Revised Common Lectionary (Complementary)
7 “Ikaw, Ezekiel, ang ginagawa kong bantay ng Israel; anumang marinig mo sa akin ay sabihin mo sa kanila bilang babala. 8 Kapag sinabi ko sa taong masama na siya'y mamamatay at di mo ito ipinaalam sa kanya upang makapagbagong-buhay, mamamatay nga siya sa kanyang kasamaan ngunit pananagutan mo ang kanyang kamatayan. 9 Ngunit kapag binigyan mo ng babala ang masama gayunma'y hindi pa rin ito nagbagong-buhay, mamamatay siyang makasalanan ngunit wala kang dapat panagutan.”
Tungkulin ng Bawat Isa
10 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa mga Israelita ang inuulit-ulit nilang sila'y nagumon na sa kasamaan kaya hindi na sila mabubuhay. 11 Sabihin mong ipinapasabi ko na akong si Yahweh, ang buháy na Diyos, ay hindi nasisiyahan na ang sinuma'y mamatay sa kanyang kasamaan; nais kong siya'y magbagong-buhay. Sabihin mo ngang magbagong-buhay sila pagkat di sila dapat mamatay sa kanilang kasamaan.
Panalangin Upang Makaunawa
(He)
33 Ituro mo, O Yahweh, layunin ng kautusan,
at iyon ang susundin ko habang ako'y nabubuhay.
34 Ituro mo ang batas mo't sisikapin kong masunod,
buong pusong iingatan at susundin ko nang lubos.
35 Sa pagsunod sa utos mo, ako'y iyong pangunahan,
pagkat dito nakakamtan ang ligayang inaasam.
36 Itulot mong hangarin ko na sundin ang iyong utos,
higit pa sa paghahangad na yumaman akong lubos.
37 Ilayo mo ang pansin ko sa bagay na walang saysay;
at ayon sa pangako mo'y pagpalain akong tunay.
38 Tuparin mo ang pangakong ginawa sa iyong lingkod,
ang pangako sa lahat ng sa iyo ay natatakot.
39 Iligtas mo ang lingkod mo sa sinumang mapang-uyam,
sa mabuting tuntunin mo, humahanga akong tunay!
40 Ang lahat ng tuntunin mo, ang hangad ko'y aking sundin,
pagkat ikaw ay matuwid, kaya ako'y pagpalain.
Mga Tungkulin sa Kapwa
8 Huwag kayong magkaroon ng sagutin kaninuman, maliban na kayo'y magmahalan sa isa't isa, sapagkat ang nagmamahal sa kapwa ay nakatupad na sa Kautusan. 9 Ang(A) mga utos gaya ng, “Huwag kang mangangalunya; huwag kang papatay; huwag kang magnanakaw; huwag mong pagnanasaang maangkin ang pag-aari ng iba;” at alinmang utos na tulad ng mga ito ay nauuwing lahat sa iisang utos, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” 10 Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman, kaya't ang pag-ibig ang katuparan ng Kautusan.
11 Gawin ninyo ito, dahil alam ninyong panahon na upang gumising kayo. Ang pagliligtas sa atin ay higit nang malapit ngayon kaysa noong tayo'y unang sumampalataya sa Panginoon. 12 Namamaalam na ang gabi at malapit nang lumiwanag. Layuan na natin ang lahat ng masasamang gawain at italaga natin ang sarili sa paggawa ng mabuti.[a] 13 Mamuhay tayo sa liwanag at huwag gugulin ang panahon sa magulong pagsasaya at paglalasing, kahalayan at kalaswaan, sa alitan at inggitan. 14 Gawin ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo bilang sandata at huwag ninyong pagbigyan ang laman upang masunod ang mga hilig nito.
Kung Magkasala ang Isang Kapatid
15 “Kung(A) magkasala [sa iyo][a] ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan tungkol sa kanyang kamalian. Kapag nakinig siya sa iyo, naibalik mo na ang inyong pagsasamahan bilang magkapatid. 16 Ngunit(B) kung ayaw niyang makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. 17 Kung ayaw niyang makinig sa kanila, sabihin mo sa iglesya ang nangyari. At kung ayaw pa rin niyang makinig sa iglesya, ituring mo siyang parang Hentil o isang maniningil ng buwis.”
Kapangyarihang Magbawal o Magpahintulot
18 “Tandaan(C) ninyo: anumang ipagbawal ninyo dito sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot ninyo dito sa lupa ay ipahihintulot sa langit.
19 “Tandaan din ninyo: kung ang dalawa sa inyo ay nagkaisa dito sa lupa sa paghingi ng anuman, ito'y ipagkakaloob sa inyo ng aking Ama na nasa langit. 20 Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon sa pangalan ko, naroon akong kasama nila.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.