Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin Upang Makaunawa
(He)
33 Ituro mo, O Yahweh, layunin ng kautusan,
at iyon ang susundin ko habang ako'y nabubuhay.
34 Ituro mo ang batas mo't sisikapin kong masunod,
buong pusong iingatan at susundin ko nang lubos.
35 Sa pagsunod sa utos mo, ako'y iyong pangunahan,
pagkat dito nakakamtan ang ligayang inaasam.
36 Itulot mong hangarin ko na sundin ang iyong utos,
higit pa sa paghahangad na yumaman akong lubos.
37 Ilayo mo ang pansin ko sa bagay na walang saysay;
at ayon sa pangako mo'y pagpalain akong tunay.
38 Tuparin mo ang pangakong ginawa sa iyong lingkod,
ang pangako sa lahat ng sa iyo ay natatakot.
39 Iligtas mo ang lingkod mo sa sinumang mapang-uyam,
sa mabuting tuntunin mo, humahanga akong tunay!
40 Ang lahat ng tuntunin mo, ang hangad ko'y aking sundin,
pagkat ikaw ay matuwid, kaya ako'y pagpalain.
Ang Tungkulin ng Bantay
33 Sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Ezekiel, anak ng tao, ito ang sabihin mo sa iyong mga kababayan: Kapag ipinasasalakay ko ang isang bayan, sila ay kailangang pumili ng isang bantay. 3 Kapag natanawan nito ang sasalakay sa kanila, hihipan niya ang trumpeta bilang babala sa mga tao. 4 Sinumang makarinig sa babala ngunit nagsawalang-bahala at napatay ng mga kaaway, walang pananagutan ang bantay sa kanilang kamatayan. 5 Kasalanan na nila kung mamatay sila sapagkat hindi nila pinansin ang babala; maliligtas sana sila kung sila'y nakinig. 6 Ngunit kung hindi hinipan ng bantay ang trumpeta pagkakita niya sa mga sasalakay at may napatay na kanyang kababayan, ito ay pananagutan niya.
Paparusahan ang mga Mapagkunwari(A)
29 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nagpapagawa kayo ng libingan para sa mga propeta, at pinapaganda ang mga puntod ng mga taong namuhay nang matuwid. 30 Sinasabi pa ninyo, ‘Kung kami sana'y nabuhay sa kapanahunan ng aming mga ninuno, hindi kami makikiisa sa pagpatay sa mga propeta.’ 31 Sa sinabi ninyong iyan, inaamin ninyong kayo'y mga anak ng mga pumaslang sa mga propeta! 32 Sige! Tapusin ninyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno! 33 Mga(B) ahas! Lahi ng mga ulupong! Hindi kayo makakaiwas na maparusahan sa impiyerno! 34 Kaya nga, magsusugo ako sa inyo ng mga propeta, mga matatalinong tao at mga tagapagturo! Papatayin ninyo ang ilan sa kanila, at ang iba'y ipapako sa krus. Ang iba'y hahagupitin ninyo sa inyong mga sinagoga at uusigin sa bayan-bayan. 35 Kaya(C) nga, paparusahan kayo dahil sa pagkamatay ng lahat ng taong pinatay na walang sala, magmula kay Abel hanggang kay Zacarias na anak ni Baraquias. Pinaslang ninyo si Zacarias sa pagitan ng Templo at ng dambanang sunugan ng mga handog. 36 Tandaan ninyo: ang parusa sa lahat ng mga pagpatay na iyon ay babagsak sa salinlahing ito.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.