Beginning
Nagsalita ang Diyos sa Pamamagitan ng Kanyang Anak
1 Noong unang panahon, ang Diyos ay nagsalita sa ating mga ninuno sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta,
2 subalit sa mga huling araw na ito ay nagsalita siya sa atin sa pamamagitan ng Anak, na kanyang itinalagang tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan din niya'y ginawa ang mga sanlibutan.
3 Siya ang kaningningan ng kaluwalhatian ng Diyos[a] at tunay na larawan ng kanyang likas, at kanyang inaalalayan ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang salita. Nang magawa na niya ang paglilinis ng mga kasalanan, siya ay umupo sa kanan ng Kamahalan sa kaitaasan,
4 palibhasa'y naging higit na mataas kaysa mga anghel, palibhasa'y nagmana ng higit na marilag na pangalan kaysa kanila.
Higit na Dakila ang Anak kaysa mga Anghel
5 Sapagkat(A) kanino sa mga anghel sinabi ng Diyos[b] kailanman,
“Ikaw ay aking Anak,
ako ngayon ay naging iyong Ama?”
At muli,
“Ako'y magiging kanyang Ama,
at siya'y magiging aking Anak?”
6 At(B) muli, nang kanyang dinadala ang panganay sa daigdig ay sinasabi niya,
“Sambahin siya ng lahat ng mga anghel ng Diyos.”
7 Tungkol(C) sa mga anghel ay sinasabi niya,
“Ginagawa niyang mga hangin ang mga anghel,
at ang kanyang mga lingkod ay ningas ng apoy.”
8 Ngunit,(D) tungkol naman sa Anak ay sinasabi niya,
“Ang iyong trono, O Diyos, ay magpakailanman;
at ang setro ng katuwiran ang siyang setro ng iyong kaharian.
9 Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan ang kasamaan;
kaya't ang Diyos, ang Diyos mo, ay binuhusan ka
ng langis ng kagalakang higit pa sa iyong mga kasamahan.”
10 At,(E)
“Ikaw, Panginoon, nang pasimula'y inilagay mo ang saligan ng lupa,
at ang mga langit ay mga gawa ng iyong mga kamay;
11 sila'y mapaparam, subalit ikaw ay nananatili,
at silang lahat ay malulumang gaya ng kasuotan;
12 gaya ng isang balabal sila'y iyong ilululon,
at gaya ng damit, sila ay mapapalitan.
Ngunit ikaw ay ikaw pa rin,
at ang iyong mga taon ay hindi magwawakas.”
13 Ngunit(F) kanino sa mga anghel sinabi niya kailanman,
“Maupo ka sa aking kanan,
hanggang sa ang iyong mga kaaway ay gawin kong tuntungan ng iyong mga paa?”
14 Hindi ba silang lahat ay mga espiritung nasa banal na gawain, na sinugo upang maglingkod sa kapakanan ng mga magmamana ng kaligtasan?
Ang Dakilang Kaligtasan
2 Kaya't dapat nating pag-ukulan ng higit pang pansin ang mga bagay na ating narinig, baka tayo'y matangay na papalayo.
2 Sapagkat kung ang salita na ipinahayag sa pamamagitan ng mga anghel ay may bisa, at ang bawat paglabag at pagsuway ay tumanggap ng kaukulang parusa,
3 paano nga tayo makakatakas, kung ating pababayaan ang ganito kadakilang kaligtasan? Ito ay ipinahayag noong una sa pamamagitan ng Panginoon, at pinatunayan sa atin ng mga nakarinig sa kanya,
4 na pawang pinatotohanan din ng Diyos sa pamamagitan ng mga tanda at ng mga kababalaghan at iba't ibang himala at ng mga kaloob ng Espiritu Santo, na ipinamahagi ayon sa kanyang kalooban.
Naging Dakila sa Pagiging Hamak
5 Sapagkat hindi ipinasakop ng Diyos[c] sa mga anghel ang sanlibutang darating, na siya naming sinasabi,
6 Ngunit(G) may nagpatunay sa isang dako, na sinasabi,
“Ano ang tao upang siya'y iyong alalahanin?
