Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Corinto 5-9

Sapagkat nalalaman namin na kung mawasak ang aming tolda sa lupa, mayroon kaming isang gusaling mula sa Diyos, bahay na hindi gawa ng mga kamay, walang hanggan sa sangkalangitan.

Sapagkat dito kami ay dumaraing, na nasasabik mabihisan ng aming makalangit na tahanan,

upang kung mabihisan[a] na niyon ay hindi kami matagpuang hubad.

Sapagkat habang kami ay nasa toldang ito, kami ay dumaraing na nabibigatan, hindi sa nais naming maging hubad, kundi nais naming kami'y mabihisan pa upang ang may kamatayan ay lunukin ng buhay.

Ngayon, ang naghanda sa amin para sa bagay na ito ay Diyos, na nagbigay sa amin ng Espiritu bilang paunang bayad.

Kaya't kami'y laging nagtitiwala, bagaman nalalaman namin na samantalang kami ay nasa tahanan sa katawan, kami ay malayo sa Panginoon.

Sapagkat kami ay lumalakad sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin.

Kaya't kami ay nagtitiwala at nasisiyahan na mapalayo sa katawan at mapasa tahanan na kasama ng Panginoon.

Kaya't maging nasa tahanan o malayo sa tahanan, ang aming mithiin ay ang bigyan siya ng kasiyahan.

10 Sapagkat(A) tayong lahat ay kailangang humarap sa hukuman ni Cristo upang bawat isa ay tumanggap ng kabayaran sa mga bagay na ginawa niya sa pamamagitan ng katawan, maging mabuti o masama.

Ang Ministeryo ng Pakikipagkasundo

11 Yamang nalalaman ang takot sa Panginoon, hinihikayat namin ang mga tao, ngunit kami ay hayag sa Diyos; at ako'y umaasa na kami ay hayag din sa inyong mga budhi.

12 Hindi namin ipinagmamapuring muli ang aming sarili sa inyo, kundi binibigyan namin kayo ng pagkakataon na ipagmalaki kami, upang masagot ninyo ang mga nagmamalaki batay sa panlabas na kaanyuan at hindi sa puso.

13 Kung kami ay wala sa aming sarili, ito ay para sa Diyos; kung kami ay nasa matinong pag-iisip, ito ay para sa inyo.

14 Ang pag-ibig ni Cristo ang humihimok sa amin, sapagkat kami ay lubos na naniniwala na ang isa ay namatay para sa lahat; kaya't ang lahat ay namatay.

15 Siya'y namatay para sa lahat, upang ang mga nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa para sa kanilang sarili, kundi para sa kanya na alang-alang sa kanila ay namatay at muling nabuhay.

16 Kaya't mula ngayon ay hindi namin kinikilala ang sinuman ayon sa pananaw ng laman, bagaman kinikilala namin si Cristo ayon sa pananaw ng laman, ngunit ngayon ay hindi na gayon ang aming pagkakilala.

17 Kaya't kung ang sinuman ay na kay Cristo, siya'y bagong nilalang; ang mga lumang bagay ay lumipas na, tingnan ninyo, ang lahat ay naging bago.

18 Lahat ng ito ay mula sa Diyos, na tayo'y pinagkasundo niya sa kanyang sarili sa pamamagitan ni Cristo, at ibinigay niya sa amin ang ministeryo[b] ng pakikipagkasundo.

19 Samakatuwid, kay Cristo ay pinagkasundo ng Diyos ang sanlibutan at ang kanyang sarili,[c] na hindi ibinibilang sa kanila ang kanilang mga kasalanan, at ipinagkatiwala sa amin ang salita ng pakikipagkasundo.

20 Kaya't kami ay mga sugo para kay Cristo, yamang ang Diyos ay nananawagan sa pamamagitan namin. Kami'y nananawagan sa pangalan ni Cristo, na kayo'y makipagkasundo sa Diyos.

21 Para sa ating kapakanan, ginawa niyang may kasalanan siya na hindi nakakilala ng kasalanan, upang sa kanya tayo'y maging katuwiran ng Diyos.

Yamang gumagawa kaming kasama niya, nananawagan din kami sa inyo na huwag ninyong tanggapin ang biyaya ng Diyos nang walang kabuluhan.

Sapagkat(B) sinasabi niya,

“Sa panahong kanais-nais ay pinakinggan kita,
    at tinulungan kita sa araw ng kaligtasan.”

Ngayon na ang panahong kanais-nais; ngayon na ang araw ng kaligtasan.

Hindi kami naglalagay ng katitisuran ng sinuman, upang walang kapintasang matagpuan sa aming ministeryo.

