Beginning
Pagsamba sa Langit
4 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at naroon, ang isang pintong bukas sa langit! At ang unang tinig na aking narinig na nagsasalita sa akin, na gaya ng sa trumpeta, ay nagsabi, “Umakyat ka rito, at ipapakita ko sa iyo ang mga bagay na kailangang mangyari pagkatapos ng mga bagay na ito.”
2 Ako'y(A) biglang nasa Espiritu, at doon sa langit ay may isang tronong nakalagay at sa trono ay may isang nakaupo.
3 At ang nakaupo doon ay may anyong katulad ng batong jaspe at sardio, at naliligid ang trono ng isang bahaghari na tulad ng esmeralda.
4 At sa palibot ng trono ay may dalawampu't apat na trono, at ang nakaupo sa mga trono ay dalawampu't apat na matatanda, na nakasuot ng mapuputing damit; at sa kanilang mga ulo ay may mga koronang ginto.
5 At(B) mula sa trono ay may lumalabas na kidlat, at mga tinig at mga dagundong ng kulog, at may pitong nagniningas na sulo ng apoy sa harapan ng trono, na siyang pitong Espiritu ng Diyos;
6 at(C) (D) sa harapan ng trono, ay may parang isang dagat na salamin na katulad ng kristal. At sa gitna ng trono, at sa palibot ng trono ay may apat na nilalang na buháy na punô ng mga mata sa harapan at sa likuran.
7 Ang unang nilalang ay tulad ng isang leon, ang ikalawang nilalang ay tulad ng isang baka, ang ikatlong nilalang ay may mukha ng isang tao, at ang ikaapat na nilalang ay tulad ng isang agilang lumilipad.
8 At(E) ang apat na nilalang na buháy, na may anim na pakpak ang bawat isa sa kanila, ay punô ng mga mata sa palibot at sa loob; at sila'y walang humpay na nagsasabi araw at gabi,
“Banal, banal, banal,
ang Panginoong Diyos, ang Makapangyarihan sa lahat,
ang noon at ang ngayon at ang darating!”
9 At kapag ang mga nilalang na buháy ay nagbibigay ng kaluwalhatian, karangalan, at pasasalamat sa nakaupo sa trono, doon sa nabubuhay magpakailanpaman,
10 ang dalawampu't apat na matatanda ay nagpapatirapa sa harapan ng nakaupo sa trono, at sumasamba doon sa nabubuhay magpakailanpaman; at inihahagis nila ang kanilang mga korona sa harapan ng trono, na nagsasabi,
11 “Karapat-dapat ka, O Panginoon at Diyos namin,
na tumanggap ng kaluwalhatian at karangalan at kapangyarihan,
sapagkat nilikha mo ang lahat ng mga bagay
at dahil sa iyong kalooban ay nabuhay sila at nalikha.
Ang Aklat at ang Kordero
5 At(F) nakita ko sa kanang kamay ng nakaupo sa trono ang isang aklat[a] na may sulat sa loob at sa likod, na tinatakan ng pitong tatak.
2 At nakita ko ang isang makapangyarihang anghel na nagpapahayag sa malakas na tinig, “Sino ang karapat-dapat magbukas ng aklat at magtanggal ng mga tatak nito?”
3 At walang sinuman sa langit, o sa ibabaw man ng lupa, o sa ilalim man ng lupa, ang makapagbukas ng aklat o makatingin man sa loob nito.
4 Ako'y labis na umiyak, sapagkat walang natagpuang sinuman na karapat-dapat magbukas ng aklat, o tumingin sa loob nito.
5 At(G) sinabi sa akin ng isa sa matatanda, “Huwag kang umiyak. Tingnan mo, ang Leon sa lipi ni Juda, ang Ugat ni David, ay nagtagumpay upang mabuksan niya ang aklat at ang pitong tatak nito.”
6 Pagkatapos(H) ay nakita ko sa gitna ng trono at ng apat na nilalang na buháy at sa gitna ng matatanda ang isang Korderong nakatayo, na tulad sa isang pinaslang, na may pitong sungay at pitong mata na siyang pitong Espiritu ng Diyos, na sinugo sa buong daigdig.
