Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 80:7-15

Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
    tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!
Mula sa Egipto ikaw ay naglabas ng puno ng ubas, saka itinanim
    sa lupang dayuhan, matapos ang tao roo'y palayasin.
Ngunit nilinis mo muna't pinagyaman ang piniling lugar na pagtataniman,
    doon ay nag-ugat, ang buong lupain ay nalaganapan.
10 Nagsanga ang puno, lumagong mabuti at ang kabunduka'y kanyang naliliman,
    mga punong sedar, naliliman pati ng sangang malabay.
11 Hanggang sa ibayo, sa ibayong dagat, ang sangang malabay nito'y nakaabot,
    pati mga ugat humabang mabuti't umabot sa Ilog.
12 Bakit mo sinira? Sinira ang pader, kung kaya napasok nitong dumaraan,
    pinipitas tuloy yaong bunga nitong tanim na naturan.
13 Mga baboy damong nagmula sa gubat, niluluray itong walang pakundangan,
    kinakain ito ng lahat ng hayop na nasa sa parang.

14 Ika'y manumbalik, O Diyos na Dakila!
    Pagmasdan mo kami mula sa itaas,
    at ang punong ito'y muling pagyamanin, at iyong iligtas.
15 Lumapit ka sana, ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas,
    yaong punong iyon na pinalago mo't iyong pinalakas!

Jeremias 2:23-37

23 Masasabi mo bang hindi nadumihan ang iyong sarili,
    at hindi ka sumamba sa diyus-diyosang si Baal?
Napakalaki ng kasalanang nagawa mo doon sa libis.
Para kang batang kamelyo na hindi mapigilan,
    takbo nang takbo at nagwawala.
24 Tulad mo'y babaing asno na masidhi ang pagnanasa;
    walang makapigil kapag ito'y nag-iinit.
Hindi na dapat mag-alala ang lalaking asno;
    ika'y nakahanda sa lahat ng oras.
25 Israel, huwag mong bayaan na ika'y magyapak
    o matuyo ang lalamunan at mamalat.
Ngunit ang tugon mo, ‘Ano pa ang kabuluhan?
    Mahal ko ang ibang mga diyos,
    at sila ang aking sasambahin at paglilingkuran.’

Nararapat Parusahan ang Israel

26 “Tulad ng magnanakaw na napapahiya kapag nahuli, kayong lahat na sambahayan ni Israel ay mapapahiyang gaya niya; ang inyong mga hari at mga pinuno, mga pari at mga propeta. 27 Mapapahiya kayong lahat na nagsasabi sa punongkahoy, ‘Ikaw ang aking ama,’ at sa bato, ‘Ikaw ang aking ina.’ Mangyayari ito sapagkat itinakwil ninyo ako, sa halip na kayo'y maglingkod sa akin. Ngunit kung kayo naman ay naghihirap, hinihiling ninyong iligtas ko kayo.

28 “Nasaan ang mga diyus-diyosang inyong ginawa? Tingnan natin kung kayo'y maililigtas nila sa oras ng inyong pangangailangan. Juda, sindami ng iyong lunsod ang iyong mga diyos. 29 Akong si Yahweh ay nagtatanong, ano ang isusumbat ninyo sa akin? Lahat kayo'y mga suwail. Wala na kayong ginawa kundi kalabanin ako! 30 Pinarusahan ko kayo, ngunit di rin kayo nagbago. Para kayong mababangis na leon, pinagpapatay ninyo ang inyong mga propeta. 31 Pakinggan ninyong mabuti ang sinasabi ko. Wala ba kayong napakinabangan sa akin? Ako ba'y naging parang tigang na lupa sa inyo? Bakit sinasabi ninyong malaya na kayong gawin ang inyong maibigan, at hindi na kayo babalik sa akin? 32 Malilimutan ba ng dalaga ang kanyang mga alahas, o ng babaing ikakasal ang kanyang damit pangkasal? Subalit ako'y kinalimutan ng sarili kong bayan nang napakahabang panahon. 33 Alam mo kung paano aakitin ang mga lalaki. Talo mo pa ang masasamang babae sa iyong paraan. 34 Ang kasuotan mo'y tigmak sa dugo ng dukha at walang malay, sa dugo ng mga taong kailanman ay hindi pumasok sa iyong tahanan.

“Subalit sa kabila ng lahat ng ito'y sinasabi mo, 35 ‘Wala akong kasalanan; hindi na galit sa akin si Yahweh.’ Ngunit akong si Yahweh ang magpaparusa sa iyo sapagkat sinasabi mong hindi ka nagkasala. 36 Bakit kay dali mong magpalit ng kaibigan? Bibiguin ka ng Egipto, tulad ng ginawa sa iyo ng Asiria. 37 Mabibigo ka rin sa Egipto, iiwan mo siyang taglay ang kahihiyan. Sapagkat itinakwil ni Yahweh ang iyong pinagkatiwalaan, at hindi ka nila mabibigyan ng tagumpay.”

Filipos 2:14-18

14 Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang walang reklamo at pagtatalo, 15 upang(A) kayo'y maging mga ulirang anak ng Diyos, matuwid at walang kapintasan sa gitna ng sanlibutang baluktot at masama. Sa gayon, magsisilbi kayong mga ilaw sa kanila, tulad ng mga bituing nagniningning sa kalangitan, 16 habang ipinapahayag ninyo ang salitang nagbibigay-buhay. Sa gayon, sa Araw ni Cristo ay maipagmamalaki kong hindi nawalan ng kabuluhan ang mga hirap at pagod ko sa inyo.

17 Kung ang buhay ko ma'y ibuhos bilang handog para sa inyong paglilingkod at pananampalataya sa Diyos, ako'y natutuwa at ang puso ko'y nakikigalak sa inyo. 18 Kaya magalak din kayo at bahaginan ninyo ako ng inyong kagalakan.

Filipos 3:1-4

Ang Tunay na Pagiging Matuwid

Sa wakas, mga kapatid, magalak kayo sa Panginoon. Hindi kaabalahan para sa akin na ulitin ang naisulat ko na, dahil ito naman ay para sa inyong kapakanan.

Mag-ingat kayo sa mga taong asal-aso, sa mga taong mahilig sa paggawa ng masama. Sila'y mga taong naghihiwa ng maselang bahagi ng kanilang katawan. Tayo at hindi sila, ang tumanggap ng tunay na pagtutuli, tayong mga sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang Espiritu. Ang ipinagmamalaki natin ay ang ating buhay kay Cristo Jesus at hindi tayo umaasa sa mga pisikal na bagay.

Ang totoo, ako'y may sapat na dahilan upang panghawakan ang mga pisikal na bagay. Kung iniisip ninuman na siya'y may katuwirang umasa sa ganitong mga bagay, lalo na ako.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.