Beginning
Ang Pagtawag ng Diyos kay Abraham
12 Sinabi(A) ng Panginoon kay Abram, “Umalis ka sa iyong lupain, sa iyong mga kamag-anak, sa bahay ng iyong ama, at pumunta ka sa lupaing ituturo ko sa iyo.
2 Gagawin kitang isang malaking bansa, ikaw ay aking pagpapalain, gagawin kong dakila ang iyong pangalan, at ikaw ay magiging isang pagpapala.
3 Pagpapalain(B) ko ang magbibigay ng pagpapala sa iyo, at susumpain ko ang mga susumpa sa iyo; at sa pamamagitan mo ang lahat ng angkan sa lupa ay pagpapalain.”
4 Kaya't umalis si Abram ayon sa sinabi sa kanya ng Panginoon, at si Lot ay sumama sa kanya. Si Abram ay may pitumpu't limang taong gulang nang umalis siya sa Haran.
5 Isinama ni Abram si Sarai na kanyang asawa, at si Lot na anak ng kanyang kapatid, at ang lahat ng pag-aaring kanilang natipon at ang mga taong kanilang nakuha sa Haran; at umalis sila upang pumunta sa lupain ng Canaan at nakarating sila roon.
6 Dumaan sa lupain si Abram hanggang sa lugar ng Shekem, sa punong ensina ng More. Noon, ang mga Cananeo ay nasa lupaing iyon.
7 Nagpakita(C) ang Panginoon kay Abram, at sinabi, “Ibibigay ko ang lupaing ito sa iyong lahi.”[a] At siya'y nagtayo roon ng isang dambana sa Panginoon na nagpakita sa kanya.
8 Mula roon ay lumipat siya sa bundok na nasa silangan ng Bethel, at doon niya itinayo ang kanyang tolda, na nasa kanluran ang Bethel, at nasa silangan ang Ai. Siya'y nagtayo roon ng dambana sa Panginoon, at tinawag ang pangalan ng Panginoon.
9 Si Abram ay patuloy na naglakbay hanggang sa Negeb.[b]
Si Abram sa Ehipto
10 Nagkagutom sa lupain kaya't bumaba si Abram sa Ehipto upang manirahan doon sapagkat mahigpit ang taggutom sa lupain.
11 Nang siya'y malapit na sa Ehipto, sinabi niya kay Sarai na kanyang asawa, “Alam kong ikaw ay isang babaing maganda sa paningin;
12 at kapag nakita ka ng mga Ehipcio ay kanilang sasabihin, ‘Ito'y kanyang asawa;’ at ako'y kanilang papatayin, subalit hahayaan ka nilang mabuhay.
13 Sabihin(D) mong ikaw ay aking kapatid upang ako'y mapabuti dahil sa iyo, at upang ang buhay ko'y makaligtas dahil sa iyo.”
14 Nang dumating si Abram sa Ehipto, nakita ng mga Ehipcio na ang babae ay napakaganda.
15 Nang makita siya ng mga pinuno ng Faraon, siya'y kanilang pinuri kay Faraon, at dinala ang babae sa bahay ng Faraon.
16 At pinagpakitaan niya ng magandang loob si Abram dahil kay Sarai at nagkaroon si Abram ng mga tupa, baka, lalaking asno, aliping lalaki at alilang babae, babaing asno, at mga kamelyo.
17 Subalit pinahirapan ng Panginoon ang Faraon at ang kanyang sambahayan ng malubhang salot dahil kay Sarai na asawa ni Abram.
18 Tinawag ng Faraon si Abram, at sinabi, “Ano itong ginawa mo sa akin? Bakit hindi mo sinabi sa akin na siya'y iyong asawa?
19 Bakit mo sinabing, ‘Siya'y aking kapatid?’ na anupa't siya'y aking kinuha upang maging asawa. Kaya't ngayon, narito ang iyong asawa. Siya'y kunin mo at umalis ka.”
20 At nag-utos ang Faraon sa mga tao tungkol sa kanya, at siya'y kanilang inihatid sa daan, ang kanyang asawa, at ang lahat ng kanyang pag-aari.