O ang anak ng tao upang siya'y iyong pagmalasakitan?
7 Siya'y ginawa mong mababa kaysa mga anghel nang sandaling panahon;
siya'y pinutungan mo ng kaluwalhatian at ng karangalan,
at siya'y inilagay mo sa ibabaw ng mga gawa ng iyong mga kamay.[d]
8 Ipinasakop mo ang lahat ng bagay sa ilalim ng kanyang mga paa.”
Nang masakop niya ang bawat bagay, wala siyang iniwan na hindi niya nasasakop. Ngunit ngayon ay hindi pa natin nakikitang nasasakop niya ang lahat ng mga bagay,
9 kundi nakikita natin si Jesus, na sa sandaling panahon ay ginawang mababa kaysa mga anghel, na dahil sa pagdurusa ng kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan, upang sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ay maranasan niya ang kamatayan alang-alang sa lahat.
10 Sapagkat nararapat na ang Diyos,[e] na para sa kanya at sa pamamagitan niya ay nagkaroon ng lahat ng mga bagay, sa pagdadala ng maraming anak tungo sa kaluwalhatian, ay gawing sakdal ang tagapagtatag ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng mga pagdurusa.
11 Sapagkat ang gumagawang banal at ang mga ginawang banal ay pawang nagmula sa isa. Dahil dito'y hindi nahihiya si Jesus[f] na tawagin silang mga kapatid,
12 na(H) sinasabi,
“Ipahahayag ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid,
sa gitna ng kapulungan ay aawitan kita ng mga himno.”
13 At(I) muli,
“Ilalagak ko ang aking pagtitiwala sa kanya.”
At muli,
“Narito ako at ang mga anak na ibinigay sa akin ng Diyos.”
14 Kaya, yamang ang mga anak ay nakibahagi sa laman at dugo, at siya man ay nakibahagi rin sa mga bagay na ito, upang sa pamamagitan ng kamatayan ay kanyang mapuksa ang may kapangyarihan sa kamatayan, samakatuwid ay ang diyablo,
15 at mapalaya silang lahat na dahil sa takot sa kamatayan sa buong buhay nila ay nasa ilalim ng pagkaalipin.
16 Sapagkat(J) maliwanag na hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, kundi ang kabilang sa binhi ni Abraham.
17 Kaya't kailangang siya ay maging kagaya ng kanyang mga kapatid sa lahat ng mga bagay, upang siya ay maging isang maawain at tapat na pinakapunong pari sa mga bagay na nauukol sa Diyos, upang gumawa ng handog na pantubos sa mga kasalanan ng mga tao.
18 Palibhasa'y nagtiis siya sa pagkatukso, siya'y makasasaklolo sa mga tinutukso.
Higit na Dakila kay Moises
3 Kaya, mga banal na kapatid, mga kabahagi sa makalangit na pagkatawag, isaalang-alang ninyo na si Jesus, ang Apostol at Pinakapunong Pari ng ating pagpapahayag,
2 ay(K) tapat sa nagtalaga sa kanya, gaya ni Moises na tapat sa buong sambahayan ng Diyos.[g]
3 Sapagkat siya ay itinuring na karapat-dapat sa higit na kaluwalhatian kaysa kay Moises, yamang ang nagtayo ng bahay ay may higit na karangalan kaysa bahay.
4 Sapagkat ang bawat bahay ay may nagtayo, subalit ang nagtayo ng lahat ng mga bagay ay ang Diyos.
5 At si Moises ay naging tapat sa buong sambahayan ng Diyos[h] gaya ng isang lingkod, bilang patotoo sa mga bagay na sasabihin.
6 Subalit si Cristo ay tapat sa bahay ng Diyos,[i] bilang isang anak, at tayo ang bahay na iyon kung ating iingatang matibay hanggang sa katapusan ang ating pagtitiwala at pagmamalaki sa ating pag-asa.