Kundi, bilang mga lingkod ng Diyos, ipinagkakapuri namin ang aming sarili sa lahat ng mga bagay, sa pamamagitan ng maraming pagtitiis, mga kapighatian, mga kahirapan, mga paghihinagpis,

mga(C) pagkabugbog, mga pagkabilanggo, mga kaguluhan, mga paggawa, mga pagpupuyat, mga pagkagutom,

sa kalinisan, kaalaman, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabanalan ng espiritu, tunay na pag-ibig,

makatotohanang pananalita, kapangyarihan ng Diyos, sa pamamagitan ng mga sandata ng katuwiran sa kanang kamay at sa kaliwa,

sa pamamagitan ng karangalan at kasiraang-puri, sa pamamagitan ng masamang pagkakilala at ng mabuting pagkakilala. Itinuring kaming mga mandaraya, gayunma'y matatapat,

waring mga hindi kilala, gayunma'y kilalang-kilala, tulad sa naghihingalo, at narito, kami ay buháy; gaya ng mga pinarurusahan, subalit hindi pinapatay;

10 tulad sa nalulungkot, gayunma'y laging nagagalak; tulad sa mga dukha, gayunma'y pinayayaman ang marami, gaya ng walang pag-aari, gayunma'y mayroon ng lahat ng bagay.

11 Ang aming bibig ay bukas para sa inyo, mga taga-Corinto, ang aming puso ay pinalawak.

12 Kayo ay hindi namin hinihigpitan, subalit kayo ay hinihigpitan ng sarili ninyong damdamin.

13 Bilang ganti, nagsasalita akong tulad sa mga bata; palawakin din ninyo ang inyong mga puso.

Ang Templo ng Diyos na Buháy

14 Huwag kayong makipamatok sa mga hindi mananampalataya, sapagkat anong pagsasama mayroon ang katuwiran at kasamaan? O anong pagsasama mayroon ang liwanag sa kadiliman?

15 At anong pagkakasundo mayroon si Cristo kay Belial? O anong bahagi mayroon ang mananampalataya sa hindi mananampalataya?

16 Anong(D) pakikipagkaisa mayroon ang templo ng Diyos sa mga diyus-diyosan? Sapagkat tayo'y[d] templo ng Diyos na buháy; gaya ng sinabi ng Diyos,

“Ako'y mananahan sa kanila, at lalakad sa gitna nila,
    ako'y magiging kanilang Diyos,
    at sila'y magiging aking bayan.
17 Kaya(E) nga lumabas kayo sa kanila,
    at humiwalay kayo, sabi ng Panginoon,
    at huwag kayong humipo ng anumang bagay na marumi,
    at kayo'y aking tatanggapin,
18 at(F) ako'y magiging ama sa inyo,
    at kayo'y magiging aking mga anak na lalaki at babae,
sabi ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat.”

Mga minamahal, yamang taglay natin ang mga pangakong ito, linisin natin ang ating mga sarili mula sa bawat karumihan ng laman at espiritu, na ginagawang sakdal ang kabanalan sa pagkatakot sa Diyos.

Ang Kagalakan ni Pablo

Bigyan ninyo kami ng puwang sa inyong mga puso; hindi namin inapi ang sinuman, hindi namin sinira ang sinuman, hindi namin pinagsamantalahan ang sinuman.

Hindi ko sinasabi ito upang hatulan kayo, sapagkat sinabi ko na nang una pa na kayo'y nasa aming mga puso, upang mamatay at mabuhay na kasama ninyo.

Ako ay may malaking pagtitiwala sa inyo, ako ay may malaking pagmamapuri sa inyo, ako'y punô ng kaaliwan. Ako'y nag-uumapaw sa kagalakan sa lahat ng aming kapighatian.

Sapagkat(G) maging nang kami ay dumating sa Macedonia, ang aming mga katawan ay hindi nagkaroon ng kapahingahan, kundi pinipighati sa bawat paraan—sa labas ay labanan, sa loob ay takot.

Subalit ang Diyos na umaaliw sa nalulungkot ay nagpasigla sa amin sa pamamagitan ng pagdating ni Tito,

at hindi lamang sa pamamagitan ng kanyang pagdating, kundi maging sa kaaliwang ibinigay ninyo sa kanya, na ibinabalita niya sa amin ang inyong pananabik, ang inyong kapanglawan, ang inyong sigasig para sa akin, anupa't ako'y lalo pang nagalak.

Sapagkat bagaman pinalungkot ko kayo sa pamamagitan ng aking sulat, hindi ko ito ipinagdaramdam: (bagama't aking dinamdam, sapagkat aking nalaman na ang sulat na ito ay nakapagpalungkot sa inyo, bagama't sa maikling panahon lamang).

Ngayon, ako'y nagagalak hindi sapagkat kayo'y nalungkot, kundi sapagkat kayo'y nalungkot tungo sa pagsisisi, sapagkat kayo'y pinalumbay nang naaayon sa Diyos, upang kayo'y huwag magdusa ng kalugihan sa pamamagitan namin.