Naghiwalay sina Abram at Lot
13 Umahon sa Negeb mula sa Ehipto si Abram, ang kanyang asawa, dala ang lahat ng kanyang pag-aari, at si Lot.
2 At si Abram ay napakayaman sa hayop, pilak, at ginto.
3 Nagpatuloy si Abram ng kanyang paglalakbay mula sa Negeb hanggang sa Bethel, hanggang sa dakong kinaroroonan ng kanyang tolda sa pagitan ng Bethel at ng Ai;
4 sa lugar ng dambana na kanyang ginawa roon nang una; at doon ay tinawag ni Abram ang pangalan ng Panginoon.
5 Si Lot na sumama kay Abram ay mayroon ding mga tupa, baka, at mga tolda.
6 Hindi makayanan ng lupain na sila'y manirahang magkasama sapagkat napakarami ng kanilang pag-aari.
Paghiwalay kay Lot
7 At nagkaroon ng pagtatalo ang mga pastol ng hayop ni Abram at ang mga pastol ng hayop ni Lot. Ang Cananeo at ang Perezeo ay naninirahan noon sa lupain.
8 Sinabi ni Abram kay Lot, “Huwag na tayong magkaroon ng pagtatalo, maging ang ating mga pastol, sapagkat tayo'y magkapatid.
9 Di ba nasa harapan mo ang buong lupain? Humiwalay ka sa akin. Kapag kinuha mo ang nasa kaliwa, ako ay pupunta sa kanan; o kapag kinuha mo ang nasa kanan, ako ay pupunta sa kaliwa.”
10 Inilibot(E) ni Lot ang kanyang paningin, at natanaw niya ang buong libis ng Jordan na pawang natutubigang mabuti gaya ng halamanan ng Panginoon, gaya ng lupain ng Ehipto, sa gawi ng Zoar; ito ay bago winasak ng Panginoon ang Sodoma at Gomorra.
11 Kaya't pinili ni Lot para sa kanya ang buong libis ng Jordan; at si Lot ay naglakbay sa silangan at sila'y kapwa naghiwalay.
12 Nanirahan si Abram sa lupain ng Canaan, at si Lot ay nanirahan sa mga bayan ng libis, at inilipat ang kanyang tolda hanggang sa Sodoma.
13 Ang mga tao nga sa Sodoma ay napakasama at makasalanan sa harap ng Panginoon.
Nagtungo si Abram sa Hebron
14 Sinabi ng Panginoon kay Abram pagkatapos na humiwalay si Lot sa kanya, “Itaas mo ngayon ang iyong paningin, at tumanaw ka mula sa dakong iyong kinalalagyan, sa dakong hilaga, timog, silangan, at sa kanluran;
15 sapagkat(F) ang buong lupaing natatanaw mo ay ibibigay ko sa iyo, at sa iyong binhi magpakailanman.
16 Gagawin kong parang alabok ng lupa ang iyong binhi, at kung mabibilang ng sinuman ang alabok ng lupa, ang iyong binhi ay mabibilang din.
17 Tumindig ka! Lakarin mo ang lupain, ang kanyang haba at luwang sapagkat ibibigay ko ito sa iyo.”
18 At inilipat ni Abram ang kanyang tolda, at humayo at nanirahan sa gitna ng mga punong ensina ni Mamre na nasa Hebron, at siya'y nagtayo roon ng dambana sa Panginoon.
Iniligtas ni Abram si Lot
14 Nang mga araw ni Amrafel, hari ng Shinar, ni Arioc na hari ng Elasar, ni Kedorlaomer na hari ng Elam, at ni Tidal na hari ng mga Goiim,
2 ang mga ito ay nakipagdigma laban kay Bera na hari ng Sodoma, kay Birsha na hari ng Gomorra, kay Shinab na hari ng Adma, kay Shemeber na hari ng Zeboyin, at ng hari sa Bela na si Zoar.