Kapahingahan para sa Bayan ng Diyos
7 Kaya't(L) gaya ng sinasabi ng Espiritu Santo,
“Ngayon, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
8 huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso gaya ng sa paghihimagsik,
gaya ng sa araw ng pagsubok sa ilang,
9 na doon ay sinubok ako ng inyong mga ninuno,
bagaman nakita nila ang aking mga gawa sa loob ng
10 apatnapung taon.
Kaya't nagalit ako sa lahing ito,
at aking sinabi, ‘Sila'y laging naliligaw sa kanilang puso,
at hindi nila nalaman ang aking mga daan.’
11 Gaya ng sa aking galit ay aking isinumpa,
‘Hindi sila papasok sa aking kapahingahan.’”
12 Mga kapatid, mag-ingat kayo, na walang sinuman sa inyo ang may pusong masama at walang pananampalataya na naglalayo sa buháy na Diyos.
13 Ngunit magpayuhan kayo sa isa't isa araw-araw, habang ito ay tinatawag na “ngayon,” upang walang sinuman sa inyo ang papagmatigasin ng pagiging madaya ng kasalanan.
14 Sapagkat tayo'y nagiging kabahagi ni Cristo kung ating hinahawakang matatag ang pasimula ng ating pagtitiwala hanggang sa katapusan.
15 Gaya(M) ng sinasabi,
“Ngayon, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso, na gaya ng sa paghihimagsik.”
16 Sinu-sino(N) ba sila na matapos makarinig ay naghimagsik? Hindi ba ang lahat ng umalis sa Ehipto sa pamamagitan ni Moises?
17 Ngunit kanino siya galit nang apatnapung taon? Hindi ba sa mga nagkasala, na ang mga katawan ay nabuwal sa ilang?
18 At kanino siya sumumpa na hindi sila makakapasok sa kanyang kapahingahan, kung hindi sa mga sumuway?
19 Kaya't nakikita natin na sila'y hindi nakapasok dahil sa kawalan ng pananampalataya.
4 Kaya't habang nananatiling bukas ang pangakong makapasok sa kanyang kapahingahan, mag-ingat tayo na baka sinuman sa inyo ay hindi makaabot doon.
2 Sapagkat dumating sa atin ang magandang balita, gaya rin naman sa kanila, ngunit hindi nila pinakinabangan ang pangangaral na narinig nila, sapagkat hindi sila naging kalakip sa pamamagitan ng pananampalataya ng mga taong nakarinig.
3 Sapagkat(O) tayong sumasampalataya ay pumapasok sa kapahingahang iyon, gaya ng sinabi ng Diyos,[j]
“Gaya ng aking isinumpa sa aking pagkagalit,
sila'y hindi papasok sa aking kapahingahan,”
bagama't ang mga gawa niya mula nang itatag ang sanlibutan ay natapos na.
4 Sapagkat(P) sa isang dako ay sinabi niya ang ganito tungkol sa ikapitong araw, “At nagpahinga ang Diyos nang ikapitong araw sa lahat ng kanyang mga gawa.”
5 At(Q) sa dakong ito ay muling sinabi, “Sila'y hindi papasok sa aking kapahingahan.”
6 Kaya't yamang nananatiling bukas para sa ilan upang makapasok doon, at ang mga pinangaralan ng magandang balita nang una ay hindi nakapasok dahil sa pagsuway,
7 siya(R) ay muling nagtakda ng isang araw, “Ngayon,” na pagkatapos ng ilang panahon ay sinabi sa pamamagitan ni David, gaya ng sinabi noong una,
“Ngayon, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso.”
8 Sapagkat(S) kung sila ay nabigyan ni Josue ng kapahingahan, hindi na sana nagsalita ang Diyos tungkol sa ibang araw pagkatapos ng mga ito.
9 Kaya't may natitira pang isang pamamahingang Sabbath para sa bayan ng Diyos.
10 Sapagkat(T) ang pumasok sa kanyang kapahingahan ay nagpahinga rin sa kanyang mga gawa, gaya ng Diyos sa kanyang mga gawa.
