Beginning
Pagbati
1 Si Pablo, na apostol ni Cristo-Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at si Timoteo na ating kapatid,
2 Sa mga banal at tapat na mga kapatid kay Cristo na nasa Colosas: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama.
Pasasalamat para sa mga Taga-Colosas
3 Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos na Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sa aming pananalangin para sa inyo,
4 sapagkat nabalitaan namin ang inyong pananampalataya kay Cristo Jesus, at ang pag-ibig ninyo sa lahat ng mga banal,
5 dahil sa pag-asa na nakalaan para sa inyo sa langit, na inyong narinig noong una sa salita ng katotohanan, ang ebanghelyo,
6 na dumating sa inyo. Gayundin naman kung paanong ito ay namumunga at lumalago sa buong sanlibutan, ay gayundin naman sa inyo, mula nang araw na inyong marinig at maunawaan ang biyaya ng Diyos sa katotohanan.
7 Ito(A) ay inyong natutunan kay Epafras na aming minamahal na kapwa alipin. Siya ay isang tapat na lingkod ni Cristo alang-alang sa inyo,[a]
8 at siya rin namang sa amin ay nagpahayag ng inyong pag-ibig sa Espiritu.
9 Kaya't mula nang araw na aming marinig ito, hindi kami tumigil ng pananalangin para sa inyo at sa paghiling na kayo'y punuin ng kaalaman ng kanyang kalooban sa buong karunungan at pagkaunawang espirituwal,
10 upang kayo'y lumakad nang nararapat sa Panginoon, na lubos na nakakalugod sa kanya, namumunga sa bawat gawang mabuti, at lumalago sa pagkakilala sa Diyos.
11 Nawa'y palakasin kayo sa buong kapangyarihan, ayon sa kalakasan ng kanyang kaluwalhatian, para sa lahat ng katatagan at pagtitiyaga na may galak;
12 na nagpapasalamat sa Ama, na ginawa niya tayong karapat-dapat na makabahagi sa mana ng mga banal sa kaliwanagan.
13 Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak,
14 na(B) sa kanya ay mayroon tayong katubusan, na siyang kapatawaran ng mga kasalanan.[b]
Si Cristo ang Pangunahin sa Lahat ng Bagay
15 Siya ang larawan ng Diyos na hindi nakikita, ang panganay sa lahat ng mga nilalang;
16 sapagkat sa pamamagitan niya nilalang ang lahat ng mga bagay sa langit at sa lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga bagay na hindi nakikita, maging mga trono o mga pagka-panginoon, maging mga pinuno o mga may kapangyarihan—lahat ng mga bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at para sa kanya.
17 Siya mismo ay una sa lahat ng mga bagay, at ang lahat ng mga bagay ay nahahawakang sama-sama sa kanya.[c]
18 Siya(C) ang ulo ng katawan, ang iglesya; siya ang pasimula, ang panganay mula sa mga patay, upang siya ay maging pangunahin sa lahat ng mga bagay.
19 Sapagkat minagaling na ang buong kapuspusan ay manirahan sa kanya,
20 at(D) sa pamamagitan niya ay pagkasunduin ng Diyos sa kanyang sarili ang lahat ng mga bagay, sa lupa man o sa langit, na ginagawa ang kapayapaan sa pamamagitan ng dugo ng kanyang krus.
21 At kayo, na nang dati ay hiwalay at mga kaaway sa pag-iisip, sa pamamagitan ng masasamang gawa,
22 ay pinakipagkasundo niya ngayon sa kanyang katawang laman, sa pamamagitan ng kamatayan, upang kayo'y iharap na mga banal at walang dungis at walang kapintasan sa harapan niya,
23 kung kayo'y nagpapatuloy na matatag at matibay sa pananampalataya, at hindi nakikilos sa pag-asa sa ebanghelyo na inyong narinig, na ipinangaral sa lahat ng mga nilalang sa silong ng langit. Akong si Pablo ay naging ministro ng ebanghelyong ito.
Pagmamalasakit ni Pablo sa Iglesya
24 Ngayo'y nagagalak ako sa aking mga pagtitiis alang-alang sa inyo, at sa aking laman ay pinupunan ko ang kakulangan sa mga paghihirap ni Cristo alang-alang sa kanyang katawan, na siyang iglesya.