7 Siya'y lumapit, at kinuha ang aklat sa kanang kamay ng nakaluklok sa trono.
8 Pagkakuha(I) niya sa aklat, ang apat na nilalang na buháy at ang dalawampu't apat na matatanda ay nagpatirapa sa harapan ng Kordero, na ang bawat isa'y may alpa, at mga mangkok na ginto na punô ng insenso, na siyang mga panalangin ng mga banal.
9 At(J) sila'y nag-aawitan ng isang bagong awit, na nagsasabi,
“Ikaw ay karapat-dapat na kumuha sa aklat
at magbukas ng mga tatak nito,
sapagkat ikaw ay pinatay, at sa pamamagitan ng iyong dugo ay binili mo para sa Diyos
ang mga tao mula sa bawat lipi, wika, bayan, at bansa.
10 At(K) sila'y iyong ginawang isang kaharian at mga pari para sa aming Diyos;
at sila'y maghahari sa ibabaw ng lupa.”
11 Nakita(L) ko at narinig ang tinig ng maraming mga anghel sa palibot ng trono at ng mga nilalang na buháy at ng matatanda; at ang bilang nila ay milyun-milyon at libu-libo,
12 na nagsasabi ng may malakas na tinig,
“Ang Kordero na pinaslang ay karapat-dapat
tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan, karangalan, kaluwalhatian, at kapurihan.”
13 At ang bawat bagay na nilalang na nasa langit, at nasa ibabaw ng lupa, at nasa ilalim ng lupa, at nasa ibabaw ng dagat, at lahat ng mga bagay na nasa mga ito ay narinig kong nagsasabi,
“Sa kanya na nakaupo sa trono at sa Kordero
ay ang kapurihan, karangalan, kaluwalhatian, at kapangyarihan, magpakailanpaman.
14 At ang apat na nilalang na buháy ay nagsabi, “Amen!” At ang matatanda ay nagpatirapa at sumamba.
Ang Pitong Tatak
6 Pagkatapos ay nakita ko nang buksan ng Kordero ang isa sa pitong tatak, at narinig ko ang isa sa apat na nilalang na buháy, na nagsalitang gaya ng tunog ng kulog, “Halika!”
2 Tumingin(M) ako at nakita ko ang isang kabayong puti, at ang nakasakay doon ay may isang pana; binigyan siya ng isang korona at siya'y humayong lumulupig, at upang lumupig.
3 Nang buksan niya ang ikalawang tatak ay narinig ko ang ikalawang nilalang na buháy, na nagsasabi, “Halika!”
4 At(N) may lumabas na isa pang pulang kabayo at ang nakasakay doon ay pinagkaloobang alisin sa lupa ang kapayapaan upang magpatayan ang isa't isa; at binigyan siya ng isang malaking tabak.
5 Nang(O) buksan niya ang ikatlong tatak, narinig ko ang ikatlong nilalang na buháy, na nagsasabi, “Halika!” At nakita ko ang isang kabayong itim; at ang nakasakay rito ay may isang timbangan sa kanyang kamay.
6 At narinig ko ang gaya ng isang tinig sa gitna ng apat na nilalang na buháy na nagsasabi, “Isang takal na trigo para sa isang denario at sa isang denario ay tatlong takal na sebada; ngunit huwag mong pinsalain ang langis at ang alak!”
7 Nang buksan niya ang ikaapat na tatak ay narinig ko ang tinig ng ikaapat na nilalang na buháy na nagsasabi, “Halika!”
8 Tumingin(P) ako at naroon ang isang kabayong maputla, at ang nakasakay roon ay may pangalang Kamatayan at ang Hades ay sumusunod sa kanya. At sila'y pinagkalooban ng kapangyarihan sa ikaapat na bahagi ng lupa na pumatay sa pamamagitan ng tabak, at ng taggutom, ng salot, at ng mababangis na hayop sa lupa.
9 Nang buksan niya ang ikalimang tatak ay nakita ko sa ilalim ng dambana ang mga kaluluwa ng mga pinaslang dahil sa salita ng Diyos, at dahil sa patotoong taglay nila.