11 Kaya't magsikap tayong pumasok sa kapahingahang iyon, upang huwag mabuwal ang sinuman sa pamamagitan ng gayong halimbawa ng pagsuway.
12 Sapagkat ang salita ng Diyos ay buháy, mabisa, at higit na matalas kaysa alin mang tabak na may dalawang talim, at tumatagos hanggang sa pinaghihiwalayan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak sa buto, at may kakayahang kumilala ng mga pag-iisip at mga hangarin ng puso.
13 At walang nilalang na nakukubli sa harapan niya, kundi ang lahat ng mga bagay ay hubad at hayag sa mga mata niya na ating pagsusulitan.
Si Jesus ang Pinakapunong Pari
14 Yamang tayo'y mayroong isang marangal at Pinakapunong Pari na pumasok sa kalangitan, si Jesus na Anak ng Diyos, ay hawakan nating matatag ang ating ipinahahayag.
15 Sapagkat tayo'y mayroong isang Pinakapunong Pari na marunong makiramay sa ating mga kahinaan, isa na tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin, gayunma'y walang kasalanan.
16 Kaya't lumapit tayong may katapangan sa trono ng biyaya, upang tayo'y tumanggap ng awa, at makatagpo ng biyaya na makakatulong sa panahon ng pangangailangan.
5 Bawat pinakapunong pari na pinili mula sa mga tao ay pinangasiwa sa mga bagay na may kaugnayan sa Diyos, para sa kanilang kapakanan, upang siya'y makapaghandog ng mga kaloob at ng mga alay para sa mga kasalanan.
2 Siya ay marunong makitungo na may kaamuan sa mga mangmang at naliligaw, yamang siya man ay napapaligiran ng kahinaan.
3 Dahil(U) dito, kailangang siya'y maghandog para sa kanyang sariling mga kasalanan, at gayundin para sa taong-bayan.
4 At(V) sinuman ay hindi kumukuha ng karangalang ito para sa kanyang sarili, kundi siya ay tinatawag ng Diyos, na gaya ni Aaron.
5 Maging(W) si Cristo man ay hindi lumuwalhati sa kanyang sarili upang maging pinakapunong pari, kundi itinalaga ng nagsabi sa kanya,
“Ikaw ay aking Anak,
ako ngayon ay naging Ama mo.”
6 Gaya(X) rin naman ng sinasabi niya sa ibang dako,
“Ikaw ay pari magpakailanman,
ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”
7 Sa(Y) mga araw ng kanyang buhay dito sa mundo,[k] si Jesus[l] ay naghandog ng mga panalangin at mga pakiusap na may malakas na pagtangis at pagluha sa may kapangyarihang magligtas sa kanya mula sa kamatayan, at siya'y pinakinggan dahil sa kanyang magalang na pagpapasakop.
8 Bagama't siya'y isang Anak, siya'y natuto ng pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kanyang tiniis,
9 at nang maging sakdal, siya ang naging pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan ng lahat ng mga sumusunod sa kanya;
10 yamang itinalaga ng Diyos bilang pinakapunong pari ayon sa pagkapari ni Melquizedek.
Babala Laban sa Pagtalikod
11 Tungkol sa kanya'y marami kaming masasabi, at mahirap ipaliwanag, palibhasa'y naging mapurol na kayo sa pakikinig.
12 Sapagkat(Z) bagaman sa panahong ito'y dapat na kayo'y mga guro na, kailangang muling may magturo sa inyo ng mga unang simulain ng aral ng Diyos. Kayo'y nangangailangan ng gatas, at hindi ng pagkaing matigas.
13 Sapagkat bawat tumatanggap ng gatas ay walang alam sa salita ng katuwiran palibhasa'y isa siyang sanggol.
14 Ngunit ang pagkaing matigas ay para sa mga nasa hustong gulang, na dahil sa pagsasagawa ay nasanay ang kanilang mga pandama na makilala ang pagkakaiba ng mabuti at masama.