3 Silang lahat ay nagsama-sama sa libis ng Siddim na siyang Dagat na Patay.
4 Labindalawang taon silang naglingkod kay Kedorlaomer, at sa ikalabintatlong taon ay naghimagsik.
5 Sa ikalabing-apat na taon ay dumating si Kedorlaomer at ang mga haring kasama niya, at nilupig ang mga Refaim sa Astarot-carnaim, ang mga Zuzita sa Ham, ang mga Emita sa Save-Kiryataim,
6 at ang mga Horeo sa kanilang kabundukan ng Seir hanggang Elparan na nasa tabi ng ilang.
7 Pagkatapos, sila'y bumalik at tumungo sa Enmispat (na siyang Kadesh), at kanilang nilupig ang buong lupain ng mga Amalekita at pati ng mga Amoreo na nakatira sa Hazazon-tamar.
8 At lumabas ang mga hari ng Sodoma, Gomorra, Adma, Zeboyin, Bela na si Zoar; at sila'y sumama sa pakikidigma sa libis ng Siddim
9 laban kay Kedorlaomer na hari ng Elam, kay Tidal na hari ng mga Goiim, kay Amrafel na hari ng Shinar, at kay Arioc na hari ng Elasar; apat na hari laban sa lima.
10 Ang libis ng Siddim ay punô ng hukay ng betun, at nang tumakas ang mga hari ng Sodoma at ng Gomorra, ang ilan ay nahulog doon, at ang natira ay tumakas sa kabundukan.
11 At kanilang sinamsam ang lahat ng pag-aari at pagkain ng Sodoma at Gomorra, at saka umalis.
12 Dinala nila si Lot na anak ng kapatid ni Abram, na nakatira sa Sodoma, at ang kanyang mga pag-aari at sila'y umalis.
13 At dumating ang isang nakatakas at ibinalita kay Abram na Hebreo na naninirahan sa mga puno ng ensina ni Mamre na Amoreo, kapatid nina Escol at Aner. Ang mga ito ay mga kakampi ni Abram.
14 Nang marinig ni Abram na nabihag ang kanyang kamag-anak, pinangunahan niya ang kanyang tatlong daan at labingwalong mga sanay na tauhan na ipinanganak sa kanyang bahay, at kanilang hinabol sila hanggang sa Dan.
15 Kinagabihan, sila'y nagpangkat-pangkat laban sa kaaway, siya at ang kanyang mga alipin, at sila'y kanilang ginapi at hinabol sila hanggang sa Hoba na nasa hilaga ng Damasco.
16 At iniuwi niya ang lahat ng pag-aari, gayundin si Lot na kanyang kamag-anak at ang kanyang mga pag-aari, at ang mga kababaihan at ang taong-bayan.
Binasbasan ni Melquizedek si Abram
17 Siya'y sinalubong ng hari ng Sodoma pagkatapos na siya'y bumalik mula sa pagkatalo ni Kedorlaomer, at sa mga haring kasama niya sa libis ng Shave (na siyang libis ng hari).
18 At(G) si Melquizedek, hari ng Salem na pari ng Kataas-taasang Diyos,[c] ay naglabas ng tinapay at alak.
19 Siya'y kanyang binasbasan na sinabi, “Pagpalain si Abram ng Kataas-taasang Diyos, na lumikha ng langit at ng lupa;
20 at purihin ang Kataas-taasang Diyos, na nagbigay ng iyong mga kaaway sa iyong kamay.” At binigyan siya ni Abram ng ikasampung bahagi ng lahat.
21 Sinabi ng hari ng Sodoma kay Abram, “Ibigay mo sa akin ang mga tao at kunin mo ang mga ari-arian para sa iyong sarili.”
22 Sinabi ni Abram sa hari ng Sodoma, “Ako'y sumumpa sa Panginoong Diyos na Kataas-taasan, na lumikha ng langit at ng lupa,
23 na hindi ako kukuha kahit isang sinulid, o isang panali ng sandalyas, o ng anumang para sa iyo, baka iyong sabihin, ‘Pinayaman ko si Abram.’