10 Sila'y sumigaw nang may malakas na tinig, “Kailan pa, O Makapangyarihang Panginoon, banal at totoo, bago mo hatulan at ipaghiganti ang aming dugo sa mga naninirahan sa ibabaw ng lupa?”
11 At binigyan ang bawat isa sa kanila ng isang puting balabal at sa kanila'y sinabi na magpahinga pa sila ng kaunting panahon, hanggang sa mabuo ang bilang ng kanilang mga kapwa alipin at ng kanilang mga kapatid, na mga papataying tulad nila.
12 Nang(Q) buksan niya ang ikaanim na tatak, nagkaroon ng malakas na lindol; at ang araw ay umitim na gaya ng damit-sako at ang bilog na buwan ay naging gaya ng dugo;
13 at(R) ang mga bituin sa langit ay nahulog sa lupa, gaya ng puno ng igos na nalalaglag ang kanyang mga bungang bubot kapag inuuga ng malakas na hangin.
14 Ang(S) langit ay nahawi na gaya ng isang balumbong nilululon, at ang bawat bundok at pulo ay naalis sa kanilang kinalalagyan.
15 Ang(T) mga hari sa lupa, ang mga prinsipe, ang mga pinuno ng hukbo, ang mayayaman, ang malalakas at ang bawat alipin at ang bawat malaya, ay nagtago sa mga yungib, sa mga bato at sa mga bundok;
16 at(U) sinasabi nila sa mga bundok at sa mga bato, “Mahulog kayo sa amin at itago ninyo kami mula sa mukha ng nakaupo sa trono, at mula sa poot ng Kordero;
17 sapagkat(V) dumating na ang dakilang araw ng kanilang pagkapoot, at sino ang makakatagal?”[b]
Ang 144,000—ang Bayang Israel
7 Pagkatapos(W) nito ay nakakita ako ng apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng lupa, na pinipigil ang apat na hangin ng lupa, upang huwag humihip ang hangin sa lupa, o sa dagat man, o sa anumang punungkahoy.
2 At nakita ko ang isa pang anghel na umaakyat mula sa sikatan ng araw, na taglay ang tatak ng Diyos na buháy at siya'y sumigaw nang may malakas na tinig sa apat na anghel na pinagkalooban ng kapangyarihang pinsalain ang lupa at ang dagat,
3 na(X) nagsasabi, “Huwag ninyong pinsalain ang lupa, o ang dagat, o ang mga punungkahoy, hanggang sa aming matatakan sa kanilang mga noo ang mga alipin ng ating Diyos.”
4 At narinig ko ang bilang ng mga tinatakan, 144,000, tinatakan mula sa bawat lipi ng mga anak ni Israel:
5 Sa lipi ni Juda ay 12,000 ang tinatakan;
sa lipi ni Ruben ay 12,000;
sa lipi ni Gad ay 12,000;
6 sa lipi ni Aser ay 12,000;
sa lipi ni Neftali ay 12,000;
sa lipi ni Manases ay 12,000;
7 sa lipi ni Simeon ay 12,000;
sa lipi ni Levi ay 12,000;
sa lipi ni Isacar ay 12,000;
8 sa lipi ni Zebulon ay 12,000;
sa lipi ni Jose ay 12,000;
sa lipi ni Benjamin ay 12,000 ang tinatakan.
Ang Di-Mabilang na mga Tao
9 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at naroon, ang napakaraming tao na di-mabilang ng sinuman, mula sa bawat bansa, sa lahat ng mga lipi, mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harapan ng trono at sa harapan ng Kordero, na nakasuot ng mapuputing damit, at may mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay;
10 at nagsisigawan nang may malakas na tinig, na nagsasabi,
“Ang pagliligtas ay sa aming Diyos na nakaupo sa trono, at sa Kordero!”
11 At ang lahat ng mga anghel ay tumayo sa palibot ng trono, at ng matatanda at ng apat na nilalang na buháy at sila'y nagpatirapa sa harapan ng trono at sumamba sa Diyos,
12 na nagsasabi,
“Amen! Ang pagpapala, kaluwalhatian, karunungan,
pagpapasalamat, karangalan,
kapangyarihan, at kalakasan,
ay sa aming Diyos magpakailanpaman. Amen.”