Ang Panganib ng Pagtalikod
6 Kaya't iwan na natin ang mga unang simulain ng aral ni Cristo, at tayo'y magpatuloy sa kasakdalan, na huwag nating muling ilagay ang saligan ng pagsisisi mula sa mga patay na gawa at pananampalataya sa Diyos,
2 ng aral tungkol sa mga bautismo,[m] pagpapatong ng mga kamay, muling pagkabuhay ng mga patay, at ng walang hanggang paghuhukom.
3 At ating gagawin ito, kung ipahihintulot ng Diyos.
4 Sapagkat hindi mangyayari na ang mga dating naliwanagan na, at nakalasap ng kaloob ng kalangitan, at mga naging kabahagi ng Espiritu Santo,
5 at nakalasap ng kabutihan ng salita ng Diyos, at ng mga kapangyarihan ng panahong darating,
6 at pagkatapos ay tumalikod ay muling panumbalikin sa pagsisisi, yamang sa kanilang sarili ay muli nilang ipinapako sa krus ang Anak ng Diyos, at itinataas sa kahihiyan.
7 Sapagkat ang lupang umiinom ng ulang madalas na pumapatak sa kanya, at tinutubuan ng mga halamang angkop doon na dahil sa kanila ito ay binungkal, ay tumatanggap ng pagpapalang mula sa Diyos.
8 Subalit(AA) kung ito'y tinutubuan ng mga tinik at dawag, ito ay walang kabuluhan at malapit nang sumpain, at ang kanyang kahihinatnan ay ang pagkasunog.
9 Ngunit, mga minamahal, kami ay lubos na naniniwala sa mga mabubuting bagay tungkol sa inyo, at sa mga bagay na may kinalaman sa kaligtasan, bagama't kami ay nagsasalita ng ganito.
10 Sapagkat ang Diyos ay hindi masama; hindi niya kaliligtaan ang inyong gawa at ang pag-ibig na inyong ipinakita sa kanyang pangalan, sa inyong paglilingkod sa mga banal, gaya ng ginagawa ninyo ngayon.
11 At nais namin na ang bawat isa sa inyo ay magpakita ng gayunding sigasig upang inyong malaman ang ganap na katiyakan ng pag-asa hanggang sa katapusan;
12 upang kayo'y huwag maging mga tamad, kundi mga taga-tulad kayo sa kanila na sa pamamagitan ng pananampalataya at ng pagtitiis ay nagmamana ng mga pangako.
Ang Katiyakan ng Pangako ng Diyos
13 Nang mangako ang Diyos kay Abraham, palibhasa'y walang sinumang higit na dakila na kanyang panunumpaan, siya ay nanumpa sa kanyang sarili,
14 na(AB) sinasabi, “Tiyak na pagpapalain at pararamihin kita.”
15 Kaya't si Abraham,[n] nang makapaghintay na may pagtitiis, ay tumanggap ng pangako.
16 Nanunumpa ang mga tao sa harap ng higit na mataas sa kanila, at ang sumpang binitawan bilang katibayan ay nagwawakas ng bawat usapin.
17 Gayundin naman, sa pagnanais ng Diyos na maipakita sa mga tagapagmana ng pangako na hindi maaaring mabago ang kanyang pasiya, pinagtibay niya ito sa pamamagitan ng isang sumpa;
18 upang sa pamamagitan ng dalawang bagay na di-mababago, na dito'y hindi maaaring magsinungaling ang Diyos, tayong nagtungo sa kanlungan ay magkaroon ng higit na katiyakang panghawakan ang pag-asang nakalagay sa harapan natin.
19 Taglay(AC) natin ito bilang isang tiyak at matibay na angkla ng kaluluwa, isang pag-asa na pumapasok sa loob ng santuwaryo, sa kabila ng tabing,
20 na(AD) doo'y naunang pumasok para sa atin si Jesus, na naging pinakapunong pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquizedek.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001