong tumanggap ng apatnapung hagupit, kulang ng isa.

25 Tatlong(F) ulit na ako'y hinampas ng mga pamalo, minsan ako'y pinagbabato. Tatlong ulit na akong nawasakan ng barko, isang araw at isang gabing ako'y nasa laot;

26 nasa(G) madalas na paglalakbay, nasa panganib sa mga ilog, panganib sa mga magnanakaw, panganib sa aking mga kababayan, panganib sa mga Hentil, panganib sa lunsod, panganib sa mga ilang, panganib sa dagat, panganib kasama ng mga huwad na kapatid;

27 sa pagpapagal at hirap, sa mga pagpupuyat, sa gutom at uhaw, madalas na walang pagkain, giniginaw at hubad.

28 Bukod sa mga bagay na nasa labas, ako'y araw-araw na nabibigatan sa alalahanin para sa mga iglesya.

29 Sino ang mahina, at ako ba'y hindi mahina? Sino ang natitisod, at ako'y di nag-iinit?

30 Kung kailangang ako'y magmalaki, ako'y magmamalaki sa mga bagay na nauukol sa aking kahinaan.

31 Ang Diyos at Ama ng Panginoong Jesus (siyang pinupuri magpakailanpaman) ang nakakaalam na ako'y hindi nagsisinungaling.

32 Sa(H) Damasco, binantayan ng gobernador na sakop ng haring Aretas ang lunsod ng Damasco upang ako'y dakpin,

33 subalit ako'y ibinaba sa isang tiklis palabas sa isang bintana sa pader at nakatakas sa kanyang mga kamay.

Mga Pangitain at Pagpapahayag

12 Kailangang ako'y magmalaki, kahit ito'y hindi kapaki-pakinabang, ngunit ako ay magpapatuloy sa mga pangitain at mga pahayag ng Panginoon.

Kilala ko ang isang lalaki kay Cristo, mayroon nang labing-apat na taon ang nakakaraan, dinala sa ikatlong langit (kung nasa katawan man, o kung nasa labas ng katawan, hindi ko alam; ang Diyos ang nakakaalam).

At nalalaman ko na ang taong iyon (kung nasa katawan man, o nasa labas ng katawan, hindi ko alam; ang Diyos ang nakakaalam),

ay dinala paitaas patungo sa Paraiso, at nakarinig ng mga salitang hindi dapat sabihin, na hindi ipinahihintulot sa tao na ulitin.

Alang-alang sa taong iyon ako'y magmamalaki, ngunit alang-alang sa aking sarili ay hindi ako magmamalaki, maliban sa aking mga kahinaan.

Ngunit kung nais kong magmalaki ay hindi ako magiging hangal, sapagkat ako'y magsasabi ng katotohanan. Ngunit nagpipigil ako upang walang sinumang mag-isip ng higit tungkol sa akin kaysa kanyang nakita o narinig sa akin,

lalo na dahil sa kalabisan ng mga pahayag. Kaya't upang ako'y huwag magyabang ng labis, binigyan ako ng isang tinik sa laman, isang sugo ni Satanas upang ako'y saktan, upang ako'y huwag magmalaki ng labis.

Tatlong ulit akong nanalangin sa Panginoon tungkol dito na lumayo sana ito sa akin.

Subalit sinabi niya sa akin, “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo, sapagkat ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan.” Ako'y lalong magmamalaki na may galak sa aking kahinaan, upang ang kapangyarihan ni Cristo ay manatili sa akin.

10 Kaya, alang-alang kay Cristo, ako'y nasisiyahan sa mga kahinaan, paglait, kahirapan, pag-uusig, at mga sakuna, sapagkat kapag ako'y mahina, ako nga'y malakas.

Ang Pagmamalasakit ni Pablo sa mga Taga-Corinto

11 Ako'y naging hangal! Pinilit ninyo ako, sapagkat ako ay dapat ninyong purihin: sapagkat ako'y hindi hamak na mababa sa mga dakilang apostol na iyon, kahit na ako'y walang kabuluhan.

12 Tunay na ang mga tanda ng isang tunay na apostol ay isinagawa sa inyo na may buong pagtitiyaga, sa pamamagitan ng mga tanda at mga kababalaghan at ng mga gawang makapangyarihan.

13 Sapagkat sa ano kayo naging huli sa ibang mga iglesya, maliban sa ako'y hindi naging pasanin ninyo? Patawarin ninyo ako sa pagkakamaling ito.

14 Narito ako, handang pumariyan sa inyo sa ikatlong pagkakataon. Ako'y hindi magiging pasanin, sapagkat hindi ko hinahanap ang sa inyo, kundi kayo, sapagkat hindi nararapat ipag-impok ng mga anak ang mga magulang, kundi ang mga magulang para sa kanilang mga anak.