10 Sapagkat ang kalungkutang naaayon sa Diyos ay nagbubunga ng pagsisisi tungo sa kaligtasan na hindi ipagdaramdam, subalit ang makasanlibutang kalungkutan ay nagbubunga ng kamatayan.

11 Sapagkat tingnan ninyo ang ibinunga sa inyo ng kalungkutang ito na naaayon sa Diyos, kung anong pagtatanggol sa inyong mga sarili, kung anong pagkagalit, kung anong takot, pananabik, sigasig, at kaparusahan! Sa bawat bagay ay pinatunayan ninyo ang inyong pagiging malinis sa bagay na ito.

12 Kaya't bagaman ako ay sumulat sa inyo, ito ay hindi dahil doon sa gumawa ng kamalian, o dahil doon sa ginawan ng kamalian, kundi upang ang inyong pagmamalasakit para sa amin ay mahayag sa inyo sa paningin ng Diyos.

13 Kaya't kami'y naaliw. At sa aming kaaliwan ay lalo pa kaming nagalak dahil sa kagalakan ni Tito, sapagkat ang kanyang espiritu ay pinayapa ninyong lahat.

14 Sapagkat kung ako ay nagpahayag sa kanya ng anumang pagmamalaki sa inyo, ay hindi ako nalagay sa kahihiyan; subalit kung paanong ang lahat ng aming sinabi ay totoo, kaya't ang aming pagmamalaki sa harap ni Tito ay napapatunayang totoo.

15 At ang damdamin niya ay lalo pang sumagana para sa inyo, na kanyang naaalala ang pagtalima ninyong lahat, at kung paanong tinanggap ninyo siya na may takot at panginginig.

16 Ako'y nagagalak sapagkat ako'y mayroong buong pagtitiwala sa inyo.

Tungkol sa Pagbibigay

Ngayon,(H) nais naming malaman ninyo, mga kapatid, ang biyaya ng Diyos na ipinagkaloob sa mga iglesya ng Macedonia;

kung paanong sa matinding pagsubok ng kapighatian, ang kasaganaan ng kanilang kagalakan at ang kanilang labis na kahirapan ay sumagana sa kayamanan ng kanilang kagandahang-loob.

Ako ay makapagpapatunay na sila ay kusang-loob na nagbigay ayon sa kanilang kakayahan, at higit pa sa kanilang makakaya,

na nakikiusap sa amin nang matindi tungkol sa biyaya na makibahagi sa paglilingkod sa mga banal.

At ito ay hindi tulad sa aming inaasahan, kundi ibinigay muna nila ang kanilang sarili sa Panginoon, at sa amin sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos.

Anupa't kami ay nakiusap kay Tito na yamang siya'y nagpasimula ay dapat din niyang tapusin sa inyo ang biyayang ito.

Ngunit, yamang kayo'y sumasagana sa lahat ng mga bagay, sa pananampalataya, sa pananalita, sa kaalaman, sa buong kasipagan, at sa inyong pag-ibig sa amin, sikapin din ninyo na kayo ay sumagana sa biyayang ito.

Sinasabi ko ito hindi bilang isang utos, ngunit aking sinusubok ang pagiging tunay ng inyong pag-ibig kapag inihambing sa kasigasigan ng iba.

Sapagkat nalalaman ninyo ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na bagaman siya'y mayaman, subalit alang-alang sa inyo ay naging dukha, upang sa pamamagitan ng kanyang kadukhaan ay maging mayaman kayo.

10 At sa bagay na ito ay nagbibigay ako ng payo: pinakamabuti para sa inyo ngayon na tapusin ang sinimulan ninyo nang nakaraang taon, hindi lamang upang gumawa kundi magkaroon ng pagnanais na gumawa.

11 At ngayon, tapusin ninyo ang paggawa, upang kung paanong may sigasig sa pagnanais ay gayundin sa pagtatapos, ayon sa inyong kakayahan.

12 Sapagkat kung mayroong pagnanais, tinatanggap ang kaloob ayon sa tinataglay, at hindi ayon sa hindi tinataglay.

13 Hindi ko ibig sabihin na ang iba ay maginhawahan at kayo'y mabigatan, kundi para sa pagkakapantay-pantay,

14 ang inyong kasaganaan sa kasalukuyang panahon ang magpuno sa kanilang kakulangan, upang ang kanilang kasaganaan ay magpuno sa inyong pangangailangan, upang magkaroon ng pagkakapantay-pantay.

15 Gaya(I) ng nasusulat,

“Ang nagtipon ng marami ay hindi nagkaroon ng labis,
    at ang nagtipon ng kaunti ay hindi kinulang.”