13 At sumagot ang isa sa matatanda na nagsasabi sa akin, “Ang mga ito na may suot ng mapuputing damit, sino ba sila at saan sila nanggaling?”
14 Sinabi(Y) ko sa kanya, “Ginoo, ikaw ang nakakaalam.” At sinabi niya sa akin, “Ang mga ito ang nanggaling sa malaking kapighatian, at naghugas ng kanilang mga damit at pinaputi ang mga ito sa dugo ng Kordero.
15 Kaya't sila'y nasa harapan ng trono ng Diyos at naglilingkod sa kanya araw at gabi sa kanyang templo; at siyang nakaupo sa trono ay kakanlungan sila.
16 Sila'y(Z) hindi na magugutom pa, ni mauuhaw man; ni hindi na sila tatamaan ng araw, o ng anumang nakakapasong init,
17 sapagkat(AA) ang Kordero na nasa gitna ng trono ay siyang magiging pastol nila, at sila'y papatnubayan patungo sa mga bukal ng tubig ng buhay; at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.”
Ang Ikapitong Tatak
8 Nang buksan ng Kordero ang ikapitong tatak ay nagkaroon ng katahimikan sa langit nang may kalahating oras.
2 At nakita ko ang pitong anghel na nakatayo sa harapan ng Diyos at sila'y binigyan ng pitong trumpeta.
3 Dumating(AB) ang isa pang anghel at tumayo sa harap ng dambana, na may hawak na isang gintong lalagyan ng insenso; at binigyan siya ng maraming insenso, upang idagdag ito sa mga panalangin ng lahat ng mga banal sa ibabaw ng dambanang ginto, na nasa harapan ng trono.
4 At umakyat ang usok ng insenso, kalakip ng mga panalangin ng mga banal, mula sa kamay ng anghel patungo sa harapan ng Diyos.
5 At(AC) kinuha ng anghel ang lalagyan ng insenso at pinuno niya ng apoy ng dambana, itinapon niya sa lupa at nagkaroon ng mga kulog, mga tunog, mga kidlat, at ng lindol.
Ang Pitong Trumpeta
6 At ang pitong anghel na may pitong trumpeta ay naghanda upang hipan ang mga trumpeta.
7 Hinipan(AD) ng unang anghel ang kanyang trumpeta at umulan ng yelo at apoy na may halong dugo, at itinapon ang mga ito sa lupa. Ang ikatlong bahagi ng lupa ay nasunog, at ang ikatlong bahagi ng mga punungkahoy ay nasunog, at ang lahat ng luntiang damo ay nasunog.
8 Hinipan ng ikalawang anghel ang kanyang trumpeta at ang tulad sa isang malaking bundok na nagliliyab sa apoy ay itinapon sa dagat.
9 Ang ikatlong bahagi ng dagat ay naging dugo, namatay ang ikatlong bahagi ng mga nilalang na may buhay na nasa dagat at ang ikatlong bahagi ng mga barko ay nawasak.
10 Hinipan(AE) ng ikatlong anghel ang kanyang trumpeta at nahulog mula sa langit ang isang malaking bituin, na nagliliyab na gaya ng isang sulo, at nahulog sa ikatlong bahagi ng mga ilog, at sa mga bukal ng tubig.
11 Ang(AF) pangalan ng bituin ay Halamang Mapait at ang ikatlong bahagi ng tubig ay naging mapait at maraming tao ang namatay dahil sa tubig, sapagkat ito ay mapait.
12 Hinipan(AG) ng ikaapat na anghel ang kanyang trumpeta at tinamaan ang ikatlong bahagi ng araw, ang ikatlong bahagi ng buwan, at ang ikatlong bahagi ng bituin kaya't nagdilim ang ikatlong bahagi nila, at ang ikatlong bahagi ng maghapon ay hindi nagliwanag, at gayundin naman ang gabi.
13 At tumingin ako, at aking narinig ang isang agila, na lumilipad sa gitna ng himpapawid, na nagsasabi ng malakas na tinig, “Kahabag-habag, kahabag-habag, kahabag-habag ang mga naninirahan sa ibabaw ng lupa, dahil sa mga tunog ng mga trumpeta na malapit nang hipan ng tatlo pang anghel.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001