25 Ako'y naging ministro nito, ayon sa katungkulang ipinagkatiwala ng Diyos sa akin para sa inyo, upang lubos na maipahayag ang salita ng Diyos,
26 ang hiwaga na nakatago sa lahat ng mga panahon at mga salinlahi, ngunit ngayo'y ipinahayag sa kanyang mga banal.
27 Sa kanila'y ninais ng Diyos na ipaalam kung gaano kalaki ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng hiwagang ito sa gitna ng mga Hentil, na ito'y si Cristo na nasa inyo, na siyang pag-asa sa kaluwalhatian.
28 Siya ang aming ipinahahayag, na binabalaan ang bawat tao at tinuturuan ang bawat tao, sa buong karunungan, upang ang lahat ay maiharap naming sakdal kay Cristo.
29 Dahil dito'y nagpapagal din naman ako at nagsisikap ayon sa kanyang paggawa na gumagawa sa akin na may kapangyarihan.
2 Sapagkat ibig kong malaman ninyo kung gaano kalaki ang aking pagsisikap alang-alang sa inyo, at sa mga nasa Laodicea, at sa lahat na hindi pa nakakita sa akin nang mukhaan.
2 Upang maaliw sana ang kanilang mga puso, sa kanilang pagkakaisa sa pag-ibig, at magkaroon ang lahat ng mga kayamanan ng buong katiyakan ng pagkaunawa, at magkaroon ng kaalaman ng hiwaga ng Diyos, na si Cristo,
3 na sa kanya nakatago ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at kaalaman.
4 Ito'y sinasabi ko upang huwag kayong madaya ng sinuman sa mga pananalitang kaakit-akit.
5 Sapagkat bagaman ako'y wala sa katawan, gayunma'y nasa inyo ako sa espiritu, at nagagalak na makita ko ang inyong kaayusan, at ang katatagan ng inyong pananampalataya kay Cristo.
Kapuspusan ng Buhay kay Cristo
6 Kaya't kung paanong tinanggap ninyo si Cristo Jesus na Panginoon, ay lumakad kayong gayon sa kanya,
7 na nakaugat at nakatayo sa kanya, at matibay sa pananampalataya, gaya ng itinuro sa inyo, na sumasagana sa pasasalamat.
8 Kayo'y mag-ingat, baka sa inyo'y may bumihag sa pamamagitan ng pilosopiya at walang kabuluhang pandaraya, ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa mga simulain ng sanlibutan, at hindi ayon kay Cristo.
9 Sapagkat sa kanya'y naninirahan ang buong kapuspusan ng pagka-Diyos sa katawan,
10 at kayo'y napuspos sa kanya, na siyang ulo ng lahat ng pamunuan at kapangyarihan.
11 Sa kanya ay tinuli rin kayo ng pagtutuling hindi gawa ng mga kamay, sa pamamagitan ng paghuhubad ng katawang laman sa pagtutuli ni Cristo;
12 nang(E) ilibing kayong kasama niya sa bautismo, kayo rin ay muling binuhay na kasama niya sa pamamagitan ng pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos, na muling bumuhay sa kanya mula sa mga patay.
13 At(F) kayo'y mga patay dahil sa inyong mga kasalanan at sa di-pagtutuli ng inyong laman ay kanyang binuhay kayong kasama niya, nang ipinatawad niya sa inyo ang lahat ng mga kasalanan,
14 na(G) pinawi ang sulat-kamay[d] na laban sa atin na nasa mga tuntuning salungat sa atin, at ito'y kanyang inalis at ipinako sa krus.
15 Inalisan niya ng sandata ang mga pinuno at ang mga may kapangyarihan at sila'y ginawa niyang hayag sa madla, na nagtatagumpay sa kanila sa pamamagitan nito.
16 Kaya't(H) ang sinuman ay huwag humatol sa inyo tungkol sa pagkain at inumin, o tungkol sa kapistahan, o bagong buwan o mga araw ng Sabbath,
17 na ang mga ito ay isang anino ng mga bagay na darating, ngunit ang katawan ay kay Cristo.
