Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Kabutihan ni Yahweh sa Israel
106 Purihin(A) si Yahweh!
Pasalamatan siya sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
2 Sinong mangangahas upang magpahayag na siya'y dakila?
Sino ang pupuri at magpapahayag ng kanyang ginawa?
3 At dapat magalak ang sinumang tao na makatarungan,
na gawang matuwid ang adhika sa buo niyang buhay.
4 Tulungan mo ako, kapag ang bayan mo'y iyong nagunita,
sa pagliligtas mo, ang abâ mong lingkod isama mo sana;
5 upang makita ko ang pag-unlad nila na iyong hinirang,
kasama ng iyong bansang nagagalak, ako'y magdiriwang.
6 Nagkasala kami, tulad ng ginawa ng aming magulang,
ang aming ginawa'y tunay na di tama, pawang kasamaan.
7 Ang(B) magulang namin nang nasa Egipto, di nagpahalaga sa kahanga-hangang mga ginawa mong kanilang nakita;
ni hindi pinansin ang iyong pag-ibig na walang kagaya,
bagkus ang ginawa sa Dagat na Pula'y[a] nilabanan ka pa.
8 Sa kabila nito, gaya ng pangako, sila'y iniligtas,
upang ipadama na ang Panginoo'y dakila't malakas.
9 Nang(C) siya'y mag-utos, ang Dagat na Pula[b] ay natuyong bigla,
sila'y itinawid na ang dinaanan ay tuyo nang lupa.
10 Sila'y iniligtas sa pagpapahirap ng mga kaaway,
iniligtas sila sa kapangyariha't lakas ng kalaban.
11 Yaong nagsihabol, pawang nangalunod sa gitna ng dagat,
lahat sa kanila'y nilulon ng tubig, walang nakaligtas.
12 Nang(D) ito'y nakita, niyong mga lingkod mo na bayang hinirang,
sila'y naniwala sa iyong pangako at nagpuring tunay.
Nakuha ni Jacob ang Pagpapala
27 Si Isaac ay matanda na at halos hindi na makakita, kaya ipinatawag niya si Esau, ang anak niyang panganay. 2 Sinabi niya rito, “Anak, matanda na ako at malapit nang mamatay. 3 Pumunta ka sa parang at mangaso. Ihuli mo ako ng hayop 4 at lutuin ang putahing gusto ko. Pagkakain ko'y igagawad ko sa iyo ang aking basbas bago ako mamatay.”
5 Nakikinig pala si Rebeca samantalang kinakausap ni Isaac si Esau. Kaya't nang umalis ito upang sundin ang bilin ng ama, 6 tinawag ni Rebeca si Jacob at sinabi, “Narinig ko ang sinabi ng iyong ama kay Esau: 7 ‘Ihuli mo ako ng hayop at lutuin mo para sa akin. Pagkakain ko, babasbasan kita sa harapan ni Yahweh bago ako mamatay.’ 8 Kaya't ganito ang gawin mo, anak: 9 Kumuha ka agad ng dalawang kambing na mataba at iluluto ko para sa iyong ama. Ipaghahanda ko siya ng pagkaing gustung-gusto niya, 10 at ipakain mo sa kanya upang ikaw ang mabigyan ng basbas bago siya mamatay!”
11 Ngunit sumagot si Jacob sa kanyang ina, “Balbon po si Esau, samantalang ako'y hindi. 12 Malalaman ng aking ama na nililinlang ko siya kapag ako'y kanyang nahipo; susumpain niya ako sa halip na basbasan.”
13 Sumagot ang ina, “Hayaan mong sa akin tumalab ang anumang sumpa niya. Basta't sumunod ka, anak; ako na ang bahala. Kumuha ka na ng kambing.” 14 Kumuha nga si Jacob ng kambing, at iniluto ng kanyang ina ang putahing gustung-gusto ng kanyang ama. 15 Binihisan ni Rebeca si Jacob ng pinakamagarang damit ni Esau na nakatabi sa bahay. 16 Ang mga braso at leeg ni Jacob na walang balahibo'y binalutan niya ng balat ng kambing. 17 Pagkatapos, ipinadala sa anak ang putahe na may kasama pang tinapay na niluto rin niya.
18 Lumapit si Jacob kay Isaac. “Ama!” sabi niya.
“Sino ka ba?” tanong nito.
19 “Ako po si Esau,” sagot ni Jacob. “Nagawa ko na po ang inyong iniuutos sa akin. Narito na po ang gusto ninyong pagkain; bumangon na kayo at kainin na ninyo ito nang ako'y mabasbasan na ninyo pagkatapos.”