24 Wala akong kukunin, maliban sa kinain ng mga kabataang lalaki at ang bahagi ng mga lalaking sumama sa akin—sina Aner, Escol, at Mamre. Ibigay mo sa kanila ang kanilang bahagi.”
Ang Tipan ng Diyos kay Abram
15 Pagkatapos ng mga bagay na ito, dumating ang salita ng Panginoon kay Abram sa isang pangitain, “Huwag kang matakot, Abram; ako ang iyong kalasag, ang iyong gantimpala ay magiging napakadakila.”
2 Ngunit sinabi ni Abram, “O Panginoong Diyos, anong ibibigay mo sa akin, yamang ako'y patuloy na walang anak at ang tagapagmana ng aking bahay ay si Eliezer ng Damasco?”
3 At sinabi ni Abram, “Hindi mo ako binigyan ng anak at isang alipin na ipinanganak sa aking bahay ang magiging tagapagmana ko.”
4 Ngunit ang salita ng Panginoon ay dumating sa kanya, “Hindi ang taong ito ang magiging tagapagmana mo; ang iyong sariling anak ang magiging tagapagmana mo.”
5 Siya'y(H) dinala niya sa labas at sinabi, “Tumingala ka ngayon sa langit, at iyong bilangin ang mga bituin, kung mabibilang mo.” At sinabi sa kanya, “Magiging ganyan ang iyong binhi.”
6 Sumampalataya(I) siya sa Panginoon; at ito'y ibinilang na katuwiran sa kanya.
7 At sinabi niya sa kanya, “Ako ang Panginoon na nagpaalis sa iyo sa Ur ng mga Caldeo, upang ibigay sa iyo ang lupaing ito para angkinin.”
8 Sinabi niya, “O Panginoong Diyos, paano ko malalaman na mamanahin ko iyon?”
9 At sinabi sa kanya, “Magdala ka rito ng isang dumalagang bakang tatlong taon ang gulang, isang babaing kambing na tatlong taon ang gulang, isang lalaking tupang tatlong taon ang gulang, isang inakay na batu-bato, at isang inakay na kalapati.”
10 Dinala niya ang lahat ng ito sa kanya at hinati niya sa gitna, at kanyang inihanay na magkakatapat ang isa't isa subalit hindi niya hinati ang mga ibon.
11 Nang bumaba ang mga ibong mandaragit sa mga bangkay, ang mga iyon ay binugaw ni Abram.
12 Nang(J) lulubog na ang araw, nakatulog si Abram nang mahimbing; isang makapal at nakakatakot na kadiliman ang dumating sa kanya.
13 Sinabi(K) ng Panginoon kay Abram, “Tunay na dapat mong malaman na ang iyong binhi ay magiging taga-ibang bayan sa lupaing hindi kanila, at sila'y magiging mga alipin doon, at sila'y pahihirapan sa loob ng apatnaraang taon;
14 ngunit(L) ang bansang kanilang paglilingkuran ay aking hahatulan; at pagkatapos ay aalis sila na may malaking ari-arian.
15 Subalit ikaw ay payapang tutungo sa iyong mga ninuno, at ikaw ay malilibing sa panahong lubos na ang iyong katandaan.
16 Sa ikaapat na salin ng iyong binhi, muli silang babalik rito sapagkat hindi pa nalulubos ang kasamaan ng mga Amoreo.”
17 Nang lumubog na ang araw at madilim na, isang hurnong umuusok at ang isang tanglaw na nagniningas ang dumaan sa gitna ng mga hinating hayop.
18 Nang(M) araw na iyon, ang Panginoon ay nakipagtipan kay Abram, na sinasabi, “Ibinigay ko ang lupaing ito sa iyong binhi, mula sa ilog ng Ehipto hanggang sa malaking ilog, ang Ilog Eufrates,
19 ang lupain ng mga Kineo, Kenizeo, at ng mga Cadmoneo,
20 ng mga Heteo, Perezeo, at Refaim,
21 at ng mga Amoreo, Cananeo, Gergeseo, at ng mga Jebuseo.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001