18 Huwag ninyong hayaan na agawan kayo ng gantimpala sa pamamagitan ng kusang pagpapakababa at pagsamba sa mga anghel, na pinanghahawakan ang mga bagay na kanyang nakita, na nagyayabang nang walang dahilan sa pamamagitan ng kanyang makalamang pag-iisip,
19 at(I) hindi kumakapit sa Ulo, na sa kanya'y ang buong katawan, na tinutustusan at pinagsasanib sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid ay lumalago ng paglagong mula sa Diyos.
Babala Laban sa Maling Turo
20 Kung kayo'y namatay na kasama ni Cristo mula sa mga simulain ng sanlibutan, bakit kayo'y nabubuhay na parang nasa sanlibutan pa rin? Bakit kayo'y nagpapasakop sa mga alituntuning,
21 “Huwag humipo, huwag tumikim, huwag humawak”?
22 Ang lahat ng mga alituntuning ito ay masisira sa paggamit, palibhasa'y mga utos at mga aral lamang ng mga tao.
23 Ang mga bagay na ito'y mayroong anyo ng karunungan sa pagsambang ayon sa sariling kagustuhan, sa pagpapakababa, at sa pagpapahirap sa katawan, ngunit wala silang kabuluhan laban sa kalayawan ng laman.
Ang Bagong Buhay kay Cristo
3 Kung(J) kayo nga'y muling binuhay na kasama ni Cristo, ay hanapin ninyo ang mga bagay na nasa itaas, na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Diyos.
2 Ituon ninyo ang inyong pag-iisip sa mga bagay na nasa itaas, hindi sa mga bagay na nasa ibabaw ng lupa,
3 sapagkat kayo'y namatay na, at ang inyong buhay ay natatagong kasama ni Cristo sa Diyos.
4 Kapag si Cristo na inyong[e] buhay ay nahayag, ay mahahayag nga rin kayo na kasama niya sa kaluwalhatian.
5 Patayin ninyo ang anumang makalupa na nasa inyo: pakikiapid, karumihan, masamang pita, masasamang pagnanasa, at kasakiman na ito'y pagsamba sa mga diyus-diyosan.
6 Dahil sa mga bagay na ito ay dumarating ang poot ng Diyos sa mga anak ng pagsuway.[f]
7 Ang mga ito rin ang nilakaran ninyo noong una, nang kayo'y nabubuhay pa sa mga bagay na ito.
8 Ngunit ngayon ay itakuwil ninyo ang lahat ng mga ito: galit, poot, masamang pag-iisip, panlalait, at maruming pananalita mula sa inyong bibig.
9 Huwag(K) kayong magsinungaling sa isa't isa, yamang hinubad na ninyo ang dating pagkatao pati ang mga gawa nito,
10 at(L) kayo'y nagbihis na ng bagong pagkatao, na binabago sa kaalaman ayon sa larawan ng lumalang sa kanya.
11 Dito'y wala ng Griyego at Judio, tuli at di-tuli, ng barbaro, ng Scita, ng alipin, ng malaya; kundi si Cristo ang lahat at nasa lahat!
12 Bilang(M) mga hinirang ng Diyos, mga banal at minamahal, magbihis kayo ng kahabagan, ng kabaitan, ng kababaang-loob, ng kaamuan, at ng katiyagaan.
13 Pagtiisan(N) ninyo ang isa't isa, at kung ang sinuman ay may reklamo laban sa kanino man, magpatawaran kayo sa isa't isa, kung paanong pinatawad kayo ng Panginoon, ay gayundin naman ang inyong gawin.
14 At higit sa lahat ng mga bagay na ito ay magbihis kayo ng pag-ibig na siyang tali ng kasakdalan.
15 At maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na doon ay tinawag din naman kayo sa isang katawan. At kayo'y maging mapagpasalamat.
16 Manirahan(O) nawang sagana sa inyo ang salita ni Cristo ayon sa lahat ng karunungan; magturo at magpaalalahanan kayo sa isa't isa sa pamamagitan ng mga salmo at ng mga himno at mga awiting espirituwal, na umaawit na may pasasalamat sa Diyos sa inyong mga puso.
17 At anumang inyong ginagawa, sa salita, o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, na nagpapasalamat kayo sa Diyos Ama sa pamamagitan niya.