20 “Napakadali mo naman yatang nakahuli?” tanong ni Isaac.
“Tinulungan po ako ni Yahweh na inyong Diyos,” sagot ni Jacob.
21 Nagtanong muli si Isaac, “Ikaw ba talaga si Esau? Lumapit ka nga rito nang matiyak ko kung ikaw nga.” 22 Lumapit naman si Jacob at siya'y hinawakan ng ama. “Kay Jacob ang tinig ngunit ang bisig ay parang kay Esau!” wika ni Isaac. 23 Hindi niya nakilala si Jacob, sapagkat ang mga bisig nito'y mabalahibo ring tulad ng kay Esau. Babasbasan na sana ni Isaac si Jacob, 24 ngunit muli pang nagtanong, “Ikaw nga ba si Esau?”
“Ako nga po,” tugon ni Jacob.
25 Kaya't sinabi ni Isaac, “Kung gayon, akin na ang pagkain at pagkakain ko'y babasbasan kita.” Iniabot ni Jacob ang pagkain at binigyan din niya ng alak. 26 “Halika anak, at hagkan mo ako,” sabi ng ama. 27 Nang(A) lumapit si Jacob upang hagkan ang ama, naamoy nito ang kanyang kasuotan, kaya't siya'y binasbasan:
“Ang masamyong halimuyak ng anak ko,
ang katulad ay samyo ng kabukirang si Yahweh ang nagbasbas;
28 Bigyan ka nawa ng Diyos, ng hamog buhat sa itaas,
upang tumaba ang lupa mo't ikaw nama'y makaranas
ng saganang pag-aani at katas ng ubas.
29 Hayaan(B) ang mga bansa'y gumalang at paalipin;
bilang pinuno, ikaw ay kilalanin.
Igagalang ka ng mga kapatid mo,
mga anak ng iyong ina ay yuyuko sa iyo.
Sila nawang sumusumpa sa iyo ay sumpain din,
ngunit ang nagpapala sa iyo ay pagpalain.”
Mga Pangungumusta
16 Itinatagubilin ko sa inyo ang ating kapatid na si Febe, na isang tagapaglingkod ng iglesya sa Cencrea. 2 Tanggapin ninyo siya alang-alang sa Panginoon, gaya ng nararapat gawin sa mga hinirang ng Diyos. Tulungan ninyo siya sa anumang pangangailangan niya sapagkat marami siyang natulungan, at ako'y isa sa mga iyon.
3 Ikumusta(A) ninyo ako kina Priscila at Aquila na mga kamanggagawa ko kay Cristo Jesus. 4 Itinaya nila ang kanilang sarili sa panganib upang iligtas ang aking buhay, at hindi lamang ako ang nagpapasalamat sa kanila, pati na rin lahat ng iglesya ng mga Hentil. 5 Ikumusta rin ninyo ako sa iglesyang nagtitipon sa kanilang bahay.
Ipaabot din ninyo ang aking pangungumusta sa mahal kong kaibigang si Epeneto na siyang unang sumampalataya kay Cristo doon sa Asia. 6 Ikumusta ninyo ako kay Maria na matiyagang naglilingkod para sa inyo. 7 Ikumusta ninyo ako sa mga kababayan kong sina Andronico at Junia,[a] na nakasama ko sa bilangguan; sila'y kilala ng mga apostol[b] at naunang naging Cristiano kaysa sa akin.
8 Ikumusta ninyo ako kay Ampliato na aking minamahal sa Panginoon, 9 kay Urbano, na kamanggagawa natin kay Cristo, at sa mahal kong kaibigang si Estaquis. 10 Ikumusta din ninyo ako kay Apeles na subok ang katapatan kay Cristo, sa pamilya ni Aristobulo, 11 sa kababayan kong si Herodion, at sa mga kapatid sa Panginoon sa sambahayan ni Narciso.
12 Gayundin kina Trifena at Trifosa na mga lingkod ng Panginoon, at sa mahal kong kaibigang si Persida, na marami nang nagawa para sa Panginoon. 13 Binabati(B) ko rin si Rufo na magiting na lingkod ng Panginoon, at ang kanyang ina na para ko na ring ina; 14 gayundin sina Asincrito, Flegonte, Hermes, Patrobas, Hermas, at sa mga kapatid na kasama nila. 15 Binabati ko rin sina Filologo, Julia, Nereo at ang kanyang kapatid na babae; gayundin si Olimpas at ang lahat ng kapatid na kasama nila.
16 Magbatian kayo bilang magkakapatid na nagmamahalan.[c] Binabati kayo ng lahat ng mga iglesya ni Cristo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.