15 Ako'y may malaking kagalakan na gugugol at gugugulin para sa inyo. Kung kayo'y iniibig ko nang lalong higit, ako ba'y dapat ibigin nang kaunti?

16 Ako'y hindi naging pasanin sa inyo; gayunman sabi ninyo, yamang ako ay tuso, napaglalangan ko kayo sa pamamagitan ng daya.

17 Kayo ba'y aking dinaya sa pamamagitan ng sinuman na aking sinugo sa inyo?

18 Hinimok ko si Tito na humayo at sinugo kong kasama niya ang kapatid. Kayo ba'y dinaya ni Tito? Hindi ba kami kumilos sa iisang espiritu? Hindi ba gayundin ang aming naging mga hakbang?

19 Iniisip ninyo na sa buong panahon ay ipinagtatanggol namin ang aming sarili sa harapan ninyo. Sa paningin ng Diyos kami ay nagsasalita kay Cristo. At ang lahat ng mga bagay ay para sa inyong ikatitibay, mga minamahal.

20 Sapagkat natatakot ako na baka pagdating ko ay matagpuan ko kayong hindi gaya ng nais ko, at ako ay inyong matagpuang hindi gaya ng nais ninyo; na baka mayroong pag-aaway, paninibugho, galit, pagiging makasarili, paninirang-puri, tsismis, mga kapalaluan, at kaguluhan.

21 Ako'y natatakot na kapag ako'y dumating na muli, ako'y gawing mapagpakumbaba ng Diyos sa harapan ninyo, at ako'y kailangang magdalamhati dahil sa marami na nagkasala noong una at hindi nagsisi sa karumihan, pakikiapid, at sa kahalayang ginawa nila.

Mga Panghuling Babala at Pagbati

13 Ito(I) ang ikatlong pagkakataon na ako'y darating sa inyo. Anumang bintang ay dapat pagtibayin ng dalawa o tatlong saksi.

Aking binabalaan ang mga nagkasala noong una at lahat ng iba pa, at binabalaan ko sila ngayon habang wala pa, gaya ng ginawa ko nang ako'y kaharap sa ikalawa kong pagdalaw, na kapag ako'y muling dumating, sila ay hindi ko na pagbibigyan.

Yamang naghahanap kayo ng katibayan na si Cristo ay nagsasalita sa akin, na siya ay hindi mahina sa pakikitungo sa inyo, kundi makapangyarihan sa inyo.

Sapagkat siya'y ipinako mula sa kahinaan, subalit nabubuhay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Kami ay mahihina sa kanya, ngunit sa pakikitungo sa inyo, kami ay mabubuhay na kasama niya sa kapangyarihan ng Diyos.

Siyasatin ninyo ang inyong mga sarili kung kayo'y nasa pananampalataya; subukin ninyo ang inyong mga sarili. Hindi ba ninyo nalalaman na si Jesu-Cristo ay nasa inyo? malibang kayo'y nabigo sa pagsubok.

Ngunit ako'y umaasa na kami ay inyong matatagpuang hindi nabigo.

Subalit nananalangin kami sa Diyos na kayo'y huwag gumawa ng anumang masama; hindi upang kami'y magmukhang nakapasa sa pagsubok, kundi upang inyong magawa kung ano ang mabuti, bagaman kami ay nagmistulang mga nabigo.

Sapagkat kami'y walang magagawang anuman laban sa katotohanan, kundi tanging para sa katotohanan.

Sapagkat kami'y natutuwa kung kami'y mahihina at kayo'y malalakas. At ito naman ang idinadalangin namin na kayo ay maging sakdal.

10 Kaya't isinusulat ko ang mga bagay na ito samantalang ako'y wala pa sa inyo, upang kapag ako ay dumating ay hindi na ako kailangang maging mabagsik sa aking paggamit ng kapamahalaang ibinigay sa akin ng Panginoon para sa ikatatatag, at hindi sa ikawawasak.

11 Sa katapus-tapusan, mga kapatid, magalak kayo. Isaayos ninyo ang mga bagay-bagay; palakasin ninyo ang isa't isa, magkaisa kayo ng pag-iisip, mabuhay kayo sa kapayapaan at ang Diyos ng pag-ibig at ng kapayapaan ay mapapasainyo.

12 Magbatian ang isa't isa ng banal na halik.

13 Binabati kayo ng lahat ng mga banal.

14 Ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo, ang pag-ibig ng Diyos, at ang pakikisama ng[b] Espiritu Santo ay sumainyo nawang lahat.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001