Mga Tuntunin sa mga Pamilyang Cristiano
18 Mga(P) babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa, gaya ng nararapat sa Panginoon.
19 Mga(Q) lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa at huwag kayong maging malupit sa kanila.
20 Mga(R) anak, sumunod kayo sa inyong mga magulang sa lahat ng mga bagay, sapagkat ito'y nakakalugod sa Panginoon.
21 Mga ama,(S) huwag ninyong ibunsod sa galit ang inyong mga anak, baka manghina ang loob nila.
22 Mga(T) alipin, sumunod kayo sa lahat ng mga bagay sa mga panginoon ninyo sa lupa, hindi naglilingkod kung may tumitingin, na gaya ng pagbibigay-lugod sa mga tao, kundi sa katapatan ng puso, na may takot sa Panginoon.
23 Anuman ang inyong ginagawa, ay inyong gawin ng buong puso, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao;
24 yamang inyong nalalaman na sa Panginoon ay tatanggapin ninyo ang gantimpalang mana. Paglingkuran ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo.
25 Sapagkat(U) ang gumagawa ng masama ay pagbabayarin sa kasamaang kanyang ginawa; at walang itinatanging tao.
4 Mga(V) panginoon, pakitunguhan ninyo ang inyong mga alipin nang matuwid at makatarungan, yamang nalalaman ninyo na kayo man ay mayroon ding Panginoon sa langit.
Iba Pang Tagubilin
2 Magpatuloy kayo sa pananalangin, at kayo'y magbantay na may pagpapasalamat.
3 At idalangin din ninyo kami, na buksan ng Diyos para sa amin ang pinto para sa salita, upang aming maipahayag ang hiwaga ni Cristo, na dahil din dito ako'y nakagapos,
4 upang ito'y aking maipahayag, gaya ng aking nararapat na sabihin.
5 Lumakad(W) kayo na may karunungan sa harap ng mga nasa labas, na inyong samantalahin ang pagkakataon.
6 Ang inyong pananalita nawa'y laging may biyaya, na may timplang asin, upang inyong malaman kung paano ninyo dapat sagutin ang bawat isa.
Mga Pagbati at Basbas
7 Ang(X) lahat na mga bagay tungkol sa akin ay ipababatid sa inyo ni Tiquico, na minamahal na kapatid at tapat na ministro, at kapwa alipin sa Panginoon.
8 Siya(Y) ang aking sinugo sa inyo ukol sa bagay na ito, upang malaman ninyo ang aming kalagayan, at upang kanyang pasiglahin ang inyong mga puso;
9 kasama(Z) niya si Onesimo, tapat at minamahal na kapatid, na siya'y isa sa inyo. Sila ang magbabalita sa inyo tungkol sa lahat ng mga bagay na nangyayari dito.
10 Binabati(AA) kayo ni Aristarco na kasama kong bilanggo, at ni Marcos na pinsan ni Bernabe—tungkol sa kanya'y tumanggap kayo ng mga utos—kung magpupunta siya sa inyo, siya ay inyong tanggapin,
11 at si Jesus na tinatawag na Justo. Ang mga ito lamang sa aking mga kamanggagawa sa kaharian ng Diyos ang kabilang sa pagtutuli at sila'y naging kaaliwan ko.
12 Binabati(AB) kayo ni Epafras, na isa sa inyo, na alipin ni Cristo Jesus, na siyang laging nagsisikap para sa inyo sa kanyang pananalangin, upang kayo'y tumayong sakdal at lubos na nakakatiyak sa lahat ng kalooban ng Diyos.
13 Sapagkat nagpapatotoo ako para sa kanya na siya'y labis na nagpagal para sa inyo, at sa mga nasa Laodicea, at sa mga nasa Hierapolis.
14 Binabati(AC) kayo ni Lucas, ang minamahal na manggagamot, at ni Demas.
15 Batiin ninyo ang mga kapatid na nasa Laodicea, at si Nimfa, at ang iglesyang nasa kanyang bahay.
16 At kapag nabasa na ang sulat na ito sa inyo, ay ipabasa rin ninyo sa iglesya ng mga taga-Laodicea; at basahin naman ninyo ang sulat na mula sa Laodicea.
17 At(AD) sabihin ninyo kay Arquipo, “Sikapin mong gampanan ang ministeryo na tinanggap mo sa Panginoon.”
18 Akong si Pablo ay sumusulat ng pagbating ito ng sarili kong kamay. Alalahanin ninyo ang aking mga tanikala. Sumainyo nawa ang biyaya.[g]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001