Si Tito at ang mga Sugo ng Iglesya

16 Subalit salamat sa Diyos na naglagay ng gayunding pagsisikap para sa inyo sa puso ni Tito.

17 Sapagkat tinanggap niya hindi lamang ang aming pakiusap at palibhasa siya'y lalong sumigasig, siya ay patungo sa inyo sa kanyang sariling kalooban.

18 Isinusugo namin kasama niya ang kapatid na tanyag sa mga iglesya dahil sa kanyang pangangaral ng ebanghelyo.

19 At hindi lamang iyon, kundi siya ay hinirang ng mga iglesya na maglakbay na kasama namin ukol sa biyayang ito na aming pinangangasiwaan, sa ikaluluwalhati ng Panginoon, at upang ipakita ang aming pagnanais.

20 Iniiwasan namin ito upang huwag kaming sisihin tungkol sa kasaganaang ito na aming pinangangasiwaan;

21 sapagkat(J) isinasaalang-alang namin ang mga bagay na kapuri-puri hindi lamang sa harapan ng Panginoon, kundi maging sa harapan ng mga tao.

22 At kasama nila ay isinusugo namin ang aming kapatid na maraming ulit naming napatunayang masikap sa maraming bagay, subalit ngayon ay higit pang masikap, dahil sa kanyang malaking pagtitiwala sa inyo.

23 Tungkol kay Tito, siya'y aking katuwang at kamanggagawa sa paglilingkod sa inyo; at para sa aming mga kapatid, sila'y mga sugo ng mga iglesya, ang kaluwalhatian ni Cristo.

24 Kaya't ipakita ninyo sa kanila sa harapan ng mga iglesya ang katunayan ng inyong pag-ibig, at ng aming pagmamalaki tungkol sa inyo.

Ang Ambagan para sa mga Taga-Jerusalem

Ngayon, kalabisan na para sa akin na sulatan kayo tungkol sa paglilingkod para sa mga banal,

sapagkat nalalaman ko ang inyong pananabik, na aking ipinagmamalaki tungkol sa inyo sa mga taga-Macedonia, na ang Acaia ay nakapaghanda na noong nakaraang taon pa, at ang inyong sigasig ay nakapukaw sa karamihan sa kanila.

Subalit aking isinugo ang mga kapatid upang ang aming pagmamalaki tungkol sa inyo ay huwag mawalan ng kabuluhan sa bagay na ito, upang ayon sa aking sinabi, kayo'y makapaghanda,

baka sakaling kung ang ilang taga-Macedonia ay dumating na kasama ko at kayo'y maratnang hindi handa, kami ay mapapahiya upang hindi na namin sabihing pati kayo, sa pagtitiwalang ito.

Kaya't inisip ko na kailangang himukin ang mga kapatid na maunang pumariyan sa inyo, at ihanda agad ang inyong kaloob na ipinangako nang una, upang ito'y maihanda bilang isang kusang-loob na handog at hindi sapilitan.

At ito ang ibig kong sabihin: Ang naghahasik nang bahagya ay mag-aani rin nang bahagya, at ang naghahasik nang sagana ay mag-aani rin nang sagana.

Ang bawat isa ay magbigay ayon sa ipinasiya ng kanyang puso, hindi mabigat sa kalooban, o dala ng pangangailangan, sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay na masaya.

At kaya ng Diyos na pasaganain ang lahat ng biyaya sa inyo, upang sa pagkakaroon ninyo ng sapat sa lahat ng bagay ay palagi kayong sumagana sa bawat mabuting gawa.

Gaya(K) ng nasusulat,

“Siya'y nagsabog, siya'y nagbigay sa mga dukha;
    ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.”

10 Siyang(L) nagbibigay ng binhi sa manghahasik at ng tinapay bilang pagkain ay siyang magbibigay at magpaparami ng inyong binhi upang ihasik, at magpaparami ng mga bunga ng inyong pagiging matuwid;

11 na kayo ay pinayayaman sa bawat bagay dahil sa inyong kagandahang-loob, na sa pamamagitan namin ay nagbubunga ng pasasalamat sa Diyos.

12 Sapagkat ang pangangasiwa sa paglilingkod na ito ay hindi lamang pumupuno sa pangangailangan ng mga banal, kundi umaapaw rin sa pamamagitan ng maraming pasasalamat sa Diyos.

13 Sa pamamagitan ng pagpapatunay ng ministeryong ito, niluluwalhati ninyo ang Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa inyong pagpapahayag sa ebanghelyo ni Cristo, at dahil sa pagiging bukas-palad ng inyong pag-aambag para sa kanila at sa lahat ng tao;

14 habang sila ay nananabik sa inyo at nananalangin para sa inyo, dahil sa nag-uumapaw na biyaya ng Diyos sa inyo.

15 Salamat sa Diyos dahil sa kanyang di-mailarawang kaloob.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001